Eight years later
“Oh, iyan na ang sahod mo! Huling sahod mo na ‘yan dahil simula bukas ay hindi ka na papasok dito.” Inihagis ng masungit na babae ang singkwenta pesos na papel sa pagmumukha ni Mira. Hindi niya inaasahan iyon kaya hindi niya nasalo, nahulog ito sa sahig na kaniya namang pinulot.
“Huh! Huling sahod? Ano ang sinasabi mo na hindi na ako papasok bukas?” takang tanong ng dalaga.
Umiling ang babae sabay ngisi na para bang nakakaloko.
“Hindi ka lang pala panget, bobo ka pa! Hindi mo ba na gets ang sinabi ko? Sisante ka na. Pinapaalis ka na ni Sir, hindi niya nagustuhan ang trabaho mo.”
“Huh! Pero bakit singkwenta pesos lang ‘to? Mahigit dalawang linggo na akong nagtatrabaho rito at hindi ako nagde-day off, madalas ay overtime pa ako. Bakit ganito lang ang sahod ko? Hindi ganito ang sinabi ninyong sahod ko nang mag-apply ako rito.”
Huminga ng malalim ang babae sabay irap kay Mira. “May attitude ka rin noh! Nagawa mo pang magreklamo. Dapat nga ay magpasalamat ka at naawa pa sa’yo si Sir. Sa dami ng mamahaling plato na binasag mo kahit anim na buwan kang magtrabaho rito ay kulang pang pambayad sa mga nabasag mo.”
“Hindi ko naman binasag ang mga ‘yon. Binangga ako ni Xyrille, kaya nabitawan ko ang mga plato. Wala akong kasalanan,” depensa niya sa sarili.
Ngumisi ang babae. “Ah talaga! Mapapatunayan mo ba ang sinabi mong ‘yan? Walang magpapatunay sa sinasabi mo dahil wala namang nakakita sa nangyari, isa pa itinatanggi ni Xyrille ang paratang mo. Magaling ka ring mag-imbento ng kwento, nansisi ka pa ng ibang tao sa kasalanang ikaw naman talaga ang gumawa. Kung singilin ka kaya namin sa mga nabasag mo, may pambayad ka, ha? Ang hirap sa’yo hindi ka na nga kagandahan, ikaw na nga itong may kasalanan, parang ikaw pa ang nagmamalaki.”
“Umalis ka na nga, hindi na namin kailangan ang serbisyo mo! Kung patuloy ka naming pagtatrabahuhin dito ay baka maubos ang lahat ng mga plato sa restaurant na ito.”
“Alis na! Ano pa’ng tinitingin mo d’yan?!” Napakapamewang na utos nang masungit na babae.
Iniyuko ni Mira ang kaniyang ulo at lulugo-lugong lumabas ng kusina. Wala man lang ni isa sa mga kasamahan niya ang nakisimpatiya sa kaniya, ang lahat ay parang natutuwa pa sa pagkakaalis niya sa trabaho. Wala siyang laban, ang lahat ay hindi pabor sa kaniya kaya naman hindi na lamang niya ipinaglaban ang karapatan niya.
Bago siya tuluyang nakalabas ng restaurant ay nakasalubong pa niya ang waitress na si Xyrille, ang isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na pinag-iinitan siya. Ang dahilan kung bakit nasisante siya.
“Sa wakas mawawala na rin ang panget sa lugar na ‘to. Good luck na lang sa’yo, Mira,” nakangising sabi, ang mukha ay talaga namang nang-aasar.
Sinamaan niya ito ng tingin, ngunit tinaasan lamang siya nito ng kilay na tila ba hindi natatakot sa galit niya. Kinuyom niya ang kaniyang mga palad. Pumikit siya at huminga ng malalim. Hindi niya kailangang pairalin ang galit. Tinalikuran na lamang niya si Xyrille, habang papalayo ay naririnig pa niya ang malakas na halakhak nito. Gusto niyang umiyak, ngunit sawang-sawa na siya sa kaiiyak. Walong mahabang taon na siyang umiiyak.
-
“Kalahating order nga po ng kanin, pakibalot. Pahingi na rin po ng sabaw!” halos pasigaw na sabi ni Mira, para marinig siya ng tindera sa karinderiya na kaniyang binibilhan.
Nakapamewang na bumaling sa kaniya ang tindera. “Libre lang ang sabaw kapag bumili ka ng kanin at ulam. Kalahating kanin nga lang ang binibili mo tapos hihingi ka pa ng sabaw. Ang kapal naman ng mukha mo. Hindi pu-pwede ‘yon!” mataray na sabi ng tindera.
Pilit pinagkakasya ni Mira ang singkwenta pesos niyang pera. Kapag sinamahan kasi niya ng ulam ang binibiling kanin ay tiyak na hindi magkakasya. Isa pa wala na siyang perang panggastos para sa mga susunod na araw kung uubusin na niyang lahat iyon ngayong gabi. Hindi rin niya sigurado kung makakahanap agad siya ng bagong trabaho.
“Si-sige, kanin na lang po,” mahinang sabi niya.
Naglalakad siya bitbit ang biniling kanin habang binibilang ang baryang sinukli sa kaniya ng tindera nang bigla siyang banggain ng nakasalubong na mamang lasing. Hindi niya napansin ito dahil abala siya sa pagbibilang ng sukli kaya naman hindi niya ito nagawang iwasan. Natamaan ng balikat nito ang braso niya na may hawak na pera kaya naman humagis ang mga iyon at gumulong sa kung saan-saan.
“Huwag ka ngang haharang-harang sa daan! Ikaw ba ang may-ari ng kalsada ha?” galit na pinagduduro siya ng nakabanggaang lasing.
Hindi na lang siya umimik at baka pag-initan pa siya nito. Ito naman ang may kasalanan, nasa gilid na nga siya ng daan ay binangga pa rin siya nito.
Nang walang makuhang responde sa kaniya ang mama ay tinalikuran na siya nito.
“Tsk! Walang kwenta!” sigaw nito habang pasuray-suray na lumalakad.
Nang tuluyang makaalis ang lalake ay bigla namang naalala ni Mira ang mga barya niya. Isa-isa niyang pinulot ang mga iyon, kaya lang ay may dumating na mga bata at nakipulot na rin. Ang buong akala niya ay tinutulungan lamang siya ng mga ito at ibabalik sa kaniya ang mga napulot na barya ngunit ng makakuha ay bigla na lamang nagsipagpulasan ang mga ito.
“Hoy, pera ko ‘yan! Ibalik niyo sa akin ‘yan!” malakas na sigaw niya, sinubukan pa niyang habulin ang mga bata ngunit ang tutulin ng mga itong tumakbo at nagsipaglusutan pa sa mga eskinita. Mabibigat ang mga paa na binalikan na lamang niya ang lugar kung saan nahulog ang kaniyang mga pera, nagbabakasakali na may naliligaw pang barya. Kuwarenta’y dos pesos ang sana ay sukli niya ngunit onse pesos na lamang ang natira sa kaniya. Mangiyak-ngiyak siya sa sama ng loob, kung sana ay ibinili na lamang niya iyon ng kalahating order na ulam at hindi na siya nagtipid ay maitatawid pa sana niya ang gutom ngayong gabi. Kokonti ang kanin niya, wala pa siyang ulam, kaya naman ng may madaanan siyang maliit na tindahan ay bumili siya ng tinging toyo, nakabalot ito sa plastic ng ice candy at tres pesos ang halaga.
Wala siyang sariling tirahan. Nakatira siya sa abandonadong bodega. Mainit, madilim at malamok doon tuwing gabi ngunit nasanay na siya. Nagpapasalamat nga siya at wala pa ring nakakabili sa lupang kinatatayuan nito kahit pa may karatula ng ‘for sale’.
Pasikreto siyang pumapasok sa loob, inaakyat lamang niya sa mataas na bakod para lamang makapasok. Tatlong taon na siyang naninirahan doon. May isang silid sa bodega na iyon, nilinis niya at iyon ang ginawa niyang tulugan. Tanging karton ang kaniyang higaan, ang kumot at unan na gamit niya ay napulot lamang niya sa basurahan noong siya ay nangangalakal pa. Nilinis niya iyon at nilabhan para magamit. Ngayong wala na siyang trabaho ay siguradong babalik na naman siya sa pagkakalkal ng mga basura.
Binuksan niya ang kandila gamit ang posporo, nagliwanag ang paligid. Kinuha niya ang nag-iisa niyang plato at isinalin ang dalang kanin, binudburan niya ito ng toyo para magkalasa at saka itinabi ang natira, baka sakaling suwertehin ay makadelihensiya siya ng pambili ng kanin bukas. Inumpisahan na niyang kumain. Bihira pa sa patak ng ulan na malamanan ang sikmura niya ng masarap na pagkain. Sa loob ng walong taon matapos ang aksidente at pagkamatay ng kaniyang mga magulang ay binuhay niya ang sarili nang mag-isa. Hindi siya makakuha ng magandang trabaho dahil hanggang grade seven lang ang inabot niya. Ang isa pang dahilan ay ang malaking peklat sa kaniyang mukha. Walang tumatanggap sa kaniya dahil sa hindi niya kaiga-igayang itsura. Pakiramdam niya ay tinalikuran na siya ng mundo. Minsan hinihiling niya na kunin na lamang siya ng kaniyang mga magulang para magkasama-sama na sila. Ngunit hangga’t siya ay humihinga ay sinusubukan pa rin niyang lumaban kahit pa tila wala nang pag-asa ang kaniyang buhay. Nagagawa niyang itawid, kinaya niya ng walong taon, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring asenso. Walang magandang pinatutunguhan ang buhay niya.
“Happy birthday, to me!” Nakangiti ngunit mangiyak-ngiyak na sabi niya habang namumutok dahil sa kanin ang kaliwang pisngi. Ngayon ay bente uno anyos na siya. Imbes na masaya niyang ipinagdiriwang ang kaniyang kaarawan ay inulan naman siya ng kamalasan ngayong araw. Pinilit niyang ngumiti at pinasaya ang sarili. Pumikit siya at nag-usal ng panalangin. Umaasa siyang isang araw ay may darting din na swerte sa kaniya.
“Mama-Papa, ilalaban ko ‘to, gabayan po ninyo ako.” Namalisbis ang luha sa kaniyang mga mata.