Nagmadali na ako sa pag-asikaso ng aking sarili. Nakalimutan kong kailangan ko na pa lang pumasok ngayon! Dalawang araw na akong absent at nakakapanghinayang na ang dalawang araw na iyon. Pambayad din 'yon ng tubig at ilaw!
Paglabas ko ng aking silid ay laking pasasalamat ko at wala na ang dalawang naglalandian sa pagkain.
Kinatok ko ang pinto ng silid ni Mia.
"Mia, aalis na 'ko," malakas kong sabi sa kaniya habang kumakatok sa pinto ng kaniyang room.
"Sige, ingat!" sigaw niya rin mula sa loob at 'di na nag-abalang magbukas. Hinayaan ko na at nagdiretso na ako sa pinto.
Pagkalabas ko ay saktong lumabas din si Ghian sa kaniyang unit na nakabihis na rin at naka-backpack. Napatingin din siya sa akin habang nagla-lock ng kaniyang unit. Saan kaya nagtatrabaho 'tong mokong na 'to? Hmp!
Hindi ko na pinansin at tinalikuran ko na siya. Nagmadali na ako sa paglalakad sa hallway dahil bukod sa late na ako ay ayaw kong makasabay ang hinayupak na 'yan.
Bilis-bilis akong naglakad pati ang pagbaba ng hagdan. Halos madulas-dulas pa ako sa aking pagmamadali.
Pero natigilan ako at napahinto nang mapansin kong parang wala naman akong kasunod. Lumingon ako sa likod at luminga-linga. Luminga din ako sa itaas ng hagdan. Wala naman siya. Nagpatuloy ako sa paglalakad sa hallway. Narito na ako sa ibaba. Lumingon muli ako sa likod at wala talaga siya.
Asan na 'yon?
Ah! Bahala nga siya!
Bumaling na akong muli sa aking harapan pero halos mapasigaw ako sa gulat nang mabungaran ko si Ghian sa aking harapan at halos magdikit na ang aming mga balat!
"Bakit ka ba nanggugulat?!" sigaw ko sa kaniya habang sapo ko ang aking dibdib. Muntik pa akong atakehin sa puso!
"Hindi naman ah," nakasingi niyang sagot sa akin at tila natutuwa pa siya sa hitsura ko ngayon.
"Bwisit ka! Anong hindi?! At saka paano ka nakarating agad d'yan? Nasa likuran lang kita kanina ah at saka nauna ako sa iyo!" Habol-habol ko pa rin ang aking hininga sa pagsasalita. Mas lalo siyang ngumisi.
"Ayon, oh. May daan sa kabila. Shortcut kaya doon." Huh? Napatanga naman ako doon at tinanaw ang kaniyang likuran at may nakita nga akong hagdan doon paitaas.
Nilingon ko rin ang aking likuran na mayroong hallway at sa dulo ang hagdan na aking pinanggalingan. Oo nga no. 'Langya! Kabilaan pala ang hagdan! At nasa dulo kami nitong isang hagdan! Pusang-gala!
Sinamaan ko ng tingin si Ghian at nilampasan siya. Naririnig ko ang pagpipigil niya ng tawa sa aking likuran. B'wisit! Hindi man lang sinabi!
***
Pagdating ko sa kalsada ay muli akong napatanga dahil ngayon ko lang na-realize na napakalayo pala ng lalakarin ko palabas ng subdivision?! Parang wala man lang kahit isang tricycle ang dumadaan dito! Ano ba naman 'yan?! Nakakainis namang buhay 'to oh! Mabuti sana kung hindi pa ako late!
Wala akong choice kun'di ang maglakad. Wala naman akong magagawa eh. Hindi naman p'wedeng parahin ko itong mga kotse na dumadaan sa gilid ko at makisakay na lang! Haayst!
"Naku, nakakapagod 'yan Miss. Kung ako sa iyo makikisakay na lang talaga ako kasi wala ka pa sa trabaho eh pagod na pagod ka na. Paano ka pa makakagawa n'yan? Baka pagalitan ka ng Boss mo n'yan," mahabang pagsasalita ng hinayupak habang sinasabayan ang aking paglalakad at siya naman ay nakasakay sa big bike motorcycle niya! B'wisit siya!
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy ako sa mabilis na paglalakad.
"Nakikita mo 'yong dulo? Naku, malayo pa 'yan. Sige ha, mauna na ako." Natigilan naman ako at tinanaw mabuti ang dulo. Wala nga akong matanaw dahil paliko na 'yong dulo!
Umaandar na siya ng mabilis at tangka na akong iiwan ng...
"S-Sandali!" kaagad kong sigaw sa kanya. Kainis! Iiwan talaga ako?!
Bumagal naman siya hanggang sa huminto at lumingon sa akin ng may naglalarong ngisi sa labi. Kainis talaga!
Gusto ko sanang pagsisihan ang pagtawag sa kanya pero kasi mukhang tama siya eh. Mapapagod ako, bukod doon ay late na late na talaga ako!
"P-P'wede bang makisakay?" medyo nahihiya kong tanong.
"K-Kahit hanggang labasan lang. M-May jeep naman na siguro doon?" Sana naman ay pumayag siya no! Kundi kakalbuhin ko siya!
Tumaas ang kilay niya sa akin at ngumisi. "Mahal ako maningil."
"Magkano ba?! Babayaran ko!" 'di ko pa rin mapigilang sumigaw dahil sa kaantipatikuhan ng lalaking ito.
Ngumisi lang siya sa akin ng makahulugan at saka ako inabutan ng helmet na nakasabit lang sa kaliwa niyang braso.
"H-Hindi na ako maghe-helmet. D'yan lang naman ako sa labasan eh."
"Wear it," biglang seryoso niyang sabi kaya kinuha ko naman agad at isinuot sa aking ulo.
Pumunta ako sa kanyang likuran at hindi ko alam kung paano sasakay. Masyadong mataas ang likuran ng kaniyang motorsiklo at kailangan ko talagang humawak sa kaniya para makasakay ako. Ang kaso nag-aalangan akong humawak sa kaniya. Pakiramdam ko ay mapapaso ako.
"What are you waiting for?" Bigla siyang naging seryoso. Nakakatakot pala siya kapag seryoso na!
"Ah, h-heto na. S-Sasakay na." Nangangatal ang mga kamay kong humawak sa kanyang balikat para kumuha ng puwersa sa pag-akyat at para akong mauubusan ng lakas! Ano ba naman itong pakiramdam na ito?!
"Tsk," angil niya at ikinalang niya ang stand sa ilalim ng motor at bumaba. Hindi pa rin kasi ako nakakasakay kasi naman nahihirapan akong gumalaw!
Pagkababa niya ay hinawakan ako sa magkabila kong baywang at basta na lang akong binuhat na parang bata at isinakay sa hulihang bahagi ng motorsiklo!
Nagulat ako at tila may kuryenteng dumaloy sa aking katawan nang sumapo sa aking baywang ang kanyang mga palad! Napayuko ako at hindi makatingin sa kaniya na ngayon ay matamang nakatitig sa akin. Mabuti na lang at nakasuot na sa akin ang helmet at hindi niya nakita ang siguradong pamumula na ng aking pisngi! Ibinaba ko ng dahan-dahan ang tinted glass ng suot kong helmet para hindi na niya makita ang aking mga mata.
Sumakay na siya sa aking unahan at muling ini-start ang makina. Pero bago niya paandarin ito ay hinubad niya muna ang kanyang jacket at ibinigay sa akin.
"Put it on and hug me tight," utos niya at ewan ko ba kung bakit bigla akong napasunod. Agad ko itong isinuot at yumakap sa kanyang likod ng mahigpit. Sa pagyakap ko sa kaniya ay pakiramdam ko, kilala ko ang katawang niyayakap ko ngayon.
The shape, hardness and warmth of his body are familiar to me.
He's familiar.