"Sasama ka ba sa hospital?" tanong ni Bryan kay Floyd.
Narito kami ngayon sa locker at shifting na namin para naman sa du-duty sa araw. Panggabi kasi kami ngayon. Si Andrei ay nauna ng umalis kasi may pupuntahan daw siya. 'Yon ang sabi niya. Hindi ko na inabalang tanungin kung saan, hindi naman din ako interesado.
"Oo, sabay na tayo," sagot naman ni Floyd.
"Hoy, sasama din ako ha. Huwag niyo kong iiwan, patay kayo sa akin!" pasigaw namang sabi ni Tiffany nang makalabas ng banyo.
"Iiwanan lang kita kapag namatay na ko," banat naman ni Bryan.
"Gusto mo ngayon na? Ako na papatay sa'yo."
"Patay na patay na nga ako sa'yo eh."
"Yahoooo!" sigaw naman ni Floyd at akala mo ay sinisilihan ang puwet sa kanyang kinauupuan.
"Ew," tugon naman ni Tiffany na may kasamang pag-ikot ng kanyang mga mata.
"Sinong na-hospital?" tanong ko na nang hindi na ako nakatiis.
"Hindi mo ba nabalitaan na naka-confine ngayon sila sir Nick at Sir Rick? Ang balita ko ay na-kidnap daw tapos 'yon, nabaril." Nagulat naman ako sa sinabi ni Bryan. Si sir Rick at Sir Nick ay kambal na anak ng may-ari nitong restaurant na aming pinagtatrabahuhan. Tatlo silang magkakapatid at ang bunso ay si ma'am Nikay.
"Kasama pa nga si Cail eh, saka katatapos lang daw ng operasyon. Si Cail ang naging donor kay Sir Rick ng kidney. Kaya dadalaw kami doon. Sasama ka ba? Papunta na raw doon sila Caithy, kasama sigurado do'n si Rhaine, 'yon pa. Tsk," paliwanag din ni Floyd. Si Cail naman ay kapatid ni Caithy na kaibigan din namin at girlfriend din siya ni sir Rick.
"Eh, sino daw ang kumidnap? Nahuli na ba? Nakakulong na ba? At paanong nakasama si Cail doon? Kinidnap din si Cail? Nasaktan din ba si Cail?" sunod-sunod kong tanong.
"Huminga ka naman, abah. Hindi namin alam ang buong pangyayari. Ibinalita lang naman sa amin ni Caithy kaya doon na lang tayo maki-tsismis," nakangising sagot ni Floyd.
"Sige, sasama ako." Kahit naman hindi ako super close kay Cail ay nag-alala din naman ako. Ang pinakamalapit talaga kay Cail ay si Nancy na kaibigan din namin at dating kasama dito sa work.
Balita ko nga ay doon pa 'yon natutulog nitong mga nakaraan dahil nga sa inaalalayan niya lagi si Nancy dahil kamamatay lang ni Johannes, ang boyfriend niyang sa Liham niya lang nakilala. Tapos ay napatay dahil sa pagliligtas sa kaniya noong siya ay ma-kidnap din noong stalker niyang si Colton na laging nakatambay dito sa restaurant. At maselan ang kaniyang kalagayan ngayon dahil iniwan siya ni Johannes na buntis. Nag-resign na nga rin siya nitong nakaraang linggo lang.
Si Cail kasi ay napakatahimik na tao kaya naiilang akong makipag-usap sa kaniya. Pero alam ko namang mabait siya. Hindi ko lang talaga matagalang makasama siya ng kaming dalawa lang. Mapapanisan kaming pareho ng laway. O maaari ding nasanay lang ako kay Mia na hindi tumitigil sa kapuputak.
***
Sabay-sabay na kaming tumungo sa hospital pero si Zyra ay dinaanan pa si Nancy kaya nagkahiwalay na kami. Si Caithy naman daw ay naroroon na.
***
Pagdating namin sa labas ng hospital ay natanaw namin sila Caithy sa isang drugstore. Kasama niya si Rhaine at Nash.
"Caithy!" tawag ni Bryan sa kanila at kaagad naman silang lumingon sa amin.
"Oh, 'and'yan na pala kayo. Mauna na kayo sa loob, nasa ward na si Cail. No. 326 ang kanyang room sa 3rd floor," sabi ni Caithy at muling humarap sa tindera ng drugstore.
"Tara?" yaya ni Floyd at nagpatiuna na kaming maglakad patungo sa entrance ng hospital.
Ako ang nahuhuli habang nagpapalinga-linga sa paligid dahil maraming pasyente akong nakikita na sakay ng kani-kanilang wheelchair at inilalabas ng hospital. Siguro ay iuuwi na sila. Mayroon din namang mga papasok pa lang.
Sa kakalinga ko ay bigla akong napatid sa isang guter.
"Ay!" napasigaw ako at muntik na akong matumba kung di lang may biglang sumalo sa aking baywang mula sa aking likuran.
"Careful." Pamilyar na tinig ng lalaki ang aking narinig mula sa aking likuran.
Kumalabog ng malakas ang aking dibdib at nanayo ang aking mga balahibo sa katawan. Dahan-dahan akong humarap sa kanya habang hawak niya pa rin ang aking magkabilang baywang. Itinayo niya ako ng maayos.
Sumalubong sa akin ang isang lalaking matangkad, maputi, medyo chinito, matangos na ilong, maninipis na mga labi, makakapal na mga kilay. In short gwapo sana ang kaso, walang kangiti-ngiti. Nakatitig lang siya sa akin at wala akong mabanaag na kahit anong emosyon sa kanyang mga mata.
Lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib nang maamoy ko sa kanya ang isang pamilyar na pabango. At ang presensiya ng lalaking dumadalaw sa akin gabi-gabi ay bakit parang nararamdaman ko sa kanya?
Hindi ko mai-alis ang pagkakatitig ko sa kanya.
"Ghian! Let's go!" Binitawan na niya ako at nilingon ang boses babaeng tumawag sa pangalang Ghian.
Ghian?
Kapangalan niya 'yong kababata kong lalaki na hindi ko alam kung nasaan na sa ngayon. Wala na rin akong balita sa kaniya. At saka malayong-malayo ang kanilang hitsura. Sunog ang halos kabuohan ng mukha ng aking kababata at kasalanan ko kung bakit nagkaganoon siya.
"T-thank you." Sabi ko sa kaniya ng mapansin kong aalis na siya pero hindi naman siya sumagot...ni hindi na niya ako tiningnan at tinalikuran na niya ako.
Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Nilingon ko siya at natanaw kong nilapitan niya ang isang babae na nasa entrance na ng hospital. Umakbay siya dito at sabay silang pumasok sa loob.
Napahinga na lang ako ng malalim.
"Oh, andito ka pa? Nasaan na sila?" tinig ni Nash mula sa aking likuran. Napalingon naman ako sa kanila at kasama na rin pala nila si Zyra at Nancy.
"Ah, nauna na 'yong tatlo. Iniwan nga ako eh," sagot ko na lang habang may mapaklang ngiti. "Helow, Nan's," bati ko naman kay Nancy.
Ngumiti lang siya ng bahagya. Wala ng sigla ang kanyang mga mata. Hindi katulad dati na isang masiyahin. Gan'yan nga talaga siguro kapag mahal na mahal mo ang isang tao, tapos ay iiwan ka na lang ng biglaan at ni hindi mo man lang napaghandaan. Kung kailan hulog na hulog ka na sa kanya, saka pa siya mawawala.