MAXI's POV
Biglang nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman ko ang pagpatong ng kaliwang bisig ni Jake sa aking kaliwang balikat.
Noong nakaraang linggo matapos akong masilipan ni Jake sa loob ng aking kwarto ay nagkapalitan na kami ng numero.
Sinabi sa akin ni Jake na bilang roommates ay mahalagang may number kami ng isa't isa sa contact ng aming phones na sinang-ayunan ko naman.
Tandang-tanda ko pa kung paanong hindi ako makatingin ng diretso sa mga mata ni Jake habang nag-uusap kami sa sala nang gabing iyon.
Hindi mawala sa aking isipan kung paano kami humantong ni Jake sa ganoon.
Nasilipan ko ang pang-upo ni Jake nang hindi sinasadyang makita kong umiihi siya sa loob ng banyo at siya naman ay hindi sinasadyang masilip ang aking hubad na katawan maliban sa parte ng aking katawan na nababalutan ng boxer shorts.
Nang gabi ring iyon ay isinulat naming dalawa ni Jake sa dalawang bond paper back-to-back ang house rules na aming susundin habang magkasama kami sa iisang apartment unit.
At ngayon nga ay araw ng Sabado at isa sa house rules na aming isinulat ay maghahati kami sa gastusin ng food supplies kada linggo at magkasama kaming mamimili tuwing Sabado.
Kagagaling lang namin ni Jake sa malaking grocery store na walking distance lamang mula sa apartment building ng aming unit at ngayon ay malapit na kami sa tapat ng pintuan ng aming apartment unit habang bitbit ko sa aking kaliwang kamay at sa kanang kamay naman ni Jake ang aming mga pinamili.
Parang naninigas ang aking leeg habang unti-unti kong nililingon ang bisig ni Jake na nakapatong sa aking balikat.
Napasinghap pa ako nang bigla akong hapitin ni Jake padikit sa kanyang katawan.
Nagtayuan ang mga balahibo sa aking katawan nang maramdaman ko ang mainit na hininga ni Jake sa aking kanang tainga nang bumulong siya sa akin.
Jake: Kalma ka lang. 'Yong mayabang mong ex, nakatingin sa 'tin.
Nang marinig ko ang sinabi ni Jake ay agad akong tumingin sa aming harapan at naroon nga sa labas ng apartment unit si Lyndon.
Nakasuot lamang ng maiksing boxer shorts si Lyndon at nakasampay sa kanang balikat nito ang isang sando.
Typical Lyndon. Gustung-gustong ipinagmamalaki ang magandang katawan nito sa maraming tao.
Nitong mga nakaraang araw ay ilang beses na kaming umaakto ni Jake na parang isang happy couple sa tuwing nakikita naming nasa paligid lamang sina Lyndon, Pauline, at Aling Ludy.
Ang tatlong taong sinabihan ni Jake na kasintahan na niya ako.
Habang papalapit kami ni Jake kay Lyndon ay maangas itong nakikipagtitigan kay Jake na ginagantihan naman ni Jake ng mas maangas na titig.
Nakahinga ako nang maluwang nang nasa tapat na kami ni Jake ng pintuan ng aming apartment unit. Halos hindi na rin kasi ako makahinga sa pagkakadikit ng balat ng bisig ni Jake sa aking balikat.
Akmang hahawakan ko na ang doorknob ng pinto nang biglang marinig ko ang tinig ng boses ng aking talipandas na ex-boyfriend.
Lyndon: Alam niyo, hindi ako naniniwalang mag-jowa kayong dalawa.
Parang bigla akong itinulos sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang sinabing iyon ni Lyndon.
Dahan-dahang akong humarap kay Lyndon at nakahanda na ang aking mga sasabihin nang bigla akong maunahang magsalita ni Jake.
Jake: Talaga ba, pare? Bakit naman? Hindi ba matanggap ng pride mo na mabilis na nakahanap si Maxi ng ipapalit sa 'yo?
Nilingon ko si Jake at kitang-kita ko ang kaseryosohan sa kanyang mukha.
Narinig ko ang painsultong tawa ni Lyndon at pagkatapos ay umiling-iling pa ito habang nakahalukipkip sa harapan namin ni Jake.
Lyndon: Actually, kabaligtaran, pare. Ako kasi 'yong tipo ng lalaki na hindi nakakalimutan agad-agad ng mga ex ko.
Mayabang pang nagkibit-balikat si Lyndon pagkatapos sabihin iyon.
Lyndon: Well, masisisi mo ba sila, pare? Tingnan mo naman kung anong klaseng lalaki ang nasa harapan ninyo ngayon.
Ibinuka ni Lyndon ang mga braso at bisig nito at pagkatapos ay mabagal na umikot pa sa harapan namin ni Jake na para isa itong modelo.
Lyndon: Kaya alam kong patay na patay pa rin sa akin itong si Maxi. Alam mo bang iniyakan pa ako niyan?
Narinig ko ang painsultong tawa ni Lyndon matapos sabihin ang mga katagang iyon.
Ang kapal ng mukha ng Lyndon na ito para ipaalala pa sa akin ang aking ginawang kahibangan na siya naman ang dahilan.
Si Lyndon at ang aking ex-friend na si Pauline.
Nagulat ako nang marinig ko ang patuyang pagtawa ni Jake sa aking tabi.
Jake: 'Yang mukha at katawan mo lang ba ang panlaban mo, pare? Akala ko pa naman utak ang asset mo. No wonder kaya madali kang nakalimutan ni Maxi.
Napasinghap ako sa pasimpleng insultong iyon ni Jake kay Lyndon.
Agad kong nilingon si Lyndon at hindi ko alam kung matatawa ba ako o hindi sa nakita kong pamumula ng mukha nito.
Parang gusto kong magbunyi sa muling pagtatanggol sa akin ni Jake laban kay Lyndon.
OMG.
Si Jake na ba ang aking bagong hero?
Jake: Hindi mo rin ba alam, pare, na ako 'yong tipo ng lalaking masarap magmahal? Kaya nga siguro mabilis kang nakalimutan ng babe ko rahil hindi ka marunong magmahal.
Kung kanina ay namumula ang mukha ni Lyndon, ngayon ay parang may lumalabas ng usok mula sa dalawang butas ng ilong nito.
Jake: Hindi ka marunong magpahalaga ng isang relasyon. In short, wala kang puso.
Nakita ko ang mapang-uyam na tingin at ngiti ni Jake kay Lyndon.
Kasabay niyon ay naramdaman ko ang pagpisil ng kaliwang kamay ni Jake sa aking kaliwang balikat. Para akong pinapakalma ng pagpisil na iyon ni Jake sa aking balikat.
Pero bigla akong kinabahan nang makita kong ikinuyom ni Lyndon ang dalawang palad nito.
Maxi: Lyndon, a-anong gagawin mo?
Nilingon ko si Jake at kitang-kita kong kalmado pa rin siya kahit nakikita niya ang galit na mukha ni Lyndon.
Akmang susugurin ni Lyndon si Jake nang biglang sumungaw mula sa loob ng apartment unit ni Lyndon ang girlfriend nitong si Pauline, ang aking ahas na rating kaibigan.
Pauline: Lyndon?
Tumigil sa ere ang nakakuyom na palad ni Lyndon at agad na nilingon nito si Pauline.
Lyndon: B-babe?
Nakita kong lumingon sa akin si Pauline.
Hindi ko alam pero parang puno ng lungkot ang mga mata ni Pauline nang tumingin ito sa akin.
Nagmamadaling lumapit si Lyndon kay Pauline.
Jake: Bantayan mo 'yang boyfriend mo. Mukhang ayaw tantanan itong babe ko.
Nang lingunin ko si Jake ay nakita kong nakatingin siya kay Pauline at nang bumalik ang aking tingin kay Pauline ay nakita kong nabahiran ng takot ang mga mata nito.
Ano ba ang nangyayari?
Hindi ko maintindihan ang nakikita kong iba't ibang emosyon sa mga mata ng dati kong kaibigan.
Nakita kong sinamaan ng tingin ni Lyndon si Jake bago ito muling humarap kay Pauline.
Nang titigan ni Pauline si Lyndon ay hinanakit naman ang aking nababanaag sa mga mata nito ngayon.
Jake: Halika na, babe.
Nagpatianod ako sa paggiya ni Jake sa akin papasok ng aming apartment unit.
Bago ako tuluyang makapasok sa loob ng apartment unit ay nilingon kong muli ang direksyon nina Lyndon at Pauline at ganoon na lamang ang aking pagtataka nang makita ko ang pagsisisi sa mga mata ni Pauline habang nakatingin ito sa akin.
Naguguluhan ako pero ang tingin ko ay mukhang hindi masaya si Pauline sa kasalukuyang sitwasyon nito ngayon.
----------
THIRD PERSON POV
Puno ng kasiyahan ang mga mata ni Monica habang pinapanood at pinapakinggan ang boyfriend nitong si David na kinakanta ang awiting "It Don't Take That Long" habang nagpi-play ng gitara.
Ang kantang ito ang nagpi-play sa stereo sa loob ng kotse ni David noong unang araw na magkakilala silang dalawa ni Monica.
Schoolmates noong College sina David at Monica at noong araw na iyon ay napansin ni David ang basang-basang si Monica na sinusuong ang ulan sa gilid ng kalsada.
Dahil sa suot na uniporme ni Monica kaya nalaman agad ni David na schoolmate niya ang babae.
Agad na binusinaan ng kotse ni David ang humahangos na si Monica at niyaya itong sumakay sa loob ng kanyang kotse. Nang una ay tumanggi pa si Monica pero rahil sa kakulitan ni David ay napahinuhod niya rin ito.
Iyon ang unang araw na pormal na nagkakilala sina David at Monica hanggang sa niligawan niya ito at matapos ang ilang buwang panliligaw ay sinagot ni Monica si David.
Matapos kantahan ni David si Monica ay dahan-dahan niyang ibinaba ang gitara sa ibabaw ng center table ng sala sa loob ng bahay ni Monica.
Agad na niyakap ni Monica ang kasintahan at hinalikan si David sa kanyang mga labi.
Monica: I love you so much, pogi.
"Pogi" ang endearment ni Monica kay David at "Ganda" naman ang endearment ni David para sa kanyang girlfriend.
Mahigpit na niyakap ni David pabalik ang kanyang girlfriend at malalim na hinalikan si Monica.
David: Mahal na mahal din kita, ganda.
Ipinagdikit ni David ang tungki ng kanilang mga ilong ni Monica at matiim na tinitigan ang kasintahan.
David: Ganda, sana kapag dumating 'yong araw na may malaman kang bagay tungkol sa akin na hindi mo ikatutuwa ay hindi magbago kung ano ang nararamdaman mo para sa akin.
Pumikit si David kasabay nang pagkunot ng noo ni Monica matapos marinig ang sinabing iyon ng boyfriend nito.
Inilayo ni Monica ang mukha nito mula sa mukha ni David at ikinulong sa mga palad nito ang mukha ng lalaki.
Monica: Pogi, ano ba 'yang sinasabi mo? Leader ka ba ng isang mafia?
Sinundan pa ng marahang tawa ni Monica ang sinabi nito para pagaanin ang unti-unting bumibigat na mood sa loob ng sala ng bahay nito.
Nanatiling nakapikit si David at nakita ni Monica ang pagsilay ng isang malaking ngiti sa kanyang mga labi habang mabagal siyang umiling-iling.
Tumikhim muna si David bago nagsalita.
David: Wala, ganda. Na-nasabi ko lang 'yon dahil hi-hindi naman natin alam kung ano ang mangyayari sa susunod.
Pagkatapos magsalita ni David ay muli siyang ngumiti ng pagkalaki-laki sa harapan ni Monica.
Ngunit ang tingin ni Monica ay pilit lamang ang ngiting iyon ni David.
Nakangiting pinagmasdan ni Monica ang mukha ng nakapikit na si David.
Hindi magsasawa si Monica na titigan ang gwapong mukha ng boyfriend nito. Masaya ito rahil higit sa kagwapuhan ni David ay mabait at mapagmahal na boyfriend ang lalaki rito.
Sa tuwing nagkakaroon ng problema at tampuhan sina David at Monica ay hindi nila hinahayaang matapos ang araw na hindi nareresolba ang mga iyon.
Masasabi rin nina David at Monica na naging gamot nila ang isa't isa rahil dumating sila sa buhay ng bawat isa kung kailan pareho silang nabigo sa pag-ibig.
Sa pamamagitan ng pagdadamayan nina David at Monica sa isa't isa ay mas mabilis silang naka-move on mula sa sakit na iniwan ng kanilang dating mga kasintahan sa kanilang mga puso.
Nakapikit pa rin si David nang muling kintalan ng halik ni Monica ang kanyang mga labi.
Monica: Kung may malalaman akong bagay tungkol sa iyo na hindi ko magugustuhan, siguro ay kakausapin muna kita. Kasi naniniwala akong lahat ng bagay ay may dahilan.
Marahang pinisil ni Monica ang magkabilang pisngi ni David.
Monica: At saka mas tumitibay ang isang relasyon kung ang lahat ng bagay tungkol sa dalawang taong bumubuo nito ay pinag-uusapan.
Nakita ni Monica na unti-unting iminulat ni David ang kanyang mga mata.
Masuyong ngumiti si Monica kay David.
Monica: At kung maririnig ko 'yong dahilan mo, anong malay natin kung mas lalo pa kitang mamahalin, 'di ba?
Napansin ni Monica ang pagkislap ng dalawang mata ni David ngunit sandali lamang iyon.
Ang hindi alam ni Monica ay pinipigilan ni David na umalpas ang kanyang mga luha.
Monica: Hanggang naiintindihan kita, mamahalin kita. Tandaan mo 'yan, pogi.
Sa puntong iyon ay nararamdaman ni Monica na parang maiiyak ito.
Lumawak ang ngiti sa mga labi ni David at muli niyang hinalikan ang kanyang girlfriend.
Mas malalim ang halik na iginawad ni David kay Monica sa pagkakataong iyon.
Sa isipan ni David ay ilang beses siyang humihingi ng kapatawaran kay Monica sa tuwing kaniig niya si Vanessa, ang fiancée ng kanyang best friend na si Ferdie.
Laging sinasabi ni David sa kanyang sarili na labag sa kanyang puso ang ginagawang pakikipagtalik kay Vanessa. Ginagawa lamang niya iyon rahil sa kasalanang ginawa sa kanya ni Ferdie.
Kapag tuluyan nang nakaganti si David kay Ferdie ay ititigil na niya ang pakikipagtalik kay Vanessa at malilinis na ang kanyang konsensya.
Sa ngayon ay paulit-ulit munang hihingi ng kapatawaran si David para sa kanyang mga kasalanan sa kanyang girlfriend na si Monica.
Mahal na mahal ni David si Monica at umaasa siyang hindi masisira ang kanilang relasyon oras na matapos niya ang kanyang paghihiganti.
----------
itutuloy...