Kabanata 2

3581 Words
Maaga akong naghanda para sa pagdiriwang na ito. Ngayon ay nandito na 'ko sa napakalawak na hardin ng mga Quiñones kung saan gaganapin ang pagdiriwang. Napakaganda at halatang pinaghandaan talaga ang pagdiriwang na ito. Hindi na ako magtataka. Isa ang mga Quiñones sa pinakamayaman dito sa Valerio. Kilala ang negosyo nila sa pag-aangkat ng mga alahas mula sa ibang bansa. Nilibot ko ang aking paningin. Napaka-aliwalas ng tanawin dahil sa mga pulang rosas na nakapaligid sa buong lugar. Kahit gabi ay napakaliwanag pa rin dahil sa mga maliliit na ilaw na nakapa-ikot at nakasabit sa mga puno na tila ba banderitas ang dating. Idagdag mo pa ang bilog na bilog na buwan. "Isabella, ang aga mo ha." Napatingin ako sa nagsalita mula sa aking likuran. Napangiti ako nang makita ang napakagandang si Kriselda. Halatang halata ang pagkamamahalin ng suot niyang pulang damit na may kaunting kinang, hanggang ibabaw ng tuhod at hapit na hapit sa kanyang magandang katawan. Nilibot ko ang aking paningin, oo nga, hindi pa ganoon karami ang mga taong narito. "Mabuti nang maaga kaysa huli." Natatawang sambit ko kahit na gusto ko lang naman talagang makalabas sa aming tahanan upang iwasan ang sakit na mayroon ako kapag nandoon. Ngumiti siya at ngayon ko lang napansin ang labi niyang medyo maitim na pula ang dating. "Mukhang pinaghandaan mo 'tong araw na 'to ha. Napakaganda ng iyong kasuotan." Sambit niya habang tinitignan ang aking suot. Napatawa naman ako. Simple lang ang aking kasuotan. Isang puting bistida lamang ito na lagpas ng kaunti sa aking tuhod at may mahabang manggas na abot sa aking pulso. May kaunting burda lamang ito ng maliliit na bulaklak sa banda ng aking dibdib at dulo ng mga manggas nito. "Ano ka ba, bigay lang sa'kin ito ng aking ina." Natatawang sambit ko. Tumawa siya bago nilibot ang kanyang paningin sa paligid. "Wala pa rin si Anastasia. Mukhang labis talagang pinaghahandaan ang okasyong ito. Oh siya maiwan muna kita diyan." Nakangiting sambit niya. Tumango naman ako. Pagkaalis niya ay agad kong pinagmasdan ang mga tao sa paligid. Medyo dumadami na ang mga tao. 'Yung iba kilala ko naman pero hindi ko masyadong kasundo. Tulad nga ng sabi ko dalawang taon palang kaming naninirahan sa bayang ito. Sa paglilibot ng aking paningin may isang lalakeng nakapukaw ng atensyon ko. Matangkad siya, maputi, maganda ang tindig ng katawan at halos lahat ng nadaraanan niya ay binabati niya. Napakunot ang noo ko nang mapansing parang pamilyar ang mukha niya at pati ang kanyang kasuotan. May puti sa panloob at itim na may mahabang manggas sa panlabas ngunit ang itim na ito ay mas mahaba at lagpas pa sa kanyang balakang habang itim pa rin ang mahabang pantalon. Eto na ba ang pormang nauuso ngayon? Patungo siya sa direksyon ko. Oo nga. Siya nga. Siya nga 'yung lalakeng lumapit sa'kin noong ako'y umiiyak. Nalaki ang aking mga mata. Naku. Nakakahiya? Anong ginagawa niya rito. Mabilis akong umiwas ng tingin. Nang makita ko ang isang bakanteng lamesa na malapit sa akin ay agad akong pumunta roon at naupo. Agad akong yumuko, mabuti nalang at nakalugay ang medyo kulot kong buhok na nag silbing panakip sa mukha ko. Nakakahiya hindi niya 'ko pwedeng makilala. Alam kong katawa-tawa sa kanya ang itsura ko noong mga panahong umiiyak ako. "Magandang gabi binibini." Tama nga, siya nga. Boses niya rin ang narinig ko noong umiiyak ako. Siya nga iyon. Bahagya lamang ako sumilip at mabilis ulit na umiwas, at sa sandaling pag sulyap ko natanaw ko pa rin ang kanyang malawak na ngiti na kulang na lang ay lumabas lahat ng kanyang ngipin. Totoo nga, siya nga, at nakangiti siya habang nakatingin sa'kin. Hindi kaya nakilala niya na ako? "Binibini, may problema ba?" Hindi ko pa rin siya sinulyapan ngunit nakita ko sa gilid ng aking mata ang pag-upo niya sa katabi kong upuan habang pilit sinusulyap ang mukha ko sa nakaharang kong buhok. "Hindi. Wala naman. Magandang gabi." Sambit ko habang pilit na tinatakpan pa rin ng buhok ko ang aking mukha. Narinig ko ang mahina niyang pag tawa. "Kung gano'n bakit mo tinatakpan ang iyong mukha?" Nagulat ako nang maramdaman ang malamig niyang kamay sa aking baba at inangat ang aking mukha upang makatingin ako nang diretso sa kanya. Hinawi niya rin ang buhok na naka harang dito. Napakagat ako sa aking labi sa kaba. Nakatitig siya sa'king mga mata at ngayon ko lang napansin ang sobrang itim na kulay ng kanyang mata. Pati na rin ang kanyang mga pilik-mata na dinaig pa ang aking pilik-mata sa haba. "Napaka-amo ng iyong mukha para takpan lang ng iyong magagandang buhok, binibini." Napakurap-kurap ako nang mapagtanto ang napakatagal na pag titig ko sa kanya. Muli akong yumuko at umiwas ng tingin. Hindi niya kaya ako nakilala? Narinig ko nanaman ang kanyang mahinang pag tawa. "Iyon ba? Hindi ka dapat mahiya. Lahat naman tayo ay lumuluha. Wala sa'kin iyon. Pero mas maganda ka pala kapag hindi ka umiiyak." Napa-angat ang aking mukha. Aha! Nakuha ko na ang ibig niya. Ngumiti ako nang may pang-aasar. Kaya ba bigla nalang siyang nagpakita sa akin kahapon? Hindi kaya matagal na akong sinusubaybayan neto at teka bat ba siya andito? "Hindi mo 'ko makukuha sa iyong matatamis na salita, ginoo." Sambit ko nang may ngiti. Kung inaakala niyang maloloko niya ako at mabibihag niya ako sa bitag niya pwes nagkakamali siya. Muling bumalik ang ngiti sa kanyang mga labi at ngayon ko lang rin napansin ang kanyang mapula at manipis na labi." Nagkakamali ka ng akala, binibini. May iba na 'kong natitipuhan at hindi ikaw 'yon." Aba't napakasakit namang magsalita ng lalakeng ito. Napataas ang ang aking isang kilay. "Kung gayon bakit mo 'ko pilit na kinukulit at ginugulo?" Hindi ko na namalayang nakayanan ko nang tumitig sa mapupungay niyang mga mata. "Hindi ko alam, binibini. Hindi kita kinukulit at palag lang talagang naagaw ng atensyon ko ang iyong mga kilos. Sadyang ayoko lang makakita ng babaeng umiiyak at ikaw," hindi ako nakagalaw nang hawakan niya ang aking baba, "hindi mo dapat tinatakpan ang iyong magandang mukha. Ipagmalaki mo kung anong meron ka at wala kang dapat ikahiya." Sambit niya bago muling alisin ang kamay niya sa aking baba. Huminga ako nang malalim at hindi nakapag-salita. Para akong na estatwa sa lamig ng mga kamay niya sa aking mukha kanina. "Oh siya," sa wakas ay tumayo na siya, "nawa'y maging masaya ang gabi mo ngayon. Muli, magandang gabi." Sambit neto bago tumalikod at umalis. Napatulala ako at napatingin sa kawalan habang namumuo ang tanong sa aking isipan, sino ba siya? Mabuti naman at umalis na siya, pero hindi ko nga maikakaila ng maganda ang itsura niya. Napakaganda ng kanyang mga mata pero masyado talaga siyang matamis kung mag-salita. "Isabella!" Napatingin ako sa tumawag sa akin at doon ko nakita si Anastasia na nakaputing bistida na abot sa itaas ng tuhod. Punong-puno ng pulang bulaklak at maliliit na dahon ang naka-ukit sa pang-itaas ng kanyang damit. Maaliwalas kung tignan ang kanyang mukha dahil na din sa nakapusod niyang buhok. Napangiti ako. Halata ngang pinag handaan niya ang pagdiriwang na ito. Maganda rin ang palamuti niya sa mukha. Hindi ito gaanong makapal. "Mabuti naman at dumating ka na Anastasia," sambit ko nang makalapit siya at naupo sa upuan kung saan siya'y kaharap ko. Hindi maalis sa labi niya ang ngiti habang nililibot niya ang kanyang paningin. "Hinahanap mo siya? Marahil ay hindi pa 'yon lumalabas," natatawang sambit ko. Kita ko nanaman ang kaunti niyang gilagid nang siya'y tumawa. Bakit kahit kita ang gilagid niya ay bagay pa rin sa kanya ang tumatawa? "Hindi ko alam pero parang kinakabahan ako sa muli naming pagkikita. Ayos lang ba ang aking itsura?" Tinignan niya ang kanyang suot bago muling ibinalik ang tingin sa akin. "Oo naman. Napakaganda ng ayos mo ngayong gabi." Hindi maalis ang tingin ko sa napakaganda niyang mukha. Kung lalake ako ay talagang matitipuhan ko siya. Halata sa mukha niya na hindi pa rin siya kumbinsido sa sinabi ko. "Eh ang suot ko. Ayos lang ba." Ang hilig niya talagang ngumuso, ngayon ko lang din napansin ang pulang pula niyang mga labi. Natawa na ako. Ngayon naman ay napa-praning siya. "Oo nga. Napakaganda mo ngayong gabi Anastasia siguradong mabibighani siya sa'yo." Lalo niyang nginuso ang kanyang labi. "Marahil ay sinasabi mo lamang 'yan dahil kaibigan mo ako." Natawa ako at napansin ko rin ang unti unting nang pag dami ng bisita kaya siguro hindi ko na rin matanaw ang lalakeng kuma-usap sa'kin kanina. "Ano ka ba Anastasia. Nagsasabi ako ng totoo. Ba't naman ako mag sisinungaling sa iyo?" Maganda naman talaga siya. Sa totoo lang sa kanya ako pinakanagagandahan sa aming tatlo. Tumawa naman siya. "Kabado lang talaga siguro ako." "Magandang gabi sa inyong lahat", Halos lahat ay nagtinginan sa maliit na entamblado kung saan nanggaling ang himig ng nagsalita; si ginoong Miguel. "Maraming salamat sa inyong pag-dalo. Apat na taong nawala ang aking anak upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Pransya at ngayon ay muli na siyang nagbalik sa ating bayan upang magbakasyon ng isang taon. Kaya ako nagpahanda ng pagdiriwang dahil labis kong kinakatuwa ang pagbalik ng aking panganay na anak at ngayon ipinagmamalaki ko sa inyong lahat ang napakakisig, napakamatipuno, at napakatalino kong anak na ngayon ay binatang binata na sa edad na dalawpu't dalawa. Mateo Quiñones!" Muntik ko na maibuga ang iniinom kong tubig nang makita ang naglakad sa entablado. Saglit siyang nagsalita roon at hindi ko na rin masyadong inintindi ang mga sinasabi niya, basta ang alam ko, lalo akong nahiya sa kanya. Pagtapos niyang magsalita ay nagulat ako nang agad siyang tumingin sa direkyon namin at saka ngumiti. Marahan akong tumingin kay Anastasha na ngayon ay tulala habang nakangiti. Lalong lumaki ang mga mata ko nang makitang papalapit na nga siya sa amin. "Magandang gabi mga binibini." Saglit siyang sumulyap sa akin bago tignan si Anastasha. "Kamusta Anastasha? Talagang napakaganda mo pa rin." Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala. Ang lalakeng kumausap sa'kin at ang kuya ni Kriselda na labis na hinahangaan ni Anastasia ay iisa. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makatingin sa kanya kahit na kasama namin siya ngayon sa iisang lamesa. Naupo siya sa upuan sa tabi ni Anastasha. Ilang sandali ay dumating na rin si Kriselda na naupo sa aking tabi. "Ganon ka rin naman Mateo. Wala ka pa ring pinagbago." Nahihiyang sambit ni Anastasha. Aba ngayon ko lang ata siya nakitang mahinhin na ganito. "Ah siya nga pala kuya, si Isabella Natividad bago naming kaibigan." Napatingin ako kay Kriselda, bakit pinakilala niya pa ako? Tss. Saglit nalang akong sumulyap at binigyan siya ng pekeng ngiti. "Aha, Isabella pala ang iyong pangalan." Narinig kong sambit neto. Hindi ko na alam ang dapat kong sabihin kaya hindi na 'ko umimik at pinakinggan na lamang ang mahinang musika na bumabalot sa lugar na ito, pati na rin ang bulungan ng mga tao sa paligid. "At Isabella, ang aking kuya na matagal nang kinagigiliwan ni Anastasia. Si Kuya Mateo." Natatawang sambit ni Kriselda. Nakita ko ang sandaling pag-ngiti ni Mateo. "Ikinagagalak kong makilala ka Isabella." Saglit lang ulit akong sumulyap. "Salamat." Narinig ko ang pagtawa ni Anastasia. "Pagpasensyahan mo na si Isabella, sadyang mahiyain lang siya." Tumawa naman si Mateo. Pati ang tawa niya ay napakasarap pakinggan. Tila ba lalakeng lalake ito. "Halata nga." Natatawang sambit niya "Kamusta naman pala ang buhay mo rito Anastasia? Matagal rin tayong hindi nagkausap at nagkita?" Itinuon ko ang aking sarili sa pagkaing nasa harapan ko kahit naririnig ko ang pag-uusap nila. "Kung alam mo lang, giliw na giliw sa'yo--" Hindi na natapos ni Kriselda ang sasabihin niya nang sumabat na si Anastasha. "Mabuti naman. Ikaw? Kamusta ang buhay mo sa Pransya? Mukhang marami ka atang babaeng napa-ibig roon ha." Pabirong sambit neto. Muli nanamang tumawa si Mateo. "Isa lang naman ang babaeng nais kong mapa-ibig." Ayan nanaman siya sa matatalinhaga niyang salita. "At si Anastasia 'yon, tama ba kuya?" Pang iintriga ni Kriselda sa kanyang kuya. Tumawa naman silang tatlo at nakitawa nalang rin ako kahit nakatingin lang ako sa pagkain. "Ah ipagpaumanhin niyo ngunit biglang humilab ang aking tiyan. Nais ko sana munang pumunta sa palikuran." Kung hindi ko kilala si Anastasha ay maniniwala akong sumama ang kanyang tiyan, ngunit alam kong pupunta lang siya sa palikuran para ilabas ang kanina niya pa pinipigilang kilig. "Ayos ka lang ba Anastasia? Samahan na kita." Alok naman nitong si Mateo. Mukha nga talagang si Anastasia ang tinutukoy niya nang sinabi niya sa'king may iba na siyang iniibig at hindi ako iyon. "Hindi ayos lang, kaya kong mag isa." Nakangiting sambit ni Anastasia, bago ito lumayo sa'min. Panandaliang katahimikan ang bumalot sa aming lamesa at tanging tunog lang ng mga kubyertos na tumatama sa pinggan ang aking naririnig. "Mga anak, nandito lang pala kayo." Napa angat ang aking ulo sa nag-salita at kumapit sa balikat ni Mateo. Nagulat ako nang makitang sa'kin siya nakatingin at parang may kuryenteng tumama sa pagitan ng aming mga mata. "Ina, nagbalik ka na." Tumayo si Kriselda at si Mateo, sinalubong ng yakap ang babae. Magandang babae. Maganda siya pero napakalalim niya kung tumingin. Tumayo rin ako bilang paggalang sa kanilang tatlo, kung gayon ito pala ang kanyang ina na tatlong taon nang hindi umuuwi ng Pinas. "Akala po namin sa susunod na taon ka pa uuwi." Halatang napakasaya ni Kriselda. Na-ikwento rin kasi sa'kin ni Kriselda na mag-tatatlong taon na mula nang umalis ang kanilang ina patungong Europa para sa trabaho nitong konektado sa pag-aangkat nila ng alahas. "Matitiis ko ba ang aking mga anak, lalo na't nabalitaan kong nakauwi na sa Pinas ang aking uniko iho." Ginulo niya ang buhok ni Mateo Tumawa naman siya. "Ikanagagalak ko pong makita kayong muli ina." Muli silang nag yakapan. Napangiti nalang ako nang maalala ko ang aking ina. Ganyan din kami kalapit sa isa't isa noon. Noon nung mga panahong kami palang ang magkasama. Noon nung mga panahong wala pa siyang bagong kinakasama. "Kamusta naman kayo?" Tanong ng kanilang ina pagkatapos nilang magyakapan. "Masayang masaya ina. Lalo na't nandito ka na ulit. Siya nga po pala, bago naming kaibigan. Dalawang taon na ang lumipas nang lumipat sila dito sa ating lungsod. Si Isabella Natividad." Muli niyang ibinalik ang tingin sa'kin. Hindi ko alam pero parang may iba akong nararamdaman kada tumitingin ako sa kanya. "Isabella, si ginang Emilia Quiñones, ang aking napakagandang ina." Binigyan niya 'ko ng isang matamis na ngiti. Ako lang ba o talagang may iba sa kanyang mga ngiti? "Ikinagagalak kong makilala ka Isabella." May diin nang banggitin niya ang aking pangalan. Inalok niya ang kamay niya na agad kong tinanggap. Muli akong napatingin sa kanya nang maramdaman kong napakahigpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko. Nakangiti pa rin siya habang nakatitig sa'kin. "Kamukhang kamukha mo siya." Narinig kong bulong niya nang bitawan ang kamay ko, na agad namang nag-pakunot ng aking noo. "Po?" Kamukhang kamukha? Sino? Ako ba ang tinutukoy niya? Hindi pa rin naaalis ang ngiti sa kanyang mga labi. "Ang sabi ko mukha kang manika. Napakaganda ng iyong mga mata. Oh siya maiwan ko muna kayo diyan." Tatalikod na sana siya pero napahinto siya. "Siya nga pala Kriselda anak, maaari ba kitang makausap sandali?" "Opo naman ina, bakit hindi. Sige maiwan ko muna kayong dalawa diyan ha." Hindi pa ako nakakasagot ay kumapit na siya sa kanyang ina at saka sila tumalikod sa amin. Ano? Iiwan nila kami rito? Kaming dalawa ni Mateo. Nang makaalis si Kriselda at ang kanyang ina, mabilis kong nilibot ang aking paningin. Nasa'n na ba si Anastasia? Siya ang dapat kasama ngayon nitong si Mateo. "Mukhang may hinahanap ka, binibini?" Hindi ko siya pinansin at uminom nalang ako ng tubig, pakiramdam ko'y natutuyo ang aking lalamunan. "Bakit ba ayaw mo pa ring tumingin sa'kin? Hanggang ngayon ba'y nahihiya ka pa rin?" Napatingin ako sa kanya nang may kunot ang noo habang nakangiti lamang siya.  Napakatingkad din ng kanyang mga ngiti. "Bakit naman ako mahihiya sa'yo?" Tanong ko, kahit na totoo naman ang sinabi niya. Hindi ako komportableng kasama siya. Bakit pa kasi nakita niya pa 'kong umiiyak mag isa sa parke noon? "Hindi mo iyon maipagkakaila. Kitang kita ko iyon sa iyong mga mata." Napaiwas ako ng tingin nang mapansing nagtititigan na nga kami. Para naman kasing may kung anong bagay sa mga mata niya na pilit hinihila ang mata ko upang tumitig din sa mga mata niya. Ang tagal naman ni Anastasia. Nasa'n na ba kasi siya? Napatingin ako sa aking relos nang maalala ang sinabi ng aking amain. "Payagan mo siya pero bigyan mo siya ng takdang oras para sa pag uwi. Ikaw babae ka, siguraduhin mong uuwi ka bago sumapit ang alas-onze ng gabi!" Kalahating-oras nalang bago mag alas-onze. Siguradong bugbog nanaman ako pag sinuway ko ang lalakeng 'yon. "Oh ayaw mo nanaman--" "Ipagpaumanhin mo, pero kailangan ko nang umuwi." Tumayo na ako at hindi na pinatapos ang kanyang sasabihin. Nag madali na 'kong tumalikod palayo. Lagot ako sa amain ko 'pag nagkataon. Nakayuko ko ako dahil pakiramdam ko tinitignan ako ng bawat mga taong nadadaanan ko. "Teka lang." Hindi ko siya pinansin kahit na ramdam kong hinahabol niya 'ko. Wala na 'kong oras makipag-usap sa lalakeng 'yan. "Sandali lang binibini." Hindi ko pa rin siya pinansin at nakipagsiksikan pa rin sa mga bisita hanggang sa makalayo ako sa lugar ng pagdiriwang at makarating sa labas. "Isabella." Napahinto ako nang bigla niyang hawakan ang aking pulso malapit sa kamay, dahil doon ay hinarap ko na siya. "Ano ba?" May pagkainis sa tinig ng aking boses. "Uuwi ka na? Hindi pa tapos ang pagdiriwang," sambit niya habang ramdam ko pa rin ang lamig ng kamay niya sa aking pulso, gayon din ang malamig na hanging tumatama sa aking katawan. "Kailangan ko na umuwi." Pinilit kong ikalma ang sarili ko at marahang binawi ang aking pulso sa kanyang kamay. "Pa'no sila Kriselda? Hindi ka man lang ba mag papa alam sa kanila?" Napairap ako. Nagmamadali na talaga ako. "Pasensya na talaga pero kailangan ko na talagang umuwi. Maaari bang pakisabi nalang sa kanila na umuwi na 'ko. Paniguradong maiintindihan naman nila ako." Mahinahong sambit ko. "Sige, pero--" "Isabella!" Kumabog bigla ang aking puso nang marinig ang boses na iyon. Ang boses na ayaw ko na sanang marinig sa buong buhay ko. "Sinuway mo nanaman ako!" Napalingon ako at napatingin sa galit na galit na naglalakad papalapit sa amin. Nang makalapit ay bigla niyang hinila ang buhok ko para mas mapalapit ako sa kanya. "Anong sinabi ko sa'yo ha? 'Bago mag alas onze dapat nakauwi ka na!" Hinampas niya nanaman ang aking mukha gamit ang mabigat niyang kamay at nag simula nang pumatak ang aking mga luha habang ramdam pa rin ang hapdi ng aking pisnge. Amoy na amoy ko rin ang alak sa kanyang hininga.  "Mawalang-galang lang po ginoo, hindi po ata tamang pinag bubuhatan niyo ng kamay ang babae." Lalo akong kinabahan nang sumabat si Mateo. "At sino ka para pagsabihan ako tungkol sa dapat kong gawin sa anak ko?!" Hindi mo naman ako anak! Nakita ko ang panlilisik ng mga mata ni amain kay Mateo. "Ama, tama na po. Umuwi na tayo." Kahit na inis na inis na 'ko minabuti ko pa ring kalmahin ang sarili ko pero ang mga luha ko, sadyang hindi ko na mapakalma. "Sino ba 'to ha? Kasintahan mo? Alam ba 'to ng nanay mo? Lakwatsyera ka na nga, malandi ka pa!" Sigaw niya na tila nagpa-bingi sa aking tainga. "Hindi totoo 'yan!" Hindi na 'ko nakapag-pigil. Binato niya na nga ako ng masasakit na salita ipinahiya niya pa 'ko sa harap ni Mateo. Napahawak ako sa gilid ng labi ko nang tumama ang kamao niya rito. Nakita ko ang mga dugo sa aking daliri. Lalo na akong naluha. Hindi lang dahil sa sakit, kundi dahil sa dignidad na inaalis niya sa'kin. "Ginoo, hindi na po tama ang ginagawa niyo." May pag-aalala sa boses ni Mateo. "Sinabi nang 'wag kang mangingialam dito--" Susuntukin na sana ng amain ko si Mateo. "Huwag na 'wag mong subukang saktan ang anak ko. Hindi mo alam kung anong kaya kong gawin. Ano bang nangyayari dito?!" Mabuti nalang at dumating si ginoong Miguel at napigilan ang kamay ni amain, bakas sa mukha niya ang galit. "Ah.. Tinatakot mo ko." Ano ba itong si amain. Lasing na lasing nanaman at hindi ma-ihinto ang sarili sa pagwawala. "Ama, pakiusap tama na. Ginoong Miguel, pasensya na po sa gulo. Uuwi na po kami." Ayaw pa rin tumigil ng mga luha ko. Muli nanaman akong napahiya. "Ama, tara na. Pakiusap." Hinawakan ng ama ko ang aking pulso malapit sa kamay nang sobrang higpit na pakiramdam ko'y pulang pula na agad ito. "Humanda ka sa'kin pag uwi," bulong nito na mas lalong nagpakaba sa'kin. Alam ko na ang mangyayari mamaya sa aming tahanan. Wala si ina ngayon dahil may inaasikaso siya sa kabilang bayan at bukas pa daw siya makaka-uwi. Wala na 'kong ibang nagawa kundi ang umiyak. "At ikaw, 'wag na 'wag kang magpapakita sa'kin," hamon nito kay ginoong Miguel. "Aba't hindi mo ata--" "Ama tama na." Hinawakan ni Mateo ang balikat ni ginoong Miguel. "Hayaan na natin sila. Walang kasalanan dito si Isabella, hayaan mo na 'kong mag paliwanag. Isabella pasensya na. Umuwi na kayo ng iyong ama." Pinilit kong punasan at pawiin ang luha ko, pero patuloy pa rin ang pag patak nito. Tumango na lamang ako kay Mateo. Nasaksihan niya nanamang muli ang pagluha ko. "Pasensya na po ulit ginoong Miguel." Yumuko ako sa kanya, purong kahihiyan nalang ang meron ako. Nakita ko ang pagtango ni ginoong Miguel, mabuti na lamang ay kahit napakayaman neto ay kilala rin ito na napakabuting mamamayan dito sa Valerio. "Tama na 'yang drama mo! Umuwi na tayo." Bigla ulit akong hinatak ni ama. Halos kaladkad na nga ang kanyang ginawa. Hindi pa rin ako matigil sa pag-iyak. Kinakabahan ako na ilang oras lang ay makakarating na kami sa bahay at alam na alam ko na ang sunod na mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD