By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full
--------------------------
Mistulang nawala ang aking kalasingan sa narinig. Nilingon ko siya. “K-kuya, hilong-hilo ako eh, nasusuka pa...” ang pag-aalibi ko na lang. Sa totoo lang, may bahagi rin ng aking utak na nag-udyok na sumang-ayon sa gusto niya. Ngunit nilabanan ito ng isa pang parte ng isipan ko. At dahil latang-lata ang katawan ko sa kalasingan, hindi na ako nagsalita pa at ipinikit na lang ang mga mata.
“Ok, tulog ka na bunso...” ang isinagot na lang niya sabay halik sa pisngi ko.
Naramdaman ko namang bumalikwas ng kama si Kuya Paul Jake at tinungo ang CR. Hindi ko alam ang ginawa niya sa loob niyon. Ngunit malakas ang kutob ko na doon niya isinagawa ang kagustuhang magparaos.
Lalo namang humanga ako sa ipinamalas na kabaitan ni Kuya Paul Jake sa maluwag niyang pagtanggap sa aking pagtanggi sa gusto niyang mangyari sa amin. Naikumpara ko tuloy si Kuya Rom sa kanya na sobrang demanding at hindi pumapayag sa sagot na “hindi” o “ayaw ko”. Iyon na ang huli kong natandaan.
Kinabukasan, maaga kaming bumalik sa accommodation. Kailangan pa kasi naming magligpit ng mga gamit upang pagkatapos na pagkatapos ng awarding ay diretso na kaming lahat sa service bus para bumalik na sa aming lugar.
Nang marating na namin ang accommodation namin, naroon na pala si Kuya Rom. Hindi ko lang alam kung anong oras siya dumating ngunit noong makita niya kaming dalawa ni Kuya Paul Jake na nagsama, napansin kong biglang umasim ang kanyang mukha. Ewan ko kung ano ang nasa isip niya. Pero wala akong pakialam. Syempre, may galit ako sa ginawa niya. Ikaw ba naman ang bigla na lang iwanan ng walang ni-ho ni-ha. Dumating lang ang girlfriend niya, kusa na lang akong isinantabi na parang wala lang, hindi ako kilala, o hindi ako nag-iexist. Feeling ko tuloy isa akong tissue paper na pagkatapos ipahid sa dumi ay kusa na lang itinapon sa basurahan. Ang saklap kaya.
Nasa loob siya ng isang kuwarto kung saan ang team namin ay naka-assign, nag-iisa lang dahil nasa mess hall na ang lahat naming mga kasama at tapos na rin silang magligpit ng kani-kanilang gamit. Si Kuya Paul Jake naman ay dumaan sa mess hall. Nagligpit si Kuya Rom ng mga gamit namin, kasama na iyong sa akin. Nakita kong nagmamadali niyang ipinasok sa bag ang mga damit at gamit, at ang mga basang damit ay itinabi sa isang plastic. Noong lumapit ako sa harap niya upang tingnan sa bag na hawak-hawak niya kung ang lahat ba ng gamit ko ay naipasok, napansin ko kaagad ang lalo pang pagsimangot ng kanyang mukha at ang kanyang pagdadabog.
“Wow! Siya pa itong malakas ang loob na magdadabog!” sigaw ng utak ko. “Ano kaya ang nakain nitong herodes na ‘to?” ang bulong ko sa sarili habang nagkunyari akong hindi siya nakikita. Nanatiling nakayuko lang ako habang hinahalungkat ang loob ng bag panigurong naroon ang mga gamit ko. Hindi ko na pinansin ang pagdadabog niya. Noong nakita kong nasa bag na ang lahat kong mga gamit, padabog ko ring hinablot ang isang t-shirt sa loob noon, hinubad ang suot kong damit na ginamit sa hotel sa gabing iyon at isiniksik ito sa bag nang walang pasabi sabay walk out patungo sa pintuan upang dumiretso na sa mess hall.
Pansin ko ang pagkatulala niya, nakapamaywang, nakanganga ang bibig, hindi makapaniwala sa ginawa kong pangdededma sa kanya, ang mga mata ay lumaki na para namang nakikinita kong sumisigaw ang utak niya ng, “Aba’t ang tarantadong to, hindi ako pinansin!” habang nagwalkout ako.
Ewan rin ko ba. Sa tanang buhay ko, noon ko lang naranasan ang ganoong pakiramdam. Iyon bang sobrang excited akong makita siyang muli pero dahil sa ginawa niya, matinding pagkainis naman ang nangingibabaw. At dahil sa alam ng utak ko na mali ang naramdaman ko, ang udyok naman nito sa akin ay dumestansya sa kanya. Tila may nag tug-of-war sa loob ng katauhan ko.
“Hoy!” ang sigaw niya noong mapansing hindi ko talaga siya kinibo.
Nilingon ko siya, mataray ang boses. “Bakit???”
“Anong bakit? Di mo man lang ako kikibuin, wala man lang explanation kung saan ka nagpunta kagabi? Kung sino ang kasama mo? Kung saan ka natulog?”
“At bakit? Bakit ko kailangang magpaalam sa iyo kung saan ako pupunta? Ikaw ba ay nagpaalam sa akin? Kagabi ba noong nasa tuktok ka ng sarap sa piling ng girlfriend mo, naalala mo ba ako? Tumawag ka ba o kahit nag-text man lang sa akin? Hindi mo ba alam? Masakit ang ginawa mo! Nasasaktan ako! Alam mo ba iyon?” ang sigaw ko.
Pansin ko ang pagkabigla niya sa narinig, hindi nakasagot agad. Ako man ay napatakip din sa bibig ko. “Shiit! Bakit ko ba nasabi iyon? Magduda ang Herodes na ito na may kakaiba akong naramdaman sa kanya?” ang sigaw ng isip kong naturete.
Lumapit siya sa akin na ang mga tingin ay animo'y lulunukin niya ako ng buo. Ako naman ay napasandal na lang sa dingding, sa gilid ng pintuan. Kinuwelyuhan niya ako at hinatak patungo sa storeroom ng mga gamit ng paglilinis kung saan ay hindi kami makikita mula sa labas. “Anong sabi mo? Nasaktan ka?” ang pigil niyang sigaw habang patuloy pa rin ang paghawak niya sa kuwelyo ng damit ko, ang katawan ko ay halos nakalambitin at ang mga mukha namin ay tila magdikit na. “Nagseselos ka ba? Ha?” ang patuloy niyang pagtatanong.
Hindi ako nakasagot sa magkahalong kaba at hiya na nadarama.
Nahinto rin siya.
Tahimik.
Ngunit sa pagtahimik niyang iyon ay lalong kumabog ang dibdib ko. Tinitigan niya ang kabuuan ng aking mukha na mistulang pinag-aaralan ang bawat maliliit na detalye at anggulo nito, o binabasa nang maigi sa kanyang isip. Kitang-kita ko ang paggalaw ng mga mata niya at ang pagpupungay ng mga ito na mistulang nangungusap habang pinagmasdan ang mga mata ko, ang ilong, ang noo, ang buhok, bibig, baba, magkabilang pisngi, palipat-lipat. Pakiramdam ko ay malulusaw ako sa tila tumatagos sa aking katauhan na mga titig niya habang unti-unting inilalapat ang mukha niya sa mukha ko na halos susunggaban na ng mga labi niya ang mga labi ko.
Napako ako sa posisyong iyon, tila may bumara sa aking lalamunan. Pakiwari ko ay naalipin ako sa kung ano mang kapangyarihan mayroon ang mga titig niya. Nakakabighani. Napakaganda ng kanyang mga mata.
Halos isang minuto niya akong tinitigan. At nang tila bigla akong nahimasmasan, “K-kuya, nasasaktan ako…” ang nasambit ko.
Binitiwan niya ako. “Sino ang kasama mo kagabi?” Ang tanong niya, bumakas na naman ang galit sa mukha niya.
“M-mga teammate po, n-nag bar kami Kuya…”
“Saan kayo natulog?” Ang mabilis niyang pagfollow-up.
“N-nag hotel po…”
“Sino ang kasama mo sa hotel?”
“S-si Kuya Paul Jake po…”
“Anong ginawa niya sa iyo? May nangyari ba?”
Sa pagkarinig ko sa tanong na iyon, mistulang gumapang naman ang galit sa kalamnan ko. “Anong akala mo kay Kuya Paul Jake? Kagaya mo?!” Ang padabog kong sagot sabay talikod at tinumbok ang pintuan. Feeling ko kasi ay nakapunto ako, na-redeem ang aking dignidad.
“Hoy! Hoy! Hoy! Hintayin mo ‘ko! Sabay na tayong kumain!” ang sigaw niya habang hinahabol ako.
Sumabay nga siya sa akin sa mess hall. Ngunit kahit naipalabas ko na ang sama ng loob ko sa kanya, may nanatili pa ring galit sa kaloob-looban ko. Sumisingit pa rin kasi sa isip ko ang sakit sa nalamang may girlfriend siya, at iniwan na lang niya ako nang basta-basta sa gabing iyon dahil sa babae niya. Hindi ko na lang siya kinibo habang kumakain kami. Binilisan ko ang aking pagkain at nang matapos at nagtatakbo na patungo sa aming kuwarto upang maghanda para sa awarding. Hindi ko na siya hinintay pa.
Nakahilerang nakatayo kaming mga athletes sa harap ng grandstand nang mag-awarding ceremony na. Sinadya kong tumabi kay Kuya Paul Jake. Kahit kumakaway siya sa akin upang doon ako tumabi sa kanya, hindi ko siya pinansin. “Buti nga sa iyo!” ang bulong ko sa sarili.
Kahit noong nasa bus na kami, kay Kuya Paul Jake pa rin ako tumabi. Sa tingin ko ay nagtaka siya o kaya ay nainis, hindiko lang sigurado. At wala na akong pakialam. Ang alam ko lang ay nasaktan pa rin ako sa ginawa niya.
Sa parte naman ni Kuya Paul Jake, in fairness, tuwang-tuwa siya na sa kanya ako tumabi. Ramdam ko ang sigla niya, ang saya sa mukha. Kahit may tinatago akong hinanakit para kay Kuya Rom, panandaliang nalimutan ko iyon sa piling ni Kuya Paul Jake. Masaya siyang kasama. Panay kami tawanan, kuwentuhan habang umaandar ang bus. Noong tiningnan ko Kuya Rom, nasa dulo ng bus siya, walang katabi at ang mukha ay parang biyernes santo. Ramdam kong malungkot siya. “Ah... na-miss siguro ang girlfriend niya” bulong ko naman sa sarili na lalo namang nagpaigting sa kinikimkim kong galit.
May anim na oras din ang biyahe ng bus kaya di maiwasang hindi ako makatulog. Naalimpungatan ko na lang na nakasandal pala ako kay Kuya Paul Jake, ang braso niya ay iniakbay sa balikat ko. Ang sweet.
Mag-aalas kwatro ng hapon nang nakarating din ang bus sa lugar namin. Noong nagsibabaan na, dire-diretso na ako sa isang tricycle. Wala kasi ang driver namin gawa nang nag emergency leave daw. “Bosing, diretso lang po, sa San Miguel Street,” ang sabi ko sa driver.
Aarangkada na sana ang driver noong sa tabi ko ay bigla namang sumulpot si Kuya Romwel. Sa inis at pagkabigla ko ay binulyawan ko siya. “Ba’t nandito ka? Di ba sa kabilang ruta naman ang boarding house mo?”
“Ihahatid kita!” ang kaswal niyang sagot. At baling sa driver, “Diretso lang po, kuya.”
“Ey, ey, ey!” ang sigaw ko rin sa driver na akmang itutuloy na ang pagpapandar sa kanyang tricycle. At baling kay Kuya Rom, “At bakit???”
“Anong bakit? Ayaw mo ba?”
“Bakit mo ako ihahatid? E, alam ko naman kung saan nakatirik ang bahay namin, hindi naman ako lampa o bulag, at may pera naman akong pambayad ng tricycle! Bakit-bakit-bakiiit mo ako ihahatid, Sir?” ang sarkastiko kong sagot.
At doon hindi na siya nakatiis at tumaas na ang boses. “Hoy, inatake na naman ng mga uwang iyang utak mo, ano?” sabay turo ng sa aking ulo. “Nalimutan mo bang nandito sa bag mo ang mga gamit ko? Anong gusto mong gawin ko, kakargahin ko sa mga bisig ko iyang mga damit ko na nariyan sa bag mo?”
Feeling pahiya naman ako sa narinig, natameme at nakasimangot.
“Usog doon!” angutos niya noong hindi ko siya binigyan ng espasyo ng upuan.
“Bibilhan na lang kita ng plastic d’yan sa may tindahan o, at sa plastic mo ipasok iyang mga damit mo!” ang pagpapalusot ko.
“A ganoon! Sige, huwag mo akong papuntahin sa inyo at isusumbong kita sa mga magulang mo na muntik ka nang malunod at mamatay sa ilog dahil sa katangahan mo!”
Nagulat naman ako at kinabahan sa sinabi niya.
“O, ano...?” ang dugtong niya, ang mga mata ay matulis na nakatitig sa akin.
“Waaah! Bina-blackmail mo ako ah!” Ang pagtutol ko pa.
“Oo naman! Kaya usog doon!” utos uli niya.
Kaya wala na akong nagawa pa kundi ang umusog upang maka upo siya nang maayos.
Nakarating kami ng bahay at noong makapasok na sa loob, nandoon pala ang mama at papa ko. Nag-bless ako sa kanila at naupo sa sala. Nagbless din sa kanila si Kuya Romwel, at naupo din sa kabilang upuan paharap sa akin. Kinumusta siya ng mga magulang ko tungkol sa lakad namin, ang laro, at kung hindi ba raw ako nagpasaway doon.
Inirapan ko naman si Kuya Romwel noong marinig ang tanong na iyon sa kanya. Hindi lang kasi sa court ang pagiging malapit ni Kuya Romwel sa akin. Simula nang mapasok ako sa team at kailangang mag-ensayo, si Kuya Romwel ang nagpapaalam sa akin. Kaya kilala na siya ng mga magulang ko. Alam din nila kung gaano ka-close si Kuya Rom sa akin; na ang turing nito sa akin ay isang baby brother at inaalagaan ako. Paano, nag-iisang anak lang ako sa pamilya kung kaya ay hindi mapakali ang mga magulang ko kapag ganyang aalis ako o may lakad ang team o practice. Kaya kay Kuya Rom nila ako inihahabilin. At napapansin din siguro ng mga magulang ko kung gaano ako kasaya kapag kasama ko si Kuya Rom. Dahil dito, tunay na parte ng pamilya ang turing nila kay Kuya Rom. Kapag bumibisita naman siya sa bahay, malaya itong dumideretso sa kwarto ko. Kumbaga, parang ang kuwarto ko ay kuwarto na rin niya. Ganyan siya kalapit sa pamilya namin.
“Ah... OK naman po si Jason doon, behave naman po siya,” ang pagpapaliwanag ni Kuya Rom.
Sikreto ko naman siyang inismiran, paminsan-minsan ay ipinalabas pa ang dila. At dahil sa pagkainip na marami pa silang pinag-usapan na kung anu-anong issues na hindi naman kasali sa lakad namin, umakyat na ako sa kwarto ko. Pagkapasok na pagkapasok, dumiretso kaagad ako sa shower at naligo.
Ang kuwarto ko ay may maliit na music corner. Alam kasi ng mga magulang ko na mahilig ako sa music at videoke kaya noong magrequest ako, binilhan nila ako ng malaking component set, ginawang sound-proof ang kwarto ko, at pinalakihan pa ito upang i-accommodate ang isang corner para sa kantahan, o music jamming kapag may iimbitahan akong mga bisita.
Noong lumabas na ako ng shower, nagulat naman ako noong may malakas na tugtog akong narinig mula sa component at may kumakanta na.
“Si Kuya Rom!” sigaw ng isip ko.
Nakatapis lang ng tuwalya, sinugod ko kaagad siya, walang pasabi na pinatay ang volume, “Bakit ka nandito?”
“Dito ako matutulog. Nagpaalam na ako kay Tita at Tito.” Ang tawag niya sa mga magulang ko.
“Ah, oo naman, nagpaalam ka na pala sa kanila e...” Ang sarcastic kong tugon. Pero biglang bawi din at pinalaki ang mga matang tiningnan siya, “Pero kwarto ko po ito! Bakit? Nagpaalam ka na ba sa akin???”
“Awsss. Problema ba yan... Di magpaalam.” Ang sarcastic din niyang sagot. At inilapat niya ang dalawang kamay sa may dibdib niya, ang mukha ay umarteng nagmamakaawa, lumuluhod. “Dito na ako matulog, please...?” Ngunit sabay ding bawi noong hindi ako sumagot. Lumaki ang mga mata. “Ayaw mo? Sige, isusumbong na lang kita...” at tumayo ito patungong pintuan ng kuwarto.
Sa pagkabigla, sinugod ko siya at hinawakan ang kamay. "Kuya...! Katakot-takot na sermon mapapala ko, maga-grounded pa, baka di na ako pasalihin sa team!" ang pagmamakaawa ko naman.
"Ah... ganoon ba? E di sige..." sabay balik naman sa loob at tumbok sa music corner na parang wala lang nangyari.
Alam ko, talo ako sa sandata niyang blackmail. Kaya napako na lang ako sa kinatatayuan, ang mga mata ay inis na inis na nakatitig sa kanya.
“Halika sa tabi ko. Kantahin natin ang paborito nating kanta.” Sambit niya sabay naman abot sa remote at pinalakasan ang volume.
***