Kabanata 5

1989 Words
Naglalakad na kami pauwi. Sinabi kong wag niya na 'kong ihatid pero 'di siya pumayag. Nagtatawanan lang kami habang naglalakad. Napakadali niya palang makagaanan ng loob. "Sabi ko naman sa'yo hindi mo na 'ko kailangang ihatid." Saglit akong sumulyap sa kanya bago tumingin muli sa daan. Narinig ko ang kanyang pagtawa "Ang kulit mo talaga noh. Ayos nga lang--" "Aray!" Napahinto ako nang hindi ko namalayan na may harang palang bato sa pwesto na dadaanan ko at doon natisod ako. Sumayad ang aking paa sa bato. Napapikit ako sa hapdi ng aking hinliliit.  Umupo ako upang tignan ito. Nakita ko rin ang pagluhod ni Mateo. "Okay lang ako. Tumayo ka diyan," pabulong na sambit ko, kahit na mahapdi talaga ang aking daliri. "Isabella, may sugat sa iyong daliri. Mukhang nabalatan ata ito sa pagkakauntog sa bato." Tss! Kasalanan ko ito. Masyado kasi akong naligayahan at hindi namalayan ang dinaraanan. Nauntog tuloy ang aking paa. "Hindi ayos lang. Hindi naman gaanong masakit," sambit ko, habang nakatingin sa kanya. Nakaluhod pa rin kasi siya at pilit tinitignan ang aking paa. Tumayo na ako para ipakita sa kanyang ayos lang talaga ako. "Sigurado ka?" Tumingala siya upang tignan ako. Mabilis kong binaling ang tingin ko sa aking paa nang bigla siyang tumingin sa'kin. Tumango-tango nalang ako kahit mahapdi talaga. Muli niya itong tinignan. Naramdaman ko ang lamig ng kamay niya nang dumampi ito sa aking paa. Marahil dahil pagabi na at lumalamig na ang simoy ng hangin. "Isabella? Mateo?" Pareho kaming napatingin sa tumawag. Nanlaki ang mata ko nang makita si Anastasia. Mabilis na tumayo nang maayos si Mateo. "Anastasia," bati nito sa kanya. Hala, baka kung anong isipin niya. Pilit akong ngumiti. "Anastasia," nakangiting bati ko. Madamdamin pa naman ito. Madali itong mainis at hindi madalas nag-iisip nang malalim. Nakakunot naman ang noo niya. Selosa ito alam ko, dahil kapag ako lang ang napapansin ni Kriselda ay nagtatampo na siya paminsan-minsan "Anong ginagawa niyo rito?" tanong niya. Napailing-iling ako. "Mali kang ng iniisip Anastasia--" "Kaya pala wala ka sa inyong tahanan, nakikipagkita ka kay ginoong Mateo." Halatang may pait sa boses niya. Tumingin siya kay Mateo at nakita ko sa mata niya na halatang hindi siya natutuwa. "Anastasia, ano bang sinasabi mo? Nakipagkita lang ako sa kanya upang humingi ng paumanhin, sigurado namang nabalitaan mo ang nangyaring pagsugod ng kanyang ama," paliwanag ni Mateo. Tumawa naman si Anastasia, pero halatang pilit. "Bakit ka nagpapaliwanag ginoong Mateo?" Natahimik bigla si Mateo. Hindi na siya nagsalita at kumibo. "Anastasia--" Hindi ko na natapos ang aking sasabihin. "Shh.. Pasensya na. Maiwan ko na kayo. Nagmamadali rin kasi ako. Baka nakakaabala pa 'ko sa paggagala niyo." Tumalikod na siya. "Anas--" tatawagin ko pa sana siya pero pinigilan ako ni Mateo. "Hayaan na muna natin siya." Mahinahong sambit niya habang nakatingin pa rin sa papalayong si Anastasia. Napakunot ang aking noo. "Ano?! Pero bakit? Paniguradong nagselos iyon." Tumingin siya sa'kin. "Para namang hindi mo alam ang kanyang ugali. Selosa talaga siya at matampuhin lalo lang siyang maiinis kapag kinulit mo siya. Kilala ko si Anastasia, lilipas rin 'yang pangamba niya." Napahinga ako nang malalim. Tama siya. Napaka matampuhin talaga ni Anastasia. Mahirap pa siyang paliwanagan at madali siyang mainis o magalit. Pambihira. "Tara na." Walang siglang sabi niya at nag-simula nang maglakad. Sumunod naman ako. Parang bigla siyang nawalan ng gana. Nakapamulsa lamang siya habang naglalakad at 'di kumikibo. Hindi niya na rin inalintana ang aking sugat, pero ayos pa naman, nakakalakad pa naman ako. Hindi naman siya sobrang masakit, mahapdi lang talaga. Hindi na kami nagkibuan hanggang sa makarating kami sa labas ng aming tahanan. Ang laki naman ng epekto ni Anastasia sa emosyon niya. Tumingin ako sa kanya at ngayon ay nakatingin din siya sa'kin. Ngumiti ako sa kanya at halatang pilit ang ibinalik niyang ngiti. "Mateo, ayos ka lang ba?" tanong ko kahit halata namang hindi siya ayos. Tumango siya. "Salamat at tinanggap mo 'ko bilang kaibigan. Napasaya mo 'ko ngayong araw na 'to." Bahagya akong napanguso. "Hindi ka naman mukhang masaya." Tumawa naman siya pero halata ring pilit. "Napasaya mo 'ko," sambit niya. Napatingin naman ako sa ibaba. Pakiramdam ko tuloy kasalanan ko kung bakit siya biglang naging matamlay. Kundi siguro ako tatanga- tanga sa paglalakad hindi sana magkakamali nang iniisip si Anastasia. "Pasensya na, dahil ata sa'kin magkakaroon pa kayo ng problema ni Anastasia." Pinalo niya 'ko sa braso pero mahina lang. "Ano ka ba? Hindi mo kailangang humingi ng pasensya. Wala naman tayong ginagawang mali." Pilit nalang rin akong ngumiti. "Pero mukhang dahil sa'kin nagtampo sa'yo si Anastasia." "Ayos lang 'yon akong bahala ron," pabirong sambit niya. Ngumisi naman ako. "Napasaya mo rin ako." Muling umukit ang ngiti sa kanyang mga labi. "Hanggang sa muli binibining Isabella," nakangiting sambit niya. Natawa naman ako dahil sa pagiging pormal niya. "Hanggang sa muli ginoo," pormal ring sambit ko. "Sige na, paalam," sambit ko, nang hindi pa rin siya tumalikod sa akin. Napakunot naman ang aking noo. "Oh ano pang hinihintay mo?" takang tanong ko nang hindi pa rin siya umaalis. "Pumasok ka na muna sa inyo at aalis na ako." Natawa naman ako sa kanyang sinambit. Ang daming pakulo ng lalakeng 'to. "Ang dami mong arte. Umuwi ka na nga, o kaya puntahan mo si Anastasia at suyuin mo," natatawang sambit ko. "Hindi ako uuwi hanggat hindi kita nakikitang pumasok sa inyong tahanan." Napailing-iling nalang ako. "Oo na sige na. Paalam." Tumalikod na 'ko alam ko namang wala ring patutunguhan kung magkulitan pa kami. Nakailang hakbang na 'ko, pero hindi ko napigilan ang lumingon at muli siyang tignan kung naroon pa siya. Napangiti ako nang makitang nakatanaw pa rin siya. Kumaway ako muli at kumaway rin siya. Tumalikod ulit ako at nagsimulang maglakad. "Isabella!" Bubuksan ko na sana ang pinto ng aming bahay pero napahinto ako at napalingon muli nang marinig kong isigaw niya ang pangalan ko. "Sana maulit muli ang pangyayaring ito!" sigaw niya. Napangiti ako. Ngayon lang ako nakaramdam ng gantong ligaya, dahil sa kanya nagawa kong kalimutan ang mga pinagdadaanan ko sa buhay kahit panandalian lang at inaasahan ko rin na sana'y maulit ang pangyayaring ito. "Bakit hindi!" sagot ko sa kanya. Nakita ko ulit siyang kumaway, kaya kumaway muli ako bago pumasok sa aming tahanan. Pagpasok ko nakita ko agad si Kristina na sobrang lawak ng ngiti. "Ngayon lang kita nakitang nakangiti ng ganya ate. Mukhang nagkakamabutihan kayo ni ginoong Mateo ha." Kinikilig na sambit neto. Napailing-iling ako. "Ano ka ba. Magkaibigan kami. Bagong magkaibigan." Hindi maalis sa aking labi ang mga ngiti habang inaalala ang mga nangyari kanina. "Eh bakit mukhang iba 'yung ngiti mo." Sinarado ko ang aming pintuan bago muling tumingin sa kanya. "Anong iba dito?" tanong ko, habang turo-turo ang ngiti sa aking labi. Natatawa naman siya habang umiiling-iling. "Naku ate, alam mo sana palagi nalang kayong magkasama ni ginoong Mateo para lagi kang nakangiti nang ganyan." "Ngumingiti naman ako kahit hindi ko siya kasama ha," sambit ko, saka naupo sa mahaba naming upuan. "Oh anak, nandito ka na pala. Kamusta naman ang lakad niyo ni ginoong Mateo?" tanong ni ina, na mukhang galing sa kusina. Naupo siya sa tabi ko. "Ayos lang naman po." Ngumiti naman si ina. "Si ginoong Mateo lang pala ang makapagpapabalik ng mga ngiti sa labi mo. Masaya akong nakikita kang masaya. Sana magtuloy-tuloy na ang ganyang awra ng iyong mukha. Mas maganda ka 'pag nakangiti Isabella." Bigla akong napayuko at nawala ang ngiti sa aking labi. Imposibleng magtuloy-tuloy ang gantong awra sa aking mukha. Alam kong panandalihan lang ang saya na ito at sa oras na bumalik nanaman ang aking ama-amahan dito sa amin paniguradong sira nanaman ang mga araw ko. "Isabella, ayos ka lang ba?" Nagbago ang tinig ni ina na tila ba nag-aalala. Tumingin ako sa kanya at pilit na ngumiti. "Opo ina, ayos lang ako. Nais ko lang sanang magpahinga. Akyat po muna 'ko sa taas," Paalam ko. Hindi na kumibo ang aking ina gayon din si Kristina, kaya dumiretso na talaga ako patungo sa aking silid. Nang makarating ako sa aking silid agad kong ibinagsak ang katawan ko sa aking malambot na kama. Muli nanaman akong napangiti nang maalala ko nanaman ang mga nangyari kanina. Ano ba 'tong emosyon ko? Pabago-bago! Unti-unting nagmulat ang aking mga mata. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako kanina. Mukhang maghapon akong nakatulog dahil madilim na sa labas. Bumangon ako upang buksan ang ilaw. Saglit lang akong nag-ayos. Hindi man lang ako ginising ni ina o kahit man lang ni Kristina. Binuksan ko na ang pinto ng aking silid upang bumaba patungong sala. Napakunot ang aking noo nang pagbukas ko ng pinto, ibang lugar ang bumungad sa'kin. Napakadilim at napakaraming puno. Nasa isa akong gubat? Anong nangyayari?! Napatingin ako sa aking paanan nang makaramdam ako ng init mula rito. Lalong nanlaki ang aking mata nang makitang umaapoy sa kinaroroonan ko. Humakbang ako pabalik sa aking silid pero may apoy pa rin. Labis na init at hapdi ang aking nadarama. Sobrang lakas na ng kabog ng aking dibdib. Nais kong sumigaw, pero tila walang lumalabas na kahit isang himig sa aking labi. Nilibot ko ang aking paningin. Paikot- ikot. Labis na akong pinag papawisan. Buong paligid ko ay nag-aapoy. Anong nangyayari?! Lalo na 'kong kinabahan nang umakyat ang apoy sa aking binti at ramdam ko ang init ng apoy na unti unting sinusunog ang aking mga binti. Hinahabol ko na ang aking hininga. Hindi ko alam. Ano bang nangyayari?! "Tulong!" Bigla akong napabangon mula sa aking higaan. Napahawak ako sa aking dibdib habang pilit hinahabol ang aking hininga. Panaginip. Panaginip lang pala. "Isabella, anong nangyari?" Biglang pumasok si ina sa aking silid na bakas ang pag-aalala. Agad siyang nagtungo sa aking kama. "Wala ina, nagkaroon lamang ako ng hindi magandang panaginip," sambit ko, nang medyo makahinga na 'ko ng maayos. Grabe parang totoo talaga ito. Ramdam na ramdam ko ang init at pawis na pawis rin ako ngayon. "Sigurado ka?" Tumango-tango naman ako sa tanong ni ina. Lumapit siya sa'kin at naupo sa aking kama. "Sabihin mo sa'kin. Anong nangyari sa iyong panaginip?" Napakunot ang aking noo. Kailan pa siya naging interesado sa mga panaginip ko? "Apoy, apoy ina. May sunog." Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang init na bumabalot sa aking katawan. Napakunot noo ako nang bigla siyang ngumiti. Kakaibang ngiti? Parang tuwang-tuwa pa siya na nagkaroon ako ng masamang panaginip. "Malapit nang magsimula." Misteryosong sambit neto na lalong nagpakunot sa aking noo. Napaatras ako palayo sa kanya nang bigla siyang tumawa at unti-unting nagbabago ang kanyang anyo. "Ina? Ina anong nangyayari?" Naiiyak na 'ko at kinakabahan. Patuloy lang siya sa pagtawa. "Lumayo ka sa'kin! Sino ka?! Anong ginawa mo sa aking ina?!" Kabang- kaba ako nang tuluyang nagbago ang kanyang anyo. Nanginginig ako. Gusto kong umalis sa kama at tumakbo, pero hindi ko magalaw ang aking mga paa. "Wala ka nang matatakbuhan. Sa oras na magsimula hindi na ito magtatapos." "Sino ka ba?!" sigaw ko, nang sabihin niya ang mga salitang 'yan kasabay nang pagkulog at pagkidlat. "Ako si Helenus, ang babaeng sisira ng lahi niyo!" "Layuan mo 'ko. Wala 'kong alam sa sinasabi mo. Lumayo ka sa'kin! Kristina! Ina! Asan kayo?!" "Isabella." "Ate." Biglang nagmulat ang aking mata at ramdam ko ang butil ng luha sa gilid nito. "Nananaginip ka lang." Mabilis akong bumangon at niyakap si ina. Sobrang bigat ng aking dibdib at sobrang bilis ng pintig ng aking puso. "Ate, ayos ka lang ba? Binabangungot ka. Ano bang nangyari sa iyong panaginip?" May pag-aalala sa boses ni Kristina. Pinipigilan ko rin ang luha ko. Sobrang nakakatakot ang itsura niya at pakiramdam ko parang totoo siya. Totoong-totoo siya sa aking panaginip. "Isang babae-- Sabi niya.. Siya raw ang sisira sa ating lahi. I-ina ano ang ibigsabihin no'n?" Tumingin ako kay ina na parang nagbago ang emosyon. Saglit siyang natahimik, bago muling tumingin sa'kin. "Walang ibig-sabihin iyon anak. Isa lamang iyon panaginip at hindi iyon totoo. Kalimutan mo nalang iyon." "Pero ina, pakiramdam ko totoo siya. Ina.. Natatakot po ako." Muli akong niyakap ni ina habang ramdam ko pa ang mga pawis na dumadaloy sa king noo. "Walang makakasira sa ating lahi Isabella. Hindi man natin naituloy ang titulo ng pagiging maharlika, maitutuloy naman natin ang ating angkan. Hindi totoo ang mga panaginip." Tumango nalang ako kay ina kahit na pakiramdam ko ay may ibig-sabihin talaga ang babaeng iyon sa aking panaginip. May nais siyang iparating at kung ano man 'yon, mukhang hindi ko ito ikakatuwa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD