"Hinahanap ka ng HR. Bakit daw bigla kang umalis?" kibo ni Herl nang mapansin si Oly na kadarating lang sa apartment.
"Pagod ako. Matutulog na ko."
"Swelduhan na naman kasi kaya malakas ang loob mo. Sure akong ubos na naman 'yan sa pangangailangan pa lang ng tita mo." Hinarap siya ni Herl at dismayadong tinignan.
"Anong gusto mo, Herl? Pumasok ako sa kumpanya mo na 'yan. At ano? Hayaan ko na lang silang pagbulong-bulungan ako at sabihing nakapasok lang ako kasi malandi ako?"
"Bakit kasi guilty ka? Ano kung sabihan ka nila ng gano'n? Hindi ka naman nagpapa-apekto dati sa mga ganyang usapan."
Hindi na sumagot si Oly at pumasok na lang ng kwarto niya. Bukod sa pagod siya sa trabaho, pagod na pagod din ngayon ang utak niya kakaisip sa nangyari.
Mukhang sobrang mali talaga na sumama siya sa Venus na 'yon at nakilala si Kade.
"Oly." Katok ni Herl na hinang-hina niyang pinagbuksan habang pinupusod ang sariling buhok. "May naghahanap sa'yo sa labas."
"Sino?" Labas niya at nagkibit balikat naman si Herl habang nauuna sa pagbukas ulit ng pinto.
"Ka‐" Gulat na huminto si Oly at tarantang tinignan si Herl na nakakunot ang nuo ngayon na tila ba kinikilala ang binata.
Nakasuot ito ng black plain shirt, pants, vans, mask at hat. Pero kahit pa ganyan ang suot niya, kilalang-kilala ni Oly ang amoy niya.
"Sino siya?"
"Doon ka na muna sa loob." Tinulak niya si Herl na nagpapabigat ngayon.
"'Yan ba 'yung manliligaw mo?!"
"'Wag kang makulit, Herl!" Hindi niya maitulak si Herl kaya naman si Kade ang nahila niya papasok sa kanyang kwarto. Nagulat din siya sa ginawa niya. Binitawan niya agad ang kamay nito at ilang na umiwas siya ng tingin.
"Paano mo ko nakilala?"
"Bakit ka nandito?" balik niya ng tanong.
Gwapong-gwapo si Oly habang tinitignan si Kade na nakangiti ngayon at tinatanggal ang mask na suot. Hindi niya maiwasang mapatitig. 'Yung titig na titig talaga na pwede na itong matunaw. Napalunok siya nang makita niya na naman ang mga labi nito.
"'Wag mo kong tingnan nang ganyan. Bakit ka kako nandito?"
"Ikaw itong tumititig. Hindi ako," nakangiting sabi nito na para bang nasa magandang mood ngayon.
"Oly!! Ipakilala mo siya sa akin!!" pangungulit na sigaw ni Herl. "Bibili ko ng foods! Libre ko!"
"Bakit ka nga nandito? Tama ako. Kilala mo ko."
"Ikaw ang unang nakakilala sa akin." Umupo si Kade sa kama niya na sinundan niya ng tingin. "Bakit hindi ka tumuloy?"
Hindi siya sumagot at mapanuring tinignan si Kade.
"Look, you got me wrong. I don’t really go to those kinds of clubs. Napagkaisahan lan—" Tinakpan ni Oly ang bibig niya. "Why?"
"Gusto mo bang hindi na makalabas dito ng buhay?" madiin niyang bulong sabay tingin sa pinto. "Nakikinig siya," mas mahina niya pang sabi, tinutukoy si Herl na sure siyang nakatutok ngayon ang tainga sa pinto.
Mahinang tumawa si Kade. Mas nage-enjoy siya lalo na't sobrang lapit nilang dalawa.
"So, we're good?" tanong niya sa naiilang na Oly. "At gusto ko ring mag-sorry about sa family ko. Wala akong alam doon. You know, Henry, right? Siya ang pasimuno no'n."
"Okay?" Medyo lumayo si Oly kaso sobrang liit naman kasi ng kwarto niya. Nakaka-suffocate kapag may kasamang ganyang ka-hot na lalaki. Halos makalimutan niya na galit siya dito dahil sa pagnakaw ng first kiss niya.
"Okay na tayo?" Ngumiti ulit ito.
"Kaya ka ba pumunta para diyan?"
"Para saan pa? I thought you didn’t proceed because of that." Mas lalo pa itong nakaka-attract na tingnan dahil sa bahagya nitong paghiga sa kama habang nakakalso ang mga braso.
Sunod-sunod na ang naging paglunok ni Oly.
"Bakit hindi ka tumuloy?" ulit ni Kade, iba na ang tingin kay Oly, na nakamaiksing short lang at sando. Hindi niya tuloy maiwasang pagmasdan ang kabuuan ng dalaga. Sakto lang ang tangkad nito, kaputian naman at ang nagustuhan sa kanya ni Kade ay 'yang mga mata niya na para bang isang maling galaw lang ni Kade ay babagsak siya.
"Well, marami kong personal reason."
"Tulad ng?"
"Personal nga, 'di ba?"
"Mukhang matalino ka naman." Pinasadahan siya ng tingin ni Kade. Gano'n din naman si Oly na hindi rin maiwasang tignan si Kade.
"Mali ka rin ng iniisip sa akin. Hindi ako slut at—" Idadagdag niya sana ang patay gutom kaso napaisip siya.
"I know."
Gulat siyang lumingon ulit kay Kade. Nakangiti ito at nakatitig ngayon sa kanya.
"You know?" ulit ni Oly.
Nakangiting tumango lang si Kade. Bigla nitong nilahad ang kamay kay Oly na pinagmasdan nito.
"Kade," pakilala niya kay Oly. Kinuyom niya ang kanyang palad nang hindi ito abutin ng dalaga. "Olyiana Rodriguez."
"Oly na lang."
"Okay, Oly." Tumango si Kade kagat-kagat ang labi niya.
"Hindi ka pa ba aalis?"
"Bakit may magagalit ba kapag nakitang may lalaki ka sa kwarto?"
Tumaas ang isang kilay ni Oly. "Inaalam niya ba kung may boyfriend ako?" bulong ni Oly sa sarili habang naghihintay naman ng sagot si Kade.
"Mukhang wala naman." Si Kade ang sumagot saka siya nginisihan.
"Hindi mo ba nakita 'yung babae sa labas? Matakot ka. Kaya ka niyang patayin nang walang nakakaalam. Lalo na kapag nalaman niyang ikaw 'yung lalaki sa club."
"Hmmm? Really?" Mapanadya itong tumayo.
"Anong ginagawa mo?" Kabadong kapit ni Oly kay Kade at napalayo rin nang biglang paglapitin ni Kade ang kanilang mga mukha.
"Lalabas?" patanong nitong sagot saka siya tinignan sa labi. "Sisigaw ka ba kung hahalikan kita?"
"Ano?" Lumakas ang pagkabog ng dibdib ni Oly habang lalong lumalapit ang labi ni Kade sa kanya. "Akala ko ba nagkaliwanagan na tayo?"
"Kaya nga.." bulong nito, malapit na malapit na sa labi niya. "May gusto lang akong linawin sa sarili ko." Pikit mata siyang hinalikan ni Kade. "Pwede ka bang humalik pabalik? Huli na 'to. Pangako," masuyo nitong sabi kaya napapikit din si Oly.
Bumalik sa labi niya si Kade at muling umalis nang hindi pa rin sumunod si Oly.
"Okay lang," dismayadong sabi ni Kade.
"H-hindi, ano, kasi.." Alangan siyang tinignan ni Oly.
"Hindi, ayos lang. Wala naman 'to sa plano ko noong pumunta ko dito."
"Mali ka na naman ng iniisip."
Binalikan lang siya ng tingin ni Kade. Naaakit pa rin ito sa kabila ng hindi niya paghalik pabalik. Kinulong siya ni Kade sa magkabilang bisig.
Napalunok si Oly, naiilang sa sasabihin. "Kasi hindi kita maintindihan," mahina niyang sagot. "Hindi sa pabebe ako. Ano kasi, e." Yumuko siya pagkasulyap kay Kade. Sobrang lakas na ng kabog ng dibdib niya na para bang konting oras na lang ay tatalon na 'to sa lalaking kaharap niya ngayon. "First kiss ko kasi 'yon at hindi ko alam kung paano 'yung sinasabi mong humalik pabalik sa'yo," mabilis at namumula niyang sagot sabay tingin sa mga mata ni Kade.
Mahina 'tong natawa, namamangha talaga kay Oly.
"Pero gusto mo?" mapang-akit niyang tanong.
"Hindi sa gusto. Ano, kasi—" "'Wag ka ng magsalita." Tinakpan ni Kade ang bibig niya saka siya hinalikan nito nang sobrang lambing.
Bawat halik ni Kade ay bago para kay Oly. Pinakikiramdaman niya ito. Hindi niya maintindihan pero may kakaiba kasi itong naibibigay sa pakiramdam niya. Kakaiba at nakakaadik maramdaman.
Unti-unting nakasunod si Oly sa agos ng halik ni Kade. Tumingkad siya at yumakap sa balikat nito na lalong nagpadiin sa halik ng binata.
"Oly! Hindi sa mang-iistorbo ako! Pero hindi ba kayo nagugutom?! Hindi ko alam kung anong gusto niyo kaya lumabas na lang tayo!"
Hingal silang parehas na tumigil. Magkadikit ang mga nuo nila habang nakapikit. Si Kade ang unang dumilat at tumingin kay Oly. Hindi maintindihan ni Kade na tila ba nalilito siya. Dahil sa buong pag-aakala niya ay mababawasan na ang pagka-uhaw na nararamdaman kapag humalik ito pabalik sa kanya pero mas lalo lang tumindi ang nararamdaman niya. Mas lalo lang niyang gusto ngayon na makuha si Oly.
"Nalinawan ka naba?" tanong ni Oly habang tinititigan si Kade sa mga mata. Gusto niya pa pero hindi niya magawang kuhanin ulit ang labi ni Kade.
Hindi sumagot si Kade at bigla niya na lang tinulak si Oly pasandal lalo sa pader na ikinagulat naman ng dalaga.
"Oly!!"
"Tawag na ko ni Herl."
"Mamaya na." Hinawakan siya nito sa magkabilang bewang at pinagtapat ang mga nuo nila.
"Sabi mo hindi ganito ang pinunta mo dito. Hindi ako bayarang babae, Kade," mahinang sabi ni Oly, nakatitig sa mga mata niya.
"Alam ko." Muli siyang hinalikan ni Kade. Mas nakakaakit ang naging halik nito kumpara kanina kaya naman napasinghap si Oly. Agaran siyang napabalik ng yakap sa mga balikat nito na lumipat paikot sa leeg ni Kade.
"Wala ba si Oly?"
"Nandiyan. May kasamang lalaki sa loob. Ayaw ipakilala sa akin."
Naitulak niya na si Kade na parang may magnet sa labi na kusang bumabalik kay Oly.
"Umuwi ka na." Umiwas na si Oly.
"Ayoko pa."
"Pwes, pinapaalis na kita."
"Sure."
"'Wag ka ngang ganyan. Mag-mask ka ulit."
"Ayoko."
"Anong ayaw mo?"
"Magma-mask lang ako kung makikipagkita ka pa ulit sa akin."
"Huh? Akala ko ba okay na tayo?"
"Kaya nga. Gusto kitang yayain kumain sa labas."
"Para saan?" pagbubulungan nilang dalawa.
"Oly! Nandito si Timmy hinahanap ka!"
"'Wag mo na silang abalahin."
"Hindi niya boyfriend 'yon, uy. Mamaya kung ano ng ginagawa no'n kay Oly."
Napangiti si Oly na tila ba natatawa sa sinasabi ni Herl. "Wala siyang tiwala sa'yo."
"Magkakaroon 'yan. Mamaya."
"Hindi!" Kinuha ni Oly ang nasa bulsa ni Kade na mask at sapilitan 'yong sinuot sa kanya. "Hindi ka magpapakilala sa kanya at uuwi ka na ngayon." Turo ni Oly sa mukha ni Kade.
"Payag ka na bang kumain sa labas kasama ko?"
"Oo na," kunwaring napilitan kahit gusto niya naman. Nakangiting tinanggal ni Kade ang mask at muli siyang binigyan ng isang sandaling halik.
"Aasahan ko 'yon," sabi pa nito sabay kindat bago maglagay ng mask sa bibig.
Medyo kinilig si Oly sa hindi malamang dahilan. Hindi niya mapigilan ang pagngiti habang lumalabas silang dalawa sa kwarto.
"Ahem." Tumikhim si Herl, nakataas ang dalawang kilay.
"Ah, aalis na siya."
"Bakit ayaw mo siyang ipakilala?" angal ng isa.
"Bakit ba kasi gusto mo siyang makilala? Shy type nga siya!"
"Shy type." Humalukipkip si Herl at pinaningkitan ng mga mata si Kade.
"Mark," pakilala ni Kade na ikinagulat ni Oly. Nakanganga niyang hinarap si Kade na ngayon ay nakalahad ang kamay sa kaibigan niyang si Herl.
"Mark, okay. Ako si Herl, bff niya ko," mataray na pakilala ng isa na ikinakunsumi ni Oly'ng bigla. Kinakabahan siya para sa kaibigan niya lalo na't ito ang kinakatakutan niyang boss. "At ito naman si Timmy, boyfriend ko. Ikaw? Ano ka ba ni Oly?"
"Herl!" paangal na sigaw ni Oly. "Wala! Aalis na siya at gabi na!" Nilakihan niya ng mata si Herl.
"Gusto niyong kumain? Libre ko," alok ni Kade.
"Hoy! Usapan natin uuwi ka na!"
"Libre niya raw!" Tinapik ni Herl 'yung kamay ni Oly na nakaturo kay Kade. "Tara na. 'Wag ka ng magreklamo."
Minostrahan sila ni Kade na mauna. Nangingiti ito dahil sa reaksyon ni Oly.
"So, anong trabaho mo?" tanong ni Timmy na kasabay niya sa paglakad. Tumingin din sa kanila 'yung dalawa. Nakikinig si Herl habang si Oly naman ay umiiling kay Kade.
"May business ako."
"Ano?"
Tinignan niya ulit si Oly bago sumagot. "Hindi kalakihan kaya baka hindi mo rin alam."
"Ano, hayaan niyo na siya." Kumapit sa kanya si Oly na ikinangiti niya. Natatawa rin siya sa sarili niya. Ngayon niya lang ito nagawa pero natutuwa siya. "Saka 'wag niyo siyang tanungin nang tanungin. Hindi ko naman siya boyfriend."
"Uh-huh?" Sarkastikong nagpamewang si Herl habang ngumunguso sa kamay niyang nakapaikot kay Kade. Tinanggal agad 'yon ni Oly pero mapanadya si Kade at puno ng kalokohan. Kinuha niya ang kamay ni Oly at pinaghawak ang mga kamay nila.
"Hindi pa," sabi pa ni Kade na nagpatigil kay Oly. Agarang nag-init agad ang mukha ni Oly na napansin ni Herl. Humawak na lang din siya kay Timmy at hindi na pinansin ang dalawa. Alam niyang gusto 'yon ni Oly.
"Saan mo ba kami ililibre?" kibo ni Herl nang makarating sila sa labas ng apartment.
"Kahit saan."
"May alam akong malapit na tuhog-tuhog diyan," suggest naman ni Timmy.
"Edi doon tayo."
Walang kibong sumunod si Kade dahil nakakapit ngayon sa braso niya si Oly. Kahit iniisip niya kung ano ang sinasabi ng dalawa nilang kasama.
"Bakit ba kasi manlilibre ka pa?" bulong ni Oly na kanina pa kinakabahan.
"Nag-aalala ka bang makikilala niya ko?" bulong niyang pabalik
"Malamang!"
Siguradong magugulat si Herl kaya naman hindi na mapakali si Oly. Paano na lang kung tanggalin mamaya ni Kade 'yung mask niya? Baka mahimatay pa si Herl.
"Don't worry. Hindi ako kakain."
"Tsk, ang sabihin mo anak mayaman ka. Hindi mo gusto 'yung pagkaing sinasabi nila."
"Ano ba talagang gusto mo?"
"Ang gusto ko sana umuwi ka na kanina pa kaso nagpapilit ka pa sa dalawang 'yan."
"Wala akong gagawin sa bahay."
"Edi magta-tumbling ka doon."
Lalong natawa si Kade dahil sa sinabi ni Oly. Nanahimik siya at nagpamulsa.
"Uy, parang masarap nga dito. Ang daming pagpipilian." Tuwang-tuwang hinto ni Herl. "Ano bang ililibre mo dito?"
Napatingin si Kade sa mga pagkaing nasa harap niya. Hindi na ito bago sa paningin niya ngunit hindi niya pa natitikman kahit isa sa mga 'yon. Para kasing madumi tapos sobrang itim pa ng mantikang ginagamit.
"Kahit anong gusto niyo kunin niyo. Akong bahala." Umatras si Kade dahil sa usok at napangiti naman si Oly dahil sa maselang lalaki sa tabi niya.
"Eh, ikaw? Baka sabihin mo naman hindi ka namin inaalok tapos ikaw ang magbabayad," tanong ni Herl.
"Hayaan niyo na siya. Busog pa 'yan." Pagtatanggol sa kanya ni Oly at umabante na para tumuhog ng gusto.
"Sure ba?" Tinignan nina Herl at Timmy si Kade.
"Sige lang."
"Baka naman kami ang pagbayarin mo kapag marami kaming kinain," dudang dugtong ni Herl.
"Kumuha ka na lang." Inakbayan siya ni Oly at binigyan ng baso. "Tuhog na. 'Wag ng puro satsat, Herl."
"Kapogi ng boyfriend mo," nakatawang bulong ni Herl.
Ngumiti lang si Oly, nakikisama para hindi na ito magtanong. Pagkakuha ni Oly ng ilang tuhog-tuhog. Lumapit siya kay Kade at nginitian ito.
"Tumalikod ka sa kanila," utos niya.
"Bakit? Hahalikan mo ba ko?" pilyo nitong sagot na inirapan ni Oly. Nang tumalikod si Kade sa dalawa. Tinanggal ni Oly ang mask niya at sapilitan siyang sinubuan ng fried isaw.
"Ayoko." Tanggi nito na hindi pinansin ni Oly.
"Ahh!" Pinapagayang nganga ni Oly kay Kade.
"Masarap ba 'yan?"
"Ipapakain ko ba sa'yo kung hindi? Eh, mukha kasing hindi ka pa nakakakain nito kaya binibigyan kita ng opportunity na makatikim. Kaya kagat na." Mas nilapit pa ni Oly kay Kade ang fried isaw.
Maarte itong kinagatan ni Kade sa gilid at umiling na.
"Hindi raw boyfriend," usal ni Herl na narinig ni Oly. Pagkalingon niya dito ay nakangiti na itong umiiling-iling at pamaya-maya pa ay pabiro silang ginaya at sinubuan din ang sariling boyfriend na si Timmy.
"Gaya-gaya," pabirong bulong ni Oly habang nakatingin kay Herl.
Agad siyang nabalik ng tingin kay Kade ng bigla nitong hawakan ang kamay niya at muling kumagat sa fried isaw na hawak.
"Nagustuhan mo?"
Umiling ito pero panay ang kagat naman.
"Ito pa tikman mo. Kalamares."
"I know that."
"Tsk, kunwari ka pa kasi." Binigay na ni Oly kay Kade lahat ng hawak niya at nakangiting tumakbo palapit kila Herl.
"Ba't hindi mo siya palapitin dito?" Kalabit ni Herl kay Oly habang tumutuhog ito ng sa kanya.
"Ayos lang siya do'n. Hayaan mo lang."
"Mahilig ka pala sa ganyan, 'no? Kaya pala ngayon ka lang nagka-boyfriend."
"Hindi ko siya boyfriend, Herl."
"Pa-mysterious pa kasi 'yung jowa mo. Manong lumapit dito para maka-bonding naman natin."
"Hindi ko nga siya boyfriend."
"Ikaw din pa-mysterious, 'no? Bagay nga kayong dalawa. Kahirap niyong ka-bonding."
Nakangiting sinulyapan ni Oly si Kade na kumakain ngayon. Kumuha siya ng dalawang gulaman at muling lumapit doon.
"Oh." Abot niya na tinignan lang ni Kade. "'Wag mong sabihing hindi ka pa rin nakakatikim nito?" pamwisit niyang tanong na sarkastikong nginisihan ni Kade.
"I know that. It's gulaman."
"I know that. It's gulaman," maarteng ulit ni Oly na tinawanan ni Kade. "Ito na," pagseseryoso niyang sabi. "Nangangawit na ko."
"Thank you."
"You are welcome, sir." Ngiti ni Oly.
Pagkatapos kumain ni Kade, saka sila lumapit kila Herl na nakakarami na.
"Mukha namang mayaman kaya kain ka lang ng kain," sabi pa nito sa boyfriend niya.
"Tapos na kayo?" tanong ni Oly.
"Hindi pa. Maaga pa naman. 'Wag mo kaming madaliin."
"Nagtatanong lang ako."
"How much is it?" Baling naman ni Kade kay Oly.
"Mukhang sa dami nilang kinain nasa limang libo ang babayaran mo," pabiro nitong sabi na sineryoso ni Kade. Sabay-sabay silang napatingin kay Kade nang bumunot ito sa wallet niya ng limang libo at inosenteng binigay 'yon kay Oly. "Nagbibiro lang ako!" Atras ni Oly habang winawagayway ang mga kamay niya sa harapan ni Kade.
"Yayamanin," bulong ni Timmy.
"Okay lang sa 'yong gastusan kami ng ganyan kalaki?" hangang tanong naman ni Herl.
"Why not?" wala lang na sagot ni Kade, nagtataka sa mga reaksyon ng kasama niya. "Bakit ganyan niyo kong tingnan?"
"Sure ka? Eh, paano kung gusto naming mag-outing sa malayo tapos sagot mo? Okay lang?"
"Herl!" reklamo ni Oly.
Tumango si Kade. "Kahit saan."
"Jackpot ka, Oly!" sigaw ni Herl na ikinapikit naman ni Oly dahil sa sobrang kahihiyan. "Ulitin natin, bro!" Lapit ni Herl kay Kade.
"Huh?" Takang tingin ni Kade kay Herl na ngayon ay nakalahad ang kamay.
"Herl, bff niya ko at pasado ka na sa akin."
"Bro, sa akin man."
"Tumigil nga kayong dalawa! Nakakahiya kayo!" Palo naman ni Oly sa kamay ng dalawa. "'Wag mo silang pansinin. Minsan talaga nasisiraan ng bait 'yang mga 'yan."
"Seryoso ko! Boto ko kay pogi!"
"Pogi?! Hindi mo pa nga nakikita 'yung mukha niya!"
"So, pangit siya?" Silip ni Herl sa mukha ni Kade.
Matalim na tumingin si Kade kay Oly na nagpataranta sa dalaga.
"H-hindi! Wala akong sinasabi!" maagap na sagot ni Oly. "Lubayan niyo na siya. Hindi nga kami at hindi niya ko nililigawan."
"Ikaw ba 'yung nagbigay sa kanya ng sausage?"
"Yup."
"Oh! Edi siya nga 'yung manliligaw mo!"
"Hindi nga!"
"Ito, pa-mysterious talaga." Turo ni Herl kay Oly na pulang-pula na talaga. "Sige na, tapos na kaming kumain. Magbayad ka na do'n, Mark." Baling niya kay Kade.
Sumunod si Kade habang titingin-tingin kay Oly. Hindi niya talaga mapaliwanag pero ngayon lang siya naging interesado sa isang babae. Mayroong something kay Oly na nakakakuha ng atensyon niya. Lust lang ba 'to? 'Yan ang tanong ni Kade sa sarili.
"Imposibleng 'yon ang dahilan. Sobrang daming humahabol sa akin na mas sexy pa sa kanya. Hindi naman siya gano'n kaganda."
"Hijo, four fifty lang lahat."
Nag-abot siya ng isang libo at hindi na kinuha ang sukli. Sobrang titig siya kay Oly.
"Hindi ko talaga maintindihan kung anong meron sa kanya."