Hindi pa ako natatapos sa aking trabaho ay natanaw ko na kaagad si Andrei na pumasok sa entrance nitong restaurant. Dumiretso siya dito sa counter. Ako naman ay abala sa pag-prepare ng mga order.
Hindi ko siya pinansin at itinutok ko ang aking atensiyon sa paglalagay ng mga order na food sa tray. Siya naman ay umikot patungo sa managers office.
Ano naman kaya ang kailangan noon doon?
Si Rhaine ang branch manager namin dito na kaibigan din namin. Na-promote siya dahil magaling siya at matalino pero kahit tumaas ang kanyang posisyon ay hindi nagbago ang pakikitungo niya sa amin.
Tawagin daw namin siyang Boss dito sa loob lang ng restaurant at kapag oras ng trabaho lang pero kung nasa labas na ay Rhaine pa rin at gaya lang ng dati.
Ewan ko nga kung bakit hindi napapansin ni Caithy na napakasuwerte niya kay Rhaine. Kahit harap-harapan ng ipinapakita ni Rhaine ang pagkagusto niya kay Caithy ay wala lang sa kaniya. Hindi ko alam kung manhid ba siya o ano?
Guwapo naman si Rhaine, mabait, matalino. O baka nabubulag siya kay Sir Nick. Si Sir Nick daw kasi ang gusto niya, ang kambal na anak ng may-ari nitong company. Jusko, 'di naman siya mapapansin niyon. May pagkasuplado at masungit, napakatahimik pa. Kung papipiliin nga ako ay mas gugustuhin ko pa 'yong isa niyang kambal na si Sir Rick na laging naka-smile at joker din. Masarap kasama kaso kay Cail na 'yon eh.
"Hi." Napatingin ako kay Andrei na nasa aking harapan na pala. Medyo hindi na ako busy at malapit na rin akong mag-out. Nasa labas siya ng counter habang ako ay nasa loob.
"Anong oras ang pasok mo?" tanong ko sa kaniya. Ang alam ko kasi ay panggabi siya.
"Ngayon." Napatingin naman ako sa suot kong relo at 6:30 na ng gabi. 7 ang shiftment namin. Wait, huwag niyang sabihin na dito na rin siya magdu-duty?!
"Eh, bakit narito ka pa? B-Baka ma-late ka."
"Okay lang. Papa-late ako ng one hour. Kain tayo sa labas? Hihintayin kita," mahinahon niyang sabi. Ganito naman talaga siya minsan pero minsan naman ay parang galit makipag-usap.
"S-Sige." Tumango na lang ako. Ganoon naman lagi, magagalit siya kapag tumanggi ako.
Tumalikod na siya at naglakad palabas ng restaurant. Sumenyas pa siya kay Nash na nagliligpit ng mga plato sa isang table. Tumango din naman sa kaniya si Nash.
***
Paglabas ko ng restaurant ay naroon siya sa kanyang motorsiklo at naghihintay. Nakasakay siya at nakayukyok sa unahan nito. Natutulog ba siya?
Nilapitan ko na siya at naramdaman niya siguro kaagad ang aking paglapit dahil tumunghay siya kaagad. Bumaba siya at hinawakan ako sa kamay. Hinila niya lang ako at nag-umpisa na kaming maglakad. Hindi na niya ako tinatanong kung saan kami kakain dahil alam naman na niya ang paborito naming kainan.
Pumasok kami sa chowking. Agad akong naghanap ng table habang siya ay pumila sa counter. May nakita akong bakante sa tabi ng glass wall kaya doon agad ako tumungo at naghintay.
Maya-maya ay patungo na siya sa akin na may bitbit na number. Umupo siya sa aking tabi at hinarap ako. Kinuha niya ang aking kamay at hinawakan ng mahigpit. Huminga siya ng malalim at para bang may importanteng sasabihin.
"Mawawala ako ng ilang days. May pupuntahan lang ako," seryoso niyang sabi. Gaano kaya ka-importante 'yon?
"S-Saan ka pupunta?"
Huminga ulit siya ng malalim at binitawan ang aking kamay. Umiwas siya ng tingin sa akin bago nagsalita.
"Sa malayong probinsiya. May hahanapin lang ako." Hahanapin? Hindi ko alam kung bakit nag-umpisang kumabog ang aking dibdib. Sinong hahanapin niya sa probinsiya?
"S-Sino?"
"Saka mo na malalaman," sagot niya ng hindi pa rin tumitingin sa akin. Napansin ko pa ang marahang pag-igting ng kanyang panga.
Dumating na ang aming pagkain. Lugaw lang naman ito with siomai. Iyon lang ang paborito naming kainin simula noong mga bata pa kami.
Simula noong iwasan ko na si Ghian noong 12 years old kami ay siya na ang naging malapit sa akin. Samantalang noong panahon na close pa kami ni Ghian ay si Andrei naman ang iniiwasan ko. Kaya wala kaming pictures tatlo na magkakasama noong mga baby pa kami dahil si Ghian lang ang gusto kong kasama noon at kalaro.
Pero noong magbago ang hitsura niya ay iniwasan ko na siya at si Andrei ang pumalit.
Pero noong may nangyaring trahedya sa pamilya ni Andrei na sangkot ang aking mga magulang ay nagkahiwalay ulit kami ni Andrei. May kumuha sa kanyang hindi namin kilala. At noong mga nakaraang taon lang ay bigla siyang sumulpot at pumasok sa buhay ko.
Wala akong nagawa dahil alam kong malaki ang galit niya sa aking mga magulang. Pero wala na sila, iniwan na nila ako. Bigla na lang silang naglaho na parang bula. Iniwan nila akong mag-isa.
Siguro, dahil masama akong bata noon. Lahat ng gusto ko ay nakukuha ko. Lahat ay inaaway ko lalo na ang mga anak ng aming mga trabahador. Kung mahirap ka lang ay hindi kita kaka-ibiganin. Kung pangit ka ay mas lalong ayoko sa iyo. Mas mabuting lumayo ka sa akin dahil kung hindi ay mapapahamak ka.
Tanging si Ghian lang ang nag-i-isang naging kaibigan ko noon kahit anak lang din siya ng isang trabahador. Pero noong magbago ang hitsura niya, lahat ng classmate ko ay tinukso ako. Binully nila ako. May kaibigan daw akong halimaw, pangit, nuno sa punso, laman-lupa at kung anu-ano pang itinawag nila kay Ghian. Mahahawa daw ako kapag hindi ko siya iniwasan. Magiging ganoon din daw ang hitsura ko.
Sa takot ko ay iniwasan ko siya. Pinagtabuyan ko siya. Marami akong masasakit na salitang sinabi sa kaniya.
Pero bata pa ako noon. Hindi ko pa alam ang mga sinasabi ko. Hindi ko pa nai-isip kung tama ba ang mga sinabi ko sa kaniya. 12 years old lang ako noon.
Simula noon ay hindi na siya lumapit sa akin. At ang pumalit naman ay si Andrei...
....ang bunso niyang kapatid.