Chapter Three

2353 Words
NANCY JANE felt insulted. Iyon agad ang rumehistro sa utak niya matapos niyang marinig ang reaksiyon nito matapos niyang ipakita dito ang papeles na hawak niya. Nagsalubong ang kilay niya. Noong una ay pinalampas niya ang pangit na pagsalubong nito sa kanya at sa pagpapahiyang ginawa nito sa kanya sa harap ng mga kaibigan nila. Ngayon naman ay kulang na lang ay lamukusin nito ang hawak nitong mga papel habang binabasa iyon. Sa inis niya ay hinablot niya mula dito ang mga papeles. Pasalamat na lang siya dahil hindi iyon napunit. "Kung maka-no way ka diyan ah!" asik niya dito. "Kung inaakala mong gusto kong makasama kita sa trabaho. Well, magdiwang ka. Kasi pareho lang tayo. Ayaw na rin kitang makasama. Pagkatapos mo akong ipahiya noong isang araw. Hindi ko ginustong makasama ka ulit." "Kung ganoon pala, ipabago mo sa Lolo mo ang papeles. Sabihin mo na iba ang ipadala dito!" singhal nito sa kanya. "Hindi mo ako binabayaran dito para kausapin ng ganyan! Kung makautos ka ah! Besides, bago ko maipabago ang papeles na 'yan. Simulan mo nang tumawag ng Medium at mga paranormal experts! Baka sakaling bumaba ang kaluluwa ni Lolo mula sa langit!" pambabara pa niya dito. Natigilan ito saka nagpatingin sa iba pang kasama nito. "You mean, patay na ang Lolo mo?" halos hindi makapaniwalang tanong nito. "Oo. Kaya ako napauwi dito ay dahil na rin sa kagustuhan niya." "He died few months ago. Hindi ko alam na bumili siya ng stocks sa hotel mo. Huli na ng malaman namin nila Daddy. At ang stocks niya dito ang isa sa ipinamana niya sa akin." Paliwanag niya. "Our condolences, Nancy Jane." Ani Roy. Tumango lamang siya. "Kung alam ko lang na wala na pala akong kaibigan at kababata na babalikan dito. Hindi na lang sana ako umuwi pa." Wika niya sabay talikod. Habang naglalakad palabas ng hotel ay hindi niya mapigilan ang mapaluha. Hindi makapaniwala si Nancy Jane sa pagtrato sa kanya ni Justin. Kulang na lang ay isuka siya nito. Parang buwisit na buwisit ito kapag nakikita siya. At iyon ang labis na masakit. Kung nalalaman lang nito na ang hirap na pinagdaanan niya nang iwan niya ito. Pero ano pa nga bang halaga na ipaalam niya dito iyon? Baka isipin lang nito na nagpapaawa siya. Dahil sa nakikita niya, hindi na ito ang Justin na kasama niyang lumaki. Ibang-iba na ito. Ang Justin na kilala niya noon ay maunawain at mabait. Hindi isang arogante at makitid ang utak kagaya ngayon. Pagdating niya sa labas ay naroon na ang sasakyan niya at naghihintay sa kanya. "Sa bahay na po tayo, Manong." Aniya sa Driver niya. "Yes Ma'am," tugon naman nito. Pagpasok ng kotse niya sa kalye ng Tanangco. Nakita niyang nakatambay sa tapat ng tindahan ni Olay ang mga kaibigan niyang babae. Tanging si Jared at si Humphrey lang ang Tanangco Boys na naroon. Pinatigil niya ang sasakyan saka bumaba doon. Pinauna na niya sa bahay niya ang driver. "Uy, kumusta?" bungad ni Panyang. "Awa ng Diyos, bad trip." Matamlay niyang sagot. "Bakit naman?" tanong ni Chacha. "Itanong mo sa kaibigan nito." Sagot niya, saka tinuro si Jared. Napangiti ito. "Si Justin na naman ba? Sus! Huwag mo ngang pansinin ang tsekwang 'yon. Papampam lang 'yon. 'Di ba Phrey?" anito sabay baling sa katabi nito na abala sa pagkalikot ng kung ano sa hawak nitong professional camera. "Right. He just can't believe na nandito ka na." sang-ayon naman nito sabay tutok ng camera nito sa kanya at kislap ng flash ng camera nito. "Hoy, huwag ako ang pagtripan mo." Saway niya dito. "Ewan. Hindi ko talaga maintindihan ang kaibigan n'yong iyon. Kung may problema siya sa akin. Sabihin niya sa akin ng harapan, hindi iyong dinadaan niya ako sa pagsimangot niya. Mahihirapan akong magtrabaho n'yan kasama siya kung ganitong hindi kami magkasundo." Mahabang litanya niya. "Just give him time, Nancy Jane. Pasasaan ba't siya rin ang kusang lalapit sa'yo." Sabi naman ni Madi. "Justin is a businessman. Higit sa kahit na kanino, alam niyang hindi dapat hinahalo ang personal na problema sa trabaho." Dagdag ni Jared. Bumuntong-hininga siya. Masyado na yata siyang nadadala ng damdamin niya. "By the way guys, I have an announcement to make." Singit ni Chacha. Natuon ang atensiyon nila dito. "Binyag na ni Chin-chin sa Sunday. Punta kayo ha?" anito. "Ay oo naman! Ninang ako eh." Ani Panyang. "Ang saya na naman no'n. Kumpleto ang barkada." Pumapalakpak pang wika ni Abby. "Hindi ko alam kung makakapunta ako." Sagot naman niya. "Ay ang daya naman nito oh!" protesta pa ni Chacha. "Hindi puwede 'yun." Napabuntong-hininga si Nancy Jane. Kung siya ang tatanungin, gusto niyang sumama. Sino nga ba ang ayaw makasama ang mga kaibigan niyang matagal din niyang hindi nakasama? Ngunit kailangan niyang isakripisyo iyon, para lang hindi makagawa ng gulo sa pagitan nila ni Justin. Alam niyang hindi makakabuti kung magtatagpo sila. Sa dalawang beses pa lang na nagkakalapit sila nito ay parang may giyera na. Iyon pa kayang matagal silang maglalagi sa iisang lugar. "Are you thinking about Justin?" hula ni Humphrey. Nagkibit-balikat siya. "Hindi naman," tanggi pa niya. "Hindi naman, medyo lang." panggagaya pa ni Madi sa kanya. "Hay naku, Girl. Huwag mo nga siyang intindihin. Hindi naman dahil nandoon siya, hindi ka na rin pupunta. Deadma ka na lang." dagdag pa ni Chacha. "Ayoko lang, masira ang celebration ng binyag ng baby mo." Katwiran pa niya. "Tse! Tumigil ka nga!" saway sa kanya ni Panyang. "Huwag ka ngang nega. Walang mangyayaring ganoon. Basta ang importante, present ang beauty mo doon. Kabugin mo ang mga langaw sa paligid ni Chua!" "Hmp! Ayan na naman 'yang langaw na 'yan! Ang baho!" reklamo ni Abby. "Ang selan mo naman, 'te" ani Panyang. Natawa siya ng wala sa oras. Iba talaga ang kalibre ng kaibigan niyang ito. Kahit simula noong pagkabata, ito lang at si Justin ang tanging nakakapagpatawa sa kanya sa tuwing malungkot siya. Lalo na kapag may problema. Ngunit mukhang sa puntong ito, si Panyang na lamang ang makakagawa niyon. "Kita mo na, sa wakas tumawa ka rin." Puna ni Jared sa kanya. Napakunot-noo siya. "Bakit mo naman nasabi 'yan?" tanong niya. "Simula kasi nang dumating ka, palagi ka na lang seryoso. Hindi ka halos tumatawa. Huwag mong masyado isipin 'yang si Justin." Sagot naman ni Myca. "Hindi naman dapat pino-problema ang isang 'yon." "Sa ngayon, just enjoy your stay. Nandito naman kami." Ani naman ni Allie na pilit siyang pinapangiti. Bumuntong-hininga siya. Tama nga naman. Bakit ba siya magpapa-apekto ng husto? Kung ayaw ni Justin sa kanya. Hindi niya ito pipilitin. "Right." Usal niya. "That's the spirit! So, paano? Pupunta ka sa binyag ni Chinchin ha?" paniniguro pa ni Chacha. "Yes, I'll be there." WALANG katapusang picture taking ang ginawa ni Nancy Jane at ng mga kaibigan niya, matapos ang sermonya ng binyag. Limang pares ng Ninong at Ninang ang kinuha ng mag-asawa Dingdong at Chacha. Ang katwiran ng dalawa. Saka na 'yung iba, sa second baby na lang daw nila. Kahit na medyo naiilang dahil sa presensiya ni Justin. Pilit niyang nilibang ang sarili sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan at sa mga dating kakilala. Pasalamat na lamang siya dahil hindi siya iniwan ng mga ito. "Okay ka lang ba?" Napalingon siya sa nagsalitang iyon. Napakunot-noo siya nang makita ang isang estranghero na nakatayo sa likuran niya. Pinagmasdan niya ito. May hitsura naman ito. Guwapo din. Kaya lang ay hindi napantayan nito ang kaguwapuhan ni Justin. Naks naman! I-compare ba daw? Panunudyo pa ng isang bahagi ng isip niya. Oo nga naman. Bakit nga ba niya kinu-kumpara ang isang ito na walang kamalay-malay kay Justin? "It looks like, hindi ka nga okay." Ani pa nito. Tumikhim siya. "Yes. No. I mean, I'm okay. Thank you." Nalilito pang sagot niya. He chuckled. Then, looked at her with amusement in his eyes. Ano bang problema ng isang ito? May nakakatawa ba sa mukha ko? Konti na lang ay tatakbo na siya palayo dito. Baka mamaya ay sunggaban na lang siya nito. "Tabingi ba ang ilong ko?" kapagkuwa'y tanong niya dito. "Ha?" nalilitong balik-tanong nito. "Kung makatingin ka kasi sa akin, pakiramdam ko tabingi ang ilong ko." Pagsusuplada pa niya dito. Sa gulat niya ay tumawa pa ito ng malakas. Napalingon siya sa paligid. Bahagya nang napapatingin ang mga tao sa simbahan. "Naku, bahala ka na nga diyan. Hindi naman kita kilala eh." Aniya, saka niya mabilis na tinalikuran ito. Nagsimula siyang maglakad palayo, pabalik sa mga kasama niya. Hindi sinasadyang napadako ang mga mata niya kay Justin. Salubong ang dalawang kilay nito habang titig na titig sa kanya pagkatapos ay doon sa lalaking nasa likuran niya. Oh eh ano naman ang drama ng isang ito? Tanong niya sa isip. "Hey, wait!" habol pa sa kanya ng lalaki. Tumigil siya sa paglalakad. "Ano na naman? Matakot ka nga sa Diyos. Tinatawanan mo ang isang tao ng walang kamalay-malay." Katwiran pa niya. "Sorry. But, I'm not laughing at you. It's just that, you're funny. Amazing. Nakakatuwa ka. Parang ang sarap mong kasama." Sabi pa nito. "Weh! Echosero!" sabad ni Panyang sa usapan. Ngumiti ang lalaki dito. "You know her?" tanong ni Panyang sa lalaki. "Not yet. But I'd really appreciate it, kung ipapakilala mo ako sa pinakamagandang babaeng nakita ko sa tanan ng buhay ko." Sagot nito. "Wow! Kumusta naman 'yun? Hindi naman halatang nambobola ka n'yan." Ani Panyang. "Baka tumalbog ka pa diyan." Bolero! Lihim niyang inismiran dito. "Sabagay, tama ka diyan. Maganda nga siya, pero mas maganda pa rin ako sabi ng asawa ko." Sabi pa ni Panyang. "O siya sige, ipapakilala na kita. Nancy Jane, meet Jester. Jester, meet Nancy Jane." Agad nitong nilahad ang isang palad nito sa harap niya. Tinanggap naman niya iyon. "Hi Nancy Jane," sabi pa nito. "Hi," halos pabulong pang tugon niya. "Sana hindi ito ang huli natin pagkikita," sabi pa nito. Sasagot pa lamang siya ng magulat silang tatlo dahil mula kung saan ay biglang sumulpot sa harap niya si Justin. Naharangan tuloy nito si Jester. "Ay, bongga ng Lolo ko! 'Ganda ng entrance mo ha?" ani Panyang. "Mag-usap tayo." seryosong sabi nito tapos ay bigla siya nitong hinawakan sa kamay at hinila palabas ng simbahan. Pagdating sa labas ng simbahan ay labis niyang ipinagtaka nang maramdaman niya ang tila boltahe ng kuryente na nanulay sa mga palad nila paakyat ng braso niya. Hindi sigurado si Nancy Jane kung gaya niya ay naramdaman din iyon ni Justin. Pero base sa pagkakatingin nito sa mga palad nila, mukhang pareho sila ng naramdaman. Agad niyang binawi ang kamay sa pagkakahawak nito. "Ano bang problema mo? Bakit ba basta mo na lang ako hinila palabas? Nakakahiya kay Jester, baka sabihin ng tao bastos ako." Asik niya dito. "At kailangan mo ba talagang intindihin kung ano ang maaari niyang sabihin tungkol sa'yo? Hindi ka dapat nakikipag-usap sa taong 'yun. I know him, babaero 'yun." Nakasimangot na wika nito. "Eh ano naman kung babaero siya. Wala akong pakialam sa buhay n'ya. At mas lalong wala kang pakialam sa buhay ko o kung sino ang mga taong kakausapin ko. Hindi nga ba? Halos ayaw mong makita ang pagmumukha ko?" nangungutyang sagot niya dito. "Kaya puwede ba, Justin. Don't pretend na may koneksiyon pa sa pagitan natin. Dahil ikaw na mismo ang pumutol niyon." Dagdag niya. Pagkatapos ay namartsa siya pabalik sa loob ng simbahan. Agad naman siyang sinalubong ni Panyang at Jester. "Okay lang kayo? Parang nag-aaway kayo ng boyfriend mo. I'm sorry, hindi ko alam na kayo pala ni Justin." Hinging-paumanhin ni Jester. "Stop! First, hindi ko siya boyfriend. Second, he's not even my friend. Putol na ang friendship namin noon pa." sagot naman niya. Narinig niyang bumuntong-hininga si Panyang. "Hay! Patay tayo diyan! Alam ko na ang ending ng lahat ng ito." Sabi pa nito. "Madugo. Ipanalangin mong hindi iyon ang ending." Naiinis na sagot niya. "O guys, okay lang kayo diyan?" biglang singit ni Dingdong sa usapan. Agad siyang ngumiti dito. "Oo naman." Sagot niya. "Nancy Jane, sunod kayo sa bahay. Panyang, huwag mong iiwan 'yan." Sabi pa nito sa pinsan nito. "Oo, akong bahala." "Hindi na. Kaya ko na ang sarili ko, asikasuhin mo na muna si Roy." Pagtanggi niya. "Okay lang 'yon. Alam naman niya, saka naiintindihan naman niya." "Thank you," usal niya dito. "'Di bale, nandito naman ako eh. Ako nang bahala sa kanya." Singit naman ni Jester. "Oo na!" biro pa ni Panyang dito. "Guys, punta tayo sa bahay! Nandoon ang Reception!" anunsiyo ni Chacha habang karga nito ang cute na si Chinchin, na sa oras na iyon ay tulog na tulog. Palabas na sila ng simbahan nang mapansin niya na nakatingin si Justin sa kanila ni Jester. Isang bagay na siyang ikinaiinis niya dito. Hindi kasi niya maintindihan ang gusto nitong mangyari. Ni wala siyang kahit ano mang clue kung anong nasa isip nito. Noong una, halos ayaw siyang makita nito. Ngayon naman, kulang na lamang ay ikadena siya nito sa beywang nito. Ang akala ko, kaming mga babae lang ang pabago-bago ng isip... Dahil malapit lang ang simbahan sa mansiyon ng mga Santos. Naglakad na lamang sila papunta sa nasabing bahay para doon mananghalian. Habang naglalakad ay sinabayan siya ni Jester. Hindi niya namalayan na umagapay din sa paglalakad nila si Justin. "I thought about your papers." Anito. "What papers?" tanong naman niya. "Iyong stocks ng Lolo mo sa Skyland Hotel." Sagot nito. "What about it?" tanong ulit niya. "Payag na akong ikaw ang mag-handle noon. Kaya lang, I will demand much of your time. Full attention sa trabaho. Ayoko ng distraction. Ayoko ng kung anu-ano ang inaatupag kapag oras ng trabaho." Dire-diretsong sagot nito. "Okay. Besides, kahit naman hindi ka pumayag. Wala kang magagawa kung hindi ang pagtiisan ang presensiya ko. Dahil stocks iyon ng Lolo ko at sa akin niya iyon ipinagkatiwala. Kailangan kong pangalagaan 'yon." Mahaba din niyang sagot, saka binilisan ang paglalakad. You started it, Justin. Ayokong gawin ito, kaya lang ay kailangan kong ipagtanggol ang sarili ko sa'yo... Kung saan man mauuwi ang away nilang iyon. Hindi niya alam. Basta siya, magta-trabaho. Deadma kung deadma na lang siya kay Justin Karl Chua. Kahit na ang totoo'y nasasaktan siya sa nangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD