Gumising ako ng maaga. Hindi na 'ko gaanong nagluto, hindi naman siya masyadong kumakain at aswang yata siya.
Tumungo ako sa labas ng k'warto niya. Naro'n na 'yong mga lalabhan kong sapin niya. Ang dami naman nito, ang bibigat pa! Binuhat ko 'yong pitong magkakapatong na bed sheet, at kung ilang kumot.
Sa likurang bahay ako maglalaba para diretso sampayan na.
Nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa kaya ibinaba ko muna 'yong mga hawak ko sa isang gilid.
"Restricted number?" Sinagot ko 'yon.
"Hey, Yuks!"
"Hey...?" parang ewan lang na sagot ko na patanong din.
"It's Ruki," tila naman siya lamig na lamig. Nasa loob ba siya ng ref?
"Ruki Aihara? Iyong lead guitarist ng GZ, twenty-two years old, silent type, favourite color ang Marine Blue and Silver?!"
Narinig kong tumawa siya sa kabilang linya.
"Yeah. You're really something Yuki, thank you for making me smile."
Gandang-ganda na naman ako sa sarili ko.
"I just wanna ask you somethin', what do you prefer, chocolates or stuffed toy? Or what?"
"P'wedeng ikaw na lang, yummy ka naman, e," biro ko. Kinikilig na naman ako. Itong si Ruki, ginagawa akong two-timer, e!
Nagkaroon pa kami ng ibang conversation. Nasa Japan pala siya dahil may biglaan siyang inasikaso. Nagmamaganda pa 'ko kung paano niya nakuha number ko, naalala ko, ibinigay ko nga pala 'yon sa kanya nang makausap ko pa siya bago sila umalis tatlo.
Nauna ko pang nakuha ang number niya kesa kay Claude.
Nang matapos 'yon, binalikan ko 'yong mga lalabhan ko nang makita ko na may dugo ang nasa unahan no'n. Kaya nagmadali akong buklatin 'yon.
"Hindi naman niya 'ko na virginan kagabi, imposibleng sa 'kin 'to!” Pero dahil mukhang gano'n din 'yong sumunod, lalo 'kong nagtaka.
Bakit may mga dugo sila? Isang beses lang naman na pumunta si Suzy rito, ano 'yon laging virgin? O' marami siyang biniktimang babae no'ng wala pa 'ko?
Habang nasa washing machine 'yon, kinukusot ko pa sila. Habang malalim akong nag-iiisip ako kung bakit may dugo ang mga sapin niya.
Kung tanungin ko na lang kaya siya?
"Yuki, hindi sa lahat ng pagkakataon maganda ang maging pala-tanong." Kastigo ko sa sarili.
Nang matapos ako, tinawagan ako ni mama. Nag-usap kami tungkol sa trabaho ko, maayos lang ako rito ang sabi ko at madali ang mga gawain, maliban sa nasa poder ako ni Claude, baka isipin ng nanay ko, naloloka na 'ko. Walang maniniwala!
Ginawa ko lahat ng gawaing bahay. Nakaligo na rin ako at nakapagpalit ng makita kong bumaba si Claude, siguro, 2:00 pm na 'yon. Nakakatagal siya sa loob ng k'warto niya, pero mukha pa nga siyang puyat imbis na nasobrahan sa pagtulog.
"Kakain ka na, babe?" tanong ko, siyempre, hindi ko nakalimutan na boyfriend ko siya, sa loob ng bahay nga lang.
Hindi naman niya 'ko pinansin. Kaliligo niya lang rin, ang bango-bango na naman ng babe ko. Nagbukas siya ng TV at palipat-lipat, ilang minuto niya 'yong ginawa, kaya naman napapakunot ang noo ko, nagkunwari na lang ako na nagwawalis.
Nang ibaba niya 'yong remote sa music channel 'yon nahinto. Napansin ko na naman 'yong benda sa kamay niya. At ngayon, may dugo akong napansin na nakabakat sa ibabang bahagi non.
Kinagat ko na lang 'yong dila ko kesa magtanong.
Kahit paano, nakakasanayan ko naman talaga 'yong mood swing niya. Hindi na lang ako gaano nagsasalita kapag ganito siya, kahit gusto ko siyang i-cheer-up, tingin ko kasi privacy ang kailangan niya at hindi kausap.
Pumunta 'ko sa kusina at ipinaghanda ko na lang siya ng kape. Pareho naman kaming kahit anong oras nagkakape, sa lamig ba naman ng bahay na 'to.
May benda siya, dumudugo ang bahaging 'yon ng braso niya, may dugo sa mga sapin niya, wala naman siyang kasama sa k'warto niya.
Ipinilig ko na lang ang ulo ko, bago pa 'yon manakit nang husto.
Naglapag ako ng kape sa harapan niya. Tiningala niya 'ko kaya nginitian ko siya kahit gusto kong mangiwi, dahil wala man lang siyang pagngiti.
Hinila niya 'ko paupo, nagitla ako dahil nahiga siya sa mga binti ko. Tinakpan niya ang mukha niya ng throw pillow.
Kung iyon kaya ang hinigaan niya at hindi ang binti ko?
"Mabait pala si Ruki, 'no? Akala ko kasi pareho kayong mailap, dahil mas madalas lang na may interaction sa mga fans sila Blue at Takie, pero parang mas masungit yata si Takie." Pagbubukas ko ng pag-uusapan. Ayokong napapanisan ng laway.
"Ruki is not as good as you think he is." Mahinang tugon niya.
"Sinisiraan mo siya!"
"No, sasabihin niya rin 'yon sa 'yo kapag sinabi mong mabait siya."
"Alisin mo nga 'yan!"
Inalis ko 'yong throw pillow sa mukha niya, pero gusto kong ibalik dahil kumabog nang husto ang puso ko dahil sa titig niya.
"Do you like Ruki?" matiim ang titig niya sa 'kin.
"Like? Oo—"
Bumangon siya kaya muntik na kaming magkauntugan dahil nga nakatungo 'ko sa kanya.
Nang makabangon siya hinawakan niya ang pisngi ko, "You're mine, that's considered cheating." Bumalik na naman siya sa pagiging childish niya.
"Like 'yon, Claude. Okay? Kung papipiliin siyempre ikaw ang aasawahin ko," kinindatan ko siya. Mas gusto ko siya na ganito, maingay kesa tahimik.
Kapag tahimik, p'wedeng maraming gumugulo sa isipan niya. At masyadong komplikado para sa 'kin na magsalita.
Naramdaman ko no'ng bumagsak ako sa board exam na kahit sinasabi nilang lahat na 'Ayos lang 'yan' mas lalo lang akong nasasaktan. No matter how good their words and intention is, mas gusto ko muna ng privacy kesa ng comfort.
Natuto rin naman akong magsalita ng kusa matapos ang ilang araw, doon ko na gusto ng comfort, iyong handa na 'kong i let go 'yong pain and disappointment na nararamdaman ko para sa sarili ko.
Simula no'n, natuto akong maghintay sa sasabihin ng iba kesa magsalita. Iyong madali lang sabihin dahil wala ka sa sitwasyon, minsan nakakasakit pa 'yon sa iba kahit pa sabihin mo na gusto mo lang naman siyang tulungan.
Hindi 'yong madali para sa 'yo, ay madali rin para sa iba.
Iyong mga pasa ni Suzy, iyong dugo sa mga sapin, iyong dugo rin at benda sa braso niya, nag-aalala 'ko sa kanya pero naro'n din 'yong pag-iingat ko dahil baka malalim ang pinanggagalingan ng mga nakikita ko.
"Akala ko hindi ka kumakain sa bahay?"
Nagluluto ako ng ampalaya nang mapansin ko nga na nasa likuran ko siya. Nagugutom daw siya.
Hindi siya sumagot, nang lingunin ko siya nakatitig siya sa 'kin habang umiinom siya ng tubig sa baso.
Nag-iwas ako nang tingin. Ano bang problema niya?! Ang sama niya tumingin? Pinagbabalakan niya ba 'kong gawan ng masama? Saka, sa peripheral vision ko umiinom pa rin siya. Ano bang laman ng baso na 'yon, galon-galon?!
"You'll die, if you cheated on me, Snow."
Akala mo nasa horror film kami kung makapag-wordings naman 'to!
Teka, kung GF pala niya ko rito sa bahay, edi kapag narito 'yung Suzybels na 'yon, hindi sila at ako 'di ba?
P'wede ko siyang sipain palabas?
Ako ang girlfriend niya sa bahay, at ito ang teritoryo ko, ha-ha-ha!
**
Nag stram ng guitar si Claude nang makababa ako sa hagdanan. Hating-gabi na, umalis siya kanina dahil may photoshoots sila. Natulog naman ako no'n at kagigising ko nga lang.
"Kumain ka na?" nilapitan ko siya para tinmgnan kung ano 'yong mga nakakakalat sa paligid niya. Mga poster 'yon kung saan pumipirma siya.
"Pahingi ako nang isa niyan!"
"Water."
Nahinto 'yong paghawak ko dahil sa utos niya.
Sinunod ko naman siya at nang bumalik ako, inilapag ko sa harapan niya ang hinihingi niyang malamig na tubig. Buti hindi nasisira ang boses niya sa kaiinom ng malamig.
Nakaupo siya sa carpet habang nakakalat 'yong limang pentelpen sa glass table. At basta niya lang inihahagis 'yong mga pinipirmahan niya. Inayos ko nga 'yon at pinagpantay-pantay ko saka ko ni-roll, pero siniguro kong may mga pirma lang.
Natutuwa ako nang makita ko siyang inis na ibinaba 'yong gitara niya at nagsimula na naman pumirma. Kayang-kaya ko 'yong pirma niya dahil ginawa ko nang pauli-ulit 'yon. Tila bagot na bagot siya sa ginagawa.
Iyong letter E ng pangalan niya ang pagsisimulan ng pirma niyang may star sa dulo.
"Why do I need to do this?!" biglang lakas ng boses niya.
Nagulat naman ako kaya muntik na 'kong mapatalon mua sa pagkakatuwad ko sa pagtitig sa ginagawa niya.
"Chill, babe!"
Masamang tingin ang ibinaling niya sa 'kin.
"Tulungan kita gusto mo?" ngiti ko sa kanya.
"As if." Iritableng 'tinuloy niya 'yon.
"Ako na ang pipirma," Sorry fans, napapagod na si babe!
Naupo ako sa tabi niya at dama ko ang pagkakadikit namin.
Nang ininom niya ang tubig sa baso, sinimulan kong sulatan ang isa ro'n. Mabagal ako kasi nga mas sanay siya sa pirma niya.
"What do you think?" pakita ko sa poster.
"Nice," puri niya na nakapagpatuwa sa 'kin.
"Gawin mo lahat 'yan, then I'll pay you later," ngiti pa niya.
P'wede bang kiss sa abs mo ang hingin ko?
"Kantahan mo na lang ako, kung hindi di kita tutulungan ang dami kaya nito 'no," reklamo ko sa boyfriend ko. Yes, boyfriend ko.
Wala naman siyang reklamo at kinuha niya ang gitara sa tabi niya. Maya-maya lang magkasalo na ang tugtog ng gitara at ang boses niya na kumakanta ng Airplane ni Hayley Williams.
Can we pretend that airplanes
In the night sky
Are like shooting stars
I could really use a wish right now (wish right now, wish right now)
Can we pretend that airplanes
In the night sky
Are like shooting stars
I could really use a wish right now (wish right now, wish right now)
Kinikilig ako, tinitingnan niya pa 'ko habang kumakanta kaya naman may pa ayos-ayos pa 'ko ng buhok at pa beautiful eyes sa kanya na ikinagingiti niya at ikinaiiling.
Matapos 'yon umakyat na siya at nagpakasarap sa pagtulog. Ilang oras kong ginawa 'to malay ko bang napakarami pala nito, hindi ko nakita ang mga paper bags na malalaki pa.
Naibagsak ko na lang ang ulo ko sa glass table. Nakatulog ako sa sobrang pagod at pamamanhid ng kamay, bala siya magluto ng kakainin n'yang ibon siya. Matuwa nga siya at 'di siya napuyat.
Kung malalaman 'to ng mga fans, siguradong kukuyugin nila 'ko. Pero mapagmahal na girlfriend lang naman ako, at gusto ko siyang makapagpahinga na. Dapat minsan isinasaalang-alang din 'yong mga katulad ni Claude, busy na nga sila, sandamakmak na trabaho pa ang ibibigay.
Umaga na nang matulog ako at umaga pa rin naman ng nagising ako. Nangiti ako nang magising ako na may kumot na, si Claude naglagay nito. Alangan naman multo 'di ba? Kinikilig agad ako, ang aga-aga.
Nakarinig ako ng mga busina kaya inilagay ko muna sa sofa 'yong kumot at lumabas. Hindi na 'ko nag-abalang mag-ayos dahil baka nagmamadali na naman 'yong lalaking 'yon.
Ibinaba niya 'yong salamin ng sasakyan niya at nginitian ako.
Gulo-gulo 'yong buhok ko, kaya siguro ngiting-ngiti ang lokong 'to.
"Tara sa studio, entertain me, there."
Narinig kong nag-start na siya ng engine.
"Faster."
Pumasok na 'ko sa passenger seat, katabi niya.
Inalis ko 'yong ipit ko para ayusin 'yong buhok ko. Huminga rin ako sa palad ko para maamoy kung mabaho 'yon, hindi naman.
"Ang hilig mo sa mukha kang ensaymada."
Nilingon ko si Claude at ngingisi-ngisi siya.
"Sigurado ka ba na dadalhin mo 'ko do'n? Baka madiscover ako, 'kaw rin, mawawalan ka ng magandang girlfriend," ngiti ko sa kanya.
Namalikmata ba 'ko na nagulat siya at bahagyang namula.
"Ang sakit ng kamay ko, napagod talaga 'ko. Libre mo naman ako kahit ice cream at fries lang," hinila ko siya sa sleeve niya at para 'kong batang naka-pouted lips.
Tumango siya kaya tuwang-tuwa naman ako.
"Yes naman," hinalikan ko siya sa pisngi, chansing!
Dumaan kami sa Drive-thru, hinayaan niya 'kong bilhin ang gusto ko at umayaw naman siya nang itanong ko kung ano ang kanya. Dinamihan ko na dahil libre.
"Eat," on our way na uli kami sa studio.
Tinatanggihan niya 'yong fries, ilang beses siyang umiling at tinabig ang kamay ko. Sa inis ko, halos isupalpal ko na 'yon sa bibig niya kaya inis man, napilitan naman siyang ngumanga.
"Yummy?" natutuwa ko habang minamasdan ko siyang ngumuya.
"Masarap 'tong ice cream, tikman mo, dali." Dinidikit ko sa bibig niya 'yong plastic spoon.
"I don't like sweets,"
"Tikman mo muna, dali na." Inulit ko 'yon pero ayaw talaga niya.
Kumain na lang mag-isa. Nang may itatanong ako sakto na nasa bibig ko pa 'yong spoon at nakatingin siya sa 'kin.
"Gusto mo?"nag scoop ako ng ice cream at susubuan ko siya pero umayaw na naman siya kaya sa 'kin ko na lang isinubo. Pero biglang lumapit ang mukha niya sa 'kin at hinalikan ako.
Kaagad ko siyang 'tinulak, baka maaksidente kami!
"It tasted good in your mouth."
Hindi ko siya pinansin, kinikilig na 'ko nang sobra. Pakiramdam ko talaga nai-inlove ako sa demonyong 'to. Kahit iilan lang naman ang magandang ipinakita niya sa 'kin, pero mukhang nahuhulog ako, peste naman.
Nang dumating kami sa parking lot, nauna 'kong bumaba. Pero tinignan niya 'kong maigi mula ulo hanggang paa nang naglalakad kami.
"Hintayin mo na lang ako, 'wag ka ng sumama." Inihagis niya 'yong susi sa 'kin.
"Ano?!"
Hindi niya 'ko pinansin, nilapitan na siya ng tatlong men in black. Ano bang problema sa suot ko? Naka-Tee-shirt naman ako, at naka-white short. Ang sexy ko nga tingnan dahil fitted ang Tee-Shirt ko, at kitang-kita ang tambok ng behind ko. Maganda rin naman ako. So, anong problema niya? Hindi naman ako mukhang 'di naligo, hindi rin naman ako amoy pawis?
Bumalik na nga lang ako sa loob. Ibinaba ko 'yong bintana para may sariwang hangin naman akong malasap. Binuksan ko 'yong sound sa sasakyan habang kumakain naman ako ng burger.
Naiwan niya ang cellphone niya kaya dinampot ko 'yon sa dashboard.
Ibinaba ko ang kinakain ko at tiningnan kung ano ang wallpaper niya at 'yung guitar niya lang 'yon na kulay itim na may nakaukit na Claude.
Nangiti ako na medyo nagulat na walang password ang cellphone niya kaya naman luminga-linga ako sa paligid ko.
Oo na pakialamera na!
Una kong dinalaw ang videos niya – may mga bastos siguro dito. Pagbukas ko wala naman akong nakita kundi si Spongebob! Ano ba pati ba naman dito Spongebob, ikaw pa rin?!
Pumunta ko sa gallery niya at puro lang instrument wala man lang siyang picture? Kanya ba talaga 'tong cellphone o ninakaw niya lang? Pero sa isang folder na 'Baka' ang name. Nakita ko 'yong picture ko na nakanguso at nakapikit. Kainis!
Kinuha ko ang cellphone ko at pinasahan ko siya ng naggagandahang pictures ko, pinili ko 'yung sexy ako wearing my silky red dress habang curly ang hair ko, ito 'yung umattend ako sa birthday ng isa sa kaklase ko at maraming gandang-ganda sa 'kin. Well, maganda naman kasi talaga 'ko.
Naisipan ko rin i-missed call ang cellphone ko gamit ang cellphone niya and gotcha! Nakuha ko na ang number niya. I saved my number sa contact niya, name—Yuki, Babe with heart-heart.
Siguro isang oras siya do'n bago ko makita na palabas siya at pinagigitnaan ng mga men in black.
Sumakay siya sa sasakyan without even saying thank you sa mga naghatid sa kanya?
"Thank you, machos!" ako na lang nagpasalamat.
Sinamaan na naman niya 'ko nang tingin.
"Pupuntahan ko si dad, nasa bahay si Blue kaya ihahatid na kita ro'n."
"Sa grocery mo 'ko ibaba, pahingi na rin ng budget para makapagluto ako." Makakausap ko na si Blue, sana pumayag siyang magpa-picture!
"With that short?" tumaas ang kilay niya.
"Bakit? Ang sexy ko naman dito, ah?" Problema niya! Hindi naman pangit, malinis naman.
"Hayaan mo na si Blue ang um-order ng kakainin ninyo, I'm sure mas gusto niya ang pizza."
"Okay, babe!"