SA UNANG pagkakataon naramdaman ni Luisa na hindi siya nag-iisa sa buhay. Matapos papasukin si Levi sa bahay, saglit pa silang nag-kuwentuhan nang matapos ang kanyang breaktime ay bumalik na rin siya sa trabaho.
Habang abala sa ginagawa sa harap ng computer. Mula sa kuwarto ay naririnig niya na tila kumikilos sa kusina si Levi. Makalipas lang ng sandali, kumatok ito sa nakabukas na pinto ng kanyang silid. Hindi agad nakapagsalita si Luisa nang makitang may bitbit itong pinggan na may laman na sandwich.
“I hope you didn’t mind, nakialam ako sa kusina mo. Naisip ko kasi baka magutom ka habang nagtatrabaho.”
Napangiti si Luisa. “Thank you,” she mouthed.
Nang gumanti ng ngiti sa kanya pabalik si Levi, may kung anong mainit na damdamin ang humaplos sa puso niya. Mula ng sandaling iyon ay naukopa na ng binata ang kanyang isipan. Pilit na tinuon ni Luisa ang atensyon sa pagtatrabaho, pero sa tuwina ay napupunta dito ang kanyang tingin. Nariyan dadalhan siya ng juice, tubig o kaya ay kape.
Pasado alas-kuwatro ng madaling araw nang matapos ang trabaho ni Luisa. Umalis kasi ang kanyang kliyente at maaga din siya nitong pinagpahinga. Nang matapos i-shutdown ang computer ay lumabas na siya ng silid. Doon naabutan niya na nagbabasa ng libro si Levi. Tiyak na galing ang librong hawak nito mula sa bookshelf display doon sa sala.
“Tapos na work mo?” tanong nito.
Nakangiti siyang tumango ng marahan.
“How is it?”
Nagkibit-balikat siya. “Ayos naman, medyo magaan trabaho ko ngayon.”
“Good.”
“Salamat sa meryenda kanina, ang sarap ng sandwich.”
Napangiti si Levi.
“You’re welcome. Maliit na bagay kumpara sa pagpapatuloy mo sa akin dito.”
“Wala ‘yon, kesa naman palagi kang naliligo doon sa ulan.”
Huminga ito ng malalim. “I’m okay waiting in the rain.”
Hindi agad sumagot si Luisa. Iniisip kung dapat ba niyang sabihin ang laman ng kanyang isipan sa mga sandaling iyon.
“Can I ask you something?” mayamaya ay lakas-loob na tanong niya.
“Sure, ano ‘yon?”
“Curious lang, hanggang kailan ka maghihintay sa kanya?”
Natigilan si Levi. Kahit hindi magsalita ay kita niya sa reaksyon sa mukha nito na bahagya itong nabigla sa kanyang tanong.
“Sorry, hindi dapat a—”
“Hanggang sa bumalik siya sa akin,” biglang sagot ni Levi.
And when he said that, he was looking straight into her eyes as if those words are for her. Tumikhim si Luisa.
“Eh paano kung hindi na siya bumalik? At gaano ka nakakasiguro na babalik pa nga siya?”
“I just know. Alam ko na babalikan niya ako. May tiwala ako sa kanya na babalik pa rin siya, alam ko, deep in her heart, alam n’ya na naghihintay ako sa pagbalik niya. Dahil nangako siya sa akin.”
Napangiti si Luisa sa kilig.
“Grabe, sana lahat ng lalaki gaya mo. Hindi gaya ng iba diyan, hindi marunong maghintay, kapag napalayo nagkakaroon agad ng kapalit.”
Nagkibit-balikat si Levi. “Well, mahirap palitan ang isang gaya niya. She’s one of a kind.”
“Kung sino man siya, napaka-suwerte niya. Sana alam nga niya na naghihintay ka pa rin, dahil wala na siyang mahahanap na kasing loyal mo.”
“I hope so, I hope so too.”
Mayamaya ay bigla siyang natawa. “Bigla ko lang naisip, baka mamaya bumalik nga siya dito tapos mag-away lang kayo at magselos siya sa akin.”
Natawa rin si Levi. Tumalon ang puso niya nang tila magliwanag ang mukha nito matapos ngumiti. Doon lang napansin ni Luisa na guwapo talaga ito lalo na sa malapitan.
“Believe me, malayong mangyari ‘yon,” natatawang sagot nito.
“Kapag bumalik na siya, sana makilala ko siya.”
Hindi sumagot si Levi, sa halip ay ngumiti lang ito sa kanya.
“Baka may gusto kang kainin, ipagluluto kita,” pag-iiba na nito sa usapan.
“Uy, ang sarap mo magluto! Chef ka ba?” sagot niya.
Biglang nabuhay ang dugo niya ng maalala ang masarap na sandwich na ginawa nito para sa kanya. Ang weird lang dahil sigurado si Luisa na first time niyang makain ang ganoon klase ng sandwich pero kanina habang kinakain iyon, parang pamilyar sa kanya ang lasa niyon na para bang natikman na niya iyon.
“Yes,” nakangiting sagot nito.
“Iyong sandwich mo, bago sa panlasa ko, first ko natikman ‘yon kanina pero parang pamilyar din ‘yong lasa. Ewan ko, basta ang gulo! Basta masarap!”
Natawa na naman ng malakas si Levi.
“Hayaan mo, next time, igagawa ulit kita.”
Napalingon silang dalawa sa bintana nang biglang mas lumakas ang buhos ng ulan. Matapos iyon napalingon siya sa pinto ng kuwarto nang maalala na nakabukas pala ang kanyang mga bintana.
“Ay sandali, baka mabasa ang computer ko!”
Nagmamadali siyang pumasok at sinarado ang mga bintana. Sumunod sa kanya si Levi at tinulungan siya. Nang maupo siya sa silya sa tapat ng kanyang desk ay napatingin siya sa binata. Nakatanaw kasi ito doon sa labas.
“Diyan eksakto ang view ko kapag tinatanaw kita sa labas mula dito sa kuwarto ko.”
“Ang dilim pala doon sa palagi kong tinatayuan, no wonder natakot ka sa akin noong una.”
“Ikaw naman kasi, ang daming oras sa umaga para maghintay sa madaling araw pa talaga lagi, napagkamalan tuloy kitang magnanakaw,” natatawang sagot niya.
“Gabi rin kasi noong magkahiwalay kami. Oo nga pala, maiba ako, kumusta ka na pala? Hindi na bumalik ‘yong lalaking pumasok dito?”
“Hindi na kasi nahuli na siya kahapon, kaya ayun, nakakulong. Thank God. Salamat din sa’yo.”
“Hindi ka ba na-trauma?”
Malungkot na napangiti si Luisa. “Trauma? Matagal na akong may trauma, iyon nga ang dahilan kaya naghanap ako ng trabaho sa gabi. Lagpas isang buwan na ang lumipas nang magsimula akong bangungutin. Sa tuwing umuulan gaya nito, doon ako binabangungot. Nagkataon na madalas umuulan mula nang tumuntong ang buwan ng Hunyo. Kaya madalas din akong dinadalaw ng masamang panaginip, to the point na naapektuhan na ako.”
“Anong nakakatakot sa panaginip mo?” tanong ni Levi.
Lumipat ito sa kama at naupo sa gilid niyon.
“Iisa lang ang napapanaginipan ko mula noon. Naaksidente daw ako at nahulog sa bangin ang kotse ko. Paulit-ulit ‘yon. Sa tuwing natutulog ako sa gabi, iyon at iyon ang nakikita ko, and it scares me a lot. Iyon ang dahilan kaya tumanggap ako ng trabaho ng ganitong oras. Kapag kasi sa umaga ako natutulog, hindi ko napapanaginipan ‘yon.”
Napakunot-noo si Levi. “Talaga?”
Marahan tumango si Luisa.
“Did it happen in real life?”
“Oo,” sagot niya sabay buntong-hininga. “Naaksidente ako isang taon na ang nakakalipas. Iyon ang dahilan kung bakit pinaghihigpitan ako ni Tita Marga. Muntik na daw akong mamatay noon kaya nang gumaling na ako, halos ayaw na niya akong palabasin ng bahay. Ang sabi nila, mahigit tatlong buwan daw akong walang malay. Nang magising ako, nasa ospital na ako.”
“Sa tingin mo iyon ang napapanaginipan mo? Iyong gabing naaksidente ka?”
Pumikit si Luisa at sunod-sunod na umiling.
“I don’t know. I don’t wanna know. It scares the hell out of me just thinking about it,” sagot niya sabay dilat at lingon kay Levi.
“Gusto kong kalimutan ‘yon. Ayoko nang maalala.”
Napansin ni Luisa na para bang may gumuhit na lungkot sa mga mata ni Levi pero agad din iyon nawala at ngumiti ito sa kanya.
“Then, don’t push yourself. Kung ayaw mo, eh di huwag. Basta ako nandito lang kung gusto mo palagi akong kausap.”
“Thank you, Levi. Sobrang laking tulong ngayon nandito ka, nakakamiss din pala ‘yong may kausap? Iyong kung anu-ano na lang ang topic n’yo?”
Natawa ito. “Hayaan mo dadalasan ko ang dalaw dito.”