ANNIKA
MATATAPOS ang ilang araw na paglalakwatsa ay balik trabaho na ako. Tapos na ang lakwatsa at dito na ulit ako sa reyalidad ng buhay. Wala rin naman akong ibang pagkakaabalahan maliban sa pag-aasikaso ng aming negosyo. Negosyong inaayawan ng marami. Ang hindi alam ng iba ay maayos namang negosyo ang punerarya. At masasabi kong sa pagdaan ng mga araw ay mas gumaganda ang takbo ng aming negosyo. Marami na rin kaming mamayamang kliyente dahil sa mga magagandang feedback na nakukuha namin mula sa mga naging kliyente namin. At may mga recommendation na rin na labis kong ikinatuwa dahil sila na mismo ang nagsasabi sa iba na maganda at maayos ang serbisyo namin sa kanila.
At dahil doon mas naging abala pa ako at hindi ko na nga napapansin ang paglipas ng mga araw. Naging tutok ako sa negosyo namin kaya naging bihira na rin ang oras ko na makipagkita sa mga kaibigan ko. Mag-isa lang kasi akong anak kaya wala naman akong ibang maaasahan kapag umalis ako. Sayang din naman ang kikitain at dagdag savings na rin. Kaya pa naman ng mga magulang ko pero hangga't maaari ay ayaw ko na silang asahan sa ganito dahil kayang-kaya ko naman.
Kasalukuyan akong nag-aalmusal nang dunulog sa hapag-kainan si Mama. Mukhang kagigising lamang nito.
"Morning, 'Nak," bati nito.
"Morning, Ma. Kain tayo, Ma," alok ko.
Umiling ito. "Mamaya na ako, hihintayin ko na ang papa mo. Tulog mantika na naman, eh."
Tiningnan ko ito at ngumisi. "Pinagod mo na naman yata, Ma, eh. Huwag n'yo kasing ubusin ang lakas ni Papa para mayro'n pa para sa kinabukasan."
"Loka-loka ka talagang bata ka."
Napahagikhik ako nang mamula ang mukha nito. "Oy, si Mama nagba-blush. Checks 'yarn?"
"Gaga!" At gigil na hinampas ang kamay ko na nakapatong sa ibabaw ng mesa.
"Taray, may pag-blush pa talaga, Ma, ah." Patuloy na tudyo ko rito at tumayo. "Pahawak nga sa tuhod kong nanginginig pa--aray!" Napadaing ako nang hilahin nito ang buhok ko dahilan para mapasunod ang ulo ko rito. "Aray, Ma! Masakit, ah."
"Ako na naman kasi ang napagtripan mong bata ka!"
"Eh, siyempre tayo lang namang dalawa ang narito. Alangan namang tuhod ni Papa ang hawakan ko, eh 'di sinipa ako no'n."
"Heh! Ke aga-aga, Annika." At lalong hinila ang buhok ko.
"Ma, masakit na, ah. Tama na..." Padaskol nitong binitawan ang buhok ko sabay tayo. "Saan ka pupunta, Ma?"
"Sa lugar na hindi ka makikitang bata ka." Kunwaring inis na sabi nito. "Bilisan mo nang kumain para makaalis ka na."
"Yes, Monster--este Master." Biglang bawi ko nang pandilatan niya ako ng mga mata. "Love you, Ma." Sabi ko sabay ngisi. "Muah!"
"Bilisan mo na riyan!"
"Love you muna."
"Oo na, love you!"
"Ba't galit? Kaunting lambing naman, Ma." Hirit ko at mabilis na napatayo nang humakbang ito palapit sa akin. "Ayaw ko na, Ma."
"Bilisan mo na riyan, ha." Pagkasabi niyon ay iniwan na ako nito.
Napapangiting mag-isa na tinapos ko ang aking pagkain at kaagad nang gumayak para umalis. Hindi naman na ako nagtagal at tinungo sandali ang kuwarto nila Papa para magpaalam. Sumilip ako sa kuwarto nila at nakita kong nakaunan si Papa sa dibdib ni Mama.
How's sweet. Sa loob-loob ko habang pinagmamasdan ang mga magulang ko. Tanders na pero may mga asim pa. Ano kaya kung humiling ako ng kapatid? Napahagikhik ako sa pumasok sa isip ko. Why not? Hindi pa naman menopause si Mama, puwedeng-puwede pa.
"Annika!" Mahina ngunit mariing sambit ni Mama sa pangalan ko.
Nginitian ko siya sabay kindat. "Alis na ako." Mahinang paalam ko dahil sarap na sarap pa ang tulog ni Papa.
"Oo na. Mag-ingat ka." Isang nanunudyong kindat ang isinagot ko rito. "Annika!"
"Bye!" Sa takot na mahila na naman nito ang buhok ko ay nagmamadali na akong umalis sa labas ng pinto nito, saka tuluyan nang umalis ng bahay.
Sa opisina ako pumunta. May mga kailangan pa akong ayusin. Naging abala ako sa mga sumunod na sandali. Hindi ko na namalayan ang oras. Pagsapit ng tanghali ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Victor.
"Oh?"
"Kita tayo," anito sa kabilang linya.
"Busy pa ak--"
"Kapag hindi ka nakipagkita sa akin, susugurin kita riyan sa punerarya mo." Pananakot nito.
"No way!" Mabilis akong napatayo sabay hagilap sa bag ko. "Saang lugar?"
"'Yan ganiyan nga. Matuto kang matakot."
"Buwisit!" Matapos nitong sabihin kung nasaang lugar ito ay kaagad ko ng pinatay ang tawag. "Kuya, alis muna ako. Tawagan mo ako kapag may kailangan dito, ha?" Paalam ko kay Kuya Rick na driver namin.
"Sige, Annika. Ingat ka."
"Salamat, Kuya." Nagmamadali na akong lumulan ng sasakyan at pinuntahan ang kaibigan ko.
Kaagad akong umibis ng sasakyan nang makarating ako sa restaurant na sinabi nito. Nasa may pintuan pa lamang ako nang natanaw ko na ito kaya ibinalik ko na sa bag ko ang cellphone ko.
Habang naglalakad palapit dito ay naisip kong gulatin ang kaibigan ko. Walang ingay na humakbang ako palapit sa kaniya at...
"VICTOR!"
"Victorrr...!" Gulat na gulat na bulalas ng kaibigan ko at mabilis na lumingon sa akin habang sapo ang dibdib. "Pvtangina naman Annika, oh."
Hindi ko napigilan ang paghagalpak ng tawa dahil sa malutong na pagmumura nito at sa naging hitsura nito. Maging ang mga taong kumakain ng mga sandaling iyon ay napabunghalit din ng tawa. Ang sexy kasi ng outfit nito at mukhang babaeng-babae tapos biglang naging boses lalaki. Nawala sa poise ang gaga.
"Ang gago mo. Nalaman tuloy nilang berde ang dugo ko." Ang sama ng tingin nito sa akin pero tawa pa rin ako nang tawa. Hindi ako maka-move sa hitsura nito. "Isang tawa pa, Annika. Peste ka."
Tinakpan ko ang bibig ko gamit ang dalawang palad ko para pigilan ang pagtawa ko. Ang sakit na ng tiyan ko dahil pigil-pigil ko ang mapabunghalit ng tawa. Pikon na kasi ang gaga.
"Ang pangit mo," sabi ko, saka napahagikhik na naman sabay upo sa kahugpong ng upuan nito.
"Gag0!" Pinagtitinginan na kami ng mga tao. "Parang tanga 'to, nalaman tuloy na bakla ako." Himutok nito sabay sipa sa paa ko sa ilalim ng mesa. Halos tumulo na ang laway ko sa kakatawa.
"Annika, isa!"
"S-Sorry n-na..." Yumugyog na naman ang balikat ko. Hindi ko talaga mapagilan ang tawa ko. "Nakakatawa kasi 'yong hitsura mo, bakla. Ang sakit ng tiyan ko..." Manluha-luha na ako.
"Tarantad0!" Sabay sipa na naman sa paa ko. Biglang naudlot ang tawa ko dahil tumama sa binti ko ang dulo ng sapatos nito. "Isa pa, patatamaan ko na 'yang pechay mong tigang."
"Bakit ba? Eh sa nakakatawa ka, eh." Napahagikhik na naman ako. Napilitan na akong tumigil nang masama na ang hilatsa ng pagmumukha nito.
"Napakagaga mo," himutok nito.
Pinaikot ko ang mga mata ko. "Okay lang 'yan maganda ka pa rin naman, eh. Bagay na bagay sa'yo ang outfit mo today."
"Talaga?" Biglang nagliwanag ang mukha nito.
"Oo para ka ngang bulaklak, eh."
Talanding inilagay nitong sa likod ng tainga ang buhok na hanggang balikat ang haba. "Anong klaseng bulaklak?"
"Sampaguita. Sampaguitang lanta na malapit nang matuyot." Muli akong napahagikhik nang pandilatan niya ako ng mga mata. "Joke lang."
"Tarantad0! Ikaw ang magbayad ng kakainin mo."
"Hoy, joke lang. Wala akong pera, bakla."
"Pakihanap ng paki ko." Sabay irap sa akin. "Tiba-tiba ka sa negosyo mo tapos wala kang pera?"
"Nagtitipid ako, saka ikaw naman ang nagyayang kumain, ah. Natural lang na sagot mo ako." Hirit ko.
At siyempre hindi naman niya ako natiis. Mahal na mahal kasi ako ng kaibigan kong ito. Malantod lang minsan pero madalas namang maaasahan lalo na sa oras ng kagipitan.
"Bakit pala bigla kang nagyayang kumain? Anong mayro'n, Victor?"
Masama siyang tumingin sa akin. "Vicky, Annika, Vicky."
"Oh, siya, Beki, anong mayro'n?"
Pinaikot nito ang mga mata. "Wala lang, na-miss ko lang ang kaibigan kong embalsamadora." Nang-aarok ko siyang tiningnan. "Oo nga. Na-miss lang kita. Ilang linggo ka nang hindi mahagilap, eh."
"Na-miss din naman kita, bakla. Pasensya ka na kung nawawalan na ako ng time na maglakwatsa kasama ka at si Mila. Alam mo naman, busy ang ferson. No time for good times."
"Kaya wala ka nang alam sa ganap sa buhay ko." Bakas ang pagdaramdam sa boses nito. "Kapag kailangan mo ako lagi akong may oras sa'yo. Pero kapag ikaw ang kailangan ko, hindi kita mahagilap. Mukhang kailangan ko pang mamatay para magkaroon ka ng time sa akin. Nakakatampo na, Annika."
"Hala! Seryoso ba 'to?" Natigilan ako nang mangilid ang mga luha nito sabay tungo. "Hoy!" Lumipat ako sa tabi nito. "Okay ka lang? Ano bang nangyari?"
"Oh, tapos ngayon interesado ka na? Walang namatay kaya hindi mo ako mapagkakaperahan."
"'To naman, bakit nga?"
"Si Papa kasi..."
"Oh, anong mayro'n kay Tito Carlito?" Tukoy ko sa ama nito.
"Gusto niya akong ipakasal sa babae." Sa halip na maawa ay napatawa ako. "Annika!"
"Eh, kasi akala ko naman kung anong problema mo 'yan lang naman pala."
Pinandilatan niya ako. "Anong lang? Hindi mo ba ako narinig? Gusto akong ipakasal ni Papa sa babae. Sa babae, ha, babae."
"Eh 'di pakasalan mo. Ang dali-dali kaya ng solusyon sa problema mo."
"Hindi ko kaya! Bakla ako, Annika, bakla ako!"
"Puwede naman 'yon, ah. Mayro'n nga riyan bakla at tomboy nagpapakasal, eh."
"Annika! Naririnig mo ba ang sarili mo? Bakla ako. Hindi ko kayang makipagsiping sa babae. Ehh...ew!" Tila diring-diring sabi nito.
"Maka-eww ka naman diyan. Masarap kami, 'no? Subukan mo lang, malay mo magustuhan mo 'yong kagaya no'ng akin."
Diring-diring mahinang nagduduwal ang gaga. Mukhang malabo talaga itong maging straight na lalaki. Maski yata hainan ng pekpek ay hindi man lang nito titikman.
Natapos at natapos kaming kumain ay wala siyang nakuhang matinong advice mula sa akin. Ano ba naman kasi ang i-a-advice ko eh baklang-bakla talaga ang kaibigan ko at lalaki talaga ang gusto.
Bago kami maghiwalay ng araw na 'yon ay sinabi nito na kapag hindi na siya pinauwi ng mga magulang dahil sa hindi pagsunod sa gusto ng mga ito ay makikitira muna siya sa akin habang naghahanap ng matutuluyan. Siyempre umuo naman ako dahil malaki naman ang bahay namin at hindi ko maaaring pabayaan ang kaibigan ko.
Bumalik ako sa opisina ko at pagsapit ng alas sais ay saka pa lamang ako umuwi sa bahay namin.
Naabutan ko sa veranda ang mga magulang ko. Hindi nila ako napansin dahil mukhang masinsinan ang pinag-uusapan nilang dalawa. Hindi ko naman na sila inabala at dumiretso na ako sa aking kuwarto. Pagkatapos makapagpahinga ng ilang minuto ay naligo na ako at kapagkuwa'y humiga na.
Hinihila na ako ng antok nang marinig ko ang katok mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko.
"Annika, Anak, gising ka pa ba?"
"Ma, bakit po?" Sagot ko at walang balak tumayo para buksan ang pinto.
"Wala naman, tutulog ka na ba? Hindi ka pa raw naghahapunan, ah."
"Busog pa naman po ako, Ma. Bukas na lang po ako kakain, magpapahinga na po muna ako pakisabi na lang din po kay Papa."
"O, siya sige. Good night, 'Nak."
"Night, Ma. Love you."
"I love you." Mayamaya pa'y narinig ko na ang papalayong mga yabag ni Mama.
Umayos ako ng higa at itinuloy ang naudlot na pagtulog.
KINABUKASAN, tinanghali ako ng gising. Nang makita kong alas nuebe na nang umaga ay dali-dali akong naligo at nag-ayos ng sarili. Wala pang trenta minutos ay tapos na ako.
Pagdating ko sa sala ay awtomatikong napahinto ang mga paa ko nang makita kong tutok na tutok sa computer ang mga magulang ko. Bahagya akong sumilip at mukhang may kausap ang mga ito.
"Nasangkot ka na naman sa gulo! At talagang umabot ka pa sa presinto!" Dinig kong sigaw mula sa monitor ng computer.
"Ma! Ma!" Mahinang tawag ko kay Mama.
"Paalis ka na?"
"Sino 'yon?" Balik-tanong ko habang nakanguso sa computer.
"Ang tito--" Naputol ang sasabihin ni Mama nang may malakas na kalabog mula sa kausap nito.
"Talaga bang hindi ka na magtitino?! Wala ka nang ibang ginawa kundi bigyan kami ng sakit ng ulong bata ka! Hindi ka na nadala! Puro ka na lang sakit ng ulo! Kung hindi ako nakagawa ng paraan baka hanggang ngayon nasa kulungan ka pa rin!"
"Wala akong kasalanan, Dad. Ipinagtanggol ko lang ho ang sarili--"
"Sasagot ka pa! Tarantad0!" Sa muling pagsigaw ng galit na galit na boses na 'yon ay ini-off na ni Papa ang computer.
"Sino ho 'yon, Pa? At bakit galit na galit?" Usisa ko.
"Ang tito Demier mo, mukhang ginalit na naman ng mga barako n'ya."
"Oh," tanging nasabi ko.
Hanggang ngayon pala makukulit pa rin ang mga anak niya. Napaismid ako nang maalala ang panganay na anak ni Tito Demier na inaanak ni Papa. Ang pinakasalbe sa lahat. Pero for sure hindi siya 'yong kaaway ni tito kasi nasa ibang bansa pa rin yata ang damuhong na 'yon. Hmp! Mabuti naman.