Chapter 10

2191 Words
ANNIKA ALAS otso na ng gabi nang makauwi ako mula sa branch namin sa Cavite. Ang dalawang branch namin doon ang binisita ko kaya ginabi na ako. Matapos kong maiparada sa garahe namin ang sasakyan ko ay bumaba na ako. Gamit ang duplicate key na lagi kong dala, binuksan ko ang pinto at pumasok. Maliwanag na sala ang bumungad sa akin. "Nakalimutan ba ni Mama na patayin ang ilaw?" Naisatinig ko. Kapag ganitong oras kasi ay malamang natutulog na sila ni Papa. Nakasanayan na kasi nila na maagang matulog lalo na kung wala namang lakad at nandito lang din naman sa bahay. Pinatay ko ang switch ng ilaw, saka dumiretso sa kuwarto ko. Naligo ako at nagpalit ng damit pangtulog ko. Pagkatapos kong tuyuin ang buhok ko ay nahiga na ako. Dahil sa pagod ay mabilis akong iginupo ng antok. Ngunit hindi pa man lumalayo sa paglalakbay ang diwa ko nang gulantangin ako ng malakas na kalabog mula sa kung saan. Pabalikwas akong bumangon at dali-daling kinuha ang buntot-pagi, saka hinahanap kung saan nagmula ang kalabog na 'yon. "Napasok ba kami ng magnanakaw?" Bulong ko sa aking sarili habang dahan-dahang lumalapit sa kusina. Doon kasi nagmumula ang ingay at bukas na bukas pa ang ilaw. "Ang lakas ng loob mong magnanakaw ka, ha." Iniamba ko ang buntot-pagi at akmang nihahataw sa lalaking nakatalikod nang bigla siyang humarap at napasigaw sa gulat. "Hey! Put it down!" Hintatakutang utos ni Derek habang umaatras palayo sa akin. Mababakas sa mukha nito ang takot. "Hey, I said put it down, Annika!" Pinaningkitan ko siya ng mga mata habang nanggagalaiti sa inis. Tss! Bakit ba nakalimutan kong may kasama nga pala kaming ibang tao sa bahay na 'to. "Hindi mo ba alam kung anong oras na?!" Gigil kong singhal sa kaniya. "Annika—" "It's already 9 o'clock in the evening, nagpapahinga na ako pati mga magulang ko tapos mangbubulahaw ka?!" "Sorry, hindi ko naman sinasadyang mahulog 'yong takip ng kaldero. Nagutom ako kaya kumain ako at kakain pa sana–" "To hell with your damn reason! My point is, matuto kang mahiya. Nakikituloy ka na nga lang dito namemerwisyo ka pa. Pagod ako sa maghapong pagtatrabaho at gusto kong magpahinga tapos hindi ka man lang mag-ingat." Matalim ko siyang tiningnan. Napakamot ito sa ulo. "Sorry na." "Sorry, sorry, ayusin mo 'yang mga kalat mo. Hindi 'yong isang araw ka pa lang dito pero puro perwisyo na ang ginagawa mo." Asik ko. "Opo, kamahalan." Nakangisi niyang sabi sabay yukod sa harap ko na akala yata ay nakikipaglokohan ako. "Umayos ka! Hindi ako nakikipaglokohan sa 'yo." "Patawad po, kamahalan–, whoa!" Napatuwid ito ng tayo nang ambahan ko uli ng buntot-pagi. "Aayos na ako! Itago mo na nga 'yan, bakit ba lagi mong hawak 'yan?" Hindi ako umimik. Napailing na lang ito at yumuko para damputin ang takip ng kaldero pati ang sandok na nahulog. "Okay na po?" Aniya nang matapos ayusin ang lababo. Hindi pa rin ako umimik at dumako ang tingin sa lamesa kung saan may pinagkainan niya. Mukhang nakuha niya ang ibig kong sabihin kaya dali-dali niyang kinuha ang mga pinagkainan sa lamesa at dinala sa lababo. "Hindi mo huhugasan? Ano, pabubukasan mo 'yan diyan?" "Ah–" "Walang maid dito na maghuhugas ng pinagkainan mo, Mister. Kung iniisip mo na ako ang maghuhugas niyan, aba, mahiya ka naman. Maghapon ka lang yatang nakahilata rito sa bahay namin tapos pinagkainan mo lang hindi mo pa maligpitan? Tigas ng mukha, huh?" Sarkastikong sabi ko. "Sabi ni Ninang mabait ka raw, parang hindi naman–" "Hindi ako mabait, hugasan mo 'yan." Putol ko sa anumang palusot na sasabihin niya. "Oo na, maghuhugas na po, kamahalan. Kung gusto mo pati ikaw." "Ano 'yon?" Hindi ko kasi naintindihan ang huling sinabi niya dahil pabulong na lamang niyang sinabi 'yon. Hanggang ikaw lang ang malinaw kong narinig. "Wala, sabi ko kumain ka na rin para mahugasan na kita–este 'yong pinagkainan mo mahugasan ko na rin ba." Nakangisi niyang sabi. Isang matalim na tingin lang ang ibinigay ko sa kaniya bago siya iniwan sa kusina. Bumalik ako sa kuwarto ko na inis na inis sa lalaking iyon. Pakiramdam ko mas dumoble 'yong pagod ko dahil sa pakikipagtalo sa kaniya. At dahil naputol na ang tulog ko, naging mailap na sa akin ang antok ng gabing 'yon. Bumalik sa isip ko ang ilan sa mga hindi ko makakalimutang pambu-bully niya sa akin noon. Lalo na ang isang hindi ko makakalimutang ginawa niya na labis na dumurog sa batang puso ko noon. Nasa ikatlong taon ako sa high school noon, at sa iisang eskwelahan kami nag-aaral ni Derek. Sa kaniya ako ibinilin ng mga magulang ko, pero hindi niya ako binabantayan sa halip ay nangunguna siya sa pambu-bully sa akin. Nang magkaroon ng event sa school, ang JS proom, sobrang tuwa ko dahil pumayag siyang maging escort ko para sa gabing 'yon. Nagpaganda ako, umarkela pa si Mama ng magaling na beautician na nag-make up sa akin para maging maganda ako ng gabing 'yon. Alam ni Mama na may pagtingin ako sa kinakapatid ko at suportado niya ako dahil wala naman daw masama. "Mama, kinakabahan po ako." Hinawakan ni Mama ang kamay ko. "Huwag kang kabahan, Anak. Kasama mo si Derek kaya hindi ka dapat kabahan, okay?" "Baka hindi po siya dumating, Mama." Kabado kong sabi. Late na kasi si Derek ng kinse minutos kaya nag-aalala ako na hindi niya ako sunduin. Pero ang pag-aalalang 'yon ay kaagad naglaho nang may humintong sasakyan sa tapat ng gate ng bahay namin. Parang tumigil sa pag-inog ang mundo ko nang bumaba ng sasakyan ang lalaking hinahangaan ng batang puso ko. Si Derek. Naghuhumiyaw ang angking kaguwapuhan niya sa suot na barong. Para akong nabato-balani nang tuluyan siyang makalapit sa amin ni Mama. "Mano po, Ninang." Nakangiting mano niya kay Mama habang sa akin ay tipid na ngiti lamang ang ibinigay. Hinintay ko siyang puruhin ang ayos ko dahil nagpaganda talaga ako para maging bagay sa kaniya pero nabigo akong makuha 'yon. "Ikaw na ang bahala sa kinakapatid mo, Derek, ha?" Bilin ni Mama. "Yes, Ninang. Ako na po ang bahala kay Annika." Sagot nito at tuluyan nang nagpaalam sa Mama ko. May inasikaso si Papa kaya wala siya. Ang akala ko'y tatabihan niya ako sa backseat pero sa tabi ng kanilang driver siya umupo. Naiiyak na ako sa pambabalewala niya pero hindi ako nagpahalatang nasasaktan. Pagdating namin sa event place na paggaganapan ng aming JS proom ay kaagad kaming naging tampulan ng tukso sa pangunguna ng mga barkada ni Derek. "Dude, ayos ah. May kasama kang tutubi." Biro ni Carlo na isa sa mayabang niyang tropa. Hiyang-hiya ako nang magtawanan ang mga nakarinig sa sinabi ni Carlo. Umasa akong ipagtatanggol niya ako pero nakitawa rin siya at sinakyan ang kaibigan. "Walang magagawa, eh. Napag-utusan akong magbantay, baka kung saan-saan dumapo, eh." "Bakit kasi pumayag kang may kasamang tutubi, dude? Nasisira ang gandang lalaki mo, eh. Baka ma-bad shot ka kay Lorraine niyan. Nangako ka pa naman sa kaniya." Si Erros, isa rin sa kaibigan ni Derek. "Baka naman magdyowa na kayo ni tutubi?" Si Carlo uli na ikinatawa ng mga tropa nila. "Gago, hindi. Sa tingin niyo ba, magkakagusto ako kay Annika? Ang layo niya sa mga tipo kong babae, mga dude." "Nga naman, Carlo. 'Yang si Derek, si Lorraine ang apple of the eyes niyan." "Lahat naman yata si Lorraine ang apple of the eyes, maganda na sexy pa. At kung nakita niyo na siya ngayon, walastik, napakaganda, mga dude!" Pagmamayabang ni Migs, isa rin sa tropa nila. Bawat hagalpak ng tawa ni Derek ay tila kutsilyong tumatarak sa batang puso ko. Wala akong nagawa kun'di ang hayaan silang lait-laitin at pagtawanan ako habang si Loraine ang kapuri-puri sa kanilang lahat. Ano bang magagawa ko, hindi ko naman puwedeng alisin ang salamin ko dahil malabo na talaga ang mga mata ko. "Ah, Annika, dito ka muna, ha? May pupuntahan lang ako, babalikan kita." Mayamaya'y paalam ni Derek sa akin. "Pero–" "Dito ka lang, babalik ako." Pinal na sabi niya sabay alis sa kamay kong nakahawak sa braso niya. Wala akong nagawa kun'di ang habulin siya ng tingin kasama ang mga tropa niya. Hindi ako umalis sa puwesto ko dahil nangako siyang babalikan ako. At isa pa, hindi ko kabisado ang lugar na 'to. Naghintay ako. Hinintay ko siya pero hindi niya ako binalikan. Kahit nang magsimula na ang party ay walang Derek na bumalik para sunduin ako. Nang ianunsiyo na ang mga kasali sa cotillion ang kasunod na sasayaw ay hindi ako pumunta sa gitna dahil wala akong ka-partner. Tahimik akong umiyak sa isang sulok habang nanunuod sa mga sumasayaw. Ang sakit dahil pinagmukha akong katawa-tawa ni Derek hanggang sa matapos ang cotillion. Kung ayaw niya pala, sana hindi na lang siya pumayag una pa lang. Lalong parang sinaksak ang batang puso ko nang makita ko si Derek na kapareha ni Lorraine nang ang grupo na nila ang magsayaw. Pag-ikot ng grupo nila ay napatapat sa akin si Derek at Lorraine. Nakita ako ni Derek, agad akong nag-iwas ng tingin, saka umalis sa lugar na 'yon. Sa labas ko itinuloy ang pag-iyak ko. Ang sakit. "Annika." Dali-dali kong pinunasan ang mga luha ko nang marinig ang boses ni Derek sa likuran ko. "Uuwi na ba?" Walang buhay na tanong ko. Kahit kanina ko pa gustong umuwi, hindi ko nagawa dahil wala akong sasakyan. "I'm sorry–" "Parating na ba 'yong sundo mo?" Tumayo ako at humakbang ng dalawa palayo sa kaniya. "Annika, hindi ko sinasadya–" napahinto ito sa pagsasalita nang tumingin ako sa kaniya at makitang umiiyak ako. "Annika…" "Hindi mo sinasadya na pahiyain ako?" "Tinutukso kasi nila ako kaya–" "Kaya iniwan mo 'ko… ilang linggo kong pinraktis 'yong sayaw na 'yon, eh." Napahikbi ako. Sobrang sama ng loob ko sa ginawa niya. "Sana hindi ka na lang umoo…" "Annika, I'm sorry." Nang pumarada sa harap namin ang sasakyan nila ay kaagad na akong sumakay sa backseat. Isinandal ko ang ulo ko at pumikit. Pagkalipas ng mahaba-habang sandali ay nakarating na kami sa tapat ng bahay namin. Bababa na sana ako nang pigilan ako ni Derek. "Sana hindi makarating sa mga magulang mo ang ginawa ko. Baka malaman ng parents ko, sasaktan ako ni Daddy." May halong pakiusap na sabi niya. Pinalis ko ang kamay niya, saka walang imik na bumaba ng sasakyan. Tinawag pa niya ako pero tuloy-tuloy na akong pumasok sa gate namin at dumiretso sa kuwarto ko. At nang gabing 'yon, dala-dala ko sa puso ko ang hinanakit dahil sa pamamahiyang ginawa niya. Napakurap-kurap ako matapos balikan ang eksenang 'yon sa buhay ko. At hanggang ngayon, walang kaalam-alam ang mga magulang namin na ginawa sa akin ni Derek 'yon. Nanatiling lihim ang pangyayaring 'yon dahil sa pakiusap ni Derek. "Kung noon, hinayaan kitang paiyakin, gaguhin at bully-hin ako, puwes ngayon hindi na." Ang pagtatangis ng mga ngipin ko ay nauwi sa isang ngisi. "Titiyakin kong hindi ka magiging bisita o señiorito habang nasa pamamahay namin. Sisiguraduhin kong pagsisisihan mong tumira sa bahay namin." Sukat sa isiping 'yon ay gumaan ang pakiramdam ko. Hating-gabi na nang tuluyan akong makatulog. KINABUKASAN, nakagayak na ako nang lumabas ng kuwarto. Sa kusina ko nadatnan ang mga magulang ko habang kasabay kumain si Derek. "Good morning, Annika." Bati niya, siya ang unang nakapansin sa akin. "Anak, gising ka na pala." Si Mama. "Maaga akong aalis, Ma. May parating po na supply ng bagong design ng mga kabaong." Walang prenong sabi ko. "Oh, ngayon na ba darating 'yon? Ilang kabaong ba 'yon, Anak?" "Sampu 'yon, Ma, pero nagpahabol ako ng isa, gustong-gusto ko kasi 'yong design ng kabaong na 'yon, Ma." "Oh, may um-order sa 'yo, Anak?" Si Papa. Napangisi ako nang makita kong nakaawang ang labi ni Derek. Waring naguguluhan ito sa pinag-uusapan namin ng mga magulang ko. "Wala ho, Pa. Pinahabol ko lang talaga 'yon kasi may gusto akong pagregalohan ng kabaong na 'yon." "Loka-loka ka talagang bata ka," si Mama sabay tawa. "Anong nakakatawa, Ma? Ang mahal-mahal ka niyon. Ang ganda nga ng design, eh." "Ikaw talagang bata ka, kailangan pa naging pang-regalo ang kabaong, ha?" Tumawa lang ako sabay sulyap kay Derek na hindi na maipinta ang pagmumukha. Para siyang masusuka na ewan. Wala pa nga pala siyang ideya na funeral home service ang business namin. Tumikhim ito. "Ahm, ganito po ba talaga dito, Ninang, Ninong?" "Na ano?" Si Papa. "Na pag-usapan po ang kabaong." Sabay na natawa ang mga magulang ko. "Aba'y oo naman." Si Papa. "Hamo at masasanay ka rin dito, Derek." Napalunok ito. "Teka, takot ka ba sa patay?" Si Mama. "H-Hindi naman ho, hindi lang ho ako kumportable." Great! Piping usal ko, sabay upo sa tabi ni Mama. Sumabay akong kumain sa kanila at lihim akong napangiti nang makita ko ang panay lunok-laway ni Derek habang nakikinig sa pinag-uusapan namin ng mga magulang ko. Mukhang asiwang-asiwa at diring-diri na hindi makalunok ng maayos. Ano pa kaya kung gawin kitang alalay ko habang nagmi-make up ng mga patay? Hmm? Why not? Napasulyap ako kay Derek. Humanda ka sa akin, abangan mo ang ganti ng isang babaeng tutubi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD