Ikalawang Kabanata

1584 Words
“O, Ms. Matias, nandito ka na naman,” hindi natutuwang bungad na sabi ni SP02 Fajardo nang makita si Mira sa kanilang police station. “Sir, makikibalita lang po,” medyo kiming wika ni Mira. Umiling na parang dismayado ang pulis. “Paulit-ulit ko nang sinabi sa’yo na sarado na ang kaso ng mga magulang mo. Aksidente ang nangyari, walang ibang may kasalanan kung hindi ang ama mo na siyang nagda-drive nang araw na mabangga kayo. Hindi mo ba naiintindihan ‘yon? Walong taon na simula nang mangyari ang aksidente, walong taon na ring sinarado ang kaso.” “Pe-pero, Sir, kitang-kita ko po nang banggain kami ng magarang sasakyan. Hindi kasalanan ng tatay ko ‘yon, maingat siyang magmaneho at nasa tamang linya kami. Yung magarang sasakyan, yung driver nun, ang bilis niyang magpatakbo. Siya ang may kasalanan kung bakit namatay ang mga magulang ko.” Bumuntong hininga ng malalim ang pulis. “Ms. Matias, baka halusinasyon mo lang iyon, nagkaroon ka nang trauma dahil sa aksidente. Walang magarang sasakyan na natagpuan sa insidente. Ang sasakyan ninyo ay bumangga sa poste.” Sunod-sunod ang pag-iling ni Mira. “Totoo po ang sinasabi ko at hindi halusinasyon lang. Kitang-kita nang dalawang mata ko,” naninindigan na sabi niya. “Mabuti pa, Ms. Matias, umuwi ka na. Matagal nang wala ang mga magulang mo. Kung nasaan man sila ngayon ay hindi sila magiging mapayapa dahil pilit mo pa ring inuungkat ang nakaraan. Palayain mo na ang mga magulang mo at ayusin mo ang buhay mo. Mas matutuwa pa sila kung makikita nilang nasa maayos ka nang estado. Iyon ang gawin mo, huwag mo nang sayangin ang pagod at oras mo sa pagpapabalik-balik pa rito. Hindi na bubuksan pa ang kaso, wala nang iba pang magpapatunay sa mga sinasabi mo. Walang witness, kung meron man sana noon pa sila lumitaw.” Tumayo si SPO2 Fajardo, may dinukot ito sa bulsa ng kaniyang pantalon. “Ito, bumili ka nang makakain mo, mukhang hindi ka pa nag-aalmusal. Pagpasensiyahan mo na ‘yan, wala pa akong sahod at iyan lang ang sumobra sa nakaraang sweldo ko.” Inabot nito kay Mira ang isang daang pisong papel. Tiningnan lamang iyon ni Mira. “Huh! Bakit nakatingin ka lang? Tanggapin mo na ‘to, huwag ka nang mahiya.” Kinuha ng pulis ang kamay ni Mira at inilagay sa palad ng dalaga ang perang ibinibigay niya rito. “Sa-salamat po, Sir,” alanganing sabi ni Mira. Tumango lamang ang pulis at bahagya siyang tinapik sa balikat. “Sige po, aalis na ako,” aniya. “Mag-iingat ka, alagaan mo ang sarili mo,” bilin nito. Bahagya siyang ngumiti sabay tango, mabibigat ang mga hakbang na naglakad siya palabas ng police station. Sumakay siya ng jeep pabalik sa kaniyang tinitirahan na abandonadong bodega. Habang naglalakad pabalik sa kaniyang tinutuluyan ay may nadaanan siyang nagtitinda ng fishball. Naalala niya ang ibinigay sa kaniyang pera ni SPO2 Fajardo. Kagabi pa walang laman ang sikmura niya. Hindi sapat ang napagbentahan niya ng kalakal para makabili ng matinong pagkain. “Manong, sampung pisong fishball nga po,” agad na wika niya paglapit sa fishball vendor. Ibinigay niya ang isandaang pisong papel rito at maagap naman siyang sinuklian. Tumusok siya ng fishball mula sa kumukulong mantika sa kawali at pagkatapos ay isinawsaw sa sauce. Dahil sa matinding gutom ay hindi niya ininda ang init. Sa loob lamang ng ilang segundo ay nakuha niyang maubos ang lahat ng nakatuhog sa hawak niyang stick. Matapos kumain ay binilang niya ang perang sukli at bumawas ng sampung piso. “Manong, isang basong gulaman nga po.” Mabilis siyang inabutan ng tindero ng gulaman. Bitbit ang plastic cup, uminom muna siya ng konti para hindi tumapon dahil puno iyon. Umalis na siya at tinahak ang daan patungo sa lumang bodega. May mga establisyamento at mga bahay pa siyang madadaanan bago makarating sa kaniyang tirahan. Dahil wala naman siyang gagawin at hindi siya nagmamadali ay mabagal lang ang kaniyang paglalakad. Napahinto pa nga siya saglit ng madaan sa tiange. May nakita kasi siyang magandang bestida na nakadisplay sa harap ng tindahan. Puting bestida iyon na lagpas tuhod ang haba. Maya ay umiling siya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Imposibleng makabili siya ng ganuon kagarang damit. Sa paglalakad niya ay hindi niya inaasahan na babangga siya sa isang bagay. Napasinghap na lamang siya ng ang hawak niyang baso ng gulaman ay lumipad sa ere. Parang ulan na bumuhos sa kaniya ang laman niyon. “F*ck! What did you do? Bakit hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo?” galit na sabi ng matangkad, gwapo at may mamula-mulang kutis na lalaki. Nakasuot ito ng puting-puting polo ngunit ang damit nito ngayon ay hindi na matatawag na puti. Nang lumipad sa ere ang baso ng gulaman ay hindi lang siya ang nabuhusan pati na rin ang lalaking nakabangga niya. Amoy na amoy ang mabango at mamahaling pabango nito. Halata namang mayaman ang lalake, lalo pang na-emphasize ang pagiging tisoy nito dahil namula ang mga pisngi nito sa galit. Kundangan naman kasi na ang napakalinis nitong damit ay namantsahan ng palamig na gulaman na dala ni Mira. “Naku, Sir, sorry po! Pasensiya na, hindi ko po sinasadya!” tinangka niyang hawakan ang lalake para sana palisin ang mga gulaman na nakadikit pa sa damit nito ngunit maagap itong umiwas. “No! Don’t touch me!” galit na sigaw nito kaya napaigtad siya sa gulat. “Humihingi po ako ng pasensiya, lalabahan ko na lang ang damit ninyo, Sir.” Hindi pa rin siya sumuko, kahit na parang nandidiri sa kaniya ang lalake ay pilit pa rin siyang lumapit dito. Ayaw niyang may naagrabyado siyang tao kaya naman gagawin niya ang lahat para makabawi. “Stop… stop it right there! Don’t you dare go near me.” Iminuwestra ng lalake na tumigil siya kaya naman siya niyang ginawa. “I don’t need your help. Sa tingin mo ba kapag nilabhan mo ang damit na ito ay mawawala pa ang mantsa? Basura na ‘to, itatapon ko na ito. Sa susunod tumingin ka sa dinaraanan mo para wala kang taong mapeperwisyo.” Tinalikuran siya ng lalake. Hindi niya masyadong nakita ang kabuuan ng mukha nito dahil nakasuot ito ng itim na shades, pero alam naman niyang kahit tanggalin nito ang salamin ay gwapo talaga ang lalake at maganda ang mga mata nito. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makalayo ito at sumakay sa magarang kotse, kung hindi siya nagkakamali ay isang sports car ang sasakyan na gamit nito. Narinig niya ang mabilis na pagharurot ng sasakyan. Hindi niya maipaliwanag ngunit bigla siyang nakaramdam ng takot. Simula ng aksidente nila ng kaniyang mga magulang ay nagkaroon na siya ng trauma. Sa tuwing may maririnig siyang mabilis na pagharurot ng sasakyan ay kumakabog ang dibdib niya at pinagpapawisan siya ng malamig. Iyon ang naramdaman niya ngayon. Naupo muna siya sa gutter para pakalmahin ang sarili. Alam na niya ang gagawin para hindi mag-panic. Ilang hingang malalim at ayos na siya. Muli ay ipinagpatuloy niya ang paglalakad, tumigil lang siya ng makarating sa harapan ng abandonadong bodega. Katulad ng lagi niyang ginagawa lumingon muna siya sa paligid at sinigurado na walang tao na makakakita sa kaniya bago sumampa sa bakod at pumasok sa loob. Wala siyang magawa, wala namang mapaglibangan sa apat na sulok ng silid na iyon. Hindi siya nangalakal ngayon dahil inilaan niya ang araw na ito para nga pumunta sa police station at makibalita sa kaso ng kaniyang mga magulang. Kaya lang, katulad ng dati ay wala na naman siyang napala. Naalala niya ang mga lumang damit na ibinigay sa kaniya ni Aling Susan, kinuha niya ang plastic, hindi pa niya nabubuksan ang mga iyon. Bukod kay SPO2 Fajardo ay ang mag-inang Susan at Caloy lang ang bukod tanging tao na nagpakita ng kabutihan sa kaniya. Madalas ay nabu-bully siya dahil sa malaking peklat sa kaniyang mukha. Walang gustong makipagkaibigan sa kaniya. Nakilala niya ang mag-ina sa tambakan ng basura, katulad niya ay nangangalakal din ang mga ito. Isa-isa niyang inilabas ang mga damit sa plastic. Kahapon pa ibinigay sa kaniya iyon ngunit ngayon lang niya naalalang tingnan. Mangilan-ngilan lang ang pupwede pang suutin, ang karamihan ay basahan na. Dalawang short at tatlong t-shirt na may mga konting butas pero pwede nang pagtiyagaang gamitin. May naitabi naman siyang sinulid at karayom kaya iyon na lamang ang pinagkaabalahan niyang tahiin. Pinalipas niya ang nakakabagot na oras sa pamamagitan ng pagtatahi at paglilinis sa kaniyang maliit na silid na tinutuluyan. Ang mga gamit na napupulot niya sa tambakan na uubra pa ay inuuwi niya. Pakonti-konti ay nakakaipon na siya ng gamit. May monoblock na upuan, laundry basket at kahapon lang ay nakakuha si Caloy ng single na kutson, ibinigay nito sa kaniya iyon para raw malambot na ang higaan niya at hindi na siya matutulog sa karton. Ibinilad niya iyong mabuti sa araw at ngayon nga ay kinuha na niya para dalhin sa kaniyang tulugan. Excited na siya, nakalimutan na niya kung ano ang pakiramdam na matulog sa malambot na higaan, walong taon na kasi siyang nagtitiyaga sa paghiga sa semento na nilatagan ng karton. Ang mga damit na hindi na ubrang suutin ay pinagtagni-tagni niya at tinahi para gawing sapin sa kutson. Sakto ang pagkakagawa niya at lumapat naman iyon. Nang mailatag niya sa sahig ang kutson ay agad siyang humiga para subukan. Napangiti siya, ngayon na lang ulit siya nakaramdam ng ganito kasarap na pakiramdam, kahit na papaano ay sigurado siyang magiging maginhawa na ang kaniyang pagtulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD