* * *
"KISAME lV"
* * *
Pakapal na ng pakapal ang itim na usok ang lumalabas mula sa k'warto ni Candy. Hindi na siya kumikilos, parang tinatanggap na niya sa sarili na katapusan na nila mag-iina. Tanging dasal na lang ang kanyang nagawa. Yakap ang bunsong anak at nasa likod naman ang kanyang panganay.
Humihikbi na ng iyak ang panganay na si Josephine, iniinda na nito ang hirap sa paghinga. Umupo sa sahig ang ina na si Candy at ibinaba ang panganay na anak at inihiga sa sahig na baldosa, malamig ang sahig na gawa sa baldosa. Kaya ang ginawa ni Candy ay inilipat niya si Josephine sa kanape at iniwan saglit ang anak na si Thea. Nang maihiga na ang anak na si Josephine, binalikan na niya ang anak na si Thea at sa kanyang pagbalik. Wala na ang anak sa sahig.
"THEAAAAA!" Sigaw niya.
Napatingin sa kanya ang mga maliliit na ibon, nanlaki ang mata ni Candy at bumilis ang t***k ng kanyang puso ng makita ang anak na si Thea na pinagtutuka ng mga ibon na pumasok sa kanyang bahay. Kaya kumuha siya ng asin sa kusina para isaboy sa mga maliliit na ibon.
Habang sinasaboy ni Candy ang asin na kinuha ay may kung anong usok ang lumalabas sa katawan ng mga ibon at umaalis ang mga ito. Nakaisip si Candy kung paano niya mapapalayas ang mga ibon. Bumalik siya sa kusina para kumuha pa ng asin. Subalit isang baso lang ang dami ng asin na meron siya, kulang para maitaboy ang sandamakmak na mga maliliit na ibon.
Mainam na rin 'yon para kahit papaano ay mabawasan ang mga hindi pangkaraniwang nilalang na nasa loob ng kanyang bahay. Habang sinasaboy ang asin sa mga ibon ay agad siyang lumapit para kuhanin ang anak na si Thea, duguan na ang bata ay maraming tuka sa iba't ibang parte ng katawan. Nanlumo ang ina sa nangyari sa anak, patuloy niyang iniisip kung bakit nangyayari sa kanila ang mga ganung pangyayari. Niyakap ni Candy ang bunsong anak at nag-iiyak siya.
* * *
Malapit na makarating ang itim na usok sa baba ng kanyang bahay. May naaaninag siyang paa sa bandang gitna ng itim na usok na parang gumagapang pababa sa hagdanan. At ang mga ibon na hindi tumuka sa kanyang anak na nakaharang sa pintuan ay lumipat ng p'westo at dumapo ang mga ito sa hawakan ng hagdanan sa may gilid, para silang nagbibigay pugay sa taong pababa ng hagdan, nakanganga at tulala ng sandaling 'yon si Candy, sige siya dukot sa baso--subalit wala ng lamang asin ang baso. Naubos na ang lahat ng asin na naitabi niya.
Atungal ng aso ang umalingawngaw pagkababa ng itim na usok mula sa taas. Paa lang ang nakikita ni Candy, walang malay ang kanyang dalawang anak ng sandaling 'yon. Pum'westo siya sa harap ng mga anak. Nanginginig ang buong katawan ni Candy, pinangingilabutan siya habang tinitignan ang itim na paa na nasa loob ng usok.
"S-s-sino ka? T-t-toyang?" nagagatol niyang tanong.
Huminto sa paglalakad ang paa na nababalutan ng itim na usok at humarang ito sa pintuan, kung saan maaring makalabas sila Candy. Kung kanina ay mga maliliit na itim na ibon ang nakaharang, ngayon itim na usok naman ang nakaharap sa pintuan ng kanilang bahay.
"Pa pa ta yin ko kayo!"
Malaking boses ang nagsasabi na papatayin sila. Pumupulot ng kahit anong bagay si Candy para ibato sa itim na usok, subalit bumabalik 'yon sa kanya. Mabuti na lang at nakakailag siya. Malakas ang p'wersa ng tao na nababalutan ng itim na usok.
Napahiyaw si Candy ng biglang may kumagat sa kanyang paa. Pagtingin niya ang asong si Brandon ang kumagat sa kanya. Sigaw siya ng sigaw, nakabaon ang ngipin ng aso sa kanyang bukung-bukong. Mabuto pa naman ang bukung-bukong ng tao, kaya sobrang sakit. Parang dinudurog ang buto niya sa bukung-bukong, iwinawasiwas pa ng aso ang kanyang ulo habang nakabaon ang kanyang ngipin sa paa ni Candy.
Hiyaw ng hiyaw si Candy, wala siyang tigil sa pagsigaw dahil sa kirot na nararamdaman. Sinisipa sipa niya ang aso ngunit hindi inaalis ni Brandon ang kanyang kagat sa paa ni Candy. Nagising si Josephine dahil sa patuloy na pagsigaw ng kanyang ina.
"M-mama.." mahinang sabi ng anak niya. "A-anak, magtulug-tulugan ka na muna. H-huwag kang magpapahalatang gising ka." Bulong niya kay Josephine at pumikit ulit ang anak niya. Sa puntong 'yon ay nanggigil na ang aso sa paa ni Candy. Kaya iwinasiwas muli ni Brandon ang kanyang kagat sa paa ni Candy.
Ang pinagtataka ni Candy ay walang dugong lumalabas sa kanyang paa, subalit nangangayayat ang bukung-bukong niya--sinisipsip ng aso ang dugo sa kanyang paahan. Hindi pa siya nabusog sa pagdila ng dugo ng amo na si Toyang sa may sahig ng kanyang k'warto.
"BRANDON!" Sigaw ng tao na nababalot ng itim na usok.
Tumigil ang aso sa pagkagat at pagsipsip sa kanyang paa. At tumakbo ang aso papasok sa itim na usok. "WAAAAAAAAAHHHHHHHH!" Humiyaw muli si Candy ng makita niyang wala na ang kanang paa niya. Naputol 'yon ng kagat ni Brandon. Kaya sigaw siya ng sigaw, walang humpay sa kasisigaw si Candy. Habang si Josephine naman ay iyak ng iyak, wala rin naman siyang maitutulong para sa ina kundi ang ipagdasal ang kanilang kaligtasan.
* * *
Unti-unting gumagapang ang itim na usok paakyat sa taas. Kasabay ng pagpanik ng paa na nakikita ni Candy. Wala na rin ang mga maliliit na itim na ibon na nasa gilid ng kanilang hagdanan. Nauna ang mga ito paakyat, bago muling gumapang paakyat ang itim na usok. Biglang luminis ang sahig ng bahay ni Candy at wala ang mga asin na sinaboy niya. Subalit putol na ang kanang paa niya. Pero pinilit pa rin niya ang makatayo, pagkakataon na nila para makalabas ng bahay.
Pagapang na pumunta si Candy sa kusina at sinira niya ang isang bangko na kahoy para gawing tungkod. At nang masira na niya ang bangko--inilagay niya agad sa kili-kili para magamit na agad bilang tungkol. Patuloy sa pag-agos ang dugo sa kanyang paa, pero hindi niya 'yon tinitignan at iniinda.
"Josephine.. Gising.." pabulong niyang tawag sa kanyang anak. Unti-unting dumilat si Josephine at nakita niya ang takot na takot na mukha ng ina. Pagtingin ng anak niya sa kanya, "Kaya mo bang kargahin ang kapatid mo?" mahinang tanong niya sa anak. Tumango si Josephine, ibig sabihin ay kaya niyang buhatin ang kapatid.
Sa kabila ng iniindang sakit ng ulo at katawan ay nagawang kargahin ni Josephine ang kanyang kapatid. Hindi napigilan ni Candy ang maiyak dahil nakikitang nahihirapan ang mga anak. Kung hindi lang sana natangay ng aso ang kanang paa niya, hindi sana sila mahihirapan makatakas ngayon.
"Mama.. huwag po tayong susuko. Makakatakas po tayo, nakabantay lang po sa atin si papa god. Hindi niya po tayo pababayaan."
Ang anak na si Josephine pa ang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanyang ina. Kaya napatakip na lang ng bibig si Candy sa narinig at bumuhos ang luha sa kanyang mata. Nakikita na nga niyang nahihirapan ang anak, nagagawa pa nitong ngumiti para magbigay ng lakas ng loob sa kanya.
Patalon-talon kung maglakad si Candy at kahit na karga ni Josephine ang kapatid, inilalayan din niya ang ina para makalabas ng bahay. Ilang hakbang na lang at makakalabas na sila sa pintuan. Napatingin sa taas ng hagdan si Candy at nakita ang nakangiting aso at nang ibaling niya sa kisame ang tingin, nakita niya ang mga ibon na nasa kisame, hindi pala umakyat papunta sa taas ang mga maliliit na itim na ibon. Nagtipon tipon ang mga ito sa kisame, kaya pala dumilim ng bahagya ang kanilang bahay dahil sa mga ibon.
Inalis agad ni Candy ang kanyang tingin sa taas ng hagdan at sa kisame, sabay takip niya sa dalawang mata ng anak, "Anak.. diretso lang ang lakad, 'wag kang titingin kahit saan, basta diretso lang anak. Diretso lang." Bulong niya sa kanyang anak na si Josephine. Hindi na nagtanong pa ang bata kung bakit--sinunod na lang niya ang kanyang ina.
Matagumpay na nakalabas ng pintuan ng kanilang bahay ang mag-iina. Isang pintuan na lang ang kailangan nilang labasan at 'yon ay ang pintuang-daan. Hindi tumitingin o lumilingon sa likod si Candy at ang kanyang mga anak, diretso lang sila sa kanilang paglalakad palabas sa pintuang-daan.
Ilang hakbang na lang ay makakalabas na sila. Nang biglang umalingawngaw ang atungal ng aso na si Brandon na nasa loob ng bahay at nasiliparan ang mga maliliit na ibon palabas ng bahay. Papunta ang mga ibon sa direksyon ng mag-iina.
"Josephine.. tumakbo na kayo ng kapatid mo. Haharangan ko ang mga ibon, kailangan niyo makatakas. Humingi kayo ng tulong sa mga kapit-bahay."
"Ikaw ma? Paano ka?" tanong ng anak sa ina.
"Huwag mo akong intindihin anak, kaya ko ang sarili ko. Saka matanda na ako, kung may mangyari man sa akin' na masama, ipagdasal niyo na lang ako ng kapatid mo. Basta ipangako mo na babantayan mo ang 'yong kapatid, hanggang sa makauwi ang inyong papa at huwag na huwag kayong magtitiwala sa kahit sino na hindi niyo kakilala. Nagkakaintindihan ba tayo, Josephine?"
"Opo mama."
"Bilis na tumakbo ka na, alalayan mo ang kapatid mo. Huwag kang lilingon sa likod, tumakbo ka lang ng diretso. Hanggang sa makasalubong ka ng taong tutulong sa inyo ng kapatid mo. Ako na ang bahala dito anak. TAKBO NA!"
Tumakbo na si Josephine palabas ng pintuang-daan at nang makalabas ay tumakbo na siya agad palayo sa kanilang bahay. Sinunod niya ang ibinilin ng ina na huwag siyang lilingon sa likod at kapag may nakasalubong na tao, agad na humingi ng tulong.
* * *