ANNIKA
"ANNIKA, kanina pa may tumatawag sa cell phone mo." Pagbibigay alam ni Kuya Jh0ng sa akin.
"Patingin naman, Kuya, kung sino ang tumatawag." Utos ko, hindi ko kasi maiwan ang ginagawa ko dahil kasalukuyan kong inaayusan ang isang bangkay na dinala dito sa aming punerarya kaninang umaga.
May lakad nga sana ako ngayon pero isinantabi ko muna dahil sa hiling ng mga magulang ng patay na ako mismo ang mag-ayos sa anak nila na nasawi dahil sa isang aksidente. Well, wala namang bago dahil karamihan sa customer namin ay namatay mula sa kinasangkutang aksidente.
"Si Ma'am ang tumatawag, Annika." Aniya na ang tinutukoy ay si Mama. Lumapit siya sa akin at inaabot ang cell phone ko. "Baka emergency 'yan, sagutin mo muna."
"Pasuyo na nga, Kuya." Sinagot naman niya 'yon, saka itinapat sa kanang tainga ko. "Hello, Ma, bakit ho?" May sinasabi siya sa kabilang linya pero hindi ko mas'yadong maintindihan. "Ma, mamaya na lang, hindi ko maintindihan."
Nagsalita ulit si Mama pero malabo talaga dahil putol-putol ang boses niya. Annika lang ang malinaw kong naintindihan sa mga sinabi niya.
"Ma, mamaya na lang ho. Maaga na lang akong uuwi."
"Ang sabi ko, umuwi na si—"
"Hello, Ma, mamaya na lang. Wala akong maintindihan sa sinasabi niyo, saka busy pa ako." Putol ko sa ano mang sinasabi niya nang nakita kong sumenyas si Lanie, ang bagong assistant ko. "Sige na, Ma. I'll call you later. Bye." Pinatay ko na ang tawag at bumalik sa ginagawa ko.
Pagkatapos kong ayusan ang bangkay ay pinagtulungan na namin siyang suotan ng magandang damit pamburol. At pagkuwa'y ang mga tauhan na namin ang nag-asikaso habang ako nama'y lumabas muna para sumagap ng sariwang hangin at makagpahinga kahit sandaling oras lang.
Dala ng pagod ay hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako sa pagkakaupo ko. At sa pagmulat ng aking mga mata, hindi ko inaasahang ang mukha ng taong pinakaayaw kong makita ang mamumulatan ko.
"Manyak!" Awtomatikong umigkas ang kamao ko nang ngumisi siya sa akin at tangkang hahawakan ang pisngi ko.
Sapol ang mukha niya. Malakas siyang napasigaw habang sapo ang mukhang tinamaan ko.
"Hala! Ma'am Annika, anong ginawa niyo kay Kuya Jhong?" Boses 'yon ni Lanie.
Jhong? Teka…si manyak ang sinapak—"
"Aray, ang sakit. Anong kasalanan ko, bakit mo 'ko sinapak, Annika…" boses ni Kuya Jhong na halatang may iniinda.
Napabalikwas ako ng tayo kasabay ang malakas na singhap nang makita ko si Kuya Jhong na sapo ang mukha.
Nagtama ang mga mata namin.
"Bakit, Annika? Anong kasalanan ko?"
"Ha? Ah, eh, sorry, Kuya. Akala ko ikaw si manyak, eh." Napapangiwing sabi ko nang makita na dumudugo ang ilong niya.
"Hindi ako manyak, pambihira naman, oh."
"Sorry talaga, Kuya. Napanaginipan ko kasi si–" kusa akong natigilan nang ma-realize na dumalaw na naman pala sa panaginip ko ang manyak na 'yon.
"Sino bang napanaginipan mo at nananapak ka na lang bigla? Patay ako nito sa asawa ko, eh."
"Sorry talaga, Kuya. Hindi ko sinasadya, akala ko talaga siya ikaw."
Nakangiwi niyang pinahid ang dugo sa ilong at pagkuwa'y tumango. "Mukhang malaki ang inis mo sa taong laman ng panaginip mo, ah. Biruin mong sinapak mo siya, ako pala." Iiling-iling na sabi niya.
"Sobra, Kuya. Kumukulo talaga ang dugo ko dahil sa sobrang manyak niya, hinawakan ba naman ako sa puwet. Hindi lang basta hawak ha, pinisil pa niya." Huli na nang ma-realize ko na nasabi ko na pala sa kanila ang ginawang kamanyakan sa akin ng manyak na 'yon.
"Huwag n'yo akong pagtawanan, naiinis ako."
"Hindi ka naman mabubuntis sa hawak-hawak lang, Ma'am." Hirit ni Lanie.
"Kahit na ba. Kamanyakan pa rin 'yon, kaya 'wag na 'wag siyang hahara-hara sa harapan ko dahil talagang malilintikan siya sa akin."
Pigil-pigil ang tawanin ng mga ito bago ako iniwan.
Makailang ulit kong pinilig ang ulo ko bago nagdesisyong sundan si Kuya Jhong. Mukhang napalakas ang sapak ko sa kaniya.
Naabutan ko siyang naghihilamos sa lababo. Kumuha ako ng tissue at inabot sa kaniya, saka muling humingi ng paumanhin sa ginawa ko.
"Okay lang. Basta ikaw ang magpaliwanag kay misis, ah. Alam mo naman 'yon, ayaw na ayaw na makikipagbasag-ulo ako kahit kanino."
"Ako ang bahala sa 'yo, Kuya. Sorry ulit, ikaw kasi, eh." Paninisi ko na ikinatawa niya.
"Aba't tingnan mo nga naman at kasalanan ko pa pala."
"Lapit ka nang lapit, eh."
"Gigisingin lang sana kita dahil tumawag na naman si Ma'am."
"Nakausap mo ba? Bakit daw?"
"Paalis daw sila ng papa mo, baka late na raw sila makauwi o baka bukas na. Pero ibinilin ni Ma'am na tawagan mo raw siya dahil may sasabihin siya sa 'yo na mahalaga."
Napatingin ako sa labas ng bintana nang huminto ang isang ambulansya. At alam ko na kung ano ang laman niyon sa loob.
"Mas mahalaga ang customer natin." Pagkasabi ko niyon ay iniwan ko na si Kuya Jhong at hinarap ang isa ko pang driver na siyang nag-drive ng dumating na ambulansya.
Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na naman kaming lahat. Hindi ko na natawagan si Mama at namalayan ko na lamang na alas singko na pala ng hapon.
Napapabuntong-hiningang naglinis ako ng katawan at nagpalit ng damit.
Pauwi na sana ako ng bandang alas sais nang makatanggap ako ng tawag mula kay Victor. Nagyaya siyang pumunta sa karaoke bar at hindi na niya ako binigyan ng pagkakataong makatanggi dahil ang walanghiya, basta na lamang pinatay ang tawag. Nang subukan kong tawagan ay naka-off na ang cell phone ng baklitang 'yon.
Wala akong nagawa kun'di ang sumunod sa karaoke bar na sinabi niya. Mukhang tama naman ang desisyon ko na sumunod dahil sobrang nag-enjoy ako. Bukod sa naki-join kami sa kantahan, hindi rin mawawala ang mga kagagahang banat ni Victor.
Pasado alas dos na nang madaling araw nang mapagpasyahan naming umuwi.
Pagdating sa bahay ay kaagad na akong dumiretso sa kuwarto ko. Antok na antok na ako kaya hindi ko na nagawang magpalit ng damit ko. Pabagsak akong humiga sa kama ko at kaagad na hinila ng antok.
KINABUKASAN, naalimpungatan ako sa pag-iingay ng cell phone ko. Kinapa ko iyon sa aking glid, saka nakapikit pang sinagot.
"Ma'am, papasok ka ba?" Bungad ni Lanie sa akin.
"Of course, maaga pa naman."
Tumawa siya. "Anong maaga pa? Alas diyes na po ngayon, Ma'am."
"Teka–, alas diyes?!" Nawindang ako nang pagtingin ko sa wall clock na nakasabit sa may pinto ay alas diyes na nga ng umaga. "Sige na, Lanie. Ikaw na muna ang bahala riyan, maliligo lang ako."
Bumangon na ako kahit bahagya ko pa lamang naiibukas ang mga mata ko dahil sa puyat at gusto ko pa sanang matulog pero hindi puwede.
Dumiretso ako sa banyong kahugpong ng kuwarto ko.
Pagbukas ko ng pinto, tumambad ang isang lalaking nakatayo patalikod sa akin. Kinusot-kusot ko ang mga mata ko para masigurong totoo at hindi guni-guni lang ang nakikita ko ngayon.
Nang makita ko siyang gumalaw, doon ko napagtanto na totoong tao ang nakikita ko ngayon at hindi multo at lalong hindi guni-guni lang. Hubad-baro ito. Mula sa malapad nitong likod ay namasyal ang tingin ko sa katawan nito, pababa sa matambok nitong puwet na natatakpan ng puting tuwalya.
Ang tambok naman. Sa loob-loob ko. Pero agad ko ring pinutol ang anumang iniisip ko dahil na-realize kong napasok ang bahay namin at delikado ang puri ko. Sa isiping 'yon ay nakuyom ko ang mga kamao ko.
"Sino ka?!" Galit na tanong ko, at inihanda ang sarili kung sakaling kakasa siya.
Natigilan ito.
"Sino ka?! At anong ginagawa mo rito sa pamamahay namin?!" Mas naging mabalasik ang tanong ko. "Sino ka? Magnanakaw ka 'no?" Akusa ko.
"Of course not!" Tanggi niya, saka dahan-dahang pumihit paharap sa akin. "Ikaw?!"
"Ikaw?!" Panabay naming sabi nang makita ang pagmumukha ng isa't isa.
Kung nawindang siya, mas dobleng windang ang naramdaman ko. Kulang na lang ay lumuwa ang mga mata ko habang nakatitig sa kaniya para siguraduhin na hindi ako namamalikmata lang na nasa harapan ko ngayon ang lalaking isinumpa ko. Hindi ko inaasahang makikita siya sa mismong loob ng pamamahay ko.
"What are you doing here?" Aniya nang makabawi.
Pinaningkitan ko siya ng mga mata sabay hakbang ng dalawa palapit. "Hindi ba dapat ako ang magtanong sa 'yo niyan?! Anong ginagawa mo rito? Sinundan mo 'ko? Stalker ka?" Sunod-sunod na akusa ko na ikinatawa niya.
"Hindi ko alam na ambisyosa ka pala, Miss puwe–" hindi niya natapos ang mga kabulastugang sasabihin nang umigkas ang kamao ko at lumanding sa nguso niya na ikinasigaw nang malakas. "Shlt!"
"Huwag na huwag mo akong babastusin sa loob ng pamamahay ko dahil hindi kita sasantuhin!" Mabilis kong nakuha sa likod ng pinto ang agimat kong buntot-pagi at inumang sa kaniya. "Kung ayaw mong lumatay 'to sa pagmumukha mo, lumayas ka!"
"No way! Dito ako pinatapon ng Daddy ko–, whoa, whoa, whoa wait!" Mabilis siyang nakaigpaw nang ihahataw ko ang hawak ko sa binti niya.
"Lalabas ka o lalatayan kita nito?!"
"Lalabas! Lalabas ako–, whoa, wait!" At mukhang hindi nito alam kung saan dadaan palabas.
"Bilis!" Napaiktad ito sa pagsigaw ko.
"Sandali! Saan ba kasi ang daan palabas?"
"Hanapin mong gago ka!"
Pinanlisikan ko siya ng mga mata kasabay ng pagwasiwas sa buntot-pagi na ikinaatras nito dahilan para mauntog sa shower head. Naabot niya 'yon sa haba ng biyas niya.
"Shlt, ang sakit."
"Bilis!"
"Oo na! P-Paano ako lalabas, nakaharang ka sa pinto?"
"Hindi ko na problema 'yon basta ang gusto ko lumayas ka sa harap ko, gago!"
"Oo na, oo na! Ibaba mo 'yang hawak mo, lalabas na ako." Hintatakutan niyang sabi.
Marahil nakita niyang hindi talaga ako nagbibiro na kaya kong ihataw sa kaniya ang buntot-pagi.
"Lumabas ka na sabi! Labas—" Naumid ang dila ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko nang malaglag sa sahig ang tuwalyang nakabalot sa ibabang katawan nito. Mula sa tuwalya ay umakyat paitaas ang mga mata ko hanggang sa dumako sa gitnang bahagi nito na ikinasigaw ko.
"Ahhhh! Bastos! Bastos! Manyak!"
"What?"
"Ahh! Ang laki, ay hindi! Ay basta! Bastos! Manyak!" Tiling sabi ko bago pa ibinaling sa iba ang mga mata ko.
"What? Why?"
"Bastos! Manyak!"
"Ano bang kabastos-bastos–" kusa itong natigilan at sinundan ang tinuturo ko. "Shlt!" Malutong niyang pagmumura at hindi malaman kung paano tatakpan ang sarili.
"Bastos! Lumayas ka!" Dama ko ang malakas na kabog ng dibdib ko dahil sa labis na pagkabigla. God, ngayon lang ako nakakita ng gano'n. Nanindig ang mga balahibo ko. Muli akong tumili nang maramdaman ko siyang humakbang palapit sa akin.
"Huwag kang lalapit! Bastos–"
"Ako pa ngayon ang bastos, eh ikaw 'tong naninilip. Palabas ka nang palabas, ayan, lumabas nga! Nakita mo tuloy ang mahiwaga kong batuta. Hamon ka nang hamon–"
"Shut up! Just get out! Get out!" Sigaw ko. Halos panawan ako ng ulirat ng mga sandaling 'yon. "I said out! Out!"
"Annika?" Mayamaya'y narinig kong tawag ni Papa sa akin.
Nabuhayan ako ng loob.
"Pa! Help! May magnanakaw! May rapist!"
"Whoa! I'm not a thief, at lalong hindi ako rapist–"
"Pa, bilis! I need help!" Sigaw ko uli.
Humahangos na dumating si Papa, kasunod nito si Mama.
"Anong nangyayari?"
"Nasaan ang hayop na 'yan?" Magkasabay na tanong ng mga magulang ko.
Sasagot pa lang sana ako nang walang anu-ano'y tabigin ako ng manyak na intruder at lumapit sa mga magulang ko na tila natuklaw ng ahas.
"Ninong, Ninang, hindi po ako magnanakaw at lalong hindi po rapist."
"Ninong?" Si Papa na nakakunot ang noo ngunit mayamaya lamang ay ngumiti rin. "Teka, Derek? Ikaw na ba 'yan?"
"Opo, Ninong. Ako po si Derek Montana, ang pinakaguwapo mong inaanak. Mano po, 'Nong, 'Nang."
"Kaawaan ka ng Diyos. Binatang-binata ka na, ah." Magiliw na sabi ni Mama na mukhang nakalimutan nang kailangan ko ng tulong.
"Welcome home, Derek." Si Papa. "Totoo nga ang sabi ng daddy mo, mukhang maloko ka pa rin pero mukhang sa pagkakataong ito hindi ka uobra sa kinakapatid mo," dagdag pa niya sabay turo sa putok na nguso ng lalaki.
Daig ko pa ang natuklaw ng ahas nang ma-realize kung sino ang hereduris na nasa loob ng pamamahay namin. Ang manyak na sumubsob sa dibdib ko sa airport, ang dumakot sa puwet ko, at ang kinakapatid kong bully noon ay iisang tao?
At ano raw? Welcome home? What the f?"