PAGKAALIS ng kahuli-hulihang nakipag-libing ay napabuntong-hininga na lamang si Anicka.
Ano nang gagawin niya ngayon?
Nag-iisa na lamang siya.
Nakita niya ang ama sa loob ng kwarto nito na wala nang buhay.
Nagbaril ito sa sarili.
Ayon sa iniwan nitong sulat ay humihingi ito ng tawad sa kanya.
Hindi pa malinaw kung bakit.
Nang maalala ang ama ay muling pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata.
Bakit nagawa iyon ng ama?
Kung may problema, o, kung may nagawa ito ay maaari naman nila iyong pag-usapan.
Bakit kailangang kitlin nito ang sarili nitong buhay? Sa dami ng mga pinag-daanan nila ay ngayon pa ba ito susuko?
Ama niya ito.
Ito na lamang ang natitira sa kanya. Hindi maaaring hindi niya ito mapatawad.
Napabuntong-hiningang lumabas na lamang siya ng sementeryo at nagpasya nang umuwi.
Pagdating niya sa bahay ay may magarang kotseng nakaparada sa tapat ng bahay nila.
Kunot-noong binuksan niya ang gate at pumasok.
Muling nag-init ang kanyang mga mata nang mapatingin sa mansyon.
Nag-iisa na lamang siya sa napakalaking mansyon na ito.
Iniisip niyang ibenta na lamang ito at bumili ng mas maliit na bahay. Hindi naman niya kailangan ng ganito kalaking tirahan. Napakalaki nito para sa kanya, paglilinis pa lamang nito ay kukulangin na ang dalawang araw niya. Hindi naman na niya kayang kumuha ng katulong. Praktikal lamang na ibenta na lamang niya ito.
Ang ama na lamang niya naman ang dahilan kung bakit doon pa rin sila nakatira. Hindi nito matanggap na wala na sa kanila ang lahat. Ayon dito ay darating din daw ang araw na mababawi nila ang lahat ng nawala sa kanila.
Sumubok pa rin itong magtayo ng negosyo ngunit nabigo lamang ito.
Wala nang gustong magtiwala rito dahil sa mga nangyari. Malaking kawalan dito ang pagkawala nito sa pwesto.
Kung siya ang tatanungin ay nasanay na rin naman siya sa sitwasyon nila. Hindi na hinahanap ng katawan niya ang masarap na buhay. Natuto na siyang magbanat ng buto upang tustusan ang sariling pangangailangan.
Isa lamang ang pinanghihinayangan niya sa mga nangyari, ang pagkawala ng ina.
Masyado itong naging mataas at materyosa, kaya't hindi nito kinaya ang pagkawala ng lahat. Gayundin ang panlilibak ng mga tao, kaya't inatake ito sa puso.
Naiiling na lamang siya nang maalala niya na naman ang mga magulang.
Kung sana ay natuto na lamang na tanggapin ng mga ito ang kinahinatnan ng buhay nila, disin sana ay buo pa ang pamilya nila.
Hindi na siya nagtaka nang bumaba ang may-ari ng sasakyan at sumunod sa kanya.
Isa ito marahil sa mga pinagkaka-utangan ng kanyang ama.
Sa tantiya niya ay nasa edad kuwarenta hanggang kuwareta y singko ang lalaki.
May hitsura din naman ito. Ngunit base sa ngiti nito ay nararamdaman niyang hindi magandang balita ang dala nito.
"Ah... magandang hapon sa iyo, Anicka," magalang at nakangiting bati nito sa kanya.
"M-magandang hapon din po...--" sadya niyang ibinitin ang salita sapagkat hindi niya kilala ang lalaki.
"Lorenzo... Lorenzo Montelibano." dugtong naman nito sabay lahad ng kamay sa kanya.
Dala ng kagandahang asal ay tinanggap niya ang pakikipagkamay nito.
Na tumagal kaysa sa nararapat, sapagkat hindi nito agad binitiwan ang kamay niya.
Nahihiyang bahagya niyang hinatak ang kamay niya na tila ayaw na nitong bitiwan.
"Hrmp... maaari na ba akong pumasok at nang mapag-usapan na natin ang dahilan ng pagparito ko?" medyo napahiya nitong sabi.
"Ahm..." litong lumingon siya sa loob ng bahay at muling bumaling ang tingin dito.
Hindi niya alam kung papapasukin ba ito o hindi. Hindi niya ito kilala kaya't bahagya siyang nag-dalawang isip.
"Huwag kang mag-alala, kilala ko ang ama mo," anito nang tila ay nabasa ang nasa isip niya.
Wala sa loob na napatango na lamang siya sa sinabi nito at pinapasok ito sa loob ng bahay.
Nanlaki ang mga mata niya at literal na bumuka ang labi nang umpisahan na nito ang dahilan kung bakit ito naroon.
"No...! Hindi totoo iyan! Hindi magagawa sa akin ng Papa iyan!" umiiling at nanlalaki pa rin ang mga matang sabi niya.
Unti-unti nang nanunubig ang mga mata niya.
"Narito ang lahat ng kasulatan na magpapatunay sa pagkaka-utang ng ama mo. At may pirma niya rin ito. Maaari mong ipasuri, kung nais mo. Kasama ang kasulatan na kung hindi siya makakabayad ng halagang dalawang milyon, ay ikaw ang magiging kabayaran sa pagkaka-utang na iyon." pormal at malupit na saad nito.
Doon na tuluyang pumatak ang mga luha niya.
Paano nagawa ito sa kanya ng ama?
Naalala niya ang sulat na iniwan nito.
Ito ba ang dahilan kung bakit humihingi ito ng tawad sa kanya?
Ito rin ba ang dahilan kung bakit mas ninais na lamang nitong kitlin ang sariling buhay, kaysa makita nito ang resulta ng ginawa nito?
"Oh, Papa... what have you done?" tangis niya sa isip niya.
Ngunit hindi ito ang oras ng kahinaan. Kailangan niyang magpakatatag.
Pinahid niya ang mga luha at taas-noong humarap dito.
"Kung ganon ay kailangan kong magpakasal sa iyo, upang mabayaran ko ang pagkaka-utang ni Papa?" gusto niyang batiin ang sarili sapagkat nasabi niya iyon ng deretso at hindi pumipiyok.
Bahagyang natawa si Mr. Montelibano sa sinabi niya na ikinakunot ng noo niya.
"Don't get me wrong, hija. Gusto kita..." anitong hinagod pa siya ng malisyosong tingin, medyo nagtagal ang tingin nito sa dibdib niya na ikinapula ng mukha niya. "Pero hindi sapat na dahilan para pakasalan kita. May pamilya na ako." deretsong sagot nito na muling ikinapanlaki ng mga mata niya.
IBIG mong sabihin, gagawin mo akong kept woman? Nasisiraan ka na ba? Hindi ako ganoong klaseng babae!" medyo tumaas ang boses niya at napatayo nang sabihin iyon.
"Relax. Hindi mo naman kailangang mag-react ng ganyan. Kung hindi mo gusto, ay wala naman akong balak na pilitin ka. Ngunit kinakailangan mong bayaran ang halaga ng pagkaka-utang ng ama mo. At sa lalong madaling panahon." tila balewalang sabi nito at nagkibit pa ng balikat.
"Ang bahay na ito. Tama. Ibebenta ko ang bahay na ito, at may pambayad na ako sa iyo. Mahigit pa sa dalawang milyon ang halaga nito." nabuhayan siya ng loob sa naisip.
Hindi biro ang halaga ng mansyon nila. Mababayaran na niya si Mr. Montelibano, ay tiyak na may matitira pa rin sa kanya upang gamitin sa pagbabagong-buhay.
Nakangising naiiling si Mr. Montelibano sa sinabi niya.
"Kung ganoon ay wala ka pang alam?"
Muli ay nangunot ang noo niya rito.
"Hindi na ninyo pag-aari ang mansyon na ito. Nauna pa itong naisangla, bago pa man nangutang sa akin ang ama mo."
Muli ay nangilid ang mga luha niya sa nalaman.
Ngunit sa pagkakataong iyon ay pinigilan niya iyong pumatak.
"Hanggang kailan ang palugit ko?" matatag at taas noo niyang tanong.
"Hanggang sa katapusan ng buwan."
"Kung gayon ay makaka-alis ka na. Bumalik ka na lamang dito sa katapusan ng buwan." taas noo pa rin niyang sabi.
Hindi siya si Anicka Tiffany Escudero para lamang sa wala.
Nawala man ang lahat sa kanya ay dugong Escudero pa rin ang nananalaytay sa ugat niya.
Hindi siya magpapasindak sa taong ito.
May tatlong linggo pa siyang natitirang palugit.
Makakahanap siya ng paraan bago matapos ang nakatakdang oras.
Hindi siya papayag na maging kabit at babuyin ng taong ito.
Tumigas ang ekspresyon ng mukha niya sa naisip.
"At sa paanong paraan naman ikaw sa tingin mo makakabayad sa akin?" hamon pa rin nito.
"Hindi mo na problema iyon. Basta ang gusto ko, huwag ka na munang magpapakita sa akin, hanggang sa sumapit ang takdang panahon. Makakaalis ka na." taas noo pa ring taboy niya rito.
"Kung ganon ay magkita na lamang tayo sa katapusan ng buwan." inis na sabi nito at tumayo na.
Nang makaalis ang panauhin ay saka lamang nanghihinang napa-upo si Anicka sa naroong sofa.
Ano na ngayon ang gagawin niya?
Pati pala ang mansyon na ito ay hindi na rin sa kanya.
Saan siya magsisimula?
Idagdag pa ang problemang hatid ni Mr. Montelibano.
"Oh God, Papa. How could you do this to me? Bakit mo nagawang i-collateral ako sa pagkaka-utang mo? Iningatan mo ba ako buong buhay ko para pakinabangan, pagdating ng panahon? This is so unfair..." umiiyak na kausap niya sa larawan ng amang nakasabit sa pader ng mansyon.
"HI, baby. How are you?" bungad sa kanya ni Albert nang sagutin niya ang tawag nito.
Kasalukuyan siyang nagliligpit ng mga gamit ng ama.
"I'm fine." sagot niya habang kipit sa tainga at balikatang cellphone.
"What are you doing? Do you want me to come over?"
Mula nang mawala ang lahat ng mayroon sila, kasama pati mga kaibigan niya at amag-anak na noon ay kulang na lang halikan ang lupang dinaanan nila, si Albert na lamang ang tanging natira sa kanya. Ito lamang ang hindi siya iniwan at nanatili sa tabi niya.
"No thanks, Albert. Nagliligpit ako ng mga gamit ni Papa."
"Ahh... kumain ka na ba?"
"Tatapusin ko muna 'to, tapos kakain na rin ako."
"Yan ang sinasabi ko sa iyo, eh... huwag kang nagpapalipas ng gutom,"
"I'm on my way, dadalhan kita ng food."
"Albert, okay lang talaga ako." naiiling na sabi niya rito.
"I insist, okay? Hintayin mo ako diyan." pamimilit pa rin ng binata.
"Bahala ka na nga." wala nang nagawang pahinuhod na lamang niya. "Hindi ko naman ini-lock 'yung pinto, pumasok ka na lang."
"Kita mo yan, tsk. Hindi mo ba alam kung gaano kadelikado ang panahon ngayon?" himig-sermon nito sa kanya. "Hindi mo dapat iniiwang bukas ang pinto."
"Hay nako, nanermon ka na naman." aniyang ipinaikot pa ang mga mata. "Nasa San Martin ako, baka nakakalimutan mo. Halos magkakakilala ang mga tao rito. Wala naman sigurong magtatangka ng masama sa akin dito."
"Kahit na, iba pa rin ang nag-iingat."
"Hay nako, tama na nga sermon. Pumunta ka na rito."
"Okay. Wait for me."
Mag-iingat ka ha..."
"Sure, baby, para sa iyo."
NANG dumating si Albert ay tila nakahanap siya ng kakampi sa katauhan nito. Ng kaibigan na mapag-hihingahan ng lahat ng bigat na dinadala niya.
"I'm willing to help." agad na sabi nito.
"Paano? Pahihiramin mo rin ako ng pera?" she smiled wearily. "Paano ko naman mababayaran iyon, aber?"
"Saka mo na isipin iyon," naiiling na bumuntong-hininga ito. "At least, hindi ako kasing manyak ng taong iyon. Or kung sa akin, at least, puwede kitang pakasalan, para matapos nang lahat ng problema mo."
Napapasentido siya sa sinasabi nito. Pakiramdam niya lalo lamang niyong palalalain ang problema niya.
"Albert, please. Lalo lang lalaki ang problema."
"Mahirap ba talaga para sa iyo na mahalin ako?" naroon ang lungkot sa mata nito anumang pilit nitong itago iyon. "High school pa lang tayo, sinabi ko na sa iyo na mahal kita. Nawala man sa iyo ang lahat, nandito pa rin ako... ano pa ba ang kailangan kong gawin para patunayang mahal kita at nakahanda akong akuin lahat ng bigat na dinadala mo?" halos ay nagsusumamo na ang tinig nito. "Bigyan mo lang ako ng pagkakataon..."
"I'm sorry Albert, napag-usapan na natin ito." awang-awa siya sa kaibigan ngunit ito ang pinakatama niyang maaaring gawin. "Ayokong madamay ka sa gulo ng buhay ko."
"Please, Anicka, hayaan mong damayan kita," pilit pa rin nito. "Sige, babayaran ko ang pagkakautang ng Papa mo, pero hindi ako manghihingi ng kahit na anong kapalit. Ayoko lang na mapahamak ka sa kamay ng manyakis na iyon."
Humugot siya ng malalim na paghinga.
"Pag-iisipan ko iyan, Albert... sa ngayon ay may kulang tatlong linggo pa ako para gumawa ng paraan. Kapag natapos ang palugit ko at wala pa rin akong nakuha, tatanggapin ko ang alok mo.
Inipon niya ang lahat ng natitirang tatag niya at tumingin sa mga mata nito.
"Kasabay ng pagtanggap ko ng perang iyon... PAKAKASALAN KITA."
"Fair enough."
Alam niyang iyon ang pinakatamang desisyon na maaari niyang magawa sa mga oras na iyon. Hindi niya idadamay si Albert sa mga problema niya.
Sa ngayon ay tama na munang nariyan ito bilang kaibigan.