Alastaire
“SIGURADO ka ayaw mo? Libre naman ‘to hindi mo bibilin,” ani Leslie inaabot sa akin ang dalawang supot ng longganisang binebenta niya sa mga kapwa guro namin.
Umiling ako. “Hindi na, Les. Ibenta mo na lang kina Teacher Carol, hindi ba naghahanap pa siya kanina. Bawal kasi ‘yan kay Lolo, mahihirapan akong pigilan ‘yon kapag nakita ‘yan.”
“Sige na nga, o siya mauna na ko.”
Nginitian ko ang kapwa-guro kong si Leslie na nginitian na rin ako at iniwanan na kami sa faculty.
“Grabe ka na talaga, Cons. Mapalalake, mapababae ayaw kang tigilan dito sa school,” palatak ni Mirna na ikinailing ko.
“Ano bang pinagsasabi mo, Mirna? Babae ‘yon si Les.”
Nagtawanan sila ni Sheila na kasabayan kong kumain ng tanghalian at sabay pang umiling. “Ikaw talaga Cons hindi ko alam kung inosente ka ba o magaling ka lang talaga na magpanggap.”
Napailing ako at sinimulan nang iligpit ang pinagkainan ko. Hindi na ako kumibo pa at nagpaalam na sa kanila dahil kailangan kong asikasuhin ang lesson plan ko.
Hindi ako inosente, alam ko ang dahilan ng pagbibigay ni Leslie ng pagkain o madalas ay gamit na minsanan ko lang tanggapin. Ganoon din ang ibang lalaki dito sa Isabela na mga kababata ko o kapwa ko guro.
Gusto nila ako.
Ngunit wala sa isipan ko ang pakikipagrelasyon, sa lalaki man o babae. Ayon sa ina ko ay nasa wastong gulang na ako para magsimulang makipagrelasyon na tinutulan naman ng lolo ko. Bata pa raw ako sa edad na bente kwatro.
“Hindi porke nabigo ako sa ama mo, mabibigo ka na din Constancia. Hindi ‘yon ganoon.”
Iyon ang palaging saad ng ina ko sa tuwing napupunta ang usapan sa akin at sa palagi kong pagtanggi sa mga nanliligaw sa akin.
Napabuntonghininga ako at mapait na napangiti. Alam kong magkakaiba ang kapalaran ng bawat tao sa mundo. Tunay na hindi porke’t niloko at iniwan kami ng ama ko, ganoon na rin ang mangyayari sa akin.
Pero kung kaya ko namang iiwas ang sarili sa ganoong pangyayari, bakit hindi?
“Ma’am Cons!”
Napalingon ako sa tumawag sa aking isa sa mga naging estudyante ko nang nakaraang taon. I was their grade four adviser last year.
“O Bryan, bakit?”
Hinihingal siyang lumapit sa akin. “May naghahanap po sa inyo sa labas, Ma’am.”
Kumunot ang noo ko. “Huh? Sino?”
“Lalaki po at ang gara ng kotse, Ma’am.”
Napahawak ako sa batok ko at naglakad na pababa matapos magpasalamat sa kanya at utusan siyang bumalik na sa classroom dahil ilang minuto na lang ay matatapos na ang break nila.
Sino naman kaya ‘yon?
Sa isip-isip ko at may imaheng lumitaw sa isipan ko. Kumunot ang noo ko at umiling.
Imposible…bakit niya naman ako pupuntahan dito?
Pero magarang kotse?
Nagpulasan ang mga estudyante na sumisilip sa labas nang may nagturo sa akin. Napansin ko rin ang mangilan-ngilang guro na napatingin sa akin ngunit nagpanggap akong hindi sila nakikita at dire-diretsong lumabas. Napatda ako nang makita ang lalaking nakasandal sa kotseng sinakyan ko kanina.
Umayos ng tayo ang lalaki at kinawayan ako. Sa pagngiti niya ay lumitaw ang magkabilang biloy sa pisngi niya. Sa gulat ko sa pagdating niya ay hindi ko namalayang napatulala na ako sa presensya niya kung hindi lang siya pumitik sa harap ko.
Tumikhim ako at hinawi ang buhok ko bagay na palagi kong ginagawa sa tuwing ninenerbyos ako.
Pero teka–anong meron at ninenerbyos ako sa presensya ng lalaking ‘to?
“Constancia right?”
“A-anong ginagawa mo dito? At paano mo nalamang dito ako nagtuturo?”
“I just assumed that you’re working here, good thing I was right. For your first question, you forgot something in my car,” matatas niyang page-english na saad.
Napatingin ako sa kamay niya nang iladlad niya ang luma kong keychain na mini angel. Halos fade na nga ang katawan no’n.
“Mukhang nalaglag ‘yan mula sa bag mo. Thought it was important to you so I decided to find you.”
Inabot ko ‘yon at napangiwi. “Hindi ka na sana nag-abala pa. Luma naman na ‘to.”
“Kaya ko nga isinoli, thought it might have some sentimental value given na luma na pero hindi mo pa rin itinatapon.”
Tiningala ko siya at pinigilang mapahawak sa dibdib nang maramdaman ang tila pagpitik doon.
Kakaiba. Ayon ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko maunawaan ang dahilan nang papabilis na t***k ng puso ko.
Palpitations?
Parang ang bata ko pa yata para mamana ang sakit ni Lolo.
Kinurap-kurap ko ang mga mata ko nang matantong napapatagal na ang tingin ko sa mukha niya. Pilit akong ngumiti at itinaas ang ibinigay niyang keychain. “Salamat…”
“Alas, you can call me Alas short for Alastaire.”
“Alas.”
Isa pang sulyap ang ibinigay ko sa kanya bago ako tumalikod ngunit napahinto sa pagtawag niya sa pangalan ko.
“Constancia…”
“Cons na lang.” Harap ko sa kanya hindi sanay na tawagin ng buong pangalan.
Ngumiti siya at tumango. “Can I get your number?”
“Number ko?” turo ko sa sarili ko, tumango-tango naman siya at sinimulang ilabas ang cellphone na natitiyak kong mamahalin kung ikukumpara sa de-keypad kong gamit.
“Yes, kung pwede lang naman.”
“Bakit? Ibig kong sabihin para saan?”
Humakbang siya papalapit sa akin. “Iniisip ko lang kung pwede bang ikaw ang maging tourist guide ko dito sa Isabela.”
“Ako?”
Tingin ko para na akong tanga sa kakaturo sa sarili ko kaya agad kong ibinaba ang kamay ko nang tumatawa siyang tumango at may ibulong na hindi ko naringgan.
“Cute…”
“Bakit ako?”
Ilang segundo siyang nanatiling nakatingin sa akin at nagkibit-balikat kapagdaka, tila hindi mahanapan ng sagot ang tanong ko. Bago pa siya makapagsalita ay tumunog na ang bell senyales na magsisimula na ang susunod na klase.
Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya at dali-dali na akong pumasok pabalik ng eskwelahan.
Umiling-iling ako at hinigpitan ang kapit sa keychain na hawak.
Walang rason para ibigay ko ang number ko sa kanya. Ayokong maging tampulan ng kwento dito sa Isabela sa oras na pumayag akong ipasyal siya sa lugar namin. Ni hindi ko nga siya kilala.
Kung ganoon naman pala, bakit hindi ka kaagad tumanggi at tinanong mo pa kung anong dahilan ng paghingi niya ng numero mo?
KINAGABIHAN habang gumagawa ako ng lesson plan sa kwarto ay pumasok si Nanay dala-dala ang tasa ng umuusok na tsokolate.
“Hindi mo na naman isinara ang bintana mo, Cons. Masyadong malamig, sige ka at baka ubuhin ka na naman,” nanenermon niyang saad na inilingan ko lang.
“Ang sarap kasi nung lamig ng hangin, Nay,” pangangatwiran ko at sinara na ang lesson plan ko. Napapikit ako nang malasahan ang walang kasing-sarap na tableya ng tsokolate na paborito ko mula noong bata pa ako.
Kumunot ang noo ko nang mapansin ang kakaibang titig sa akin ni Nanay. Tila naninimbang ang tingin niya at mukhang may hinihintay sa akin.
“May problema ba nay?”
“Usap-usapan ka kina Aling Pasing kanina sa palengke.”
Lumalim ang gatla ng noo ko at itatanong kung anong dahilan para maging tampulan ako ng kwento roon nang may imaheng lumitaw sa isipan ko.
Ibinaba ko ang tasa at naupo sa kama. “Ano na namang sinasabi nila?”
“May dumalaw daw sa ‘yo na lalaki kanina?”
Napalunok ako ngunit agad na nakahuma at tumawa nang malakas. “Hay nako, iyan talagang sila Aling Pasing.”
“Aba’y meron nga bang dumalaw sa ‘yo? Bagong salta raw dito sa Isabela. Makisig at halatang may kaya sa buhay,” ani Nanay na mabilis na naupo sa tabi ko.
“Nay, hindi akmang sabihing dumalaw siya sa akin. May isinauli lang siya sa akin na nailaglag ko sa kotse niya kaninang umaga–”
“Sumakay ka sa kotse niya?!”
Napapikit ako at namingi sa sigaw ng Nanay ko. Napatingin tuloy ako sa pinto sa takot na sumulpot ang Lolo kahit na alam kong sa mga oras na ito ay busy siyang nagsasagot sa crossword na paborito niyang gawin bago matulog.
“Nay naman! Ang lapit ko lang sa inyo hindi nyo kailangang sumigaw.”
Magsasalita pa sana siya nang itaas ko ang kamay ko. “Sandali lang nay, ako muna ang magsasalita.”
Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari kaninang umaga. Natahimik siya at tumango-tango pero maya-maya lang ay umiling.
“Tingin mo ba ayon lang ang pakay niya? Ang isoli ang keychain mo?”
“Oo naman nay, wala ng iba pang dahilan.”
Maliban sa pag-aya niyang maging tourist guide niya ako…
Hindi ko na iyon ikinuwento sa nanay ko at tumayo na para ubusin ang natitirang tsokolate.
“Anak…”
Nilingon ko si Nanay at nabitin sa ere ang pag-inom ko. “Ano ‘yon, Nay?”
“Pinapaalalahanan lang kita. Bago lang siya dito, kilalanin mo muna–”
“Nay! Bakit ko siya kikilalanin?”
Tumawa siya at umiling. “Binibiro lang kita, maaga ka pa bukas sa eskwelahan. Ubusin mo na ‘yan at matulog ka na. Huwag mo na lang pansinin ang mga pinagsasabi ng mga kapitbahay natin. Mula noon hanggang ngayon, hindi na sila nagbago. Ang pakikiusyoso sa buhay nang iba ang paborito nilang gawin.”
Mabilis akong makatulog ngunit sa gabing ito ay nakailang biling ako sa kinahihigaan at matagal akong nakatitig sa kisame bago ako tuluyang nakatulog. Sa pagpikit ko ay ang nakangiting mukha ni Alastaire ang nakita ko.