Chapter 17

2693 Words
ANNIKA POV “BAKS, SORRY NA…” pa-cute na hingin ko ng sorry. Actually pang isang daang sorry ko na yata ‘to pero hindi pa rin niya ako kinikibo. At hindi ko naman siya masisisi dahil putok talaga ang nguso niya at pakloy pa. Napapangiwi na lang ako sa tuwing mapapatingin sa nguso niya. “Baks, patawarin mo na ako.” Hahawakan ko sana ang kamay niya pero mabilis niyang iwinasiwas ‘yon kaya sa takot na tamaan ay umatras na lamang ako. “Nagbibiro lang naman ako, e. Hindi ko naman alam na puputok ang nguso mo. Joke lang naman ‘yo–” awtomatikong naumid ang dila ko nang tiningnan niya ako nang pagkasama-sama. Paramg gusto na niya akong patayin sa pamamagitan ng tingin. “Joke?!” Pinaningkitan niya ako ng mga mata. “May joke bang ganito?” Itinuro pa niya ang nguso sa akin. “Sinira mo ang nguso ko, Annika!” “Gagaling din naman ‘yan, oy. Ang oa mo.” “Anong oa? Eh, kung ikaw kaya ang sipain ko tapos mapangudngod ka sa kantuhan ng drawer?” Napangiwi ako. Mukhang galit talaga siya. “Umuwi ka na! Hindi ako magpapakalalaki para sa ‘yo. Bahala ka na sa buhay mo!” Pagkasabi niyon ay padabog siyang tumayo at tangkang iiwanan ako pero pinigilan ko siya. “Bitaw!” Angil pa niya. Sa halip na bumitaw, naglalambing akong sumampa sa likod niya dahilan para muntik na naman siyang masubsob sa doorknob ng silid niya. Mabuti na lamang at nakaalis agad ako sa pagkakasampa sa likod niya at maagap na nahila sa buhok para hindi tuluyang madali ang mukha niya. Nakamamatay na tingin ang ipinukol niya sa akin. “Hoy, baks! Wala namang ganiyanan, o.” “Namu ka! Lumayo ka na sa akin dahil puro disgrasya ang napapala ko kapag nasa paligid kang embalmer ka!” “Grabe ka. Parang wala naman akong magandang nagawa sa ‘yo kung makapagsalita ka nang ganiyan.” Kunwari ay sumbat ko pero sa loob-loob ko'y natatawa na ako. “Ngayong araw wala ka talagang nagawang mabuti sa akin kaya lumayas-layas ka na sa harapan kong namu ka!” “Baks…” “Heh! Lumayas ka na, hindi na kita tutulungan. Bahala ka sa buhay mo, maghanap ka ng lalaking magpapanggap na boyfriend mo.” Pagkasabi niyon ay pumasok na siya sa silid niya. Tangka pa sana akong susunod pero maagap akong napaatras nang muntik na akong tamaan sa mukha nang pabalibag niyang isara ang pinto. Napailing-iling na umalis na lamang ako ng apartment ng kaibigan ko. ‘Di bale, sa ibang araw ko na lamang siya kukulitin. Pumayag naman na siya, nabugnot lang kaya biglang nagbago ang isip pero malakas ang paniniwala ko na hindi ako tatanggihan ni Victor s***h Beki. Pagkagaling ko sa apartment ng kaibigan ko ay sa Cavite ako dumiretso para bisitahin ang isa pa naming branch ng St. Carmen Funeral doon. At kagaya ng ibang branch, walang problema kaya hindi ako mas'yadong stress. Mabuti na lang mababait at maaasahan ang mga tauhan namin sa bawat branch. Hindi sila sakit sa ulo kaya hindi nakakapanghinayang na bigyan ng appreciation gift. Hindi naman sila mahirap pasayahin dahil kahit maliit na bagay ay sobrang na-a-apprreciate na nila. Pasado alas siyete na ng gabi nang magpaalam ako sa mga tauhan ko na dito na nakatira sa likod ng punerarya. SA HALIP na umuwi ng gabing 'yon ay tumawag na lamang ako sa pamilya ko na sa apartment ni Victor ako uuwi. Pumayag naman sila dahil kilala nila ang kaibigan ko. Tinawagan ko rin si Mila para doon matulog. Pumayag naman siya. Nang gabing 'yon ay nanuyo ako kay bakla para pumayag sa request ko pero galit talaga siya sa akin. Hindi raw niya ako kakausapin hangga't hindi gumagaling ang labi niya. Dalawang magkasunod na gabi na sa apartment niya ako natulog para manuyo. “Oo na! Rinding-rindi na ako sa kakaungot mong yawa ka!” Napatalon ako sa tuwa dahil pumayag na ulit siya. “Pero sa susunod na buwan na lang ako mag-uumpisa.” Napahinto ako. “Ha? Baks, ang tagal pa ng susunod na buwan a-siyete pa lang ngayon.” “Hindi pa ako puwede sa date na gusto mo. May raket pa ako sa a-bente. Kailangan ko ‘yon.” Napabusangot ako. “Baks, naman. Kailangan ko nang isampal sa kaniya na may boyfriend ako.” “Eh, kung ihanap na lang kita ng iba? ‘Yong tunay na lalaki.” “Ayoko. Baka mamaya manyakis pa ang makuha mo. Keri na ako sa ‘yo, pogi ka naman, eh.” “Eh, bakla nga ako. Ang dami mong pinapagawa tapos ang hirap-hirap. Gusto mo pang ipa-clean cut ang buhok ko p’wede namang mag-wig na lang ako.” “Hindi puwede ‘yon. Siyempre kung kinakailangan mong makipagbasag-ulo kay Derek para sa akin gagawin mo. Mamaya niyan pagsuntok sa ‘yo naalis ang wig eh ‘di buko na tayo agad.” Napabunghalit ako ng tawa nang pandilatan niya ako ng mga mata. “Tarantado! Hindi ako makikipagsuntukan para sa ‘yo.” “Kapag kailangan lang naman, oy.” “Kahit na! Pinagtatatarantado mo na ako sa gusto mong mangyari. Mamaya hindi ako makailag eh ‘di basag ang mukha ko kaya ihahanap kita ng lalaki.” “Kung may mahahanap kang matangkad, yummy at makalaglag-panty sa kapogian, go.” “Makalaglag-panty ba?” Tumango ako. Nagtaka ako nang tumayo siya at umalis, pagbalik ay may dalang mga panty. “Anong ginawa mo sa mga panty ko?!” bulalas ko ng makilala ang mga ‘yon. “Anong ginawa mo?!” “Inalis ko ang mga garter para laglag-panty ka talaga. Kahit pangit for sure laglag ang panty mo.” “Gago.” “Mindset ba mindset.” Napatanga na lamang ako sa kaibigan kong tawa nang tawa habang pinaglalaruan ang mga panty kong kakaysa na yata sa namayapa kong lola sa sobrang laki. _________ SA PANG-APAT na araw ay wala pa rin sana akong balak umuwi dahil tinuturuan kong kumilos ng matigas si Victor pero tinawagan ako ni Mama na umuwi daw ako dahil may pinuntahan sila ni Papa. Ayon pa kay mama ay si Derek at Ate Myra ang nasa bahay ngayon. Nagdalawang-isip pa ako pero sa huli, sinunod ko si Mama. Saka naisip ko rin na mas'yado nang masarap ang buhay ni Derek sa bahay namin. Patulog-tulog at pahila-hilata lang. Huh! Mas'yado naman siyang masaya. Sa isiping 'yon ay binilisan ko na ang pagmamaneho. Bigla akong na-excite umuwi. Pagkalipas ng mahaba-habang sandali ay sa wakas nakarating na rin ako sa bahay. Napakunot ang noo ko nang mula sa labas ay makita kong napakaliwanag sa loob ng bahay namin. Bukas lahat ng ilaw, gano'n? Malakas ang hinala ko na si Derek na naman ang may kagagawan niyon dahil napakaduwag ng lalaking 'yon. Mula sa maliit na siwang sa may bintana ng sala namin ay sinilip ko kung anong nagaganap sa loob. Bukod kasi sa sobrang liwanag ay napaka-ingay rin. Hindi man lang nahiya sa mga kapitbahay! Gabi na pero–arghh! Inis na sumilip ako sa loob at nakita ko si Derek na nakaharap sa TV namin habang ginagaya ang sumasayaw. Feeling dancer ampvta. Pero aminin mo, Annika, may talent talaga sa dancing ang lalaking ‘yan. Sulsol ng kabilang bahagi ng isip ko. And yes, he has a talent in dancing. Kahit noong high school kami, magaling talaga siyang sumayaw. At aminin mo, isa ‘yon sa nagustuhan mo sa kaniya noon, Annika. Hindi! Tanggi ng kabilang bahagi ng isip ko. Sus, deads na deads ka kaya sa kaniya dati. You did everything for him before pero literal na bully ang lalaking 'yan at ikaw ang suki niya. Sa isiping 'yon ay inalis ko ang tingin kay Derek na feel na feel pa rin ang pag-indak. Matagal na akong naka-move on sa kaniya. Matagal na matagal na… Talaga ba? Parang gagang nagtalo na naman ang isip ko. Talagang-talaga! At hindi ako papayag na muli niya akong gawing katatawanan. Kuyom ang mga kamao na umalis ako sa puwesto ko at umikot papunta sa kinalalagyan ng main switch at ibinaba ‘yon dahilan para mamatay ang lahat ng ilaw at ang nakakabulahaw na tugtog. Napangisi ako nang kasabay ng pagdilim at pagtahimik ng gabi ay ang malakas na sigaw ni Derek. Napakaduwag talaga. “Ate Myra! Syet! Wala akong makita. Ate!” Malakas at tarantang tawag ni Derek sa kasambahay namin. “Ate, please ang mga ilaw! Bakit namatay!” “Hindi ko alam baka nawalan ng power, Derek.” Narinig kong tugon ni Ate Myra. “No. I don't think so kasi mayro'ng ilaw sa mga kapitbahay.” Tss! Napakaduwag talaga. But wait, there's more. Binalikan ko ang bag ko sa van namin. Kinuha ko ang cellphone ko at pumunta sa music. Napangiti ako habang hinahanap ang recorded voice ko na ginagamit ko kapag trip kong buwisitin si Victor. Duwag din kasi ang baklitang 'yon. Tutop ang bibig na ipinlay ko ang nakakakilabot na himig. La la la la la la la la Hi hi hi hi hi “Ate Myra! Syet! Ate Myra!” Sigaw ni Derek kasabay ang kalampagan sa loob ng bahay. Mukhang hindi na niya alam kung saan tatakbo sa sobrang takot. La la la la la la la Hi hi hi hi hi “Ate! Syet! Ate, ang ilaw!” “Oo, teka, titingnan ko ang main switch,” malakas na sagot din ni Ate Myra. “Ate, bilis!” “Oo na. Kumalma ka nga riyan, napakaduwag mo naman.” Natatawang sabi pa ni Ate Myra. Dali-dali akong umikot sa kabila nang marinig kong bumukas ang pinto sa backdoor. Pero iniwan ko ang cellphone sa may main door. Naaninag kong itataas ni Ate Myra ang main switch. Walang ingay akong lumapit sa kaniya at pinigilan sa balak gawin. “Mahabaging langit!” Gulat na bulalas niya, saka mabilis na lumingon sa akin. “Annik–” “Sshh…” saway ko. “Lintik ka talaga!” Napangiwi ako nang hampasin niya ako sa balikat ko na ikinatawa ko. Naaninag ko kasi sa mukha niya ang pinaghalong gulat at takot. “Pati ako dinadamay mo sa mga kalokohan mo. Pambihira ka talaga,” palatak niya at tangkang itataas ang main switch pero pinigilan ko uli siya. “Bakit ba? I-on mo na, maawa ka sa kinakapatid mo, hoy.” “Sandali lang.” “Annika, ano ka ba? Maawa ka nga roon sa tao, kita mong duwag tinatakot mo pa.” “Nakakainis, eh. Pagod ako sa trabaho tapos siya ang sarap ng buhay dito, pasayaw-sayaw lang. Hanggang ngayon napaka-insensitive pa rin niya. Wala siyang pakialam sa mga taong nasa paligid niya. Gabi na, Ate, pero hindi man lang niya hinaan ang sounds niya. Wala siya sa Manila para umasta nang ganiyan. Hindi niya alam na sa ganitong probinsya, alas sais pa lang namamahinga na ang mga tao dahil mga pagod sa paghahanap-buhay maghapon,” inis na litanya ko. “Annika.” “Alas nuebe na, Ate, tapos ganiyan kaingay. Nakakahiya sa mga kapitbahay na gusto nang magpahinga pero hindi makatulog dahil sa ingay dito.” Napakamot sa ulo si Ate Myra. Alam kong alam niya na nasa tama ako at ang lalaking 'yon ay napaka-insensitive. “Sana sinabihan mo, Ate. Alam mo naman ang mga tao rito, sila pa ang mahihiya na sawayin ‘yang si Derek dahil alam nila na bisita ‘yan nila Papa.” Tila may kutong pakamot-kamot lang sa ulo ang naisagot niya sa akin. “Kung hindi ko siya mapapaalis dito wala akong magagawa kun'di ang turuan siya ng leksyon. Gusto kong matutunan niya na hindi ang mga tao rito ang makikibagay sa kaniya kun'di siya ang dapat na makibagay sa mga tao rito. Na hindi lahat ng tao ay mag-a-adjust para sa kaniya. Ang tanda-tanda na wala pa ring pinagbago, tss! Insensitive pa rin.” Muling nabuhay ang inis sa dibdib ko para sa kaniya. “Okay, gets ko na. Sorry na, kasalanan ko dahil nagpadala ako sa paglalambing niya.” “Isa ka pang marupok, ‘Te.” “Eeehh, pogi, e.” Tila namimilipit na sagot niya sa akin. “Gagi, pogi nga duwag naman. Baka kapag magkasama kayo, mauna pa siyang tumakbo kaysa sa ‘yo.” Habang mahina kaming nag-uusap ni Ate Myra sa likod-bahay ay siyang kalabugan naman sa loob ng bahay namin. Tumutunog pa rin kasi ang cellphone ko. “Ate Myra! Where are you? ‘Yong ilaw! Please, bilis, may multo!” Nagkatinginan kami ni Ate, saka may sinabi ako sa kaniya. Iniwan ko siya roon at pumunta ako sa main door. Gamit ang duplicate key, walang ingay kong binuksan ang pinto at mabagal ang ginawa kong pagpasok. “Waahh! Aah…!” Gulat at takot na bulalas ni Derek nang pagbalik ng liwanag ay nasa harap na niya ako. “Annik—Ay!” Sa panggigilas niya ay nahulog siya sa likurang bahagi ng couch. Paa na lamang niya ang kita ko. “Aray! Ang sakit. Aray…” daing niya. Nanatili akong nakatayo sa kinatatayuan ko at hindi man lang kumilos para daluhan ang damuho. Deserve mo ‘yan para matauhan ka sa pagiging insensitive mo. Sa isiping 'yon ay iniwan ko siya at pinagpapatay ang mga ilaw sa sala. Pinag-aalis ko rin ang saksak ng TV, ng speaker at maging ng stand fan. “Napakadamot mo talaga.” Padaskol akong napalingon kay Derek. Nakatayo na siya habang hawak ang likurang bahagi ng ulo. “Damot mo talag–” “Hindi ako madamot. Sadyang makapal lang talaga ‘yang mukha mo. Puwede ba, Derek, kahit minsan umayos ka naman. Wala ka sa bahay niyo para gawin lahat ng mga kapritso mo.” Napatigil ito sa ginagawang paghimas sa ulo at matamang tumingin sa akin. “Ano na naman bang kasalanan ko sa ‘yo at ang init na naman ng ulo mo sa akin. Ha? Nag-away ba kayo ng imaginary boyfriend mo at ako na naman ang gusto mong pag-initan?” nakangisi pa niyang sabi. “Bakit ba sa tuwing makikita mo ako galit ka sa akin? In love ka pa rin sa akin, ‘no?” pagbibiro pa niya. “Ilang araw kang hindi umuwi, miss mo na ‘ko–” “Hindi ako nakikipaglokohan sa ‘yo, Derek.” “Eh, bakit ba? Wala naman akong ginagawa sa ‘yo, ah. Kung tutuusin, ikaw ‘tong maraming ginagawa sa aki–” “Kasi insensitive ka!” Tuluyan nang humulagpos ang pagtitimpi ko sa kaniya. “Annika.” “Alam mo ba kung anong oras na? Pero nakuha mo pang magpatugtog nang malakas. FYI, ang daming matatanda sa kapitbahay na gusto nang magpahinga dahil pagod sila sa paghahanap-buhay. Wala akong pakialam kung magdamag na dilat ‘yang mga mata mo dahil maghapon ka lang namang nakahilata rito sa bahay, pero sila?” inis na litanya ko. “Madaling araw pa lang nasa kaniya-kaniyang bukid na sila para magtrabaho. Hapon na sila babalik, at doon pa lang sila makakapagpahinga. At sa tingin mo ba, makakapagpahinga sila kung abot sa kabilang kanto ang lakas ng tugtog mo?” Hindi siya nakaimik. Nakatingin lang siya sa akin. “Hindi palaging kaming mga tao sa paligid mo ang mag-a-adjust para sa ‘yo.” “Annik–” Hindi ko na pinatapos ang ano mang sasabihin niya. Nilayasan ko na siya at pumasok sa kuwarto ko. KINABUKASAN, nagising ako sa ingay. Dumungaw ako sa bintana para tingnan kung sino ang pasimuno sa ingay na ‘yon. Walang iba kun'di si Derek na pinagkakaguluhan ng mga kapitbahay ko. Hubad-baro habang naghahakot ng tubig sa bawat bahay. “Salamat, Derek. Kaybait mo namang bata ka.” Narinig kong papuri ni Tatay Eddie. “Gusto ko lang hong makabawi sa inyong lahat dahil sa pagiging insensitive ko,” sagot niya sabay tingin sa gawi ko. Huli na bago pa man ako makatago. Napaismid ako nang ngumiti siya sa akin na akala mo'y walang nangyari at kumindat. Nag-flying kiss pa siya na ikinakilig ng mga kapitbahay ko at kapagkuwa'y inulan kami ng panunukso dahil sa ginawa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD