Inalalayan ako ni Conrad at agad na pinapasok sa kanyang sasakyan
"Ano bang nangyari sa 'yo Elle? Basang basa ka sa ulan!"
Hindi ako nakaimik at bagkus ay patuloy lamang sa pag iyak. Napabuntong hininga na lamang sya at may kinuha sa likod ng sasakyan. Ilang sandali pa ay inabot nya sa akin ang isang tuwalya.
"Gamitin mo muna ito. Tuyuin mo na muna ang iyong mukha at ulo. At didiretso na tayo agad pauwi sa inyo nang makapagpalit ka,"
"P-pero, anong sasabihin ko kina Mama?"
"Ako na ang bahala,"
Pagkarating namin ni Conrad sa bahay ay kita ang pag aalala kay Mama nang makita ako.
"Elle, Anak, anong nangyari sa yo? Magtuyo ka na agad at magpalit ng damit, baka magkasakit ka,"
Hindi ko maiangat ang namamaga kong mga mata dahil baka tumulo ulit ang pinipigilan kong luha. Tumango na lang ako at dumiretso na sa taas. Habang paakyat ay narinig ko pa si Conrad, "Mrs Santos, pwede ko po ba kayong makausap saglit?"
Hindi ko alam kung ano ang pag uusapan nila. Marahil ito ang sinabi ni Conrad na sya na ang bahala. May agam agam man ako kung ano ang kanyang sasabihin ay nagtiwala na lamang ako at dumiretso na sa banyo para maligo.
Habang naliligo ay paulit ulit na bumabalik sa aking isip ang nangyari kanina. Paulit ulit ding bumabalik ang sakit ng aking kalooban. Halu halong awa at panliliit sa sarili ang aking nararamdaman. Pagkaligo ay nagtuyo na ako ng katawan at nagpalit ng pambahay. Nahiga ako sa kama at ibinuhos ang pag iyak sa aking unan.
Sa pagod ay hindi ko namalayang nakatulog na ako. Hapon na nang magising ako at tumila na ang ulan. Bumaba na muna ako para kitain sina Mama at Ading
"Ate, kamusta ka na?"
Ngumiti naman ako kay Ading, "Okay na ako Bunso" Nakatulong ang pagpapahinga para umayos ang aking pakiramdam.
"Anak, kumain ka muna," inabot sa akin ni Mama ang kakanin na nabili nya sa palengke kanina.
"Salamat po, Ma" dahil na rin sa gutom ay agad kong kinain ito
"Pagkasundo ko kay Ading ay malakas na ang ulan kaya nagsara na agad kami ng tindahan. Buti na lang at nandito na kami sa bahay nang ihatid ka pauwi ni Conrad,"
"Opo, maswerte po ako at nandito na po kayo ni Ading,"
"Anak, h'wag kang masyadong mastress sa pag aaral. Okay lang ang magkamali, basta h'wag uulitin. Kapag nadapa, bangon uli,"
Tila isang gamot na naghilom sa aking kalooban ang mga sinabi ni Mama. Maaaring sinabi ni Conrad kay Mama na nasstress ako sa pag aaral bilang alibi, ngunit gumaan nang husto ang aking pakiramdam
"Opo Ma, salamat po," naiiyak kong sabi
Yumakap naman sa akin si Ading, "H'wag ka nang umiyak Ate. Nalulungkot din ako kapag malungkot ka. Kapag may nang away sa 'yo sumbong natin kay Tulfo,"
Bigla naman akong natawa habang pinahid ko ang aking luha sa pamamagitan ng aking kamay at yumakap din kay Ading.
Tulad nga ng sinabi ni Mama, nilakasan ko ang loob at binalikan ko ang aking case study. Patutunayan ko sa lalaking iyon na nagkamali sya sa panghuhusga sa akin. Pagkakain namin ng hapunan ay pinagtyagaan kong ayusin ang aking gawain. Nagresearch ako ng husto tungkol sa Empire tower at mas inunawa ang mga konsepto ng aming pinag aralan para suportahan ang aking rekomendasyon. Hindi ko na namalayan ang oras at tila ginawa kong umaga ang gabi.
Alas singko na ng umaga nang matapos ako. Sinave ko na ang aking ginawa sa USB para ipaprint ko na lang mamaya sa library. Umidlip muna ako ng isang oras at naghanda na ako para sa pagpasok.
Pagkadating sa university ay dumaan muna ako sa library para ipaprint ang aking ginawa. Pagkatapos ay dumiretso na ako sa klase. Kinamusta naman ako ni Berna,
"Bes, anong nangyari sa 'yo kahapon? Hindi ka na nakasama sa amin sa lunch,"
"Uh, kailangan ko kasing umuwi agad," pagdadahilan ko
"Girl, okay ka lang ba? Nangingitim ang mga mata mo," ani Scarlet
"O-okay lang naman ako," sagot ko
Pagkatapos ng unang klase ay inihahanda ko na ang sarili para sa muling pagkikita namin ni Sir Matt. Habang kami'y naghihintay sa susunod na klase ay pumasok si Morgan, isa sa mga propesor
"Guys, pinapasabi ni Campbell na cancelled na muna ang klase nyo. By the way, he's in the office kaso he decided to give you a free day. Enjoy na muna kayo bago ang klase natin," masaya nitong sabi. Isa sya sa mga mababait naming propesor dito, palaging nakangiti at palabati sa tao.
Ang iba ay nagsialisan na habang kami naman ay nagkasundo na manood na lang sa practice ng soccer. Nagpaalam muna ako sa kanila na may dadaanan lang ako at susunod na lang ako sa kanila.
Bitbit ang aking ginawa ay naglakad ako patungo sa opisina ni Sir Matt. Muntik pa akong madapa dahil sa kanina ko pang nararamdaman na hilo. Ganunpaman, dumiretso na ako papunta sa kanyang opisina.
Pagkadating sa palapag kung nasaan ang kanyang opisina, lumapit ako sa pinto at kumatok
"Come in," aniya
Binuksan ko ang pinto at pumasok sa loob. Kasalukuyan syang nakaupo sa kanyang swivel chair at may ginagawa sa kanyang desktop. Bahagya pa syang natigilan nang makita ako ngunit agad na nakabawi. Itinigil nya ang ginagawa at humarap sa akin
"Ms Santos, what are you doing here?"
Naglakad ako palapit sa kanyang mesa at inabot ang aking papel, "Sir, ito po ang case study ko. I revised it based sa feedback nyo kahapon,"
Salitan nya akong tinignan at ang aking papel. Hindi ko mabasa kung ano ang nasa mga mata nya. Bakit parang may pag aalala sa kanyang mga mata? Agad ko namang inalis ito sa isip dahil imposibleng magkaroon sya ng concern.
"Alis na po ako," sabay talikod at naglakad na paalis. Sandali akong natigilan nang tumindi ang hilong nararamdaman. Parang gumagalaw ang paligid ko hanggang sa nawalan na ako ng malay.
Nagising ako at unang nakita ang puting silid na aking kinaroroonan. Isang babaeng doktor ang pumasok
"Kamusta Ms Santos? May masakit ka bang nararamdaman?" Naglagay sya ng thermometer sa aking armpit
"W-wala naman po. Ano pong nangyari sa akin?"
Ngumiti naman ang doktora, "Dinala ka dito ni Matt. Nawalan ka ng malay sa school kanina. Sobrang taas ng lagnat mo at base sa iyong kalagayan, mukhang sumabay ang sobrang pagod at stress. Hindi ka ba nakakatulog nang sapat nitong mga nakaraan?"
"Isang oras lang po kasi ang tulog ko kanina at nabasa rin po ako ng ulan kahapon,"
"I see. Bumaba na ang lagnat mo. Actually pwede ka na rin umuwi. Pero kailangan mo pa ring magpahinga. Buti na lang at Byernes ngayon,"
Napukaw naman ang aking atensyon nang pumasok sa kwarto si Ading. Nakasunod din si Mama at si... Sir Matt?
"Ate!" sabay lapit sa akin ni Ading. "Kamusta ka na?"
Lumapit din si Mama, "Anak, kamusta ka na?"
Ngumiti naman ako, "Ayos lang po ako Ma, Ading. Magaling na raw po ang aking lagnat sabi ni Dok,"
"Salamat sa Diyos," tugon ni Mama. "Salamat po Doktora," baling nito sa doktora na ngumiti rin. "Sir, salamat din po."
Napadpad ang aking tingin kay Sir Matt na nakasandal sa pader. "Walang anuman po. H'wag nyo na rin po akong tawaging Sir, Matt na lang po,"
"Sige Hijo, salamat Matt," tugon ni Mama
Naguguluhan naman ako at bakit parang magkasundo na sina Mama at Sir Matt. Kung tutuusin ay sya ang dahilan kung bakit ako nilagnat! Ayaw ko namang maging bastos sa harapan nila at gumawa ng eksena kaya nanatili akong tahimik.
"Sige po Mother, una na po ako," paalam ng doktora. "Matt, pwede nang umuwi si Ms Santos,"
Tumango naman si Matt. "Ma'am, ihatid ko na po kayo nina Elle at Ading pauwi,"
Agad akong napabangon sa higaan, "Sir, hindi na po kailangan. Mag cocommute na lang po kami,"
"Ma'am pagpasensyahan nyo po if I insist, pero mas maganda na ihatid ko na po kayo,"
"Sorry Sir, pero magcocommute na lang po kami," pagpupumilit ko
"Anak, pasensya ka na. Pero tama ang Sir Matt mo." Natigilan naman ako. Bakit parang magkakampi na sila ni Mama?!
Wala na nga akong nagawa kundi ang tanggapin ang alok ni Sir Matt. Pagkalabas ng ospital ay nakahanda na ang kanyang mamahaling sasakyan sa harap ng building. Bumaba sya mula sa driver's seat at suot nito ang kanyang aviator shades. Matindi ang sikat ng araw ngayon, at mula sa malayo ay parang may artistang naglalakad. Ang sinag ng araw na tumatama sa kanyang shades na nakakapagpalutang sa ganda ng kanyang mukha, ang matipuno nyang katawan. Kahit ang mga dumadaan ay napapatingin sa kanya.
Inalalayan nya muna sina Mama at Ading na makasakay sa backseat. Pinagbuksan nya ako ng pinto sa front seat hanggang sa makaupo ako. Tahimik lamang ako sa buong byahe pauwi. Tanging sina Mama at Sir Matt ang nag uusap. Habang nakatingin sa daan ay bigla syang nagtanong,
"Kamusta Elle? Nagugutom ka ba?"
Sa aming dalawa ay hindi ko alam kung sino ang nilagnat. Bakit ibang iba ang pakitungo nya sa akin ngayon? Nakokonsensya ba sya?
"H-hindi po," tugon ko habang nakatingin din sa daan.
Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa harap ng bahay. Nagpaalam na rin kami kay Sir Matt
"Hijo, maraming salamat ulit," ani Mama
"Salamat po Sir Matt," napipilitan kong sambit
"Kuya Matt, salamat po!" ani naman ni Ading. Kuya Matt? Ang bilis namang makuha nito ang loob nila!
"Walang anuman po, Tita. Ading, alagaan mo ang Ate mo ha!"
"Opo!"
Bumaling naman sa akin si Sir Matt, "Alis na ako. Take care, Elle" Mabilis namang nag init ang aking pisngi sa sinabi nito. Gusto ko tuloy sabunutan ang sarili.
Sabado ngayon at napasarap ng tulog. Pagkagising ay bumati sa akin ang isang bouquet ng rosas sa tabi ng aking higaan. Pumasok si Mama sa kwarto,
"Gising ka na pala," nakita nya ang aking pagtataka sa rosas
"Pinadala yan para sa yo ni Chairman. Dumaan dito kanina si Conrad at ibinigay ang rosas pati na ang mga prutas. Pagaling ka raw, sabi ni Chairman. Kahapon kasi nagtanong si Conrad kung anong nangyari sa yo, kaya naikwento ko. Nalaman daw ni Chairman mula sa kanya na nagkasakit ka kaya nagpadala ito. May mga pinadala rin syang chocolate para kay Ading,"
"Talaga po?" excited kong inabot at inamoy ang mabangong bulaklak. Bakas sa aking mukha ang sobrang saya dahil sa regalo ni Chairman. May note pa na kasama sa bulaklak, "Get well soon. Take care,"