TEN YEARS LATER...
PINUNO ni Nancy Jane ng hangin ang dibdib niya bago niya patuluyin ang sinasakyang puting Mercedes Benz sa loob ng kalyeng iyon. Mukhang may okasyon pa nga yata sa lugar na iyon. Lumingon siya sa paligid. May mga larawan sa buong paligid at iisang tao lang ang nasa mga larawan na iyon. Ngunit magkakaiba lang ng anggulo.
Ngumiti siya. Hindi pa rin nagbabago ang kalyeng iyon na naging bahagi na ng kanyang buhay, kahit pa sabihin na halos sampung taon siyang nalayo sa lugar na iyon. Ganoon siya nangungulila sa Tanangco Street.
Muli siyang napangiti nang makita niya ang isang grupo ng mga kababaihan at kalalakihan. Paano nga ba niyang makakalimutan ang mga ito? Kahit na malaki ang pagbabago sa pisikal na anyo ng mga ito. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang mga kaibigan niya. Nagsimulang hanapin ni Nancy Jane ang isang partikular na tao. Nariyan kaya siya? Nagsimula na ring kumabog ang dibdib niya. Dahil hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya alam ang sasabihin, kung sakaling nariyan nga siya.
"Manong, dito na po muna tayo." Aniya sa driver niya.
Itinabi nito ang kotse sa gilid ng kalye. Bago siya bumaba ay ilang beses pa siyang huminga ng malalim. Pagbaba niya ay hindi pa siya napansin ng mga ito. Abala yata ang mga ito sa isang magkapareha na magkayakap. Habang ang iba ay nag-aasaran.
Tumikhim siya. May ilang napalingon. Kapwa nakakunot-noo ang mga ito.
"Hi guys," bati niya sa mga ito. Ngumiti pa siya. At base sa mga nakikita niyang reaksiyon sa mga mukha nito. Halatang hindi na siya nakikilala ng mga ito.
"Sino ka?"
Lalong lumawak ang pagkakangiti niya nang makilala niya kung sino ang maliit na babaeng nagtanong.
"Pamelang Praning," sagot naman niya.
Biglang umalingawngaw ang tili nito sa buong kahabaan ng Tanangco.
"Walanghiya kang babae ka! Nancy Jane de Castro!" hiyaw nito.
"Nancy Jane?" paniniguro pa ni Chacha.
"Hi Charease," bati niya dito.
Sinunggaban siya ng yakap ng mga ito. Kasunod noon ay ang mga nagaguwapuhan miyembro Tanangco Boys.
"Nancy Jane! Pambihira! Kailan ka pa nandito?" tanong naman ni Jared.
"I just arrived this morning," sagot niya.
"Kilala mo rin siya?" narinig niyang tanong ng babaeng kayakap ni Humphrey.
"Ay, kilalang kilala." Sagot naman ni Humphrey. "Lagot ka Justin!" biglang baling nito sa katabi nitong singkit na lalaki.
Nagsunod-sunod ang pagtibok ng puso niya. Mas lalong bumilis ang pintig niyon nang magtama ang mga mata nila. Parang hindi siya makapaniwala sa nakikita ng mga mata niya. Ang lalaking kanina pa hinahanap ng mga mata niya. Malayo sa inaasahan niya ang hitsura nito na nakita niya sampung taon na ang nakakaraan.
"Justin," pabulong niyang sambit.
Hindi ito nagsalita. Hindi rin ito lumapit sa kanya. Nanatili lang itong nakatayo sa 'di kalayuan habang nakatitig sa kanya. Pinagmasdan ito ni Nancy Jane. Malayo sa noon ay hitsura nitong payat ang nakasuot ng makapal na salamin dahil sa malabong mata nito.
Ngayon ay hindi na ganoon. Tumangkad lalo ito sa kanya. Sa tantiya niya ay hanggang balikat lamang siya nito. Wala rin halos ipinagbago ang kulay ng balat nito. Maputi pa rin ito kagaya ng dati. Ang pinakamalaking pagbabago sa anyo nito ay ang pangangatawan nito. Mas naging matipuno ang dibdib nito. Base sa suot nitong puting t-shirt, bakas sa mga mangas niyon ang mga naglalakihang muscles nito. Parang nais niyang tumakbo dito at magpakulong sa mga bisig nito.
Dahan-dahan siyang naglakad palapit dito, habang pabilis ng pabilis ang t***k ng puso niya. Gusto niyang matignan ng malapitan ang mukha nito. Ang mukha ng lalaking inasam niyang makita sa loob ng isang dekadang nawala siya sa Pilipinas. At gustong-gusto pa rin niyang laging titigan singkit nitong mga mata. Para itong laging nangungusap.
Ang higit na napansin niya ang taglay nitong kaguwapuhan. Hindi na niya makita dito ang dating Justin na iniwan niya noon. Payat at lalampa-lampa. Ngayon ay malaki na ang katawan nito at tila kahit na sino ay hindi uubra dito.
"Justin," aniya.
"Nancy Jane." Sagot naman nito.
"K-kumusta?" kandautal pang tanong niya.
Nagkibit balikat lang ito. "Ayos lang."
"It's been a long time."
"Oo nga eh. Hindi ko halos namalayan. Sampung taon ka na pa lang nawala dito sa atin. Masyado akong nag-enjoy sa buhay ko ng wala ka." Sagot nito na walang anumang emosyon sa mga mata nito.
Parang isang punyal na tumarak sa puso niya ang mga salitang binitiwan nito. Nangilid ang luha sa mga mata niya. Tama nga ba ang narinig niya mula dito? Para na rin sinabi nito na balewala lang kay Justin na umalis siya noon. Kung nalalaman lang nito na ayaw din niyang umalis ng mga panahong iyon.
"Justin, ano bang sinasabi mo diyan?" nakakunot-noong tanong ni Roy dito.
"Nothing," kibit-balikat lang nito.
"Hoy Justin! Magtino ka nga ng sinasabi mo diyan kay Nancy Jane. Kakarating lang ng tao, ganyan agad ang ibubungad mo sa kanya." Saway naman ni Panyang dito.
"Right, I thought you two are bestfriends." Sang-ayon naman ni Dingdong.
Tumawa ng pagak si Justin. "Bestfriends? Mayroon bang bestfriends na basta na lang nang-iiwan? Wala, 'di ba? Ang kilala kong matalik na kaibigan ko. Iyong Nancy Jane na laging nariyan sa tabi ko, at hindi iyong basta na lamang nang-iiwan." Mabigat ang tinig na sagot nito. Diretso itong nakatingin sa mata niya.
Walang ibang nakita si Nancy Jane sa mga mata nito kung hindi galit. Kumurap-kurap pa siya nang ilang beses para hindi tuluyang bumagsak ang luha sa mga mata niya. Pilit siyang ngumiti sa kabila nang matinding sakit na nararamdaman niya sa kanyang dibdib. Kahit na ang totoo'y gusto na niyang lumubog sa kinatatayuan niya sa sobrang kahihiyan.
"Justin, shut up! You're embarrassing her!" saway din ni Leo dito.
Hindi ito nagsalita, bagkus ay umangat lamang ang isang gilid ng labi nito saka biglang tumalikod at naglakad palayo.
Agad siyang dinaluhan ng mga kaibigan niya. Sina Panyang at Chacha pati na ang ibang Tanangco Boys. Nagsimula nang bumagsak ang luha niya na kanina pa niya pinipigilan. Ayaw niyang umiyak sa harap ni Justin. Ayaw niyang makita nito na labis siyang nasasaktan.
"Pagpasensiyahan mo na si Justin," ani Ken.
"Oo nga. Alam mo naman ang ugali n'yan." Dagdag naman ni Darrel.
Inabutan siya ni Chacha ng tissue. "Here. Wipe your tears away. Huwag mong iyakan ang kumag na iyon." Sabi pa nito.
"Parang hindi na nga eh. Parang ang laki ng pinagbago niya. I don't know him at all. Hindi na siya ang Justin na nakilala ko noon." Sagot niya sa garalgal na boses.
"Actually, malaki nga ang pinagbago niya simula ng umalis ka. I don't know what he was thinking. But, I guess. Dinamdam niya masyado ang biglaang pag-alis mo." Ani Vanni.
"And he felt that you abandoned him." Dagdag ni Victor.
"I didn't!" mabilis niyang sagot. "Kinailangan kong umalis noon. Kailangan kong sumunod sa Daddy ko." Depensa pa niya.
"Alam naman namin 'yon. At naiintindihan ka namin." Si Jared.
"Oo nga. Pero hindi mo rin naman masisisi si Justin kung sumama ang loob niya sa'yo. Bukod sa amin. Ikaw lang ang mayroon siya." Sabi naman ni
Humphrey. "And then, you left him in just a snap of a finger."
Napipilan siya sa sinabi nito. Lalo siyang naiyak sa narinig. Ano nga ba ang nagawa niya? Kaya pala hindi nito sinasagot ang mga sulat niya noon. Ang mga tawag niya ay hindi rin nito tinatanggap. Hanggang sa magsawa siya at nawala na ng tuluyan ang komunikasyon nilang dalawa. Sa loob ng mahabang panahon, kanina lang ulit sila nagkita. At hindi niya inaasahan na sa ganoon pa mauuwi ang muling pag-krus ng kanilang landas.
"Hindi ko alam," usal niya.
"Hay naku, Nancy Jane. Pabayaan mo na muna 'yang si singkit. Pasasaan ba't makakausap mo rin 'yan ng maayos." Sabi ni Panyang na umakbay pa sa kanya.
"Oo nga girl, nag-iinarte lang ang isang 'yun." Sabad naman ng isang babaeng mahaba ang buhok at matangkad. Mukha itong modelo. Naka-abrisiyete din ito kay Vanni. "By the way, I'm Madi. Short for Maria Diwata Tatlonghari. Soon to be Mrs. Rio Vanni Cruz." Pagpapakilala pa nito sa sarili.
"Hi," bati niya dito.
"She's right. Lalambot din 'yon. Papam-pam lang 'yon." Sabad naman ng isang babaeng maganda, maputi at may alun-alon na buhok. Naka-akbay naman si Jared dito.
"She's Adelle, ang labandera ng Tanangco. At babaeng pinakamamahal ko." Pagpapakilala naman nito sa una.
"Nice to meet you," bati din niya dito.
Nagpakilala pa ang ibang mga kasama nitong babae. At kahit na ilang minuto pa lang niyang nakikilala ang mga ito. Kay gaan na ng pakiramdam niya sa mga ito. Mainit siyang tinanggap ng mga ito. Kung makipag-kuwentuhan nga ang mga ito ay parang kaytagal na nilang magkakilala. Isang bagay na kahit paano'y nakabawas sa bigat na dinadala niya.
"Mabuti naman Nancy Jane at naisipan mong umuwi na." singit ni Humphrey sa usapan.
"I have to. Kailangan kong ayusin ang iniwang negosyo sa akin ni Lolo." sagot naman niya.
"Really? Ibig sabihin noon, matatagalan ka dito." Ani naman ni Victor.
"I think so," kibit-balikat niya.
"Pero in fairness, hindi ka namin nakilala kanina." Singit ni Chacha. "You look very much different."
"Oo nga," sang-ayon ni Panyang. "Nawala na ang baby fats mo sa katawan. Pati na sa mukha. Kabog lahat ang mga langaw na umaaligid kay Justin."
"Langaw? Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong niya.
"Langaw! Saan ba laging nakadapo ang mga langaw? 'Di ba sa ebak?" Sagot nito.
"Yuck naman bakla! Ang baho!" reklamo ni Olay, na kani-kanina lang dumating. Agad siyang ipinakilala dito ni Panyang.
"Ewww!" sabad naman ni Chacha.
"Kadiri ka Panyang!" sabi naman ng nobya ni Victor na mukhang manika sa ganda. Abby daw ang pangalan nito.
"Murag baboy man ka! Buangan gid uy! Ay ambot!" wika ni Madi habang naka-kunot-noo. "Nagugutom pa naman ako!"
"Ano daw?" tanong niya sa katabi niyang si Allie. Ito daw ang fiancé ni Darrel.
"Hay naku, ewan ko diyan sa babaeng 'yan." Umiiling na sagot nito.
"Ang baboy mo daw! Baliw ka na! Ay ewan!" pag-translate naman ni Olay.
"Ang arte n'yo naman! Para naman hindi mabaho—"
"Hep! Huwag mo nang ituloy ang sinasabi mo! Parang awa mo na!" sansala ni Myca sa sinasabi ni Panyang.
Nagkibit-balikat lang ang maliit na babae. "Okay." Usal pa nito.
Hindi napigilan ni Nancy Jane ang makihalo sa tawanan ng mga kaibigan. Ito ang labis na na-miss niya sa lugar na iyon. Ang masayang kuwentuhan at tawanan kasama ang mga kaibigan niya. Ngunit mas kumpleto sana ang kasiyahan niya kung naroon si Justin.
"Anyway, basta Nancy Jane. We're so happy now that you're back." si Chacha.
"Salamat. And I really do miss you all. Sana for good na nga ako dito." Tugon niya.
"Mas gusto namin ang Nancy Jane ngayon." Wika ni Humphrey.
"Right." Sang-ayon naman ni Ken
"Mukhang kaya mo nang dalhin ang sarili mo. Hindi gaya ng dati, lagi kang umiiyak sa amin kapag tinutukso ka ng mga kaklase natin noong highschool." Ani Dingdong.
She smiled at them. "Well, I have to." Aniya. "Kailangan kong lumaban. Iba ang buhay sa America. Kapag mahina ka, talagang kawawa ka. Kaya natuto akong lumaban. That's why I decided to change myself physically."
"That's good." Usal Jared.
"Just stay that way," sabi naman ni Vanni.
"Salamat," sagot niya sa mga ito.
Napangiti si Nancy Jane. Mga ngiting hindi man lang umabot sa mga mata niya. Masaya siya dahil nakikita at nagustuhan ng mga kaibigan niya ang pagbabago sa kanya. Ngunit mas masarap sanang mapakinggan ang lahat ng mga papuring iyon kung sa mga labi mismo ni Justin nanggaling ang lahat ng iyon.
Nancy Jane dreamed of this moment. To see him after a long time of being away from him. But Justin failed her.
Ang akala niya ay matutuwa ito sa pagbabalik niya. Ngunit taliwas iyon sa pinakita nito kanina. Mas tamang sabihin na halos hindi nito gusto
siyang makita. Isang bagay na labis na nagbigay ng dobleng sakit sa puso niya.
Justin, I don't know what went wrong. Pero nakahanda akong making sa lahat ng sama ng loob mo sa akin. At kung kinakailangan kong humingi ng tawad. Gagawin ko. I just don't want to lose you again...
Hindi niya alam kung isang kahangalan ang gagawin niya. Pero wala naman sigurong masama kung susubukan niya. Ayaw niyang basta na lang sumuko. Ang tanging nais lamang ni Nancy Jane ay ang bumalik ang dati nilang pagkakaibigan. Ang matalik niyang kaibigan. Ang Justin na palaging nariyan sa kanyang tabi.
"PARE, are you okay?" tanong sa kanya ni Dingdong.
Napasulyap si Justin sa mga kaibigan niya. Naroon sila sa restaurant niya sa loob ng Skyland Intercontinental Hotel, na siya rin niyang pag-aari. Kasama niya sa mesa si Vanni at pinag-uusapan ang plano nilang pagtayo ng isang pang Restaurant. Sa pagkakataong ito, dalawa sila ni Vanni na magha-handle niyon. Habang nasa kalagitnaan naman sila ng pag-uusap ng dumating sina Dingdong, Roy at Leo. Ayon sa huli, ay pinag-usapan din ng mga ito ang merger ng kumpanya ng mga ito.
Bumuntong-hininga siya, saka tumango. "Yeah, I'm fine." Sagot niya.
"Kanina pa kita napapansin na parang lumilipad ang utak mo." Sabi naman ni Vanni.
"Was it about Nancy Jane?" seryosong tanong ni Leo.
Hindi siya nakakibo. Kahit siya ay hindi maintindihan ang sarili. Simula nang dumating si Nancy Jane noong isang araw, hindi na siya natahimik. Naging laman na ito ng kanyang isip. Nang una niya itong makita kanina matapos ang sampung taon. Halos lumuwa ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala. Malayong-malayo na ito sa Nancy Jane na nakasama niyang lumaki. Wala na ang dating Nancy Jane na mataba. Sexy na ito ngayon. Wala ni isa siyang nakitang baby fats kahit na sa mga braso nito.
Ang dating buhok nito na kulot at animo bihirang masuklay, ngayon ay ayos na ayos. Mas lalo itong gumanda. She has the beauty of an angel. And how he missed her almond-shaped eyes. Parang lagi nitong inaarok ang pagkatao niya. And her pinkish lips, noon pa niya iniisip kung ano kayang pakiramdam kapag hinalikan niya ito. Sa tingin pa nga niya ay mas lalo itong pumuti.
Aaminin niya. Kung maganda ito noon, mas lalo itong gumanda ngayon. Kahit na sinong lalaki ay matutulala kapag nakita ito.
"Ayun! nabanggit ko lang si Nancy Jane. Natulala ka na diyan." Untag sa kanya ni Leo.
Bahagya niyang pinilig ang kanyang ulo. "I'm okay." Sagot niya.
"I didn't say you're not okay." Sabi ni Leo.
Kunot-noong napatingin siya dito. "Wala ba?"
"Talaga nga naman, binuking mo ang sarili mo." Kantiyaw pa ni Dingdong sa kanya.
"Don't worry, Pare. Sikreto lang natin 'to. Hindi namin ipagsasabi na apektado ka sa pagbabalik ni Nancy Jane." Dagdag pa ni Roy, habang pigil na pigil ang pagtawa nito.
Napalingon sila ng biglang magsalita si Vanni. May kausap pala ito sa cellphone nito. "Hello Olay, may ichi-chika ako sa'yo. Alam mo ba? Si Justin, apekta—"
Bago pa ito makapagsalita ay naagaw na niya ang cellphone nito. Agad niyang pinindot ang end call button. "Mga buwisit talaga kayo! Manahimik nga kayo!" naiinis na wika niya sa mga kaibigan. Hindi siya pinansin ng mga ito. Nag-high five pa ang mga ito saka tumawa ng nakakaloko.
"Look, hindi ako apektado sa pagbabalik niya. Nabigla lang ako. Hindi ko kasi inaasahan na babalik pa siya. Ang buong akala ko, nakalimot na siya ng tuluyan." Aniya na may bahid ng sama ng loob.
"Masama pa rin ba ang loob mo sa kanya?" tanong ni Dingdong.
"Masisisi mo ba ako?" balik-tanong niya dito.
"It's been years, Dude. Hindi ka na bata para magtanim ng sama ng loob." Payo naman ni Vanni sa kanya. "Just let it pass."
"I can't. Alam ninyong lahat ang pinagdaanan ko noong mga panahon na bigla siyang umalis. She's all I have that time. Pero nang-iwan siya sa ere. Kaya ipinangako ko sa sarili ko simula noon, kahit bumalik pa siya. Hinding-hindi ko na siya kakailanganin pa." matigas ang tinig na wika niya.
"Bahala ka, Pare. Pero sa nakikita ko, pareho lang kayong nahirapan. Kaya walang dahilan para magalit ka sa kanya." Ani naman ni Roy.
"Kausapin mo siya. Para magkaliwanagan kayo." Dagdag naman ni Dingdong.
"Para saan pa." seryosong sagot niya.
"Justin,"
Napalingon silang lahat sa nagsalitang iyon. At halos lumukso ang puso niya nang makita kung sino ang nakatayo malapit sa mesa nila. Si Nancy Jane. Para itong isang anghel na bumaba mula sa langit dahil sa taglay nitong ganda. Ilang sandali pa siyang natulala dito, bago napakurap. Kung hindi pa siya pasimpleng siniko ni Vanni. Hindi siya matatauhan.
Tumikhim siya upang kahit paano makabawi. Sinulyapan niya ang mga kaibigan na pawag may mga mapanuksong ngiti habang nagpapapalit-palit ng tingin sa kanila ni Nancy Jane.
"What do you want?" seryoso niyang tanong.
"Puwede ba kitang makausap?" balik-tanong naman nito.
Bumuntong-hininga siya. "I'm busy." Halos pabulong na sagot niya.
"Kung iniisip mo na personal ang pakay ko sa'yo. Nagkakamali ka. I came here for this." Anito. Pagkatapos ay inabot sa kanya ang isang brown envelope na napansin niyang hawak nito.
Nagtatakang kinuha niya ang nasabing envelope. Ganoon na lang ang pagsalubong ng kilay niya nang mabasa ang papeles na nasa loob niyon.
"No way!"