Muling Pagtatagpo
NAKANGITI kong pinagmasdan ang langit at ang araw na siguro kalahating oras mula ngayon ay lulubog na. Isinandal ko ang sarili sa puno at ipinikit ang mga mata ko. Ang malakas na hangin na humahampas sa mga puno at ang pag-iingay ng mga ibon ay nagbibigay kapayapaan sa akin.
Kahit nakakapagod pumanhik sa burol dahil sa tarik ng daan, madalas sa isang buwan akong pumapanhik dito upang pagmasdan ang isa sa pinakapaborito kong tanawin dito sa Isabela.
Nagmulat ako nang maringgan ang yapak ng kung sino. Luminga ako sa pinanggagalingan ng ingay at napanganga nang makita ang lalaking isang linggo na nang huli kong makita. Abala ang mga mata niya sa pag-ikot ng tingin sa paligid at mukhang hindi niya pa ako napapansin.
Pinagmasdan ko siya at kahit na simpleng v-neck shirt na pinaresan ng cargo short ang suot niya hindi pa rin no’n maialis ang tila mataas na posisyon niya sa buhay. Sa kutis at ayos na meron siya, natitiyak kong hindi pareho ang antas ng pamumuhay namin.
Lumalim ang gatla sa noo ko nang matitigan siya, tila nabawasan ang timbang niya. Nanlalalim ang mga mata niya at wala ang sigla sa mga ‘yon.
“Oh? Cons?”
Napapitlag ako sa gulat sa biglaan niyang pagsasalita at gusto kong sabunutan ang sarili ko dahil lumipad na naman kung saan ang utak ko at hindi napansin ang paglapit niya sa akin.
Tumikhim ako at umayos ng upo binigyan siya ng tabinging ngiti.
Tumawa siya. “Nag-he-hesitate akong pumanhik nang madaanan ko ang burol na ‘to, buti na lang at naisipan kong pumanik. Kanina ka pa dito?” tanong niya. Humakbang siyang muli ngunit huminto at tiningnan ang tabi ko tila humihingi ng permisong maupo roon.
Natagpuan ko ang sariling umuurong at binibigyan siya ng espasyo para makaupo. Agad siyang tumalima at naupo roon.
“Mga isang oras na mahigit.”
“Ang ganda pala dito.”
Nilingon ko siya at napalunok nang makitang nakatitig siya sa akin. Iniwas ko ang mga mata sa kanya at ibinaling ang tingin sa langit.
“Tunay na maganda talaga dito.” Napangiti ako at minasdan ang puno ilang dipa ang layo sa amin.
Ang batang ako kasama ang magulang ko ang nakita ko roon. Naglaho ang ngiti sa labi ko sa alaalang iyon.
“It’s a perfect place for couple. Dito ba kayo tumatambay ng boyfriend mo?”
Agad ko siyang hinarap at inilingan. “Wala akong boyfriend.”
“Good.”
“Huh?” kunot-noo kong tanong sa kanya nang hindi maintindihan ang sinabi niya.
“I mean your ex-boyfriend?”
Umiling muli ako. “Wala pa akong nagiging boyfriend.”
Umawang ang labi niya kalaunan ay tumango-tangong ngumiti pero napatakip siya sa bibig niya nang magkakasunod siyang umubo.
Inabot ko ang tubig na hindi ko pa nababawasan at ang maliit na cup noon. Ipinagsalin ko siya at inabutan.
“Malinis ‘yan,” saad ko nang tingnan niya lang iyon.
Dali-dali niya iyong tinanggap at inisang lagok. “C-can I have some more?”
Muli ko siyang binigyan at mabilis niya ulit iyong naubos.
“Ayos ka lang ba?” Hindi ko na natiis itanong.
Napahawak siya sa batok at tumango. “Onting ubo lang.”
“Sa tunog na meron ang ubo mo, mukhang hindi lang ‘yan onti.” Minasdan ko siya at napansin ang pamumutla niya. Wala sa loob na umangat ang palad ko at idinampi iyon sa noo niya. “Mainit ka.”
Nang hindi siya sumagot ay bumaba ang tingin ko sa mga mata niya at nakitaan ko ng gulat iyon marahil sa ginawa ko. Napapahiyang ibinaba ko ang kamay ko at tumikhim.
“Pasensya na–”
“I got sick…or should I say, I’m still sick?”
Napasimangot ako at hinarap siya. “May sakit ka pala, bakit ka pa gumala imbes na pumunta ng ospital?”
“Naulanan kasi ako noong hinanap kita. You see, I’m not really a fan of rain. Madali kasi akong magkasakit maulanan lang.”
“E-eh bakit mo pa kasi ako hinanap?” Napakamot ako sa pisngi dahil sa tono ng pananalita niya parang kasalanan ko pa kung bakit siya may sakit.
“Are you guilty?”
Umawang ang labi ko sa naging tanong niya. “Bakit ako magi-guilty? Wala akong kasalanan kung naulanan ka–” Nahinto ako sa pagsasalita nang sunod-sunod muli siyang umubo.
“Mabuti pa magpa-check up ka na, hindi maganda ang tunog ng ubo mo.”
“Hindi ko alam kung saan ang hospital–”
“Sasamahan na kita tutal kasalanan ko hindi ba?” May sarkasmo sa boses kong putol sa kanya.
Tumayo ako at pinagpag ang suot kong tokong. Pagtingin ko sa kanya ay ayon na naman ngiti niyang lumalabas ang biloy sa magkabilang pisngi.
Ang gwapo niya talaga–
“Ngingiti ka na lang ba diyan?” masungit kong tanong sa kanya pinuputol ang kung anumang tumatakbo sa isip ko habang nakatingin sa kanya.
Tumawa siya at tumayo na.
“Dapat nagpahinga ka na lang, imbes na mamasyal pa dito sa burol ganyang may sakit ka pala,” hindi ko maiwasang sermon sa kanya habang naglalakad kami pababa.
“Nadaanan ko ang lugar na ‘to, must be destiny why I decided na pumanik.”
Nilingon ko siya. “Destiny–”
“Ma’am Cons!”
Muntikan pa akong madulas sa gulat sa sumigaw ng pangalan ko kung hindi maagap na nahawakan ni Alas ang braso ko para maalalayan ako.
“Are you okay?”
Tumango ako at binalingan ng tingin ang mga batang papalapit sa akin pinangungunahan ni Noemi na siyang estudyante ko nang nakaraang taon.
Ang mga tingin nila ay nasa direksyon ni Alas na kapit pa rin ang braso ko. Pasimple kong hinila iyon at sinalubong na sila Noemi.
“Noemi, papalubog na ang araw, anong ginagawa nyo rito?”
Binalingan niya ako ng tingin at inangat ang supot na dala-dala. “Mangunguha lang kami ng mangga, Ma’am Cons. Saglit lang naman po kami.”
“Ganoon ba, o siya mag-iingat kayo at huwag nang magpapadilim pa.”
Tumango siya pero sumulyap sa tabi ko. “Boyfriend nyo po ba siya, Ma’am Cons? Kaya ba ayaw nyo kay Kuya Caloy ko?”
Namilog ang mga mata ko sa sinabi ni Noemi at napatingin kay Alas na natawa. Tumikhim ako at hinaplos ang ulo ni Noemi.
“Hindi ko siya boyfriend, ikaw talaga Noemi.”
“Kung ganoon Ma’am Cons, may pag-asa po ba si Kuya Ernest ko sa inyo?” sabat naman ni Pinang.
Pilit akong tumawa at umiling. “Kayo talagang mga bata, masyado pa kayong bata para sa ganyan. Sige na at pumanhik na kayo’t baka abutin pa kayo ng gabi,” pag-iwas ko sa mga tanong nila.
Ramdam ko ang pag-iinit ng magkabilang pisngi ko habang tahimik na kaming naglakad pababa ni Alas.
“So…sino si Caloy at Ernest?” tanong niya nang malapit na kami sa baba.
Natigilan ako. “Ah, mga Kuya nila Noemi at Pinang. Mga estudyante ko sila nang nakaraang taon. Ang mga Kuya naman nila ay kaklase ko no’ng highschool. Mga kababata ko.”
“Are they courting you?”
Umiling ako. “Hindi na.”
“Na? So nanligaw sila sa ‘yo noon?”
Tumango ako at iniwas na ang tingin sa kanya. Muli na naman siyang may sinabi na hindi umabot sa pandinig ko kaya napailing na lang ako.
***
SA Klinika Villagracia ko dinala si Alas imbes na sa hospital pa na halos isang oras ang layo mula sa bahay.
Dahil hapon na ay wala na halos pasyente sa klinika. Agad na lumapit sa akin ni Thalia na anak ni Doctor Villagracia na siyang Ninong ko.
“Ate Cons, may sakit ka ba–oh,” naputol ang sasabihin niya nang makita ang kasama ko. Umawang ang labi niya at pinagpalit ang tingin sa amin.
“May pasyente ba ang Ninong?” tanong ko sa kanya.
Tumikhim siya at umiling. “Wala, nandoon si Kuya Thomas sa loob sinesermonan ni Daddy,” bungisngis ni Thalia tinutukoy ang malapit kong kaibigan na si Thomas.
Napailing ako.
Ano na naman kayang ginawa ng loko na ‘yon?
“Ikaw ba ang magpapa-check up, Ate Cons?”
Umiling ako at sinulyapan si Alas na iginagala ang tingin sa klinika ni Ninong Tommy.
“Hindi. Siya ang magpapatingin, inuubo kasi at may lagnat.”
Mapanuksong tingin ang ibinigay sa akin ni Thalia. “Ah okay, boyfriend mo Ate?”
Ito na naman tayo…
“Hindi. Ano, kaibigan…oo kaibigan ko siya.”
“Bagong salta?”
Tumango ako at binalingan si Alas na napapangiti. “Yeah, I’m her new friend.”
“Cons?”
Napatingin ako sa kabubukas lang na pinto ng opisina ni Ninong. Lumabas doon si Thomas at agad naman akong lumapit at niyakap siya dahil ilang linggo rin kaming hindi nagkita dahil nagtungo siya sa Aklan para sa isang outreach program.
Bukod sa pag-aaral maging doktor, hilig din ni Thomas ang magpunta sa iba’t-ibang lugar para sa mga medical mission o outreach programs. Minsan sa isang taon ay sumasama ako sa kanya sa tuwing bakasyon sa eskwela.
“Kelan ka pa nakabalik?” tanong ko nang humiwalay ako sa kanya.
“Kaninang umaga lang, nagpunta nga ako sa inyo kaso wala ka naman. Nasa burol ka raw pero hindi na ako nakasunod dahil pinatawag ako ni Daddy.”
“Oo nga raw. Ano na naman bang ginawa mo?” natatawa kong hampas sa braso niya. “O dapat ko bang sabihin sino na namang babae ang niloko mo?”
“Parehas na parehas kayo ni Daddy–”
Natigil siya sa pagsasalita at ako sa pagtawa nang may sunod-sunod na umubo. Doon ko lang naalala si Alas na seryoso na ang mga matang nakatingin sa amin ni Thomas.
“Oh, pasyente Thalia? Papasukin mo na kay Daddy.” Binalingan ako ni Thomas at inakbayan.
“Tara, uwi na tayo. Na-miss ko ang bilo-bilo ni Ninang. Nagluluto siya nang pumunta ako eh pero teka bakit ka nga pala naparito?”
“Kasi Kuya sinamahan niya ‘tong kaibigan niyang may sakit,” ani Thalia nasa tonong nang-aasar.
“Kaibigan?” kunot-noong tanong ni Thomas at napatingin kay Alas makaraan ay sa akin. Nasa mga mata ang pagtataka.
“Ang mabuti pa Alas pumasok ka na sa loob nang matingnan ka na ng doktor. Aantayin na lang kita dito,” saad ko at sinulyapan si Thalia.
Mukhang natunugan niya naman ang nais kong gawin niya kaya iginiya niya si Alas papasok sa clinic ni Ninong.
Nang tuluyan na makapasok si Alas sa loob at sumara ang pinto ay binaling ko ang tingin sa kababata kong si Thomas.
“Who’s that?” seryoso ang mga mata niyang tanong sa akin.
“Kaibigan,” tugon ko at tinalikuran siya’t naupo sa waiting area.
Kaibigan? Talaga ba Constancia? Ni wala ka ngang alam sa kanya maliban sa pangalan.
“Kailan pa? The last time I checked, bukod sa akin wala ka ng ibang gwapong kaibigan na lalaki.”
Siniringan ko si Thomas at hahampasin sana siya ngunit mabilis siyang nakaiwas.
“Puro ka talaga biro.”
Tumawa siya pero muling nagseryoso. “Okay, seryoso na. Sino ‘yon? Dalawang linggo lang akong nawala at sa huling tawag ko sa ‘yo wala ka namang nababanggit na may bago kang kaibigan. Hindi siya pamilyar sa akin at mukhang hindi siya taga-rito.”
“Bakasyunista siya.”
“So, paano kayo naging magkaibigan?”
Malalim akong napabuntonghininga at sinulyapan muna ang kinaroroonan ni Alas bago binalikan si Thomas na natitiyak kong hindi ako titigilan kung hindi ako magkukwento.
Parang gusto ko tuloy pagsisihan na dito ko dinala si Alas.