"DIYOS ko po, habaan pa ninyo ang pasensiya ko sa taong 'yun! Dahil kapag nagkataon, mukhang magkakasala po ako sa inyo sa araw na ito." Malakas ang boses na dasal ni Nancy Jane habang pilit niyang pinupunasan ng tissue ang blouse niyang natapunan ng softdrinks.
At iyon din ang dahilan kung bakit nagngitngit siya sa galit ngayon. Kung bakit ba naman kasi nauso pa ang mga taong "papam-pam" sa mundong ito. Napabuntong-hininga siya. Umalis siya ng America na maayos ang pag-iisip. Mukhang sa kanyang pagbalik ay isang Nancy Jane na may sira sa ulo ang sasalubungin ng mga magulang niya.
Naalala niya ang nangyari kani-kanina lamang. Papunta siya sa mesa nila Panyang kasama si Jester nang tila sadyain ni Justin na banggain siya. Mukhang puntirya nito ang una, kaya lang, siya ang minalas at natapunan ng hawak nitong baso na may softdrinks. Kaya ang sumunod na nangyari, nagbangayan sila sa gitna ng mga bisita.
"Hey, are you okay?" narinig niyang tanong ni Jester mula sa labas ng CR na siyang kinaroroonan niya ngayon.
"Yes. Huwag mo akong alalahanin." Sagot naman niya. "Just give me few more minutes."
Hindi na ulit niya ito narinig pang sumagot. Baka umalis na doon. Muli niyang tinuon ang atensiyon niya sa basang blouse. Ito na nga ba ang sinasabi niya eh. Kaya ayaw sana niyang pumunta sa okasyon na iyon. Kaya lang, hindi rin naman niya matanggihan ang mga kaibigan niya. Ilang taon din silang hindi nagkita. Pangit naman kung tatanggi pa siya.
Napapikit siya, saka tinukod ang dalawang palad niya sa lababo. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari sa pagitan nila ni Justin. Parang hindi sila naging magkaibigan noon at lumaking magkasabay. Base sa away na nakikita ng mga tao sa pagitan nila. Walang sino man ang mag-aakala na sampung taon na ang nakakaraan, minsan sa buhay nila, naging magkaibigan sila. Isang matalik na magkaibigan. Nang makalma na niya ang sarili, nagdesisyon siyang umuwi na lang muna para magpalit ng blouse. Dahil kapag hindi niya iyon gagawin, baka mamaya ay langgamin siya doon.
Paglabas niya ng CR ay naabutan niyang nag-uusap si Adelle, ang nobya nitong si Jared at si Chacha.
"Hi, okay ka lang?" tanong agad ng huli sa kanya.
"Yes. And I'm so sorry about what happened a while ago." Hinging-paumanhin pa niya.
"Hay, ano ka ba? Okay lang, ano?" tila walang ano man na sagot nito.
"Nakakahiya kasi eh," sabi pa niya.
"Huwag mo nang isipin 'yon." Sagot ulit ni Chacha.
"Actually, ang cute nga ng eksena n'yo kanina eh. Ang sweet!" kinikilig pang singit sa usapan ni Adelle.
"Tama! Kung dalaga na siguro si Chinchin ko, malamang kinikilig na rin siya ngayon." Dagdag pa nito.
Napailing siya. Hindi niya akalain na ang dating kilala niyang tahimik na si Chacha noon ay punong-puno na rin ngayon ng sense of humor.
"Ang bonggang Nanay nito!" sabi pa ni Adelle.
"Right," sang-ayon naman niya. "Nga pala, Is it okay kung uuwi muna ako saglit?" pagpaalam niya kay Chacha. "Magpapalit lang ako ng blouse."
"Pahihiramin na lang kita. Baka hindi ka na bumalik eh." Sagot ni Chacha.
"Hindi na. Nakakahiya naman 'yon. Promise! Babalik ako." Sabi pa niya. "Saka malapit lang naman ang bahay ko eh."
"O sige, para makasigurado akong babalik ka. Isama mo si Jester." Anito sabay tawag sa tinukoy nito. "Teter! Halika!"
Bago pa siya makatanggi. Naroon na agad ito sa tabi niya.
"Bakit?" tanong agad nito paglapit nito.
"Samahan mo si Nancy Jane sa kanila, para siguradong bumalik." Sagot ni Chacha.
"Sure,"
"Kayo talaga oh, wala akong lusot sa inyo." Sabi pa niya habang napapailing.
Nagkibit-balikat lang ang dalawa sabay ngisi.
"Sige na, lakad na at nang makabalik ka agad. Kami nang bahala kay Justin. Igaganti ka namin. Igigisa namin ng husto ang kalbong 'yon!"
Natawa siya. "Sige, Salamat!"
"AYOS din naman ang strategy mo, Pare." Sabi ni Dingdong kay Justin, tinapik pa nito ang balikat niya.
"Anong strategy?" maang niyang tanong.
Nagtawanan ang mga kaibigan. Nag-high five pa si Vanni at Ken.
"Ano ba kasi ang pinagsasabi n'yo?" naiinis nang tanong niya ulit.
"Don't pretend, Pare. You know what we're talking about." Natatawa pa ring sagot ni Jared.
"Well, I don't."
"Biruin mo 'yon, hindi namin naisip ang style na 'yon noong nanliligaw kami sa mga girlfriends namin." Sabi pa ni Humphrey.
"Yeah. Orig ka talaga, Pare. Sa una, kunwari galit. Noong makitang may kausap na ibang lalaki, bigla kang na-praning. Defense!" dagdag pa ni Darrel.
"Hindi ko alam ang mga pinagsasasabi n'yo." Pagtanggi niya.
"Hay naku, Chua. Sarili mo lang ang niloloko mo!" sabad ni Panyang sa usapan.
"Wala akong ginagawa." Tanggi ulit niya.
"Kaya pala ang sama ng tingin mo kay Jester simula nang lapitan niya si Nancy Jane. Tapos kung anu-anong pagpapapansin ang ginagawa mo kanina pa. Anong akala mo? Hindi ka namin na-obserbahan?" seryosong sabi ni Leo.
"Right," sang-ayon naman ni Roy.
"Pare, hindi mo kailangan mag-sinungaling sa amin. Dahil kahit ilang beses mo pang i-tanggi. Kilalang-kilala ka namin, pati na ang likaw ng bituka mo." Ani pa ni Victor.
Napabuntong-hininga siya. Maging siya ay nawi-weirduhan sa kinikilos niya kanina. Biglang umahon ang inis niya nang makita niyang magkausap si Jester at si Nancy Jane sa simbahan pa lang. Ang akala niya ay hindi na mag-uusap ang dalawa, ngunit hanggang sa matapos ang sermonya ng binyag at sa reception ay magkasama ang dalawa.
Kung tutuusin, wala dapat siyang pakialam. Hindi nga ba? Siya na mismo ang nangako noon sa sarili niya na wala siya dapat pakialam kay Nancy Jane. Ngunit, ano ba itong kahangalang ginagawa niya? Pinapahiya niya ang sarili niya sa harap ng mga kaibigan niya. Para na rin niyang binawi ang noon ay sinabi niyang hindi-hindi na siya magpapa-apekto kay Nancy Jane, kahit pa bumalik na ito. Pero heto siya ngayon at pinagmu-mukhang tanga ang sarili.
"Hindi ko sinasadyang matapunan siya ng softdrinks kanina, kung iyon ang ibig ninyong sabihin." Kunwa'y sagot niya.
"Tell us honestly, Pare. Are you jealous?" diretsong tanong ni Roy sa kanya.
"Hell no!" mabilis niyang sagot.
Nagkibit-balikat lang ito. Alam niyang hindi ito kumbinsido sa sagot niya. Dahil maging siya ay ganoon din ang nararamdaman, sa hindi niya malamang dahilan.
"Bahala ka, buhay mo 'yan. Malaki ka na. Kaya mo na ngang gumawa ng bata eh. Pero kaibigan, ako na nagsasabi sa'yo. Hindi nakakatulong ang pagiging denial king mo." Nakaakbay pang payo ni Vanni sa kanya.
Tumikhim siya. Saka pilit na tumawa. "Para kayong mga sira! Wala akong gusto kay Nancy Jane. Naging magkaibigan kami noon, pero matagal na 'yon. Kinalimutan ko na nga 'yon. Ayoko sa kanya! Dahil hindi siya ang tipo kong babae! Kaya huwag n'yo siyang ipilit sa 'kin."
"Ouch! Mukhang talagang nagde-deklara ka ng giyera ah!" sabad ni Lady. Saka may tinuro sa bandang likuran nila.
Parang nanlamig ang buong katawan niya ng makita niyang naroon nakatayo sa hindi kalayuan si Nancy Jane. Habang namamasa ng luha ang mga mata nito.
"Lagot ka!" pananakot pa sa kanya ni Panyang.
"Nancy Jane," bulong niya.
Hindi ito nagsalita. Umiling lamang ito bago tumakbo palabas ng mansiyon ng mga Santos.
"What the hell did you do? Para kang hindi lalaki ah!" galit na wika ni Madi. Saka sinundan si Nancy Jane.
Ano nga ba ang nagawa niya? Alam niyang narinig ni Nancy Jane lahat ng pinagsasabi niya tungkol dito. Pero nasabi na niya ang lahat. Narinig na rin nito. Alam niyang nasaktan na naman niya ito. At huli na para bawiin pa niyang lahat iyon.
Ano bang nangyayari sa'yo Justin? Bakit ka ba nagkakaganyan? Tanong ng isang bahagi ng isip niya.
Kung puwede nga lang niyang sagutin. Kaya lang, maging siya ay nalilito. Hindi na rin niya maintindihan ang sarili. Bumuntong-hininga siya saka tila nanghihinang sumalampak ng upo isang bakanteng silya.
Was he turning into a monster?
ILANG BESES pang huminga ng malalim si Nancy Jane para mapuno ng hangin ang dibdib niya. Kanina pa kasi siya inaatake ng kaba. Lunes iyon ng umaga, at iyon ang araw ng meeting niya kasama ang iba pang board members ng Skyland Hotel.
Iyon ang araw na ipapakilala siya nito bilang bagong miyembro ng board. Pero nag-desisyon siyang hindi maging aktibo sa mga meetings at iba pang gawain sa hotel kung hindi rin naman kinakailangan. Pupunta na lamang siya kung importante na naroon siya. Ipauubaya na lang muna niya ang trabaho sa Abogado niya.
Bumuntong-hininga siya saka tinitigan ang sariling repleksiyon sa salamin. Kung hindi sana naging ganoon ang pakikitungo sa kanya ni Justin, hindi sana aabot sa ganito. Iyon lang ang tanging paraan para makaiwas sa gulo. Pagkatapos ng lahat ng narinig niya mula dito mismo,alam niyang wala na siyang lugar pa sa buhay nito.
Nanumbalik ang kirot sa dibdib niya. Maaari pa sana niyang maintindihan ang lahat ng pakikitungo nito sa kanya, dahil siya ang nang-iwan noon. Ngunit ang marinig mula dito, kung paano halos isuka nito ang pagiging magkaibigan nila ay isang napakalaking kabiguan sa kanya. Labis niyang dinamdam iyon. Iniyakan niya iyon kagabi. Kaya bahagya pang namumugto ang mga mata niya hanggang sa mga oras na iyon. Mabuti na lamang at nagawan niya ng paraan sa make-up niya para hindi halata.
"Lakasan mo ang loob mo, Nancy Jane." Pagkausap pa niya sa sarili. "Ipakita mo sa Justin na iyon na siya ang nawalan at hindi ikaw."
Naputol ang pag-iisip niya nang marinig niya ang mahinang katok mula sa pinto ng silid niya.
"Pasok," tugon niya.
Bumukas iyon saka niluwa noon ang matagal ng yaya niya na simula pagkabata ay naninilbihan na sa pamilya niya.
"Hija, ayos ka lang ba?" may pag-aalalang tanong nito.
"Opo." Nakangiting tugon niya.
"Nakangiti ka nga. Pero ang mga mata mo ang nagsasabi ng tunay mong nararamdaman. Malungkot ka." Anito.
Sa isang iglap ay dumaloy ang mga luha niya sa kanyang pisngi. Muli na naman niyang naramdaman ang kirot sa puso niya.
"Masakit lang masyado, Yaya. Hindi ko akalain na ganoon lang niya tinapon ang pagkakaibigan namin. Kung alam lang niya na ayaw ko ring umalis noon." Umiiyak na wika niya.
Niyakap siya ng Yaya niya.
"Sabihin mo sa kanya, sa tamang pagkakataon. Sa ngayon, ang importante ang trabaho mo. At ang misyon mo sa Hotel niya."
Tinuyo niya ng tissue ang namasa niyang pisngi. "Sige, tumahan ka na. Ayusin mo ang sarili mo, at ipakita mo sa kanya na nagkamali siya ng babaeng sinaktan." Pagpapalakas-loob pa sa kanya nito.
"Thanks Yaya," sabi pa niya dito.
Isang magaan na ngiti ang sinagot nito sa kanya.
"O siya sige na, umalis ka na at baka mahuli ka na sa meeting mo."
"Sige po, 'Ya. Aalis na ako." Pagpaalam pa niya sa mabait niyang Yaya.
"Mag-iingat ka, anak." Bilin pa nito bago siya umalis.
Habang lulan ng sasakyan niya. Hindi pa rin mawala ang kaba na kanina pa namamahay sa kanyang dibdib. Hindi kasi niya alam ang maaaring mangyari sa muling pagku-krus ng landas nila ni Justin. Ang tanging dalangin niya ay maging maayos ang usapan nila, kahit ngayon araw lang na ito. Dahil tungkol ito sa negosyo at trabaho. Ayaw niyang magmukhang un-professional dahil lang sa personal nilang issue sa isa't isa.
Ilang sandali pa ang binyahe nila bago sila nakarating sa hotel. Pagbaba niya ng sasakyan ay agad siyang sinalubong ng isang may hitsurang babae na sa tantiya niya ay hindi nalalayo sa edad niya.
"Good Morning Ma'am! Welcome to Skyland Intercontinental Hotel!" bungad nito sa kanya.
"Thank you," sagot nito sa kanya.
"Hi Ma'am, Are you Miss Nancy Jane de Castro?" tanong agad nito sa kanya.
"Yes."
"My name is Jessa. And I'm Mr. Chua's secretary. He's already waiting for you in his office." Sabi pa nito.
"Okay. Salamat! Pero bakit sinundo mo pa ako dito?" tanong niya. "Puwede naman akong dumiretso sa taas?"
"Eh iyon po ang instruction sa akin ni Sir eh." Sagot naman nito.
"Siraulo talaga ang kalbong iyon. Ano bang palagay niya sa akin hindi marunong gumamit ng elevator?" nakaingos niyang sabi.
Nai-imagine pa lang niya ang salubong nitong kilay ay nasisira na ang araw niya. Natutop ni Jessa ang bibig bago impit na napatawa dahil sa sinabi niya.
"O? Bakit ka natawa?" tanong niya dito.
"Wala po. Kasi ma'am, kayo ang unang babaeng nakapagsalita sa kanya ng ganyan. Ang karamihan ng mga babae dito sa hotel kahit na 'yon ibang empleyadong babae, lahat puro puri ang sinasabi sa kanya." Paliwanag naman nito.
"Well, not me. Dahil kilala ko ang likaw ng bituka ng tsekwang 'yan." Nakasimangot pang sabi niya.
Bago sila makarating ng elevator ay nakasalubong niya si Vanni.
"O? Nancy Jane, anong himala ang nagdala sa'yo dito? Tatawag na ba ako ng Referee?" biro agad nito sa kanya.
"Rio Vanni, please. Ang aga pa para mang-asar ka." Pakiusap niya dito.
Nag-peace sign lang ito. "Joke lang! Ikaw naman."
Ngumiti siya dito bilang sagot na okay lang sa kanya iyon.
"By the way, ikaw nga yata ang hinihintay niya kanina pa." sabi pa nito. "I'll go ahead."
Tumango lang siya dito. Hindi pa siya nakakaabot sa may elevator nang si Roy at Leo naman ang nakasalubong niya.
"Uso pa pala ang himala ngayon." Narinig niyang sabi ni Roy.
"Pare, tama ba ang nakikita ko?" ani Leo kay Roy. Pero hindi pa rin ito nakangiti, kahit na alam niyang nagbibiro ito. Kahit siya ay naninibago sa isang ito. She knew Leo as a happy individual. Ngunit sa pagbalik niya ay isang Leo na hindi man lang mabanat ang mukha para makangiti ang nadatnan niya. And Nancy Jane wonder, what happened to him?
"Tawag na kaya ako ng reinforcement?" biro din ni Roy sa kanya.
"Hoy, kayong dalawa ha! Tigilan n'yo ako!" saway niya sa mga ito.
"Eh kayo? Anong ginagawa n'yo dito?"
"May ka-meeting kaming investor." Seryoso pa ring sagot ni Leo.
"Iyon naman pala, iyon na lang ang asikasuhin n'yo at nang hindi ako ang iniinis n'yo."
"Right. Si Chua na lang ang upakan mo. Tutal siya naman ang may atraso sa'yo." Sabi pa ni Roy.
Iyon lang at dumiretso na sila sa elevator na naghihintay sa kanila.
"Mukhang personal ninyong kilala si Sir, Miss de Castro." Puna ni Jessa.
Ngumiti siya. Ngiti na alam niyang hindi umabot sa kanyang mga mata. Ano nga ba ang dapat niyang isagot? They we're no longer bestfriends, neither simple and plain friends. At this point of their lives, they're now a total stranger to each other.
"Not so. We just have some common friends." Sagot na lang niya.
"Ang akala ko nga po, girlfriend niya kayo. Kasi hindi naman po no'n ugaling pumasok ng maaga. Unless na may darating na bagong investor o Kaya naman ay may bago siyang girlfriend na ipapasyal niya sa buong hotel.
"Malayong mangyari 'yon. I'm not his type." Sagot niya.
At tila isang punyal na tumarak sa puso niya ang huling mga katagang iyon na sinambit niya. Walang kasing sakit iyon lalo na't siya mismo ang nakarinig noon. Muling namasa ang mga mata niya ng luha. Kumurap-kurap siya para hindi iyon tumulo. Hindi iyon ang tamang oras para maging emosyonal siya.
Tumango ito. Mukhang na-kumbinsi naman ito sa sagot niya.
Habang papalapit siya sa opisina ni Justin, mas lalong tumitindi ang kaba niya. Dalangin lang niya na sana'y hindi siya mautal kapag nasa harapan na niya ito.
Pagdating nila sa pinakamataas na palapag kung saan naroon ang opisina nito. Dumiretso sila sa pinakadulong bahagi ng palapag na iyon. Binuksan ni Jessa ang pinto na nasa bandang kaliwa.
"Nandito na po tayo." Sabi nito.
Ngumiti siya dito. "Thanks!"
Tumango ito pagkatapos ay iniwan na siya doon. Bago siya kumatok ay huminga muna siya ng malalim ng ilang beses.
"Come in," narinig niyang sabi nito pagkatapos niyang kumatok.
Lalong kumabog na husto ang dibdib niya pagkarinig sa baritonong tinig nito. Bahagya muna niyang inayos ang kulot at mahaba niyang buhok bago pumasok sa loob ng opisina nito.
"Good Morning," propesyonal ang tinig na bati niya dito.
"Good Morning," ganting-bati din nito. "Have a seat," anito saka tinuro nito ang leather sofa na nagsisilbing receiving area nito.
"Make yourself comfortable. We still have ten minutes bago magsimula ang meeting." Dagdag pa nito. "May kailangan pa rin akong pirmahang mga papeles."
"Thanks," halos pabulong pa niyang sagot dito.
"Coffee?" tanong nito sa kanya.
"Salamat, tapos na."
Katahimikan ang sumunod na naghari sa pagitan nila. Kinuha na lamang niya ang cellphone niya mula sa bag niya para kahit paano'y may mapaglibangan siya. Tamang-tama naman na may text message pala siya mula kay Jester.
Gud am! I hope you're okay now. Sabi pa nito sa mensahe.
Napangiti siya. Kahit paano'y gumaan ang pakiramdam niya. Mabuti pa ang isang ito. Kahit na bagong kakilala pa lang niya dito ay napapangiti siya nito agad. Ngunit bakit wala ang kaba sa tuwina'y nararamdaman niya sa tuwing si Justin ang kaharap niya. Gaya ngayon.
Gud am din. Dont' worry, I'm ok. I'm here nga sa office nya. Board meeting later. Reply naman niya.
Wala pang tatlumpung segundo ay tumunog ulit ang cellphone niya.
Ganun ba? Ingat ka sa kanya. Baka paiyakin ka na naman niya.
She smiled again. I will. tnx!
"Mukhang may ka-textmate ka." Bigla ay sabi nito.
"May masama ba doon?"
"Wala naman." Sagot nito.
Hindi na siya sumagot pa.
"Kumusta ka na?" bigla ay tanong nito.
"Masyasdo na yatang late ang pangangamusta mo. Mag-iisang linggo na akong nakauwi dito sa Pilipinas." Pormal ang tinig niyang sagot. "Anyway, as you can see. I'm okay."
"Gaano ka katagal dito maglalagi?" tanong ulit nito.
"Hindi ko alam. Depende sa takbo ng negosyo."
"Nanliligaw ba sa'yo si Jester?"
Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito. Bago siya tumawa ng pagak.
"I don't think that's none of your business. Personal na buhay ko na ang tinatanong mo. Hindi na siguro kasama 'yon sa trabaho ko."
"I'm just concerned. He's a player. Lolokohin ka lang niya." Sabi pa nito.
Lalo siyang natawa sa sinabi nito. "Ikaw? Concern?" aniyang napapailing. Muling umahon ang sakit sa kanyang dibdib.
"Don't pretend, Justin. Gusto mong ipaalala ko sa'yo ang sinabi mo kahapon sa mga kaibigan mo. Kinalimutan mo ako bilang kaibigan mo. And by this time, I am a stranger to you. At ganoon din ako sa'yo. Kaya wala kang karapatang maging concern sa akin," sumbat niya dito.
"I guess, masyadong maliit ang silid na ito para sa ating dalawa. Doon na lang kita hihintayin sa loob ng conference room." Dagdag niya.
Hindi na niya hinintay pang sumagot ito. Dumiretso na siya ng lakad patungo sa pinto. Ngunit bago pa niya marating ang pinto ay bumukas naman iyon. Pumasok doon ang isang babaeng mas matangkad sa kanya. Sexy at maputi. Maganda din ito. Sexy ang suot nitong dress na abot hanggang sa itaas ng tuhod nito. Base sa hitsura nito, mukha itong modelo.
Nang magtama ang paningin nila. Nakataas ang kilay nito. Hindi naman niya nginitian ito. Ito ang unang bumawi ng tingin. At nang ituon na nito ang atensiyon kay Justin. Awtomatikong ngumiti ito.
"Hi Babe!" bati pa nito.
Gustong magbuhol ng kilay niya ng umupo ito sa kandungan ni Justin at halikan ito sa harapan niya. Ayaw man niyang aminin. Ngunit nakaramdam siya ng matinding selos.
Bago siya makalabas ng silid na iyon ay tumunog naman ang cellphone niya. Sinagot niya iyon agad at malakas ang boses na binati ang caller niya. Sabay ngiti ng matamis.
"Jester! You miss me already?!" sabi pa niya.
At gusto niyang lumundag sa tuwa nang makita niyang masama ang tingin ni Justin sa kanya. Paglabas niya ng silid ay napasandal siya sa pader.
Parang nanghina siya matapos ang tagpo nilang iyon.
Kailangan niyang umiwas. Hindi nakakabuti sa kanya na palaging malapit kay Justin. Bukod sa madalas nilang pag-aaway. Napapansin niyang pinapabilis nito ang t***k ng puso niya. Isang bagay na pamilyar sa kanya. Dahil naramdaman na niya iyon, sampung taon na ang nakakaraan.