4

2203 Words
Nagulat na lamang si Danica nang makarinig ng malakas na kalabag ng pagbukas ng pinto. Napatigil siya sa pag-aayos ng gamit niya at napatingin sa may pintuan ng bahay niya at nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang makita si Edward na papasok na ngayon. Kaagad siyang napatayo sa inuupuang sofa. “Anong ginagawa mo rito sa bahay ko?!!!” malakas na sigaw na tanong ni Danica kay Edward. Napansin niyang namumula ang buong mukha nito at pasuray-suray na naglalakad palapit sa kanya. “At ang lakas pa ng loob mong pumunta rito ng lasing!!!” sigaw pa nito. Parang walang narinig si Edward sa mga sinabi niya. Patuloy pa rin ito sa paglapit sa kanya habang nakatingin ang mga mata nitong namumungay at namumula dahil sa kalasingan. Mas lalong nagulat si Danica ng bigla siyang hawakan ni Edward sa magkabilang balikat niya. “Ano ba?!!! Bitawan mo nga ako!!!” malakas na sigaw ni Danica sabay piglas pero hindi siya nakawala sa mga hawak ni Edward dahil sa higpit ng hawak nito sa kanya. “Mahal na mahal kita Danica! Please! Huwag mo namang sanang gawin ito sa akin! Huwag mo akong iwan nagmamakaawa ako!” nagmamakaawang sabi ni Edward. “Ano bang mahirap initindihin sa sinabi ko, Edward? Tapos na tayo! Hindi na kita mahal kaya dapat lang na tapusin ko na ang kung anumang meron sa ating-” “Hindi!!!” malakas na sigaw ni Edward. “Hindi pwede! Mahal kita at hindi ganun kadali na pakawalan ka! Pitong taon… halos pitong taon kitang minahal at hanggang ngayon ay patuloy na minamahal kaya hindi kita pakakawalan!” mariing sabi pa nito. “Pwes ako hindi na kita mahal. Ilang beses ko pa bang dapat iyong sabihin sayo, huh? Lumiit na ba lalo ang kakarampot mong utak para hindi mo na maintindihan ang mga sinabi ko? Hindi na kita mahal kaya dapat na hiwalayan-” Hindi na naipagpatuloy ni Danica ang sasabihin ng bigla siyang sunggaban ng halik ni Edward sa labi. Nagpupumilit ito na iparamdam kay Danica ang matindi niyang pagmamahal. Todo naman ang iwas ng mukha ni Danica para hindi siya mahalikan ni Edward. “Ano ba?!!! Tigilan mo na ako!!!” sigaw nito. “Hindi kita titigilan! Mahal kita at hinding-hindi kita titigilan hangga’t hindi ka bumabalik sa piling ko. Please! Bumalik ka na sa akin. Sige, kahit na may relasyon na kayo ng bago mo, sige lang ituloy mo lang basta huwag mo lang akong iwanan!” nagmamakaawang sabi nito. Kahit lasing ay nakikita mo pa rin dito ang sobrang sakit na nararamdaman dahil sa ginagawang ito sa kanya ni Danica. “Pwede ba! Bakit ko naman gagawin iyon gayong ayoko na sayo! Mas masaya na ako sa kanya at hindi ko na kailangan pa ang isang kagaya mo kaya please lang-” Mas lalong nagpumilit si Edward na mahalikan ang labi ni Danica. Nasa espiritu siya ng alak at kahit na alam niyang mali ang ginagawa niya ngayon, wala na siyang pakiealam. Ayaw niyang iwan siya ni Danica. Hindi niya kakayanin. “Ano ba Edward! Tumigil ka na!!!” malakas na sumigaw si Danica na pilit nagpupumiglas. Patuloy pa rin sa ginagawa si Edward. Pinipilit pa rin niya na halikan si Danica. Hindi na nakapagpigil pa si Danica. Buong lakas niyang itinulak si Edward para tigilan na nito ang ginagawang pamimilit na paghalik sa kanya. Pero sa malakas niyang pagtulak na iyon ay hindi sinasadya na bumagsak ito ng sobrang lakas at tumama pa ang ulo sa edge ng mesa na nasa gitna ng living room. “Oh my god!!!” gulat na gulat na hiyaw ni Danica at napatakip pa ng mga kamay sa bibig. Nanlalaki ang mga mata niyang nakatingin ngayon kay Edward na nakahandusay na sa sahig at duguan ang ulo. Mukhang napalakas ang tama sa ulo ni Edward kaya nagdugo. Nanginig sa takot si Danica. Masama man siya pero hindi niya kailanman inisip na pwede siyang makapatay ng tao. Kaagad siyang lumuhod at tiningnan si Edward kung buhay pa. Sinalat niya ang leeg at pulso nito sa kamay. “Edward! Edward gumising ka!” natatarantang sigaw ni Danica na sinampal-sampal pa ang mukha nito para magising. Hindi siya pwedeng makapatay. Hindi dumilat si Edward. Nanatiling nakapikit ang mga mata nito. “Uy! Edward! Edward!” mangiyak-ngiyak na pagtawag niya pa sa pangalan nito. Inilapat pa niya ang kanang tenga niya sa dibdib nito para marinig niya kung humihinga pa ito. At mas lalo siyang nakaramdam ng takot ng wala siyang marinig. “Edward! Edward! Hindi ka pwedeng mamatay! Hindi kita pwedeng mapatay!” panay ang sigaw ni Danica. Oo, naging masama man siya kay Edward pero hindi niya ninais na patayin ito. Ni sa hinagap ay naisip niya iyong gawin sa dating karelasyon. Kaagad na napatayo si Danica. “Anong gagawin ko ngayon? Anong gagawin ko? Masisira ang buhay ko nito oras na malaman nila na ako ang nakapatay sa kanya,” natatarantang sabi ni Danica. Napapikit si Danica. Pilit na pinapakalma ang sarili. Nag-iisip siya kung ano ng gagawin niya. Kailangan niyang makapag-isip ng maayos sa mga susunod niyang gagawin. Pamaya-maya ay nakaisip na siya. Marahas na pinunasan niya ang kumawalang luha mula sa kanyang mga mata. Kaagad siyang pumunta sa kusina. Naghanap siya ng gloves na pwede niyang suotin. Nakakita siya nito sa itaas na cabinet. Isinuot niya sa kanyang mga nanginginig na kamay ang pares ng itim na gloves. Kumuha na rin siya ng basang bimpo at palangganang may tubig. Pagkakuha ay kaagad siyang bumalik sa living room. Pinunasan ang nagkalat na dugo sa sahig at ang mesa na may bakas ng dugo. Pinunasan niyang mabuti ang lahat ng gamit na naroon sa loob ng sala at sinigurong wala ng dugo ni Edward ang nandoon. Pinunasan din ni Danica ang buong katawan ni Edward at tinanggal ang dugo. Kinuskos niya iyon ng mabuti habang naluluha ang kanyang mga mata. Matapos niyang punasan ang katawan ni Edward ay hinubaran niya ito at pinalitan ng suot na damit. Matapos niyang gawin ang lahat ng iyon kay Edward ay bumalik siya sa kusina. Inilagay niya sa isang malaking lata ng pintura ang bimpo at mga damit ni Edward. Kumuha siya ng pospro at sinindihan iyon. Pinanuod niya ang pagkasunog ng lahat ng bagay na inilagay niya sa may lata. Hinintay niyang maubos ito ng apoy at maging abo. Nasunog na ang lahat ng bagay na nasa lahat at abo na lamang ang natira. Napabuntong-hininga nang malalim si Danica. Itinapon niya sa lababo ang abo na nasa lata. Hinugasan niya ng mabuti ang lata. Tinanggal niya ang abo sa lababo at hinugasan niya ito ng mabuti. Inilagay ni Danica ang malaking lata sa ilalim ng sink. Matapos iyon ay bumalik siya sa sala. Buong lakas na hinila ni Danica si Edward na ngayon ay wala ng buhay. Hawak niya ang dalawang kamay nito. Pagkalabas ng bahay, bumungad sa paningin ni Danica ang madilim na kapaligiran. May mga mangilan-ngilang ilaw na nagbibigay liwanag sa daan at liwanag ng buwan. Buong lakas siyang naglakad habang hila-hila pa rin si Edward. Pinipilit niyang hindi makagawa ng sobrang ingay para hindi rin siya makakuha ng atensyon. Hinila niya ang walang buhay na katawan ni Edward palayo sa bahay niya. Sampung minuto ang ginugol niya sa paglalakad at sa wakas ay nakarating na siya sa lugar na balak niyang pag-iwanan ng katawan ni Edward. Nakaramdam siya ng pagod pero hindi na niya iyon ininda pa. Nakatingin si Danica sa ibaba. Pamaya-maya ay ibinagsak niya roon ang walang buhay na katawan ni Edward. Napatingin siya doon. “Hindi ko sinasadya. Wala akong kasalanan. Aksidente lang ang lahat,” nanginginig na sambit ni Danica. Hindi niya isinisi sa sarili ang nangyari para hindi siya makonsensya. “Kasalanan mo ‘to Edward. Kung hindi ka pumunta sa bahay ng lasing pa. Hindi ka sana mamatay. Kasalanan mo ang lahat. Wala akong kasalanan. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko laban sayo,” madiin na wika niya. Nagpatingin-tingin sa paligid si Danica. Wala ng tao nung mga oras na iyon dahil gabi na at ganun ang buhay sa probinsya kapag pasado alas-otso o alas-nwebe na dahil nasa loob na ng bahay ang lahat at mahimbing na natutulog. Muli siyang naglakad palayo sa dinalhan niya kay Edward. Sinipa-sipa niya ang mga bato at buhangin sa nilalakaran niya. Nakauwi muli sa bahay si Danica. Naghanap siya ng bote ng alak na laging iniinom ni Edward. Nakahanap siya nito sa ilalim ng sink. Kinuha niya iyon at muling lumabas. Tiningnan niya ang kanyang dinaanan. Mabuti na lang at walang tumulo na dugo ni Edward. Sinipa-sipa niya muli ang mga bato para magkahalo-halo ang mga ito saka muli siyang naglakad at bumalik sa kinaroroonan ni Edward. Inihagis ni Danica ang bote ng beer. Siniguro niyang malapit ito sa bangkay ni Edward. Mabuti na lang at hindi iyon nabasag. Palalabasin niyang lasing na lasing si Edward kaya nahulog ito at nabasag ang ulo nito. Tumingin siya kay Edward. “Patawarin mo ako pero kailanman, hinding-hindi nila malalaman na napatay kita. Hinding-hindi mabibigyang katarungan ang pagkamatay mo. Kasalanan mo rin naman kung bakit ka nalagay sa ganyang kalagayan,” madiin na saad ni Danica bago umalis na sa lugar na iyon ay iwanan si Edward. Bago umuwi ng bahay ay dumaan si Danica sa tabing ilog na hindi naman kalayuan. Doon ay inihagis niya ang itim na gloves na ginamit niya na ngayon ay inagos na ng tubig. Napangisi siya. “Wala ng ebidensya,” ang sabi nito saka umalis na sa lugar na iyon. Nagmamadaling inayos ni Danica ang mga natitira pa niyang gamit. Kailangan na niyang makaalis rito at makapunta na ng Maynila para hindi rin siya paghinalaan na siya ang gumawa ng krimen. Palalabasin niya na nasa Maynila siya ng mga oras ito. Pagka-ayos ng mga gamit sa bag ay kaagad na siyang naligo at nag-ayos ng sarili. Mabuti na lamang at walang dugo ang mga damit niyang suot dahil talagang iniwasan niya na mabahiran iyon ng dugo ni Edward. Nilagay niya rin sa bag ang mga marurumi na suot kanina para hindi rin iyon maimbestigahan ng mga pulis. Pagkatapos ng lahat ng ginawa niya ay handa na siya para umalis. Pinasadahan niya nang tingin ang buong bahay niya na hindi naman ganun kalaki at gawa sa bato. Naipundar niya ito buhat sa pagtatrabaho niya sa pabrika at sa tulong na rin ni Edward. “Paalam. Iiwan ko na dito ang lahat ng alaalang nag-uugnay sa akin at sa lugar na ito. Sa pag-alis ko, isang bagong Danica na ang makikilala niyo,” aniya ni Danica bago patayin na ang ilaw at isara na ang pintuan ng bahay. --- Nagulat si Angelo ng bigla niyang mabagsak ang hawak na baso ng tubig na sana ay iinumin niya. Hindi niya maipaliwanag pero parang nakaramdam siya ng nakakatakot na kaba. “May problema ba, Angelo?” nagtatakang tanong ni Father Ryan na kasabay nila ngayong kumain sa hapag-kainan. Magkakasabay na kumakain ang lahat ng seminarista. “Nabagsak mo ang baso mo at nabasag. Mukhang nanghihina ka.” “Oo nga Angelo,” wika naman ni Christian na kapwa seminarista niya. Napailing-iling si Angelo. “Wala naman ho,” sabi nito. “Nagtataka nga ho ako kung bakit nabagsak ko ang baso. Saka nakaramdam ako ng kaba ng dahil dun.” Tipid na napangiti si Father Ryan. “Huwag mo na lang pansinin. Kumain ka na lang muna diyan at mamaya mo na linisin ang nabasag na baso.” Napatango si Angelo at nagpatuloy na lamang kumain pero hindi naaalis ang kabang nararamdaman niya. Nagulat na lamang silang lahat nang biglang dumating ang isa sa mga tauhan ng simbahan na humahangos pa papunta sa kanila. Napatigil silang lahat sa pagkain. “Patrick, bakit humahangos ka?” nagtatakang tanong ni Father Ryan sa kararating na si Patrick. Pinakalma muna ni Patrick ang sarili at pinigilan ang paghingal dahil sa matinding pagtakbo. Pamaya-maya ay napatingin ito kay Angelo na kinabahan naman lalo. “Angelo, ang Kuya mo-” “Anong nangyari kay Kuya?” tanong kaagad ni Angelo na kaagad napatayo sa inuupuan. Pati ang iba ay na-curious sa kung anong sasabihin ni Patrick tungkol sa kuya ni Angelo. “A-Ang Kuya niyo ho, natagpuang patay sa bangin,” nanlulumong sagot nito na ikinagulat pati na rin ng mga kapwa kasama sa hapagkainan at ikinapanlumo ni Angelo. Literal na nag-unahan ang mga luha niya sa pagpatak. “A-Anong sinabi mo? Natagpuang patay? Patay na ang kuya ko?” mga tanong ni Angelo sa garalgal na boses. Hindi nagsalita si Patrick sa halip ay tumango lang bilang sagot sa tanong. Napaupong muli si Angelo dahil sa panghihina ng tuhod niya sa narinig. Hindi maaari. Hindi pwede. Hindi pwedeng mamatay ang kuya niya. Pangarap pa naman niya na kapag naging ganap na pari siya, ang kuya niya ang unang-una niyang mabasbasan. “Angelo-” Kaagad na napatayo si Angelo sa inuupuan at walang sabi-sabing tumakbo palayo… palabas ng seminaryo. “Angelo!!!” sigaw na pagtawag ni Father Ryan kay Angelo. Napatingin ito sa mga kasama. “Halina kayo at sundan natin si Angelo,” sabi nito na sinunod naman ng mga kapwa seminarista ni Angelo at iyon nga, sinundan nila si Angelo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD