Chapter 9

2013 Words
ANNIKA "ANAK, ibaba mo na 'yang buntot-pagi baka matamaan mo pa ang kinakapatid mo." Noon ko lang na-realize na nakaamba pa rin pala 'yon habang mahigpit kong hawak. Ang bilis pa rin ng kabog ng dibdib ko habang nakatingin sa lalaking ngayon ay tila nakahanap ng kakampi. "Pa, paalisin niyo ho ang lalaking 'yan dito," sabi ko. Nagkatinginan si Mama at Papa. "Pa, please?" Sa halip na sumagot ay lumapit si Papa sa akin at kinuha sa kamay ko ang buntot-pagi at ipinatabi kay Mama. "Anak, hindi natin puwedeng paalisin si Derek dito. Una, hindi naman siya masamang tao na kagaya ng iniisip mo sa kaniya kanina." "Oo nga, 'Nak. Si Derek 'yan, ang anak ng Tito Demier mo na inaanak namin ng papa mo," segunda ni Mama. "Nakalimutan mo na ba?" Hinding-hindi ko makakalimutan ang ulupong na 'yan, Ma. Gusto ko sanang isagot pero 'wag na lang. "Walang ibang matutuluyan ang kinakapatid mo kung papaalisin natin dito, 'Nak." Umikot ang mga mata ko. As if namang may paki ako. "Sana kasi tinanong niyo muna ako kung gusto ko siya rito, Ma, Pa. Alam niyo naman na hindi ako sanay na may kasamang ibang tao dito sa bahay, eh. Tapos hindi niyo man lang binanggit na ngayon darating ang manyak na 'yan." Sabay baling ko kay Derek na ngayon ay napakaganda ng ngiti. Isang nakamamatay na irap ang ibinigay ko sa kaniya bago muling binalingan ang mga magulang ko. "Hindi niyo man lang sinabi na darating 'yan. Paano pala kung inabot ng kamanyakan 'yan tapos pinasok ako sa kuwarto ko, Ma, Pa. Manyak ang taong pinatuloy niyo rito, Pa." "Whoa! Ako pa ang manyak, eh ikaw 'tong nakakita ng pagkalalakí ko. Titig na titig ka pa nga kanina." "Manahimik ka! Basta paalisin niyo 'yan, Ma, Pa. Manyak ho 'yan." "Grabe ka naman sa akin–" binitin nito ang pagsasalita, saka humarap kay Mama. "Siya ang nag-iisang anak namin, ah. Si Annika 'yan, Derek." Sagot ni Mama. Mukhang mind reader dahil tingin pa lang ni Derek, alam na niya ang ibig sabihin. "Siya na ho si Annika?" Tila hindi makapaniwalang tanong nito kay Mama. Tumango si Mama. "Si Annika na ho ba talaga 'yan? 'Yong dating sobra-sobra ang ngipin?" Tumango uli si Mama. "'Yon hong parang tutubi sa laki ng salamin?" Tango lang nang tango si Mama habang humagikhik. Mas lalo namang kumulo ang dugo ko sa ulupong na 'to dahil walang pakialam at harap-harapan akong lait-laitin. "Kung ganoon, siya rin ho si Annika na laging butas ang panty dati tapos kita ang mani? 'Yong kasama ko hong magpaulan na hubo?" Ang impit na hagikhik ni Mama at Papa ay nauwi sa malakas na tawa. Tawa nang tawa ang tatlo habang ako nama'y nanggagalaiti sa galit at inis para sa ulupong na 'to. "Hoy!" Sa sobrang inis ay nilapitan ko siya at malakas na dinibdiban na ikinahiyaw nito. Si Papa at Mama naman ay napatigil sa pagtawa. "Ang kapal ng mukha mo na lait-laitin ako? Hoy! Baka nakakalimutan mong nasa loob ka ng pamamahay namin! Puwedeng-puwede kitang patayin dito!" "Hindi kita nilalait. Sinisiguro ko lang kay Ninang kung ikaw si Annika na–" "Na ano?" Singhal ko. "Subukan mo lang magsalita ng hindi maganda, titiyakin kong bukas nasa ataul ka na." "Na maganda," sagot niya sabay ngisi. "Ang laki na nang ipinagbago mo, Manika." Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Bumalik sa isip ko kung bakit Manika ang tawag niya sa akin. Dahil mukha raw akong manika, si Chaka doll nga lang. "Hindi ko alam na gaganda ka nang ganiyan, Manika–" "Tigilan mo ako sa kakatawag ng Manika!" "Oh, tama na 'yan. Baka dumanak na ang dugo rito." Awat ni Papa at niyaya kaming lumabas ng kuwarto. Sa sala namin itinuloy ang diskusyon at sa huli, wala akong nagawa na mapaalis ang sampid dahil buo na ang desisyon ng mga magulang ko na dumito muna ang Derek na 'to. Sinabi rin ni Mama sa akin na sinubukan naman daw nilang ipaalam sa akin pero hindi ko na sila tinawagan kahapon. Naalala ko na baka 'yon na nga 'yong sinasabi nila kahapon pero hindi ko naintindihan dahil putol-putol naman ang boses ni Mama. Na ang buong akala ko ay hindi naman importante kaya hindi na rin ako nag-abalang tumawag sa kanila. Ayon naman kay Papa ay sa kaniya raw ipinagkatiwala ni Tito Demier ang panganay na anak. Hmp! Mukhang sinukuan na ng sariling mga magulang dahil sa mga katarantaduhan sa buhay. At dito pa yata sa bahay namin at sa buhay ko balak maghasik ng lagim. Huh! Ngayon mo ako subukan, titiyakin kong may kalalagyan kang ulupong ka. Sa loob-loob ko habang nakikipagsukatan ng tingin sa kaniya. Nakikipag-usap ito kay Papa pero sa akin nakatingin, halatang nang-iinis lang. Makakuha lang ako ng tiyempo, yari ka sa akin. Banta ko sa isip ko. Nang hindi ko na matagalan ang pagmumukha niya, nagpaalam ako kay Papa na babalik muna sa kuwarto ko para maligo. Mas gugustuhin ko pang makakita ng patay kaysa sa pagmumukha ng guwapong ulupong na 'yon. Natigilan ako nang ma-realize na nasabi kong guwapo siya. Hmp! Hindi siya guwapo. Period! Pagpasok ko sa kuwarto ko ay dumiretso na ako sa banyo at tumapat sa malamig na tubig mula sa shower. Nanuot sa katawan ko ang lamig niyon. Medyo humupa ang inis na nararamdaman ko pero agad ding bumalik nang ma-realize na makakasama ko talaga rito sa bahay ang lalaking iyon. Naiiling na tinapos ko ang pagliligo at kaagad nagbihis ng pang-alis. Kahit sinabihan na ako ni Papa na 'wag na akong pumunta sa punerarya ay hindi ako magpapapigil. Wala akong balak na mag-stay dito sa bahay maghapon at makita ang pagmumukha ng lalaking 'yon. Talaga ba, Annika? Anang kabilang bahagi ng isip ko. Of course! Hindi ko maaatim na makasama ang manyak na 'yon! Weh? Hindi nga? "Hindi nga! Hindi, hindi, hindi!" Parang tangang pakikipagtalo ko sa sarili ko. Nagulantang ako sa sunod-sunod na katok mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko. "Manika, yoho! Pinapatawag ka na ni Ninang, kakain na raw tayo!" Natigilan ako nang marinig ang baritonong boses nito. "Hey? Did you hear me, Manika?" Hindi pa rin ako sumagot kaya naman hindi siya tumigil sa pagkatok. Bahala kang mamatay sa kakakatok diyan! Napangisi ako nang maisipang dumaan sa secret door, sa kusina na ang labas ko niyon. Nagulat si Mama nang makita ako. "Nasaan na ang kinakapatid mo?" Sabay lagpas ng tingin sa likuran ko. Nagkibit-balikat lang ako, saka dumulog na sa mesa. "Nasaan na ba ang batang 'yon? Pinapatawag lang kita kung saan na yata pumunta," ani Mama habang nanghahaba ang leeg sa pagtanaw. "Malamang nasa labas pa ng kuwarto ng anak mo 'yon," ani Papa sabay tingin sa akin. "Tinaguan mo ang kinakapatid mo 'no?" Nagsandok na ako ng pagkain ko. "Kain na po tayo," yaya ko sa mga magulang ko. Ngunit hindi sila tumalima. "Derek? Hijo, nasaan ka na ba?" Si Mama at tinawag na ang lalaki. "Ayaw hong lumabas ni Annika, Ninang!" "Hayaan mo na, halika na't nakahain na." Mayamaya nama'y pumasok si Derek na halatang nagulat nang makita akong kumakain na. "Saan ka dumaan? Kanina pa ako tawag nang tawag sa labas ng kuwarto mo, ah. Namumula na ang mga daliri ko sa kakakatok tapos nandito ka na pala at nagpapakabusog?" Inismiran ko lamang siya at nagpatuloy sa pagkain. "Maupo ka na, Derek. Kumain ka na rin." Ani Papa. Dumulog naman ito sa mesa, at sa mismong tapat ko siya umupo. "Kain nang mabuti, Derek. Huwag kang mahihiya rito." Ani Papa na ikinatikwas ng kilay ko. "Salamat ho, Ninong, Ninang." "Wala 'yon, parang anak ka na namin. At saka na-miss ka rin namin ng Ninang mo," si Papa uli. Napaismid ako nang marinig ang tawa ni Derek. Tuwang-tuwang ang gago. "Sana ho na-miss din ako ni Manika–este ni Annika ho." "Parang hindi. Napaka-bully mo naman kasi noon sa kinakapatid mo." Natatawang sabi ni Mama. "Nagbago na ho ako, Ninang. Mabait na ho ako ngayon." "Tss! Kaya pala ipinatapon ng magulang." Pasaring ko na hindi man lang yata tumalab dahil ngumisi lamang ito sa akin. Hinayaan ko silang magkuwentuhan. Tahimik lamang ako at minadali nang matapos. Pero nahihirapan akong lumunok dahil maya't maya kong nahuhuli na nakatingin sa akin ang ulupong na 'to. Masama ko siyang tiningnan nang maramdaman kong sinagi nito ang binti ko na nasa ilalim ng mesa. Kung sinadya ba niya 'yon o hindi, hindi ko alam. "Baka matunaw na si Annika sa kakatitig mo, Derek." Ani Mama na halata ang panunukso sa boses. "Hindi ho kasi talaga ako makapaniwala na magdadalaga si Annika na ganiyan kaganda. Dati ho kasi ang laki at labis-labis ang mga ngipin niya pero ngayon, ang ganda na. Tuwid na rin ho ang buhok niya." "Siyempre naman, Anak. Magdadalaga talaga na maganda 'yang anak ko, kanino pa ba magmamana 'yan 'di ba?" "Siyempre sa 'yo ho, Ninang at kay Ninong rin." Pambobola nito sa mga magulang ko na tila aliw na aliw naman sa kaniya. Sipsip! Napairap ako sa inis. Naramdaman ko uli ang paa niya na sinagi ang binti ko. Nag-angat ako ng tingin at nagtama ang mga mata namin. Puno ng kamanyakan na kinindatan niya ako. Isang bwelo ang ginawa ko sabay igkas ng isang paa ko patungo sa pagitan ng mga hita niya na ikinahiyaw niya. "Aaahhh!" Nagulat si Papa at Mama sa pagsigaw ni Derek at namilipit habang sapo ang pagkalalakí na tinamaan ko. "Ahh, damn! Ang sakit!" Daing niya. Dinaluhan naman ito ni Papa at tinulungang maitayo pero mukhang napuruhan ang pagkalalakí niya. "Annika, anong ginawa mo?" Sita ni Mama. "Ho? Wala ho akong ginagawa, Ma. Tumayo lang ho ako." "Liar, sinipa mo ako…ahh!" "Huwag mo akong pagbintangan diyan." Deny ko pa, bago nagpaalam sa mga magulang ko na aalis na ako. Hindi ko na sila hinintay na makasagot dahil nagmamadali na akong umalis at kinuha sa likod ng pinto ang susi ng sasakyan ko. Ngiting wagi ako habang nagmamaneho papunta sa punerarya namin. Sa pangatlong branch namin ang punta ko na nasa Cavite dahil bibisita ako roon ngayong araw. Medyo inabot na ako ng traffic sa daan dahil tinanghali na ako. At kasalanan 'to ng ulupong na 'yon. Huh, titiyakin ko na hindi mo gugustuhing manatili sa bahay namin kasama ako. Sukat sa isiping 'yon ay kinuha ko ang cell phone ko at tinawagan si Tito Demier. "Hey, Hija. Kumusta? Nagkita na kayo ni Derek?" Sunod-sunod na tanong ni Tito Demier. "Opo, Tito. Actually, nasa bahay na po siya." "Oh, good. Kayo na muna ang bahala sa kaniya, ha? Gusto kong turuan mo siyang maging responsableng tao. Kabilin-bilinan ko sa Papa at Mama mo na 'wag 'yang itatratong amo o bisita." Napangisi ako nang may kumislap na idea sa utak ko. "Tito, ibig niyo pong sabihin kahit utus-utusan ko siya ay okay lang?" Paniniyak ko. "Of course. Gusto ko siyang matuto. Ang tanda-tanda na niya pero wala pa ring alam kun'di maging sakit ng ulo ko. At kaya ko 'yan ipinatapon diyan ay dahil nasangkot na naman sa basag-ulo. Ayaw naman ng Tita mo na sa ibang bansa dahil kawawa naman daw. Mabuti na lang at pumayag ang mga magulang mo na riyan na muna. Basta ang bilin ko, pagtrabahuhin nila diyan. Maski ano basta hindi siya magbuhay prinsepe riyan." Mahabang litanya ni Tito Demier. "Maaasahan ko ba, Hija? Gusto ko lang siyang matuto sa buhay dahil hindi habang-buhay ay malakas kami ng Tita mo. Para sa kaniya rin kung bakit gusto namin siyang magtino." "Ako po ang bahala, Tito. Puwede ko pong ipatrabaho sa kaniya kahit ano?" "Kahit ano, Hija." Lalong lumawak ang pagkakangisi ko nang may kalokohang idea na pumasok sa isip ko. "Takot po ba siya sa patay?" Impit akong napahagikhik nang marinig ang sagot ni Tito Demier, lalo na nang sinabi niya na panlawin o duwag ang panganay niyang anak. Huh, husto ka lang pala sa yabang, ah. Humanda ka, ako mismo ang magpapatino sa 'yo sa paraang hindi mo makakalimutan. Nang mga sumunod na sandali ay ang saya-saya ko na. Pasipol-sipol pa ako habang binabagtas ang daan patungo sa Cavite.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD