Chapter 9

595 Words
"HINDI ka ba nasaktan?" tanong sa kanya ni Drake habang naglalakad sila. Nakaagapay ito sa kanya habang nakasunod naman sila sa likuran nila Tristan at Sunny. Nakalagay sa likod ni Sunny ang kamay ni Tristan, inaalalayan ito sa paglalakad habang mahinang nagbubulungan ang dalawa. "Sila na ba?" tanong niya kay Drake na hindi pinansin ang tanong nito sa kanya kanina. Nagkibit balikat naman ito. "Ewan. Hindi namin alam kung anong score sa kanilang dalawa. Bakit selos ka?" nanunudyong tanong nito sa kanya. Lumabi siya at inirapan ito. Siyempre... bulong niya sa isip. Pero hindi niya isinatinig dahil alam niyang tutudyuin lang siya ni Drake. Dapat talaga hindi na lang siya sumabay sa mga ito, hindi niya pa kasama si Tere dahil sinundo ito ng Kuya niya. "Alam mo, hindi ko akalain na ipagtatanggol mo si Sunny, dun sa grupo nila Melody," anito na nakapagpalingon sa kanya. "Kapatid ko siya, malamang na tulungan ko siya kapag nakikita ko siyang nasasaktan. Ikaw ba kapag nakita mong ginugulpi ng iba ang kapatid mo, hindi mo gagawin ang ginawa ko?" Nagkibit ito ng balikat. "Wala akong kapatid," simpleng sagot nito. "Tss!" palatak niya at hindi na ito inimik pang muli. Itinuon niya ang mga mata kay Sunny at Tristan. Naiinggit siya sa kapatid, gusto niya ring maranasang maalalayan ni Tristan na parang isang mamahaling bagay na handa nitong ingatan anumang oras. Gusto niyang titigan din siya nito na para siyang napakagandang tanawin na hindi nito kayang tiisin na hindi titigan. Gusto niyang mapunta sa lugar ni Sunny. "Kain muna tayo fishball!" aya ni Bench at nauna nang naglakad papalapit sa nagtitinda ng fishball. "Libre kita, tara!" ani naman ni Drake sa kanya, hinawakan pa siya nito sa siko at iginiya papunta sa nagtitinda ng fishball. "Here," ani ni Tristan kay Sunny, iniaabot nito ang plastic cup na may lamang fishball at kikiam na ito mismo ang tumuhog. "Gusto mo ikuha din kita?" tanong sa kanya ni Drake. Nangunot ang noo niya. Nagtataka siya kung bakit kanina niya pa ito napapansin na parang bumait sa kanya. Hindi naman dating ganito ito, madalas na asarin siya nito at buwisitin na hindi nito ginagawa simula pa kanina. Hindi rin ito humihiwalay sa kanya. "May gusto ka ba sa akin?" diretsang tanong niya dito. Nagulat naman ito sa tanong niya at hindi lang ito ang nagulat dahil napalingon din sa kanila ang mga kasama nila, pati si Tristan. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng hiya. "Oooooh! Relasyon!" sigaw ni Justin, nakipag-apir pa ito kay Bench at Carlo habang nagtatawanan ang mga ito. Miski si Tristan ay napangiti rin, samantalang nangunot naman ang noo ni Sunny na nakatingin sa kanilag dalawa ni Drake. "Gutom lang yan!" ani ni Drake na pulang-pula ang tainga at hindi makatingin sa kanya ng diretso. Kinagat niya ang pang ibabang labi. Nakaramdam ng hiya dahil sa katabilan ng bibig niya. Baka mamaya isipin ni Tristan na napaka-assumera niya para isiping may gusto sa kanay si Drake. Guwapo si Drake, miski sina Bench, Justin at Carlo. Kaya nga sikat ang mga ito sa Campus. Kaya napaka-imposible ang itinanong niya kay Drake kanina, dahil sino ba siya? Si Amelie lang naman siya. Hindi na nga kagandahan, hindi pa kasing talino ni Sunny. Kinuha niya na lang ang inabot sa kanya ni Drake at nagsimulang kumain. Hindi na siya nag-angat pa ng tingin kahit tumabi na uli sa kanya si Drake at nag-umpuisa na ring kumain. Matapos sila, kinuha pa sa kanya ni Drake ang plastic cup at stick niya at ito ang nagtapon, inulan tuloy sila ng tukso na tinawanan lang nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD