“Keep your chin up,” bulong sa akin ni Mr. Muller habang nakahawak ako sa braso niya.
Kasalukuyan kaming naglalakad papunta sa harapan ng hall kung saan nagaganap ang reception ng kasal. Wala akong kahit na sinumang kilala sa mga taong nakapaligid sa akin pero kailangan kong umakto na mayroon. Sinabi sa akin ni Mr. Muller na trained ang lahat nang narito; na pinaghandaan na nila ang araw na ito. Sinabi pa niya na everything is perfect already, kung hindi lang nagkamali ang mga kaibigan niya sa pagsundo ng babaeng aaktong bride niya.
Iginala-gala ko ang mga mata ko sa paligid at ngumiti sa kung sino man ang nakikita kong ngumingiti sa akin lalo na’t pansin ko na kanina pa ang tingin sa akin ng lolo ni Mr.Muller. Nakaka-intimidate ang mga tingin nito. Iyong tipong tumatagos sa balat mo. Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ni Mr. Muller na kung tuso siya ay mas tuso raw ang lolo niya kaya kailangan kong galingan sa pag-acting kung hindi ay hihilain niya ako sa kung saang impyerno man siya bumagsak.
“Ladies and gentlemen, let’s give our newlyweds another round of applause...” anunsiyo ng host bago kami tuluyang umupo sa harapan nila.
“Keep smiling,” utos ni Mr. Muller sa akin. “Never ever stop smiling. Wala akong pakialam kahit na mangalay pa ‘yang bibig mo.”
“O-Okay, sir.”
Ginawa ko ang sinabi niya. Nakangiti lang ako buong duration ng event at nakisabay rin sa mga sinasabi nila sa akin. Nakilala ko rin ang mga peke kong magulang na kaygaling din kung umakto. Mapapaniwala ka talaga lalo na ‘pag di mo kami kilala.
Maya-maya pa ay lumapit na sa amin ang lolo ni Mr. Muller. Nakangiti ito nang pagkatamis-tamis pero hindi ko pa rin naiwasang kabahan lalo na’t titig na titig siya sa akin. “It’s nice to see you finally settling down, hijo,” sambit nito sa apo saka bumaling sa akin. Magbibigay kasi ito ng speech para sa aming dalawa. “And I’m happy to see you do it with such a fine lady,” dagdag nito at nagpatuloy na siya sa speech niya.
Habang pinapakinggan ko ang sinasabi niya ay unti-unting nababawasan ang kaba at uneasiness na nararamdaman ko sa kanya. Unti-unti akong napapanatag lalo na’t wala naman pala siyang ibang hiling sa apo niya kundi ang sumaya ito at makabuo ng sariling pamilya bago pa man siya mawala sa mundo.
Nang matapos siyang magsalita ay nagsimula na ang kainan. At para opisyal itong simulan ay kinailangan namin ni Mr. Muller na subuan ang isa’t isa. “Your smile,” pabulong nitong paalala sa akin bago siya humarap at ngumiti nang matamis.
Hindi ko tuloy mapigilang mapatitig sa kanya lalo na nang tumama sa kanyang mukha ang spotlight. Ang gandang tingnan ng asul niyang mga mata. Para kang tumititig sa dagat na kumikinang sa ilalim ng matingkad na sikat ng araw. Hindi ko rin maitanggi ang angking kaguwapuhan niya. Siya na yata ang pinakagwapong lalaking nakita ko sa tanang buhay ko. Isang tingin lang ay masasabi mo nang may dugong banyaga siya.
“Say ‘ah’...” sambit niya sa akin habang nakangiti pa rin nang matamis. Hindi ko tuloy mapigilang bumilib sa kanya dahil bigay todo ito sa pag-acting. Anyone who would see him right now would certainly think that he’s really into me.
“Ah...” sambit ko at lumapit sa kanya. Pagkatapos ay walang pagdadalawang-isip niyang isinubo sa akin ang isang kutsaritang cake.
“You got something on your lips,” sambit niya at akmang pupunasan ko na sana nang pigilan niya ako. Hinawakan niya ang kamay ko saka muling ngumiti sa akin. “Let me,” dagdag niya. At akala ko ay pupunasan lang niya ang icing sa gilid ng bibig ko pero laking gulat ko nang maramdaman ko ang labi niya sa parteng ‘yon at ang marahan na paggalaw ng dila niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Natuod ako sa kinatatayuan ko. Ramdam na ramdam ko ang pag-akyat ng dugo sa aking mukha dahil hinding-hindi ko inaasahang gagawin niya ‘yon. Bigla ring lumakas ang kabog ng dibdib ko. Titig na titig ako sa kanya nang dahan-dahan siyang lumayo sa akin.
“There you go, all clean,” bulong niya sa akin sabay bigay ng kutsarita.
Hindi ako makakilos. Mas nakakabingi pa ang kabog ng dibdib ko kaysa sa hiyawan at palakpakan sa paligid. Hindi ko maitatanggi na naapektuhan ako sa ginawa niya. May kung anong nakakakiliting sensasyon sa tiyan ko.
“Kristine,” matigas na tawag ng lalaki sa akin kaya bumalik ako sa wisyo.
“S-Sorry,” bulong ko sa kanya bago ko siya sinubuan ng cake. Pagkatapos no’n ay nagpatuloy na ang event at nagsimula nang kumain ang mga bisita.
Pero kahit na lumipas na ang oras ay tila naroon pa rin ako sa parte kung saan inalis ni Mr. Muller ang icing sa gilid ng bibig ko gamit ang bibig niya. Bawat sandaling naiisip ko ‘yon ay kumakabog nang husto ang dibdib ko.
“Now, as part of traditional Filipino wedding, may we request the couple to be at the center,” anunsiyo ng host. “And to our dear guests, you can start pinning money on their clothes as they start dancing,” dagdag nito.
“Let’s do this,” sambit ni Mr. Muller sa akin bago niya hinawakan ang kamay ko at dinala ako sa gitna ng venue. Pagkatapos ay ginabayan niya ang magkabilang kamay ko sa kanyang mga braso habang ang mga kamay naman niya ay pumadausdos sa aking baywang. “Just follow my lead,” sambit nito sa akin habang titig na titig sa mga mata ko. “Just feel the moment. Think of this as your real wedding and think of me as your real husband,” dagdag nito kasabay ng pagkabuhay ng malamyos at matamis na tugtog sa paligid.
Tumango lang ako sa kanya bago ipinikit ang mga mata ko at huminga nang malalim para ikondisyon ang puso at isip ko. Sa pagmulat ko ay sinalubong ko ang kanyang tingin at matamis siyang nginitian. Pilit kong itinatak sa isipan ko na hindi na ako si Kristine Sandoval, ako na si Kristine Muller, the bride of the handsome billionaire, Uriel Von Muller.