Kabanata 4

3325 Words
Ngayon magkasama kami ni ginoong Mateo sa likod ng aming tahanan. Inutusan ako ni ina na ilibot ko raw siya dito sa amin nang matapos kaming kumain. Ewan ko ba kay ina, mga puno lang naman ang makikita rito sa bakuran namin. Hindi pa rin ako kumibo at nakayuko lang habang naglalakad, ramdam ko naman na nakasunod siya sa'kin. Nahihiya pa rin ako sa tuwing naaalala ko 'yong nangyari. Bakit pa kasi siya pumunta dito? "Nais ko sanang manghingi ng paumanhin dahil sa nangyari kagabi." Sa wakas nagkaroon ako ng lakas na magsalita pero nakatingin pa rin ako sa ibaba, pinagmamasdan ang maliliit na damo. "Ako nga ang dapat humingi ng tawad sa'yo. Pasensya na kagabi. Kung hindi sana kita pinigilang umalis baka hindi siguro nangyari ang pagsugod ng lalakeng iyon. Teka, bakit ganoon na lamang kung saktan ka ng iyong ama?" Huminto ako sa ilalim ng punong mangga at saka ko nakita sa gilid ng aking mga mata ang pag-tabi niya sa akin. "Wala kang kasalanan sa nangyari. Pasensya na muli. Ngayon pwede mo na 'kong iwan." Gusto ko rin kasing mapag-isa. Nailalabas ko lang kasi ang tunay kong nararamdaman pag mag-isa ako. "Hayaan mo muna sana akong samahan ka. Nakikita ko sa iyong mga mata na may problema at halatang- halatang umiyak ka," pangungulit niya. Gusto ko sana siyang tarayan pero naalala kong may atraso pa 'ko sa kanya. "Pakiusap ginoo, gusto ko munang mapag-isa." Ang bigat na ng mga mata ko at gusto ko nang muling lumuha. "Hindi mo naman kailangang mag-isa. Minsan mas maganda ring ipakita o ipahayag ang iyong tunay na nararamdaman kaysa sa kinikimkim mo 'yang mag isa." Sa wakas ay nagawa kong humarap sa kanya. Ngayon ko lang napansin na kakaiba na ang suot niya. Nakaputing damit na lamang ito na hanggang braso lang ang manggas at naka-salawal na kulay itim na lagpas ng kaunti sa kanyang tuhod. Aba himala naman at inayon niya na ang porma niya sa porma ng mga tao rito. "Bakit ba ang hirap mong pakiusapan? Bakit ba hindi na lang kasi si Anastasia ang pinuntahan mo? Paniguradong hindi ka niya matatanggihan," sambit ko, sabay upo sa may damuhan at nanatili pa ring nakayuko. "Kagabi pagkatapos ng inihandang pagdiriwang ni ama, tinanong ko kay Kriselda kung saan ka nakatira." Naramdaman ko ang pag-upo niya sa damuhan nang magtama ang aming mga balat sa tuhod habang nakatingin nalang muli ako sa kawalan. "Hindi ako mapakali at labis na nag-aalala. Pakiramdam ko'y may kasalanan rin ako kung bakit ka pinagmalupitan ng iyong amain at nang gabi ring iyon ay agad kitang pinuntahan ngunit sarado na ang inyong tahanan pero mas lalo akong nag-alala nang makarinig ako ng kalabog sa inyong taas at narinig ko ring sumigaw ang iyong ama. Hindi ko alam ang aking gagawin at nilalamon ako ng aking konsensya." Tumingin ako sa kanya, ngayon siya naman ang nakatingin sa kawalan. "Sinabi ko naman sa'yo, wala kang kasalanan. Hindi ka na sana nag-abala pang pumunta rito." Napaiwas ako ng tingin nang mag tama ang paningin namin nang ibalik niya ang tingin sa akin. "Pero alam kong may nangyayari pa ring mali. Mali ang ginawa sa'yo ng iyong ama. Kahit pa anak ka niya ay hindi niya dapat pinagbubuhatan ng kamay ang isang babae." Pilit akong tumawa. Hindi niya naman kasi ako anak. "May sarili siyang batas," tipid na sambit ko, habang muling nakatanaw sa mga punong sumasayaw sa hangin. "Bakit ba ganon nalang kung makasakit siya sa iyo?" Napasinghap ako. Wala na akong nagawa, sobrang bigat na rin naman talaga ng aking dinadala. Siguro tama ngang kahit isang tao lang ang makaalam. "Asawa siya ng aking ina." Hindi ko direktang sinabi na hindi ko siya tunay na ama. Siya na ang bahalang umintindi. "So kung gayon, siya ay iyong ama?" Paniniguro niya. Tumingin ako sa kanya at pilit na ngumiti. "Pa'no nga kaya kung siya ang tunay kong ama, sa tingin mo ba sasaktan niya pa rin ako ng ganoon?" Tanong ko, habang nakatingin sa kanya ngunit siya naman ang biglang umiwas ng tingin. Mukha namang naintindihan niya ang sinabi ko. "So kung gayon nasaan ang iyong tunay na ama?" Tumawa naman ako habang nakatingin lang siyang muli sa'kin. "Masyado ka atang maraming tanong ginoo." Nakita ko naman ang pagngiti niya na bahagyang may samang tawa. Hindi ko maipagkakaila, nakakaagaw pansin talaga ang matitingkad niyang ngiti. "Pasensya na, nadala lang ako ng aking kyuryosidad," sambit niya, habang nanatiling nakalabas ang ubod ng puti niyang mga ngipin. "Ayos lang iyon. Pero sa ngayon 'yan lang muna ang ipapaalam ko sa iyo. Mas mabuti nang limitado muna ang alam mo tungkol sa akin. Ngayon ikaw naman ang magkwento," masayang sambit ko. Medyo nalibang na 'ko sa pakikipag-usap sa kanya at ang kaninang mabigat sa aking dibdib ay bahagyang gumaan. "Ano ba ang nais mong malaman tungkol sa'kin?" tanong niya. Tumingin naman ako sa kawalan at napa-isip. Napangiti ako at muling napatingin sa kanya. "Kwentuhan mo nalang ako tungkol sa iyong buhay pag ibig." Baka sakaling may malaman ako tungkol sa kanyang buhay pag ibig at maikwento ito kay Anastasia. Natawa naman siya. Hindi ko naiwasan ang pagngiti nang makita siyang tumatawa. Napakaaliwalas ng kanyang mukha. Ngayon ko lang napansin ang medyo makapal at itim niyang buhok. Tanda ko kasi noong una ko siyang nakita ay may suot pa siyang sombrerong itim na mukhang galing pang ibang bansa. "Tahimik lang naman ang aking buhay pag-ibig." Nginitian ko siya nang nakakaloko. "Eh sino pala ang tinutukoy mong may iba kang iniibig at hindi ako ang babaeng iyon. Sino pala ang swerteng babaeng iyon?" Pag-usisa ko sabay tusok sa kanyang tagiliran. Tumatawa lang siya habang nakatingin sa kawalan. Mukhang wala siyang balak mag-salita. "Si Anastasia ba?" pag-uusisa ko. Nakita ko naman ang lalong pagliwanag ng mukha niya nang marinig ang pangalan ni Anastasia. Sabi na eh. Makakarating talaga 'to kay Anastasia. "Siya ay isang napakaganda at napakatalinong babae. Nasa kanya na ang lahat. Sino ba naman ang hindi hahanga sa kanyang taglay na kagandahan at mabuting ugali." Totoo naman ang sinabi niya. Maganda talaga si Anastasia at napakatalino pa, kung tutuusin ay nasa kanya na ang lahat at kung may kulang man 'yun ay si Mateo, pero hindi ko rin maitatanggi na minsan ay may nakakainis pa rin sa kanyang ugali. Dahil sa narinig ko ngayon paniguradong lalong lalakas ang loob ni Anastasia. Iniibig siya ni Mateo. Isa itong magandang balita para sa kanya. "Kung gayon, bakit hindi mo pa siya ligawan? Alam mo na rin naman siguro na may lihim rin siyang pagtingin sa iyo." Tumingin siya sa kawalan at ngumiti. "Maghintay ka lang. Malapit na," tipid na sambit neto. "Sus, baka kamo natotorpe ka lang," pang-aasar ko. Madali naman palang makagaanan ng loob itong si Mateo. "Ako, torpe? Hindi ah. Naghihintay lang ako ng tamang panahon," seryosong sambit niya, habang titig na titig sa aking mga mata. "Sus kailan naman ang tamang panahon na iyan?" Tinaasan ko siya ng kilay. "Ang kulit mo rin ah? Malapit na nga. Ikaw? Ikaw naman ang magbahagi ng iyong buhay pag-ibig. May iniibig na ba ang isang magandang binibini na si Isabella?" usisa niya, nang may kakaibang ngiti. Ngumisi naman ako. "Hindi uso sa'kin ang salitang 'yan." Tinignan naman niya ako nang masama, pero kahit sa masasama niyang tingin ay hindi pa rin naaalis ang kanyang pagkagwapo. "Sinasabi ko sa'yo Isabella, 'wag kang magsalita nang tapos. Balang-araw matututunan mo rin ang umibig," sambit neto. Umiwas naman ako ng tingin at nagkunwaring natatawa. "Hihintayin ko ang araw na 'yan ginoo," sarkastikong sambit ko. Ang dami na ngang sakit sa ulo sa aking buhay dadagdagan ko pa ba? Hindi ko na namalayan ang oras at marami rin kaming napag-usapan habang nandito pa rin sa ilalim ng manggahan "Masaya akong nakakwentuhan ka ngayon binibini," sambit niya, kasabay ng kanyang pagtayo. "Salamat nga pala, dahil sa'yo nakalimutan ko ang aking mga problema nang panandalia," nakangiting sambit ko. Inalok niya naman ang kanyang kamay upang tulungan akong tumayo. Malugod ko itong tinanggap. Nabilib ako sa lambot ng kamay niya, parang babae. "Wala iyon, masaya akong magkaroon ng kaibigang tulad mo." Pumameywang ako at tinaasan siya ng kilay. "At sino naman pong nag sabing magkaibigan na tayo?" Mas lalong lumawak ang kanyang ngiti. Inilagay niya ang isang daliri niya sa kilay kong nakataas at dahan dahan niya itong inusog pababa at ang dalawang daliri niya ay nilagay niya sa magkabilang gilid ng labi ko upang maikorte niya ito at pangitiin ako. "Hindi bagay sa isang tulad mo ang nagtataray binibini. Mas maganda ka pag ika'y nakangiti." Napaiwas ako sa tingin niya. Bigla akong nailang sa kanyang mga ngiti. "Hindi mo sinagot ang tanong ko. Sinong nag sabing magkaibigan na tayo?" Tumawa lang siya. "Halika. Sumama ka sakin at may pupuntahan tayo." Hinawakan niya ang pulso malapit sa aking kamay at hinatak ako papalabas sa aming bakuran. "Sa'n tayo pupunta?" takang tanong ko, habang patuloy niya akong hinahatak. "May gasera ba kayo riyan?" Hindi niya sinagot ang tanong ko. "Meron, bakit ba?" Ano namang naisip gawin neto at naghahanap siya ng gasera? "Basta, pahiram." Umirap nalang ako at saglit na bumalik sa aming bahay para kunin ang aming gasera dahil naman sa kanya ay nakalimutan kong sandali ang aking problema kaya pagbibigyan ko siyang hiramin eto. "Eto." Iniabot ko ito sa kanya na agad niya namang kinuha. Muli niya akong hinatak. Nahihilig na ang lalakeng ito sa panghahatak sa akin ah. "Mabuti nalang malapit lang iyon dito sa inyo. Madali lang lakarin." Narinig kong sabi niya habang patuloy sa paglalakad. Tinignan ko siya nang may buong pagtataka. "Saan ba tayo pupunta?" Hindi siya sumagot at nanatiling nakangiti habang diretsong nakatingin sa daan. Napailing-iling nalang ako. Napaatras ako nang makita kung saan kami papasok. "Teka, anong gagawin natin diyan?" Ngumiti siya. "Basta, sumunod ka lang sa'kin." Nanlaki ang mata ko. Balak niya 'kong dalhin sa isang napakalaking kweba. Hindi kaya may hindi siya magandang balak sa'kin? Pati ba naman siya. Napailing-iling ako bago siya talikuran. Hindi ako baboy na pwede nalang baboy-baboyin. "Sandali lang." Napahinto ako at napatingin sa kanya nang pigilan niya 'ko at hawakan ang aking kamay. Napatingin ako sa kamay kong hawak niya bago muling napatingin sa mukha niya. "Bitiwan mo 'ko." Marahas na sambit ko. Agad niya namang binitiwan ang kamay ko. "Pasensya na binibini--" Hindi ko na siya pinatapos. Nakakaramdam na 'ko ng kaba. Tinalikuran ko ulit siya pero mabilis niya ulit akong nahawakan. "Ano ba?!" Hindi sinasadyang mataasan ko siya ng boses. Sana nga mali ang iniisip ko pero kinakabahan talaga ako. "Alam ko kung ano ang iyong iniisip pero nagkakamali ka binibini. Wala akong balak na masama. Hindi naman ako mapagsamantala. May nais lang akong ipakita sa iyo." Sambit niya habang hawak pa rin ang aking kamay. Hinablot ko ang kamay ko sa kanya kahit napakagaan ng pakiramdam ang mga hawak niya sa kamay ko. "At bakit naman kita pagkakakatiwalaan ginoo?" tanong ko. Ipinapakita ko lang sa kanya na matapang ako kahit kinakabahan na talaga ako. "Kapatid ako ng iyong kaibigan. Anak ako ni Ginoong Quiñones na nagsisilbi rin sa ating bayan. Nag-aral ako sa Pransya upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Ngayon binibini sabihin mo sa'kin, hindi pa ba sapat na dahilan iyon upang ako'y iyong pagkatiwalaan?" Seryosong tanong niya. Agad naman akong napaisip. May mataas siyang pinag-aralan. Kilala rin siya sa aming bayan, pero kasalanan ko ba kung mangamba ako? Lalake pa rin siya. Tapos dadalhin niya 'ko sa isang madilim at malaking kweba? "Binibini?" Nabalik ako sa aking huwisyo nang mag salita siyang muli. Huminga ako nang malalim. Napupuno rin naman ng kyuryosidad ang aking utak. Ano nga bang nais niyang ipakita sa loob? "Sige na nga," napipilitang sambit ko. Muling bumalik ang ngiti niya at binuksan ang gasera. "Alam kong natatakot ka sa loob. Halika't kumapit ka sa'kin." Inalok niya ang kanyang kamay. Tinignan ko muna ito. Ilang sandali ay kumapit na rin ako sa kanyang kamay. Lihim akong napangiti. Parang babae talaga ang kamay niya sa lambot nito. Nagsimula na kaming maglakad papasok sa loob. Tanging gasera lang ang nag-bibigay liwanag sa loob. Siguraduhin niya lang talagang may ipapakita siya rito. Humigpit ang pagkakahawak ko sa kanya dahil sa aking kaba. Mukha namang naramdaman niya ito gayon din ang aking panginginig. "Huwag kang kabahan. Nandito lang naman ako." Narinig kong sambit niya. "Ay!" Napasigaw ako nang may gumapang sa aking paa. Napatalon ako at napakapit kay Mateo. Narinig ko naman ang pag tawa niya. Inalis ko ang kapit ko sa kanya at tinulak siya. Kasalanan niya 'to eh. Dinala dala niya 'ko dito. "Isa lamang iyong bububwit." Kinuha niyang muli ang kamay ko upang hawakan. Mabilis akong napayuko nang may biglang lumipad pasalubong sa'min. "Ano ba yan?! Ano ba kasing gagawin natin dito? Bakit--" "Shh.. Malapit na tayo." Napakunot ang aking noo nang may makita akong liwanag 'di kalayuan sa pwesto namin. "Eto na." Tumakbo siya habang hawak pa rin ang kamay ko kaya hatak-hatak niya 'ko ngayon. Napanganga ako nang makarating kami sa dulo ng kweba. May tanawin pa palang makikita sa dulo nito. Hindi ako makapaniwala. Ngayon lang ako nakakita ng ganito kagandang lugar. Nanatili lang akong nakatayo habang tinitignan ang kagandahan ng lugar. Mayroon palang liwanag sa dulo ng madilim na kweba. Napaka-aliwalas ng paligid. Napakaraming halaman. Ang dami ring mga paro-parong lumilipad. May malinis at mahabang ilog. Mga batong pwede mong upuan. Punong-puno ng iba't ibang klaseng bulaklak na kulay pula at dilaw. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Labis akong napahanga sa lugar na ito. Katapat ng isang ilog ang isang talon. Napakalinis ng tubig na bumabagsak rito. Naririnig ko rin ang ilang huni ng mga ibon. "Nagustuhan mo ba?" Napatingin ako kay Mateo na ngayon ay may malawak na ngiti. Napangiti rin ako sa kanya. "Sobra." Tipid na sambit ko. Wala talaga akong masabi. "Sabi naman sa'yo eh. Kumapit ka lang sa'kin at mag tiwala." Natatawang sambit niya. Doon ko lang napansin at naalala na hanggang ngayon ay nakahawak pa rin ako sa kanyang kamay. Mabilis rin akong bumitaw nang maalala ito. "Grabe. Ang ganda." Pag-iiba ko ng usapan at nagsimula akong maglakad upang libutin ang lugar. Inamoy ko ang mga pulang rosas na sobrang bango. "Ngayon lang ako nakakita ng ganto kagandang lugar." Hangang-hanga pa rin ako. Pati ang dampi ng simoy ng hangin sa aking balat ay napakasarap sa pakiramdam. "Pa'no mo nalaman ang lugar na ito?" Huminto ako at tumingin sa kanya. Nang maisip kung paano niya nadiskubre ang ganito kagandang lugar. Tumawa naman siya at naupo sa isang duyan. Lalo akong napangiti. Ngayon ko lang rin napansin na may dalawang duyan rin pala. 'Yung maliit na duyan na kasya lang ang isang tao kapag naupo. Lumapit ako at naupo sa isa pang duyan na katabi lang ng duyan na inuupuan niya. "Nung bata pa lamang ako mahilig akong mag-gala at magdiskubre ng mga bagong bagay at nang makita ko itong kwebang 'to napaisip ako at natanong sa aking sarili kung ano nga ba ang dulo nito, kaya sinubukan kong pumasok at eto ang narating ko. Ang kweba ng kapayapaan" Napatingin ako sa kanya. Nakatingin din naman siya sa'kin na tila ba sobrang saya. "Grabe. Ang ganda. Hindi kaya 'to alam ng ibang tao?" Manghang mangha pa rin ako. Nagkibit balikat naman siya. "Sa tingin ko, hindi. Kinabahan nga ako na sa pagbalik ko rito baka marami nang tao ang nakaka-alam neto. Mabuti nalang at wala pa rin pala talagang nakakadiskubre sa paraisiong ito. Sino ba namang taong maglalakas ng loob pumasok sa isang kweba." Natawa naman ako. "Edi si Mateo Quiñones," pabirong sambit ko na nagpatawa rin sa kanya. "Edi ikaw lang ang nakakaalam ng lugar na 'to?" Umiwas siya ng tingin at tumingin sa kawalan. "Hindi sana... Pero, sinubukan ko kasing dalhin dito si Anastasia." Nakita ko ang pag-iiba ng masaya niyang emosyon. "Oh bakit hindi mo siya dinala?" Ngumiti naman siya, pero 'yung ngiti niya na halatang pilit. "Sinubukan ko, pero ayaw niya eh. Kesyo natatakot daw siya. Pinilit ko na siya't lahat 'di pa rin siya pumayag. Duwag kasi 'yung babaeng 'yon. Pero gusto ko 'yung pagkaduwag niya. Para sa'kin nakikita ko pa rin siyang kaakit-akit kahit natatakot," nakangiting sambit neto. Tumango-tango naman ako nang may ngiti. Totoo naman eh. Matapang siyang tumakas sa mga magulang niya tuwing hating gabi, pero takot at duwag siya sa mga multo at sa mga kakaibang lugar. Takot sa multo pero gala sa gabi. Ano kaya 'yon? Sa aming tatlo nila Kriselda ako lang ata talaga 'yung pinaka mahilig sa mga bagong kaalaman at sa mga nakakatakot na lugar. Ewan ko. Basta mahilig ako sa mga gano'n. Siguro 'yun lang kasi talaga 'yung nakapagbibigay kaligayahan sa'kin bukod sa mga kaibigan ko. "At dito mismo sa duyan na 'to. Dito mismo sana ako magtatapat sa kanya bago ako umalis noon patungong Pransya kaso nang umaga ring iyon ay hindi siya nakarating sa aming napag-kasunduang pagkikita. Naiintindihan ko naman dahil nagkaroon ng biglaang hindi magandang pangyayari." Nakatingin pa rin siya sa kawalan habang nagkekwento. "Ibig-sabihin ba nito ikaw lang ang gumawa ng mga duyang ito?" Bigla naman siyang tumawa. Aba't ang gulo ng lalakeng 'to ha. Pabago- bago ng emosyon. "Sino pa bang gagawa niyan kundi ako lang," natatawang sambit neto. "Eto naman nagtatanong lang." Inirapan ko siya. Aba't pagtawanan ba naman ako. "Eto kamo. Ang hirap mo talagang biruin binibini." Biro na ba 'yon sa kanya? "Bakit mo nga pala ako dinala rito?. Tanong ko. Dahil nakapagtataka rin naman. Marahil eto na nga ang pinakamahalagang lugar sa kanya para ipaalam lamang sa'kin. "Dahil gusto kong ipakita sa'yo na pagkatapos ng dilim. Kahit gaano pa kahaba ang dilim na 'yan sa dulo ng dilim may liwanag. Isang napakagandang liwanag," nakangiting sambit niya, at hindi ko na rin namalayan na nakatitig na pala ako sa maamo niyang ngiti at gano'n rin siya sa'kin. Ngumiti lang ako. Hindi ko alam kung paano ko maipapakita ang pasasalamat ko sa kanya. Labis niya akong napasaya ngayong araw na 'to. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko, kahit papaano eh nakalimutan ko 'yung mga pangbababoy na ginagawa sa'kin. "Ikaw ang pinakaunang babaeng dinala ko rito, kahit si Kriselda ay hindi rin alam ang lugar na ito. Dito ang paborito kong lugar noon hanggang ngayon at dito ang tambayan ko tuwing may problema ako noong binatilyo pa lamang ako at paniguradong ngayon muli na nagbalik na ako." Kung gayon kaming dalawa lang talaga ang may alam nito? Maaari ko kaya 'tong i-kwento kay Anastasia o kay Kriselda? "At gaya nga ng sinabi ko kanina. Kaibigan na kita at dahil magkaibigan na tayo binibigyan na kita ng pahintulot na pumunta sa lugar na ito kahit anong oras mo gusto, sa tuwing malungkot ka pumunta ka lang rito kahit wala ako, pero sana ma-ipangako mo na tayong dalawa lang muna ang makaka-alam nito. Mahirap na kasi pagkumalat ito sa ating baryo. Paniguradong susugod ang mga tao rito. Ang ilan pa namang tao ngayon ay hindi na marunong mag-alaga ng kapaligiran. Ayokong pati ang napakagandang lugar na ito ay masira rin." Nakangiti lang ako. Hindi ko alam ang dapat kong sabihin. "Salamat ha. Hindi mo alam kung gano mo 'ko napasaya ngayon. Maraming salamat talaga. Ikinagagalak kong maging kaibigan ang isang tulad mo ginoong Mateo Quiñones." Lumawak naman ang ngiti niya. Nakatingin lang siya sa'kin at tanaw na tanaw ko ang mala anghel niyang mukha. "Mateo nalang. Labis mo rin akong napasaya ngayong araw Belle. Masaya akong nagtiwala ka at sumama sa akin dito kahit na kadiliman ang sumalubong sa'tin patungo rito." Napakunot ang aking noo, tama ba ang narinig ko? "Anong Belle?" Natatawang sambit ko. "Isabella ang aking pangalan, hindi Belle." Nakatitig pa rin siya sa akin at aaminin ko na medyo naiilang na ako. Nakita ko ang kanyang pagtawa. "Belle, sa Pransya ang ibig-sabihin ng Belle ay maganda. Isabella, Belle, bagay na bagay sa pangalan mo." Tumawa naman ako. Minsan talaga matamis ang lalakeng ito. "Ewan ko sa'yo ginoo." Pailing-iling na sagot ko. Lalo nanaman siyang tumawa. Masyadong masayahin ang lalakeng ito ah. "Basta, salamat at nagtiwala ka sa'kin at pinagbigyan ako binibining Isabella." Binigyan ko siya ng matamis na ngiti. "Wala 'yon. Higit pa do'n ang kaligayahang na-idulot mo sa'kin. Hindi ko alam kung pa'no ko maipapakita ang malaking pasasalamat ko sa iyo." Hindi ko na rin ata namamalayan at nagiging komportable na akong tumingin sa magaganda niyang mga mata. "Hindi mo na kailangang ipakita Isabella, Minsan hindi naman natin kailangang ipakita kailangan lang nating iparamdam." Napaiwas ako sa kanyang tingin. Ewan ko ba, kahit pakiramdam ko'y komportable na ako ay minsan bigla nalang akong naiilang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD