Chapter 20

2382 Words
ANNIKA PAGKATAPOS na pagkatapos kong ipakilala si Victor o Vince sa ama ni Derek ay agad ko na siyang hinila papasok ng bahay para hanapin si Mama. Dahil kung magtatagal pa kami sa harap ni Derek, malamang mabubuking agad kami sa kakerihan ng kaibigan ko. “Aray ko naman, Annika. Dahan-dahan naman.” Pabulong na reklamo niya. “Nakakainis ka kasi. Mabubuking tayo sa ginagawa mo, eh.” “Ano bang ginagawa ko? Sinusunod ko naman ang mga gusto mo, a.” “Sinusunod? Hindi mo ba napansin na iba ang tingin ni Derek sa ‘yo habang kausap ko ang Daddy niya?” “Hindi ko na kasalanan kung gandang-ganda sa akin ang kinakapatid mo ‘no?” Aniya at talanding pumilantik ang daliri. “Victor!” “Joke lang ‘to naman. Don't worry, safe ang sekreto mo sa akin. Kailan ba kita inilaglag, ha?” “Tss! Siguraduhin mo lang.” “Opo, Madame.” Pagkatapos naming mag-usap ay dumiretso na kami sa sala. Eksakto namang nakita ko na si Mama. “Ma,” tawag ko. “Anak, saan ka ba gali–” Natigilan si Mama nang mula sa akin ay napatingin sa kanan ko. Kumunot ang noo niya habang nakatingin pa rin sa kaibigan ko. Pasimple kong siniko si Victor. Nagkatinginan kami, nakuha naman niya ang ibig kong sabihin kaya mabilis niyang kinuha ang kamay ni Mama at nagmano. “Mano po, Tita. Happy birthday po.” “Salamat.” Nasa mga mata ni Mama ang pagtatanong nang muling bumaling sa akin. “Ah, Ma, si Vince po pala. Nobyo ko po. Vince, si Mama.” Pagpapakilala ko sa kanilang dalawa. Lihim akong napangiwi nang hindi lang mata ni Mama ang lumaki kun'di pati butas ng ilong. Tanda na hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. “Ah, Ma, kakasagot ko lang po kay Vince last week.” “Nobyo mo? Last week pa? Saan ka niligawan niyan at hindi namin alam ng papa mo?” Maintrigang sunod-sunod na tanong ni Mama bago muling binalingan si Victor. Patay! ‘Wag sana siyang makilala ni Mama. Tila nabunutan ako ng tinik nang pagkalipas ng ilang sandaling pagmamasid kay Victor ay sa wakas ngumiti rin si Mama sa aming dalawa. Napangiti ako pero agad ding nabura nang ma-realize ko na may laman ang ngiti ni Mama. At natiyak kong tama ako nang lumapit si Mama sa akin at bumulong. “Anong drama mong bata ka, ha?” “Drama? Anong drama, Ma?” Maang-maangan ko ngunit sa halip na sumagot ay tinaasan niya ako ng kilay at kapagkuwa'y hinila ako. Wala akong nagawa kun'di ang magpahila patungo sa kuwarto nila ni Papa. “Ma—” Naputol ang sasabihin ko nang mahinang humagikhik si Mama. “Anong nakakatawa, Ma?” “Ikaw. Kayong dalawa ng kaibigan mo.” “Kaibigan? Ma, kakasabi ko lang po, nobyo ko si Vince.” Impit na tumawa si Mama at hinila ako sa buhok na ikinangiwi ko. Hindi pa siya nasiyahan, kinutusan pa ako. “Aray naman, Ma. Nakakarami ka na.” Reklamo ko. “Mga gaga kayo. Hindi ko alam kung anong drama ninyong dalawa pero sige, sasakyan ko na lang. Kunwari hindi ko alam na si Vicky o Victor iyang nobyo-nobyohan mo.” “Paano n'yo nalaman, Ma? E, ang guwapo kaya ni Victor. Ako nga, hindi siya agad nakilala, e.” Pag-amin ko. Wala na ring silbi kong magkakailala pa ako dahil buking na kami ni Mama. “Muntik ko na rin siyang hindi makilala pero nakita ko ang peklat sa leeg niya. Kilala ko ang peklat ni Vicky na mismong ama niya ang may gawa, Annika.” Napakamot na lang ako sa ulo. Muling humagikhik si Mama. “Pero ‘wag ka ang guwapo pala ng kaibigan mo kung magpapakalalaki na talaga. Mabuti at napapayag mo iyon sa mga kalokohan mong bata ka.” “Siyempre, best friend kami, e. Pero basta, Ma, ha? Sshh ka lang, okay?” “Oo naman. Sshh lang ako.” Malawak ang ngiting inakbayan ko si Mama. “Thanks, Ma. The best ka talaga.” “Sus, uutuin mo pa ako.” “Hindi, ah! The best ka naman talaga. Kaya nga love na love kita, e. I love you, Ana.” “Gaga! Bumalik na nga tayo sa labas baka hinahanap na tayo ni Kumare.” Tukoy niya sa ina ni Derek. Nagpatiuna na ako pero agad din akong hinila ni Mama pabalik. “Teka nga muna, Annika. Umamin ka nga, may gusto ka pa rin ba sa kinakapatid mo?” “Wala po!” Maagap na sagot ko. Nang-aarok niya akong tiningnan. Halatang hindi kumbinsido. “Ma, peksman. Kaya ko lang pinagpanggap si Victor kasi inaasar niya ako na may gusto pa rin ako sa kaniya kaya wala akong boyfriend.” “Baka naman totoo. ‘Di kaya?” “Ay si Mama.” Sinimangutan ko siya. “Hindi ba’t first love never dies daw? Baka mamaya–” “Ma!” Awat ko sa panunukso niya. “Biro lang. At kung totoo man, wala namang masama. Dalaga ka, binata si Derek. Malay natin this time, puwede na kayong dalawa—” “Hay naku, Ma. Halika na nga.” Hindi ko na siya hinintay na makapagsalita. Lumabas na ako ng kuwarto nila. “‘Nak, bagay kayong dalawa.” Pahabol nito. “Mas'yado akong maganda para sa kaniya.” Sagot ko na ikinahagalpak ng tawa ni Mama. Naiiling na binalikan ko sa sala si Victor. At gusto kong pagsisihan na iniwan ko siya dahil nang balikan ko ay prente ng nakaupo habang nakikipagkuwentuhan sa mga kapatid ni Derek. Syet! Napabilis ang lapit ko sa mga ito dahil baka mabuking nila ang kaibigan ko. Hinila ko siya. “Ah, Dior, Denver, hihiramin ko lang itong nobyo ko, ha? Nagugutom na kasi iyan kanina pa. Kakain lang kami.” Paalam ko sa magkapatid . “Sure, Ate.” Si Denver. “Thanks. Pero kayo ba kumain na?” “Hindi pa, busog pa naman kami–” “Anong busog? Sumabay na kayo sa amin ni Annika.” Pinandilatan ko si Victor pero kinindatan lang niya ako. Wala akong nagawa nang magpaunlak si Denver at Dior sa alok ni Victor kaya ang ending kasama namin silang dumulog sa mahabang mesang kawayan. Magkatabi kami ni Victor habang nasa tapat namin ang magkapatid. Hindi pa man kami nagsisimula nang may tumawag sa pangalan ko. “Ate Betty, bakit ho?” Tanong ko. “May naghahanap sa ‘yo sa labas ng gate.” Imporma niya. “Excuse me, guys. Labas lang ako sandali. Mauna na kayong kumain, ha?” Sabay na tumango ang magkapatid. “Halika, babe, samahan mo ‘ko.” Baling ko kay Victor. “Ha? Ah, ikaw na lang, babe. Gutom na ako–” “Babe.” Wala siyang nagawa kundi ang tumayo at sumama sa akin palabas. Nagtatalo pa kami nang sabay na matigilan dahil nakita namin si Mila na may dalang regalo. “Anong ginagawa mo rito?” Gulat na tanong ko. “Malamang makiki-birthday. Birthday-han dito, ‘di ba?” Pamimilosopo niya. “Gaga! Sabi mo kasi hindi ka makakadalo, ‘di ba?” “Nagbago ang isip ko.” “Bakit?” “I don't know. Basta parang may bumubulong sa akin na pumunta ako rito. Parang hinihila iyong love string ko papunta rito, alam mo iyon?” Pinaikutan ko siya ng mga mata. “Dami mong alam. Halika na nga para makakain na tayo.” Nagpatiuna na ako pero agad ding huminto nang hindi sumunod ang dalawang kaibigan ko. Sa halip hinila ni Victor si Mila sa likod ng malagong halamanan ni Mama. “In fairness, baks, ang guwapo mo.” Dinig kong puri ni Mila kay Victor. “Heh! Pero tama ang desisyon mong pumunta, girl. May mga pogi! At alam mo bang narito iyong dumakot sa puwet ng beshy natin?” Anas ni Victor. Hindi umimik si Mila kaya nagpatuloy si Victor. “It's true, girl. At may mga kapatid pa siyang pogi din! Hirap na hirap akong mamili sa kanilang tatlo, walang tulak-kabigin. Parang gusto ko na lang kabigin lahat!” Impit pang tumili si Victor. “Baka isa na sa kanila ang forever ko.” “Sa ‘yo na lang iyong tatay, guwapo rin.” “Balo?” “Hindi.” “Hindi naman pala, gaga ka!” Natigil lamang ang bulungan ng dalawa nang makita ako. Pinandilatan ko sila. “Kayong dalawa, umayos kayo, ha?” “Yes, Madame!” Sabay nilang sagot at nagpatiuna nang pumasok sa loob. Bumalik kami ni Victor sa mesa habang si Mila ay nagpaalam na pupuntahan muna si Mama para batiin at ibigay ang regalo. Habang hinihintay namin siyang bumalik, nakipagkuwentuhan muna kami kina Dior at Denver. Napanatag ng bahagya ang dibdib ko dahil hindi na nagpapa-cute si Victor. Nakikipagkuwentuhan na rin siya sa dalawa. Kung saan-saan na napunta ang kuwentuhan namin. Tawa nang tawa ang magkapatid at kaibigan ko nang maikuwento ko sa kanila ang pagkahimatay ni Derek sa punerarya sa unang araw niya. Pati iyong kung gaano siya ka-excited na magpa-impress sa mga kliyente ko. Na nagpapalit-palit pa ng suot para lang magpa-impress. “Sayang, Ate, hindi namin nakita.” Ani Denver habang tumatawa. “Hindi ko ma-imagine ang hitsura ni Kuya. Wala ka bang picture o video?” Si Dior. Pulang-pula na ang mukha ng magkapatid. Maging si Bakla sa tabi ko ay gano'n din. “Picture lang ang mayroo–” Sabay-sabay kaming napalingon nang may marinig kaming tawanan. Napatuwid ako ng upo nang makita si Mila na kasamang naglalakad ni Derek. At silang dalawa ang tumatawa. Kailan pa sila naging close? Nagkatinginan kami ni Victor. Lumapit sila sa mesa namin. “Kumain ka na ba?” Tanong ni Mila kay Derek. “Hindi pa nga, e.” “Sakto, sumabay ka na sa amin.” Agad namang nagpaunlak si Derek. Pumwesto siya sa tabi ng mga kapatid habang si Mila ay sa tabi ko. Napapagitnaan nila ako ni Victor. Nagsimula na kaming kumain pero tuloy pa rin ang kuwentuhan ng dalawa na para bang matagal ng magkakilala. Ni hindi na nga ako nagkaroon ng pagkakataon para ipakilala si Mila sa mga kapatid ni Derek. “You're funny, Mila. Kahit noong unang beses tayong magkakilala. Kaya nang matanaw kita kanina habang kausap si Ninang Ana, sabi ko agad sa sarili ko nakita na kita somewhere.” Nabitin sa ere ang gagawin kong pagsubo sa sinabi ni Derek. “Same. Nang makita kita naalala din kita. Kako, ikaw iyong dumakot sa puwet ng kaibigan–aray!” Daing niya bigla. Napalakas yata ang sipa ko sa binti niya. “Mabuti natandaan mo rin ako.” “Oo naman ‘no? Takot na takot kami ni Vicky noon, akala namin namatay ka na.” “Vicky?” Natigilan si Derek at kapagkuwa'y tumingin sa akin tapos kay Victor. “Oo, si Vicky. Natakot nga kami noon, akala namin natuluyan ka na sa suntok nitong si Annika.” Syet! Ba't kasi ang daldal ng lintik na Mila na ‘to. Pigil ang paghinga ko at patay-malisyang nagpatuloy sa pagkain. Maging ang mga kasalo namin ay gano'n din habang ang dalawa ay nag-uusap pa rin. “Vicky? Vicky? May kasama ka bang babae noon— ay wait a minute. Oo, naalala ko na. Pero ‘di ba bakla iyong kasama mo noon?” Naibuga ko ang kinakain ko habang si Victor ay nasamid ng tubig na iniinom. Mukhang masama ang pagkakasamid nito dahil ubo nang ubo. Pati yata ilong ay nalagyan. Pinandilatan ko si Mila. “Sorry.” Napangiwi siya. Noon lamang niya na-realize ang kagagahan niya. “Sorry, Vick–este Victo—aray!” “Vince, Mila, Vince.” Anas ko sa may tainga niya. Lalo siyang napangiwi. “Ay oo nga. Nakalimutan–” “Manahimik ka na lang muna, puwede?” Kunwari niyang i-zinipper ang bibig bago bumalik sa ayos na pagkakaupo. Habang ako ay panay ang haplos sa likod ni Victor na ubong-ubo pa rin. Inabutan ko siya ng tubig. “Inom ka.” Tinanggap niya iyon at ininom para lang muling masamid dahil sa sinabi ni Derek na ang seksi daw ng kasama namin noon ni Mila. “Kung hindi ko nga lang nasilip ang itlog niya, mapapaniwala niya akong babae siya.” Dagdag ni Derek dahilan para umugong ang malakas na tawanan mula sa mesa namin. Pinakamalakas ang tawa ni Mila. Kahit anong pigil ko, hindi ko na kinaya, natawa na rin ako sa sinabi niyang nasilip ang itlog ni Vicky. Napatungo na lang ako sa ilalim. “Nasilip mo pa talaga ang itlog niya, Kuya?” Si Denver na tawa nang tawa. “Uwo, nagpapa-cute nga sa akin, eh. Akala ko nga nasa langit na ako pero kako ay ba't parang madilim?” Muling umalingawngaw ang tawanan sa mesa namin. Impit akong napahagikhik dahil ubo nang ubo si Victor sa tabi ko. Hindi ko alam kung nasamid na naman ba siya o hiyang-hiya na. “Ayos ka lang?” Kapagkuwa'y tanong nito sa kaibigan ko. “Pasensya ka na, hindi ko maiwasang hindi maalala ang baklang kaibigan ni Annika. Nasaan ba siya, Mila? Bakit hindi n'yo kasama?” Hindi agad nakasagot si Mila dahil sa kakatawa. Nang humupa na ang tawanan saka lang sumagot si Mila. “W-Wala siya. N-Nasa ibang planeta este bansa.” “Gano'n ba? Naku, sayang. Mahilig pa naman sa bakla itong mga kapatid ko.” Awtomatikong napatingin sa kaniya ang mga kapatid. “‘Di ba, mga bro?” Dagdag pa ni Derek sabay tingin kay Victor. Kitang-kita ko nang lumunok-laway ang baklitang katabi ko. “B-Bakla ang gusto nila?” “Yes. Kilala mo rin ba siya? Sabihin mo mahilig sa bakla itong mga kapatid ko, mga daks ‘to.” Sabay itong kinutusan ng mga kapatid pero tinawanan lang niya. “Sabihin mo, ha? What's your name again?” “Vi-Vince.” “Vince?” Napaisip siya at kapagkuwa'y nakangiting tumango-tango. “Vince nice name, huh? Anyway, I'm Derek Montana. Annika’s friend.” Friends? Wow, huh? Inirapan ko siya nang mapatingin sa akin. Pero isang nakakalokong ngisi ang isinukli niya dahilan para makaramdam ako ng kaba. Bakit parang may naglalarong kalokohan sa isip niya? Nahalata ba niya si Victor?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD