Chapter 15

2141 Words
Chapter 15 DEREK POV PAGDILAT ng mga mata ko ay kulay puti ang sumalubong sa paningin ko. Teka? Puti? Nasa langit na ba ako? Ilang beses kong ibinukas-sara ang mga mata ko para siguraduhin kung tama ba ang nakikita ko. Pero kahit anong kurap ang gawin ko kulay puti talaga ang nakikita ko. Sinubukan kong igalaw ang mga kamay ko at nagawa ko naman. Syet, buhay pa ako? Wala pa ako sa langit? Malamang wala ka pa sa langit. May narinig kasi ako na mahinang boses at tawa sa paligid ko. Tawa? Wait… Biglang bumalik sa isip ko ang huling nangyari sa akin. Nahimatay nga pala ako sa ginawang kalokohan ni Annika sa akin at syet! Pipi akong napamura nang mapagtanto na wala ako sa langit dahil ang puting nakikita ko ay puting tela na nakatalukbong sa akin. Nagmistula akong patay. Pagkaalis ko ng puting tela ay dali-dali akong luminga sa paligid, particular sa puwesto ng pinanggagalingan ng mahinang tawa. Kaagad uminit ang ulo ko nang makita si Annika na tawa nang tawa habang may kausap sa cell phone. Gigil akong bumangon mula sa papag na kinahihigaan ko at galit na tinawag si Annika. Mabilis ang ginawa niyang paglingon at kaagad bumunghalit ng tawa nang mapatingin sa mukha ko na ikinainit lalo ng ulo ko. "Nababaliw ka na ba? Bakit mo 'ko tinakpan ng puting tela?! Anong akala mo sa akin, patay?!" Hindi siya sumagot at sa halip ay humagikhik nang todo. Nagtaas-baba pa ang mga balikat nito at pagkuwa'y tumalikod sa akin. "Annika!" "What?" Hindi tumitinging tanong niya. "Look at me, damn it!" "Ayoko." Yumuyugyog pa rin ang mga balikat niya. "Isa!" Nagsimula akong magbilang. "Dalawa–" "Bakit ka ba nagagalit?" Bahaw akong tumawa at naikuyom ang mga kamao. "At sinong matutuwa sa ginawa mo sa akin? Buhay pa ako pero tinakpan mo na ako ng puting tela!" "Akala ko kasi nilalamig ka kaya kinumutan kita. Ako na nga itong concern tapos galit ka pa?" "Wow! Thank you, ah!" Puno ng sarkasmong sabi ko. "You're welcome." "Aba't!" Tangka ko siyang lalapitan nang mapatingin ako sa malaking salaming naroon at makita ang hitsura ko. "Aaahhh….!" Malakas akong napasigaw at napatalon dahil sa pinaghalong gulat at takot sa nakikita kong repleksyon ko sa salamin. Nakasuot ako ng kulot na wig at may makeup ang mukha na parang lalaban sa hallowen party. May tila bahid pa ng dugo sa gilid ng mga labi ko. Nagmistula akong bampira na ewan sa hitsura ko. Sapo ang sariling dibdib na napatingin ako kay Annika. Ang mahina niyang tawa ay unti-unting nagkaroon ng tunog hanggang sa maging halakhak na 'yon. Halos mautas ito sa kakatawa. Ngayon ko naintindihan kung bakit ayaw niyang tumingin sa akin habang kausap ko siya dahil mukha akong tanga sa hitsura ko. "Anong ginawa mo sa akin?! Nababaliw ka na ba?!" Galit na tanong ko at gigil na inalis ang wig na nasa ulo ko. Inihagis ko 'yon sa kaniya pero nasalo niya. "You're crazy witch, Annika!" Halos mapatiran ako ng ugat sa leeg dahil sa galit. "Sino ka para paglaruan ako nang ganito, ha? Ang lakas ng amats mo para makeup an ako nang ganito! Tinakpan mo pa ako ng puting tela habang walang malay. You witch!" Mas lalo akong napika dahil hindi man lang siya tinablan sa galit ko. Nilapitan ko siya at mariing hinawakan sa pulso. "Alisin mo 'tong nasa mukha ko kung ayaw mong pilipitin ko 'yang leeg mo." Utos ko. "Bagay naman sa 'yo, ah." Pinaningkitan ko siya ng mga mata pero ngumiti lang siya. "Wala pang isang buwan na kasama kita pero pakiramdam ko nadagdagan ng sampung taon ang edad ko dahil sa mga kalokohan mo!" Nakipagsukatan siya ng tingin sa akin. "Eh 'di umalis ka na at bumalik sa pinanggalingan mo." "O, so kaya mo ako pinaglalaruan dahil gusto mo akong umalis? Kaya trip na trip mo akong pagtripan dahil may hidden agenda ka?" "At kung sabihin kong oo, aalis ka na ba?" "No." Sagot ko na ikinalaki ng mga mata niya. Napangisi ako. "Gusto mo akong umalis, puwes hinding-hindi ako aalis at pareho tayong mabuwiset sa pagmumukha ng isa't isa." Pagkasabi ko niyon ay pumasok ako sa banyo na nakita ko. Naghilamos ako at pilit inalis ang makeup na nasa mukha ko. Sa sobrang kapal niyon ay inabot ako ng siyam-siyam bago matanggal. Ang hapdi ng mukha ko nang tuluyan ko 'yong maalis dahil sa kakakuskos ko. Hindi muna ako lumabas at kinalma ang sarili ko dahil baka kapag hindi ako nakapagpigil makapanakal ako nang wala sa oras. Hinding-hindi ka magtatagumpay sa mga plano mo, Annika. Piping usal ko saka nagpasyang lumabas ng banyo. Paglabas ko, wala ng tao sa loob ng kuwartong 'yon. Mukhang lumabas na si Annika. Lumabas na rin ako at binaybay ang pasilyong dinaanan namin kanina. Muling nagtayuan ang mga balahibo ko nang madaanan ko ang hilera ng mga kabaong. "God! Tulungan mo po akong makalabas ng buhay dito." Piping dasal ko. May narinig na naman akong kalabog kaya napasiksik ako sa sulok. Hindi ko talaga kayang mag-stay sa ganitong klaseng lugar. Nanlalambot na naman ang mga tuhod ko kaya napasandal ako sa likuran ko para lang magulat nang bumukas 'yon. Bumungad sa akin ang isang bangkay na nakahiga sa parang lababo habang hinihilamusan ni Annika. Lalo akong nanggigilas nang makita kong binutas niya ang leeg ng bangkay at may ipinasok na hose. "Jesus Christ!" Awtomatikong napaatras ang mga paa ko. Napatalon ako sa gulat nang may mahulog mula sa likuran ko. "God! Please, ayoko na po rito…" "Nandito ka pa pala, akala ko umalis ka na." Ani Annika habang abala sa ginagawa. Hindi ako makapaniwala na parang hindi man lang siya nandidiri sa kaniyang ginagawa. Parang sanay na sanay na siya. Napalunok ako. "Puwede bang makuha ko na ang sweldo ko ngayong araw?" Bigla akong nagutom dahil sa mga kalokohan ni Annika at gusto ko sanang kumain at umuwi na. Mangha siyang tumingin sa akin. "Nagpapatawa ka ba? Anong sahod ang sinasabi mo? Ni wala ka pa ngang nagagawa tapos umaasa kang may sahod?" "Pero–" "Tulungan mo ako rito at ibibigay ko ang sahod mo. Mahigpit akong amo, no work no pay." Marahas akong napahilamos sa aking mukha. Mukhang hindi ako mananalo sa babaeng ito pero wala akong planong magmukhang katawa-tawa buong araw. Sa halip na tulungan si Annika ay iniwan ko siya at hinanap ang daan palabas. Pinagpapawisan na ako ng malapot nang tuluyang makalabas ng puneraryang 'yon. Umupo ako sa gilid at saka sumubsob sa mga palad ko habang nakatuon ang magkabilang siko sa mga hita ko. Ilang sandali ako sa ganoong sitwasyon, nag-iisip ako ng paraan kung paano makakauwi. Kung anong puwede kong isangla para magkapera ako at makauwi na sa bahay ni Ninang Ana. Mayamaya'y naramdaman kong may nakatayo sa harapan ko. Inalis ko ang takip sa mukha ko at nag-angat ng tingin. "Jhong, ikaw pala." Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya habang nakatunghay sa akin. "Okay ka lang ba? Tubig, gusto mo?" Mabait niyang alok. "Yes, please?" "Sandali, ikukuha kita." Iniwan niya ako. Hindi naman siya nagtagal at bumalik din agad dala ang isang bottled water. "Salamat, Jhong." Pagkaabot ko niyon ay kaagad kong ininom. Mang-ubos-ubos ang laman niyon. "Ayos ka na?" Umupo siya sa tabi ko. "I think so. Salamat." "Walang anuman. Pero teka, takot ka ba talaga sa mga patay? Ang tagal mo ring nawalan ng malay-tao, ah. Nag-alala nga kami para sa 'yo pero sabi ni Annika ka, ayos ka lang daw." Kuwento niya. "Malamang sasabihin niya 'yon, wala namang pakialam sa akin ang babaeng 'yon. Imagine, tinakpan niya ako ng puting tela at nagmistulang patay sa ginawa niya. Pati mukha ko pinagtripan niya." Napatingin ako kay Jhong nang tumawa siya. "Sorry, hindi ko lang napigilan. Maloko kasi talaga 'yang si Annika, eh." Hinging paumanhin nito nang makitang seryoso ako. "Hindi ka dapat natatakot sa patay, mas matakot ka sa mga buhay, Derek." "Hindi ako takot. Hindi lang ako kumportable sa ganitong klaseng lugar." "Gano'n pala. Kaya pala nahimatay ka." "Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakapasok sa ganiyang klaseng lugar. Ni sa hinagap ko, hindi ko naisip na pumasok sa punerarya. Hindi kaya ng sikmura ko lalo na ang makakita ng patay na iniembalsamo. That disgusting!" Eksaheradong sambit ko. Nakita ko kasi ang ginawang pagbutas ni Annika sa leeg ng patay kanina at sinaksakan ng hose at sa kabilang dulo ay may container kung saan napupunta ang dugong kinukuha niya sa katawan ng patay. Napaduwal ako. Parang bumaliktad ang sikmura ko nang maisip ko 'yon. Kahit nakakagigil ang babaeng 'yon hindi ko maiwasang mapabilib sa kaniya. Sobrang tibay kasi ng sikmura ni Annika. Paano niya nagagawa 'yon na parang wala lang sa kaniya? "Hindi ko kaya ang trabahong ganito, Jhong. Parang maaatim ko pang magkalkal ng basura kaysa ang maging assistant ng embalmer at cosmetologist ng patay. Hindi kaya ng sikmura ko ang ganitong trabaho." Tumawa ito. "Wala ka pala kay Annika, ang tibay ng sikmura niyon. Hindi ka maniniwala, pero kaya niyang kumain sa harap ng patay na dinuguan ang ulam." Nanggigilas ako sa sinabi ni Jhong. "That disgusting!" "Gano'n kalakas at katibay ang sikmura niya, Derek. Ilang taon na ako rito pero sa totoo lang hindi mo ako mapapakain sa harap ng patay." Napailing-iling ako. "Hindi ko rin kaya 'yon. Baka bumaliktad ang sikmura ko." Ilang sandali pa kaming nagkuwentuhan ni Jhong. Huminto lamang kami nang tawagin siya ni Annika. Naiwan akong mag-isa at walang balak pumasok sa loob. Pagsapit ng tanghalian ay lumabas ulit si Jhong. Niyaya niya akong pumasok sa loob dahil kakain na raw. Marahas akong umiling. "Pero tanghali na. Huwag kang mag-alala, walang patay sa puwesto ko. Doon tayo kakain." "Hindi bale na, Jhong. Wala bang malapit na karendirya dito? Doon na lang tayo or baka may pera ka riyan, pahiramin mo naman ako kahit pamasahe lang." "Naku! Wala, eh. Mamaya pa ibibigay ni Annika ang sahod namin, eh. Libre kain kasi kami rito kaya kahit walang extra puwede." "Gano'n ba. Sa mga kasamahan mo kaya, baka may extra sila." "Hindi ko alam, eh. Sumama ka na sa loob. Sige na, walang patay doon, promise." Nagdalawang-isip ako pero dahil gutom na ako, wala akong pagpipilian kun'di ang bumalik sa loob. Maayos naman sana ang silid na pinasukan namin ni Jhong pero naroon si Annika at prenteng nakaupo. Kumakain na siya at nakakamay pa. May dalawa pang tao sa silid na 'yon. Sa pagkakaalam ko ay Rick ang pangalan ng isa sa lalaki. "Kuya Jhong, kain na kayo." Binalingan niya ako. "Kain." Hindi ko siya pinansin. "Kain na, Derek." Alok ni Jhong at binuksan ang tupperware. Parang bumaliktad na naman ang sikmura ko nang makitang dinuguan ang laman niyon. Awtomatikong napaatras ang mga paa ko at napaupo sa tabi ni Rick na ikinatawa ni Annika. "Hindi ka kumakain ng dinuguan? Ang sarap kaya niyan." Ipinakita pa niya sa akin kung gaano siya kasarap na sarap sa ulam niya. Napangiwi ako. "Kumain ka na, masarap 'yan." "Pakainin mo na ako ng pvke pero hindi ako kakain niyan." Mahinang sabi ko ngunit sapat na para marinig ni Rick. Naibuga nito ang iniinom na soft drinks at napaubo-ubo. Habang si Jhong naman ay nabitawan ang sariling plato at tila mauutas na sa kakatawa. Sapo-sapo nito ang sariling tiyan. Napangisi ako nang makita ang pagtataka sa mukha ni Annika. Hindi niya narinig ang sinabi ko kaya hindi niya alam kung ano ang pinagtatawanan ng mga empleyado niya. "Pambihira ka, Derek. Ang sakit ng tiyan ko sa 'yo." Maluha-luhang sabi ni Jhong na yumuyugyog pa rin ang mga balikat dahil sa pagtawa. "Marinig ka ni Ma'am Annika, patay ka na naman diyan." Mahinang sabi naman ni Rick, na kagaya ni Jhong ay yumuyugyog din ang mga balikat. Nang makita kong masama na ang hilatsa ng mukha ni Annika ay tumalikod ako at mahinang pinakawalan ang tawa. "'Di ba, Rick, Jhong? Mas masarap pa 'yon kaysa sa dinuguan." Sabay na tumango ang dalawa at muling tumawa. Tumigil lamang kami nang kumalansing ang kutsara ni Annika. Pagtingin ko sa kaniya ay nakamamatay na tingin ang ipinukol niya sa akin. "Pinagtatawanan niyo ba ako?" Angil niya at tiningnan ang mga tauhan. "Kayong dalawa, anong sinabi ng duwag na 'yan at tawa kayo nang tawa?" Parehong napatingin sa akin ang dalawa. Humihingi ng saklolo. Pasimple akong umiling para sabihing huwag na huwag sasabihin kung ano ang sinabi ko. Tiyak na malilintikan na naman ako sa amo nila. "Subukan ninyong magsinungaling, sasamain kayo sa akin. So, anong sinabi ng lalaking 'yan para magtawanan kayo na akala mo'y kinikiliti ang mga puwet?" "Wala." Sabay na sagot nila na may kasama pang iling. "Wala? Eh, bakit tawa kayo nang tawa?" Napilitang tumigil ang dalawa dahil mukhang nagalit na nga si Annika. Pero sa tuwing mapapatingin sila sa akin ay hindi nila napipigilang tumawa. Huh, ikaw naman ang magmukhang katawa-tawa ngayon. Amanos na tayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD