Panimula
Taong 1800's sa Lungsod ng Cayetana; kaharian ni reyna Veruzka
"Parang-awa niyo na. Handa kong gawin ang lahat 'wag niyo lang idamay ang anak ko." Nagmamakaawa habang nakaluhod si Helenus at hawak ng aking dalawang gwardya.
Si Helenus na kilalang baliw dito sa aming lugar, si Helenus na binansagang mangkukulam, si Helenus na nagdudulot ng kamalasan sa aming bayan.
"Halimaw!"
"Patayin na 'yan!"
"Mangkukulam!"
Sabay-sabay na ang hiyawan ng mga taong nakapalibot sa'min. Nilibot ko ang paningin ko. Napakarami nilang gustong bawian ng buhay si Helenus.
"Parang-awa niyo na aking reyna. Handa kong gawin ang lahat. Kahit ako nalang ang patayin niyo. Huwag na ang aking inosenteng anak. Siya'y sanggol pa lamang."
Napatingin ako sa sanggol na kanina pa umiiyak at hawak-hawak ng isa sa aking tauhan. Nakatingin naman sa'kin ang babaeng may hawak ng sanggol na tila ba hinihintay ang aking senyas.
Nasa harap nila ang isang lumalagablab na apoy at isang senyas ko lang ay paniguradong doon ang bagsak ng sanggol.
Huminga ako nang malalim at napatingin ulit kay Helenus na tila lugmok na lugmok na. Hindi naman siya nalalayo sa kanyang sanggol at malapit rin siya sa lumalagablab na mainit na apoy ngunit hindi makawala sa higpit ng hawak sa kanya ng aking mga gwardya
"Ihulog niyo na!"
"Patayin ang mangkukulam!"
"Katahimikan!" Sigaw ko na agad na nagpatahimik sa kanila." Sino sa inyo ang sang-ayon na siya lamang ang patayin at 'wag idamay ang inosenteng sanggol?" Tanong ko, nang may otoridad habang nililibot ang aking paningin sa kanila.
"Wala!"
"Halimaw ang ina ganon din ang anak!"
"Patayin!"
"Parang awa niyo na. Huwag!"
"Ano pang hinihintay mo mahal na Reyna Veruzka? Natatakot ka ba? Nangangamba? Nasa'n na ang tapang mo?! Ipapatay mo na siya! Ibigay mo na ang hinihintay na senyas!" gigil na sigaw ng isa sa mga tao.
Tumingin ako sa aking anak na tila hindi rin gusto ang nangyayari. "Ina, hindi ata tama 'tong ating ginagawa," pangamba ng aking anak.
Sandali akong nag-isip habang dinadama ang malamig na hangin ngayong gabi. Huminga ako nang malalim. Panahon na para magdesisyon.
"Marami na ang nangyari sa'ting lugar. Naging masagana ang buhay ng mga mamamayan pero simula nang dumating dito ang babaeng eto na kilala sa pangalang Helenus." Itinuro ko siya habang kitang-kita ko pa rin ang kanyang mga luha sa dilim. "Ay nag-simula na ang unti-unting hirap. Nagkaroon ng matagal na tag-tuyot na naging sanhi ng ating gutom. Maraming mga nagkasakit at ang ilan ay namatay. Maraming kamalasan ang sinapit natin nang dumating sa ating lungsod ang babaeng ito, at ngayon sa araw mismo ng mga puso nagkaroon tayo ng isang ritwal!" Nilibot ko ang aking tingin sa aking mga mamamayan nang nananatiling taas-noo. "Ritwal kung saan sa tuwing sasapit ang ika-labing apat ng Pebrero ay susunugin natin ang mga bagay na nag-bibigay kamalasan sa'tin at ang mga taong labis ang kawalan ng puso, at ngayon sa harap ng aking mamamayan. Ipinag-uutos ko na sunugin ang sanggol na isinilang ng babaeng nag-bibigay kamalasan sa ating bayan!" mariing otorisa ko, kasabay ng pagbabalik ko ng tingin sa kanya. Kasunod noon ang sunod-sunod na ingay ng mga mamamayan.
"'Wag!" Tatakbo sana papalapit sa anak si Helenus ngunit sobra ang higpit ng pagkakahawak ng aking mga gwardya sa kanya.
Huminga ako nang malalim nang makitang inaapoy na ang sanggol. Eto ang gusto ng aking mamamayan. Eto ang gusto ng nakararami kung kaya't eto ang tama.
"Mga walangya kayo! Kayo ang dapat na sinusunog. Kayo ang mga walang puso. Kayo ang halimaw!" sigaw ni Helenus na galit na galit, kahit bakas pa rin ang sakit at pighati. Walang tigil pa rin ang hiyawan ng mga taong nakapaligid sa amin.
"Katahimikan!" Malakas kong sigaw na agad nagpahinto sa mga sigawan nila. Ibinalik ko ang tingin kay Helenus. "Ikaw ang nagdala ng malas sa aming lugar. Ikaw ang halimaw at walang puso!" Ganti ko sa pangkukutyang binato niya.
Inayos niya ang pustura niya at tumayo habang hawak pa rin ng aking dalawang gwardya. Taas noo pa rin akong nakatingin sa kanya nang may buong tapang habang tahimik pa rin ang lahat.
"Labis na pagmamalabis ang dinanas ko sa inyo! Labis na pang-aapi ang ibinato niyo! Pero nanatili pa rin akong tahimik." Nilibot niya ang paningin niya. "Ngayon ang anak ko! Pati ang anak ko dinamay niyo! Pati ang anak ko na walang kamuwang muwang sa mundo inapi niyo! Mga hayop kayo!" Hindi pa rin ako natitinag sa pagtitig sa kanya. "Lalo ka na!" Itinaas ko ang aking isang kilay nang bigla niya ako idinuro. "Ikaw na sarili naming reyna ang nang-una sa pananapak sa'kin. Sa aming pamilya!"
"Dahil isa kang malaking sumpa!" marahas na sigaw ko. Simula nang dumating siya ay dumating na rin ang kamalasan.
"Wala kayong ibang alam gawin kundi ang manghusga!" Nilibot niyang muli ang kanyang paningin. "Lalo ka na!" Muli niya akong idinuro, dahilan para ma-alerto ang aking gwardya na may hawak ng sibat at itinutok na ito sa kanya. Sinenyas ko ang aking kamay para sabihin sa gwardya na hayaan muna namin siyang magsalita, tutal ay mamamatay na rin naman siya.
"Eto ang tatandaan mo Reyna Veruzka, sa magiging anak ng apo mo magsisimula ang aking paniningil, ang totoong sumpa. Pagsapit niya nang ika-labing walong baitang sa ika-labing apat ng Pebrero, kasabay sa paglubog ng araw mangyayari ang isang kasuklam-suklam na pangyayari. Mas higit pa sa dinanas ko ang mararanasan ng iyong angkan." Naramdaman ko ang lalong paglamig ng hangin sa aking balat. "Kasusuklaman, katatakutan, at iiwasan ang magiging napakaswerteng anak ng iyong apo. Hanggang sa susunod pang henerasyon ng inyong angkan! 'Yan ang tatandaan niyo!"
Taas noo akong ngumiti, kahit na may pangamba akong naramdaman. Nakita ko ang mga mamamayan na muling nagbulong-bulungan.
Sumenyas ako sa isang lalakeng nasa likod ni Helenus. Panahon na para tapusin ang kalokohan na 'to.
Tumango ako sa gwardya at ilang segundo lang ay nakita ko na ang pagtagos ng isang sibat mula sa likod niya na tumama sa bandang dibdib. Nananatili pa ring nakatingin ang mulat niyang mga mata sa akin na nag-patayo sa aking balahibo. Ilang segundo lang ay bumagsak na siya na naging dahilan muli ng hiyawan ng aking mga mamamayan.
Pilit akong ngumiti kahit may pangamba ako dahil sa sinabi niyang sumpa.
"Mabuhay si Reyna Veruzka!"
"Mabuhay!"
Tuloy-tuloy lang ang hiyawan ng mga tao kaya lalong napalawak ang aking ngiti. Ilang sandali lang ay lumapit sa'kin ang isa sa aking kawal at bumulong. Tumango lang ako.
"Maraming salamat!" Agad ding huminto ang hiyawan nang marinig na nila akong mag-salita. "Ngayon, wala na ang malas sa ating lungsod. Panigurado'y babalik na ang dati nating swerte." Muli nanaman silang nagsigawan.
"Sigurado ka? Naaalala mo ba 'yung binitawan niya bago siya mamatay? Sinumpa niya ang angkan natin. Ang magiging apo ko ina," bulong sa'kin ni Azalea na kanina pa tahimik sa aking tabi; ang nag-iisa kong anak.
"Tingin mo ba talaga matutupad niya pa 'yon? Ngayon na patay na siya. Hindi mangyayari ang sinabi niya. Mag-tiwala ka lang." Bulong ko, habang nakatingin pa rin sa mga nagsasaya kong mga tao. Hindi na siya nag-salita at hindi ko na rin inabala pang siya'y sulyapan.
"Sa ngayon tapos na ang ating pagdiriwang at ngayon ay maaari na muli kayong bumalik sa inyong mga tahanan. Nawa'y swerte'y agarang muling dumating sa'tin. Magandang gabi at muli maligayang araw ng mga puso sa inyong lahat." Malawak na ngiti ang ibinigay ko sa kanila bago ako tumalikod. Oras na para umuwi sa kani-kanilang tahanan.
Nang makarating kami sa aming tahanan ay dumiretso agad kami sa kainan, kung saan nakaupo at naghihintay na si Ama.
Huminga ako nang malalim. Paniguradong nabalitaan niya na ang ginawa ko.
"Magandang gabi po ama." Bati ko at binigyan siya ng matamis na halik sa pisnge. "Magandang gabi lolo." Kasunod ko si Azalea na humalik din kay ama. Hindi siya kumibo maging ang ngumiti ay hindi niya nagawa.
Naupo kami ni Azalea sa kanya-kanya naming pwesto habang pinapakiramdaman ang katahimikan ni ama. Ilang segundo bago siya nagsalita.
"Ano itong nabalitaan kong ipinapatay mo ang babaeng binabansagang baliw ng mga mamamayan?" Tumingin na siya sa akin ngunit ang mga tingin na iyon ay hindi kagalak-galak.
"Ama, ang ating mamamayan ang may nais na mangyari ang bagay na 'yon. Sa katunayan kayo ang nag sabi sa'kin na ang boses ng mamamayan ang pinakamahalaga at dapat pinapakinggan," katwiran ko, habang tanaw ko ang aking anak sa gilid ng aking mga mata na tahimik lamang at nakayuko.
"Pero hindi sa maling paraan Veruzka, dahil sa ginawa mo pati ang angkan natin ay nadamay." Bakas sa boses niya ang galit at nakita ko rin ang nakayukom niyang kamay sa mesa.
"Pero ama, pati ba naman kayo naniniwala sa sinabi niya? Patay na siya. Hindi niya na magagawa ang ano mang pina plano niya." Pagtatanggol ko sa aking desisyon, kahit na nanginginig na ako sa kaba dahil nakakatakot kung magalit itong si ama.
"Ewan ko sa'yo Veruzka. Ipinamana ko sa'yo ang aking trono dahil sa labis kong pag titiwala pero hanggang ngayon masyado pa ring padalos dalos ang iyong mga desisyon. At oo. Oo naniniwala ako sa sinabi niya. At sinasabi ko sa'yo Veruzka sa oras na magkatotoo ang kanyang sumpa sa ating angkan hindi matatahimik ang iyong kaluluwa hanggat hindi naaalis ang sumpang ginawa niya para sa ating pamilya. Sa iyo ito nagsimula at iba ang mag-babayad ng maling desisyong iyong nagawa." Hindi natinag ang pakikipagtitigan niya sa akin habang tuloy-tuloy na nagsalita.
"Hindi ako magsisisi sa ginawa kong desisyon at handa kong patunayan sa inyo na tama lamang ang ginawa kong pag-patay sa kanya." Pinaglaban ko pa rin ang aking desisyon. Hindi itinuro sa akin ni ama ang 'wag lumaban kung kaya't ipaglalaban ko ito sa kabila ng takot ko.
Umiwas ako ng tingin kay ama at itinuon ang mga mata sa pinggan. "Sana nga. Sana," bulong ko.