Kisma's POV
"Oh, ba't ang aga mong umuwi?" tanong ko kay Mia nang bigla na lang dumating dito sa apartment ng ganito kaaga. Eh, alas tres pa lang ng hapon. Dapat ay mga 10 pa ng gabi siya makaka-uwi dahil closing shift siya.
"Hay, sumama 'yong pakiramdam ko, eh. Para akong lalagnatin," latang-lata na sabi niya sabay hilata sa sofa. Agad akong lumapit sa kanya at ni-pat ko ang kanyang noo at leeg. Mainit nga siya.
"Baka sa sobrang pagod mo kahapon, besh. Magpahinga ka na muna. Kumain ka na ba at uminom ng gamot?"
"Kakainin ko pa lang 'yong baon ko." Mukha nga siyang may sakit dahil ilang salita lang ang lumalabas sa kanyang bunganga. Inilabas niya ang kanyang baon mula sa bag.
"Ako na." Kinuha ko kaagad ito at nagtungo sa kitchen para ilipat sa plato. Nakita kong adobo din pala ang kanyang ulam. Mukhang ito din 'yong adobo ng antipatikong lalaki kanina ah.
"Besh, ikaw ba ang nagluto nitong ulam na adobo kanina?" tanong ko kay Mia habang naglalakad na ako palapit sa kanya at bitbit ko sa isang kamay ang platong may lamang kanin at ulam.
"Hindi, binigay 'yan ni pogi, eh para daw sa'yo kaya lang mukhang masarap eh kaya kumuha ako at nibaon ko." Ngumiti pa siya ni tila kinikilig. Napatanga naman ako sa kanyang sinabi.
"Sa akin? Bakit sa akin?" nakakunot noo kong tanong. Nakakapagtaka naman 'yon.
"Eh, gusto daw niyang makipag-friends. Sinusungitan mo daw kasi siya," saad niya at nagsimula na siyang kumain.
"Eh, bastos siya, eh! Tumitingin siya sa ano ko!"
"Ikaw kaya 'yong bastos. Nagpapapasok ka ng lalaki sa k'warto mo! Tapos nagpapalagay ka pa ng chikinini!"
"Hindi ko nga alam kung paano siya nakakapasok! Andami na ngang lock ng k'warto ko eh pero nakakapasok pa rin siya!"
"Sino? Si Andrei?! Tatamaan talaga sa akin ang lalaking 'yan! Huwag na huwag siyang magpapakita sa akin! Malilintikan talaga siya. Babasagin ko ang kagwapuhan niya! Ewan ko na lang kung may mukha pa siyang ihaharap sa'yo! Tatadtarin ko siya ng pinong-pino sabay pakukuluan at hihigupin ang sabaw!" Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang sinabi.
Mukhang magaling na ulit siya. Mapapa-face palm ka na lang talaga sa babaeng ito eh.
"Eh, hindi naman kasi si Andrei, eh!" Bigla siyang natigilan. Oopss! Tsk! Ano ba naman 'yan Kisma?! Ang daldal!
"Anong sinabi mo? Hindi si Andrei?" bumaba ang timbre ng kanyang boses. Ibinaba na niya ang kanyang plato sa center table at humarap sa akin dahil magkatabi lang naman kami dito sa upuan.
"A-Ah... o-oo? Ata? H-Hindi ko alam."
"Anong hindi mo alam?" nalilito niyang tanong.
"Hindi ko alam kung sino... p-pero alam kong hindi si Andrei 'yon."
"Nagpapagalaw ka sa ibang lalaki habang boyfriend mo pa si Andrei?!"
"Eh, M-Mia, pumapasok na nga lang siya sa k'warto ko sa hating-gabi. Kahit ilang lock ang gawin ko sa aking k'warto, nakakapasok pa rin siya."
"Eh, bakit hindi ka sumigaw?! Humingi ka ng tulong! Isumbong natin sa pulis! Hindi mo ba nakita ang mukha? Kelan pa nangyayari yan?! Ni-rape ka ba niya? Pinuwersa ka?! Pero mukhang hindi, eh dahil nakakarinig ako ng ungol! 'Yang damit na 'yan? Sa kanya 'yan, di ba? Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagpapalit at hindi ka pa rin naliligo! Ew! Kadiri ka na Kisma, puro laway ka pa ng lalaking 'yon tapos hindi ka man lang mandiri dahil hindi ka pa naliligo! Panis na 'yan d'yan sa katawan mo! Umalis ka nga sa tabi ko!" Muli niyang dinampot ang kaniyang plato at ipinagpatuloy ang kanyang pagkain.
Laglag ang aking panga sa babaeng ito at hindi na ako makapangatwiran pa kapag siya na ang nagsalita.
"Kung ako sa 'yo, makipaghiwalay ka na ng tuluyan d'yan kay Andrei! Kawawa naman 'yong tao, niloloko mo lang. Umaasa sa iyo 'yon! Kahit naman ganon-ganon ang ugali non 'di niya pa rin deserve ang lokohin! Saka tingin ko naman ay mahal ka non. Ni ayaw na ngang mawalay sa iyo, eh. Magkasama na kayo maghapon sa trabaho, hanggang sa gabi ay magkasama pa rin kayo? Teka nga lang, alam na ba niyang lumipat na tayo? Siguradong hinahanap ka na non! Naku, lagot ka na naman Charisma! Magwawala na naman 'yon kapag hindi ka nakita! Yari ka na naman!"
Bigla akong napatingin sa aking phone. Agad ko itong kinuha at naka-off pala!
Siguradong alam na ni Andrei na wala na kami doon dahil araw-araw siyang pumupunta doon. At ngayon, sigurado akong pinaghahahanap na niya ako.
Bubuhayin ko sana ang aking phone pero naalala kong hindi kami maaaring magkita dahil sa leeg ko! Hindi ko naman ito p'wedeng tabunan ng foundation o ng kahit anong p'wedeng ipahid dahil malalaman at malalaman niya rin iyon kaagad kapag hinalikan niya ako sa leeg.
***
Hanggang sa gabi ay hindi ako mapakali sa aking k'warto. Tama naman si Mia, dapat talaga ay makipaghiwalay na ako kay Andrei. Hindi p'wede itong ginagawa ko. Malaki na ang kasalanan ko sa kaniya. Paano kapag nalaman niya ito? Siguradong magwawala siya sa galit.
Sa huli ay pinili ko pa ring buksan ang aking phone. Pagka-open ko pa lang nito ay agad lumabas ang name ni Andrei sa screen. Siguradong maghapon na niya akong tinatawagan!
'Andrei calling...
Kumabog ng malakas ang aking dibdib at hindi ko alam kung sasagutin ko ba o hindi. Kapag sinagot ko ito ay siguradong mabibingi ako sa kanyang bunganga. Dahil paniguradong galit na galit na siya ngayon!
'Andrei calling...
Nangangatal ang aking mga kamay habang inilalapat ko na sa answer ang aking daliri.
'Andrei cal-
Sinagot ko na rin at dahan-dahan ko itong inilapat sa aking tainga. Wala akong marinig sa kabilang linya. Napakatahimik.
"H-Hellow? A-Andrei." Halos hindi ko na marinig ang sarili kong boses dahil sa kaba at sobrang pangangatal.
Matagal bago siya umimik. Narinig ko pa ang kanyang marahang pagbuntong-hininga mula sa kabilang linya.
"Okay ka lang ba?" mahina niyang tanong sa akin at halos pabulong na lang.
Gabi na at dapat ay nasa restaurant na siya ngayon pero napakatahimik sa kabilang linya.
"Ah, a-ayos lang. N-Nasaan ka?"
Napakagat-labi ako at pilit pinakinggan ang kabilang linya.
"Hindi na importante kung nasaan ako. Ang importante ay maayos ka."
Hindi ako naka-imik at hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ako makapaniwala sa tono ng kanyang pananalita. Ang inaasahan ko ay sisigawan niya ako pero walang ganoong nangyari.
"Ahm, p-pumasok ka ba ngay-"
"Sir, kailangan niyo na pong inumin itong gamo-" biglang naputol ang linya.
Naputol din ang aking sasabihin nang makarinig ako ng boses babae sa background.
Napatitig na lang ako sa aking phone. Hindi ako makagalaw at pilit inaalisa ang boses na aking narinig at ang naging paraan ng pakikipag-usap sa akin ni Andrei.
Inumin ang gamo- gamot? Para saan? Nasaan ba siya?