Tulala si Angelo habang nakatayo sa gilid. Nasa loob siya ngayon ng morgue at sa hindi kalayuan, naroon ang isang kamang gawa sa stainless kung saan, may isang katawang nakahiga roon at natatakpan lamang ng isang puting kumot na hanggang ngayon ay hindi niya pa tinitingnan kung sino ang nakahiga roon kaya hindi pa niya nakukumpirma kung ang kuya niya nga iyon.
Nakatingin lamang siya roon. Walang ekspresyong makikita sa kanyang mukha pero tuloy-tuloy lamang ang pagtulo ng kanyang luha. Parang ayaw niyang tingnan kung sino ang nakahiga roon. Parang ayaw niya kumpirmahin na baka kuya niya iyon dahil hanggang ngayon, ayaw niyang maniwala na maaaring wala na ang kuya niya, na patay na ang pinakamamahal niyang kuya na walang ibang ginawa kundi ang magmahal. Magmahal sa kanya bilang kapatid at magmahal ng isang babae na ayaw man niyang sabihin pero ito ang gusto niyang sabihin: walang kwenta.
Hanggang sa dahan-dahan siyang lumapit sa kama. Nanginginig ang mga kamay niya na hinawakan ang dulo ng puting kumot, sa parte kung saan natatakpan ang ulo. At ayaw man niyang tingnan pero kailangan. Dahan-dahan niyang inangat ang kumot at inalis sa pagkakatakip sa mukha ng katawang naroon.
Mas lalong tumulo ang luha ni Angelo nang makita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng katawang nakahiga roon. Namumutla na ang mukha nito at nangingitim ang labi. Nakita rin niyang may putok sa ulo nito. At nakumpirma niya na kuya niya nga iyon.
Napatingala si Angelo para kahit papaano’y mapigilan ang lalong pagluha niya. Gusto niyang magmura ngunit bawal. Gusto niyang magwala ngunit hindi pwede. Gusto niyang ilabas ang hinagpis at galit niya ngunit hindi niya alam kung sa paanong paraan kaya sa pagkuyom na lamang ng kanyang mga kamao idinaan ang nararamdamang sakit, hinagpis at galit.
“Ku-Kuya,” pagsambit niya sa garalgal na boses. Hindi siya makapaniwalang wala na ang kuya niya. Parang ayaw niyang paniwalaan ang sobrang sakit na katotohanang ito.
Naramdaman na lamang niyang may umakbay sa kanyang balikat.
“Angelo, magpakatatag ka. Nandyan lamang ang Diyos. Maaaring hingan mo siya ng tulong.” Narinig ni Angelo na sambit ni Father Ryan na siyang umakbay sa kanya. Ramdam rin sa boses nito ang sobrang kalungkutan sa nangyari kay Edward. Siya lamang ang kasama ngayon ni Angelo dahil iyong iba at kapwa seminarista ni Angelo, nasa labas.
“Father, paano pa ako magpapakatatag kung ang dahilan nun ay wala na. Nandyan ang Diyos? Maaari kong hingan ng tulong? Paano kung hingin ko sa kanya na buhayin ang kapatid ko? Pagbibigyan niya ba? Tutulungan niya ba ako?” malamig ang boses na tugon ni Angelo.
“Angelo,” ang nasabi lamang ni Father Ryan.
“Ang sakit! Ang sakit-sakit nitong nangyari sa kapatid ko! Gusto kong magwala. Gusto kong magmura. Gusto kong ilabas ang galit pero hindi ko alam kung sa paanong paraan.”
Hinaplos-haplos ni Father Ryan ang likod ni Angelo.
Namayani muli ang katahimikan sa loob ng morgue. Tulalang nakatingin muli si Angelo sa mukha ng kanyang kuya niyang wala ng buhay.
---
“Maaari ho ba namin kayong makausap?” tanong ng isang pulis kay Angelo ng makalabas sila ni Father Ryan ng morgue. Napatingin si Angelo sa dalawang pulis na ngayon ay narito.
“Bakit ho?” malamig ang boses na tanong ni Angelo.
“Tungkol ho ito sa naging imbestigasyon namin sa pagkamatay ng Kuya niyo. Base ho kasi sa paunang imbestigasyon, pagkahulog sa bangin ang naging sanhi ng pagkamatay niya bunga ng kalasingan. Amoy alak siya at nakita din namin ‘yung basyo ng alak na ininom niya sa tabi ng kanyang bangkay kaya sa tingin namin, aksidente ang nangyari.”
“Aksidente?” tanong ni Angelo.
Tumango-tango ang pulis. “Oho… Aksidente ang pagkahulog niya sa bangin,” wika nito. “Ayon rin ho sa napag-alamanan namin at sinabi ng mga kapitbahay ng kapatid ninyo, may dahilan ang kapatid ninyo sa kanyang pagpapakalasing at halos araw-araw daw iyon, nalaman kasi namin na bigo pala ito sa pag-ibig niya kay Danica Quiambao na hiniwalayan siya ilang araw na rin ang nakakaraan na masyado namang dinamdam ng biktima. Marahil ay uminom ito nang uminom at hindi namalayang sa paglalakad niya ay napunta sa gilid ng bangin at iyon, sa kasamaang palad ay nahulog siya doon at nabagok ang ulo na siya niyang ikinasawi,” mahabang sabi pa ng pulis. “Sa ngayon ay wala rin kaming nakikitang foul play sa nangyari.”
Nagpanting ang tenga niya ng marinig ang pangalan ng babaeng iyon.
“Si Danica,” parang nagkaroon siya ng kutob. Kutob na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanyang kapatid dahil hindi siya naniniwalang aksidente lamang ang nangyari. Kung aksidente man, may karapatan pa rin siyang magalit kay Danica dahil ito ang dahilan kung bakit ito nangyari sa kapatid niya.
“Oho. Napag-alaman naming itong si Danica Quiambao ay naging kasintahan ng inyong kapatid ng mahigit anim na taon at nakipaghiwalay. Sa ngayon, hindi namin nakausap si Danica para hingan sana ng statement dahil napag-alaman naming wala na ito dito sa lugar natin at ilang araw nang umalis papunta raw Maynila,” sabi ng pulis na ikinagulat ni Angelo.
“Umalis? Pumunta ng Maynila?” tanong nito.
“Oho. Bago pa nangyari ang mga ito. Wala na siya rito at nasa Maynila na ilang araw ang nakakaraan,” sagot ng pulis.
Kumuyom pabilog ang mga kamay ni Angelo. Ibig sabihin, wala nga itong kinalaman sa pagkamatay ng kanyang kuya? Hindi. Malakas talaga ang kutob niya na may kinalaman ito at malakas ang kutob niya na hindi aksidente ang nangyari sa kanyang kuya kundi pinatay ito.
At iyon ang dapat niyang alamin. Aalamin niya ang buong katotohanan.Kung iyon ang resulta ng pag-iimbestiga ng mga pulis… hindi siya naniniwala. Siya ang mag-iimbestiga at hahanap ng buong katotohanan at hindi niya kailangan ng mga pulis para tumulong sa kanya.
“Sige ho at mauna na ho kami at kailangan na ho naming bumalik sa station namin ng partner ko. Hayaan niyo ho at iimbestigahan pa namin ng mas mabuti ang kaso niya para makasiguro na aksidente nga ang nangyari.”
Napatango-tango na lamang si Angelo.
Umalis na ang mga pulis. Kaagad namang lumapit si Father Ryan kay Angelo dahil bahagya itong lumayo kanina ng kinakausap si Angelo ng mga pulis.
“Halika na muna Angelo. Bumalik na muna tayo sa seminary. Kailangan pa natin paghandaan ang burol at libing ng kapatid mo,” aniya ni Father Ryan.
Wala sa sariling napatango na lamang si Angelo.
---
“Mabuti na lang at nagustuhan ka ng pamilya ko,” masayang wika ni Rex sa nobyang si Danica na ngayon ay kayakap niya. Nasa likod siya nito. Nasa loob sila ngayon ng opisina ng una at nasa tapat ng isang malaking bintana na gawa sa salamin.
Napangiti naman si Danica. Hinawakan niya ang mga kamay ni Rex na nakapatong sa bandang tiyan niya. “Oo nga. Akala ko hindi na nila ako magugustuhan. Na-late pa naman ako kagabi,” saad pa ni Danica.
Na-late siya kagabi dahil gabi na nga siya lumuwas papuntang Maynila para sa dinner. Mabuti na nga lamang ay naging maganda ang takbo ng dinner na iyon at nagustuhan siya ng pamilya ng nobyo. Pwera na lang ng kapatid ni Rex na si Dennise. Iba kasi ang tingin nito sa kanya. Hay Ewan ba niya.
“Pero alam mo, iyong kapatid mo… parang hindi niya ako gusto,” sabi pa ni Danica.
Kumunot naman ang noo at nagkasalubong ang may kakapalan at itim na mga kilay ni Rex.
“Paano mo naman nasabi na hindi ka niya gusto?” nagtatakang tanong ni Rex.
“Wala lang. Feel ko lang.”
Napangiti naman si Rex sa sinabi ni Danica. Mas lalo itong gumwapo sa ngiting iyon dahil halos maningkit ang mga chinito nitong mga mata at lumabas ang magkabilang dimples nito at ang puti at pantay-pantay nitong mga ngipin. Mukha kasi itong koreano. Makinis at metiso ang balat pero pilipinong-pilipino ang lahi nito. Sadyang Korean-looking lamang siya.
“Feel mo lang pala. Alam mo, gusto ka nun ni Dennise. Kilala ko ang kapatid ko, hindi iyon showy pero ramdam ko na gusto ka niya kasi gusto kita. Gustong-gusto. Mahal na mahal pa nga,” aniya ni Rex.
Kinilig naman si Danica sa sinabi ni Rex.
Tumingin si Danica sa mukha ni Rex at kinurot ang matangos na ilong ng nobyo.
“Ikaw talaga, lagi mo akong binobola,” natatawang sabi ni Danica.
“Sakit ng kurot mo sa ilong ko,” natatawang sabi ni Rex na hinihimas ang kinurot na ilong. “Saka hindi kita binobola. Kailan ba kita binola? Halos lahat nang sinasabi ko totoo,” sabi pa niya.
“Oo na,” nangingiting wika ni Danica.
Napatingin ang mag-nobyo sa labas ng bintana kung saan nakikita nila ang maaliwalas na kalangitan. Mas lalong isiniksik ni Danica ang sarili kay Rex kaya ramdam na ramdam nito kahit na nakasuot pa ng corporate attire kung gaano katipuno at kaganda ang hubog ng katawan ng nobyo. Ang tangkad pa, sa tingin nga niya, nasa anim ang taas nito kasi hanggang balikat lamang siya nito. Sabi nga niya nun sa sarili, maswerte siya at nakakita siya ng isang real-life prince charming. Gwapo, matangkad, maganda ang katawan, mahal na mahal siya at higit sa lahat, mayaman. Almost perfect na.
Halos dalawang taon ng magkarelasyon ang dalawa. Unang nagtagpo ang kanilang mga landas sa probinsya ng minsang mapapadpad roon si Rex, bente-sais anyos, dahil may pupuntahan itong isang kaibigan at charity work na rin. Sa panahong iyon, boyfriend niya pa si Edward pero nung magtama sila ng mga mata, nakalimutan niyang may boyfriend siya dahil talaga namang tinamaan siya kay Rex. Kung love at first sight man ang tawag run, iyon nga ang nangyari sa kanya.
Mahal niya si Rex at ramdam rin naman niya na mahal na mahal siya ng nobyo. Pero bukod sa mahal niya ito, mas mahal niya ang perang meron ito sa bulsa. Wais lang siya mag-isip, siyempre, kung magmamahal lang naman siya, dapat doon sa lalaking may kwarta.
Hindi gaya ni Edward na may alam sa relasyon nila ni Rex, si Rex ay walang alam na nung naging girlfriend siya nito, may relasyon pa rin sila ng ex niya. Talagangi tinago niya iyon para hindi makasira sa imahe niya at makaapekto sa relasyon nila ni Rex. Saka hindi naman na niya kailangang ipaalam pa iyon. Hindi naman mahalaga.
Speaking of Edward… bahagyang napailing-iling na lamang si Danica. Hindi na dapat niya iniisip ang lalaking iyon. Hindi na dapat niya iniisip ang pagkamatay nito. Wala siyang kasalanan sa nangyari. Aksidente lamang ang lahat.
“Oo nga pala, we need to plan for our wedding,” sabi ni Rex na bahagyang ikinagulat ni Danica.
“Wedding?” tanong nito.
“Oo.” aniya ni Rex saka ngumiti.
“Hindi ka pa nga nagpropropose, wedding na agad ang iniisip mo,” sabi ni Danica. Tama siya sa sinabi, hindi pa nga nagpropropose sa kanya ang nobyo.
“Kailangan pa ba iyon?” nakangiting tanong ni Rex.
“Oo naman,” wika ni Danica. “Pangarap ko rin naman na hingiin ang kamay ko ng lalaking mahal ko, ‘no,” sabi pa nito.
“Hindi na kailangan iyon, dahil matagal ko naman ng nakuha ang kamay mo. Saka isa pa… ramdam mo naman na mahal na mahal kita at ikaw lang ang kaisa-isang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Bahagi lang naman iyong pagpropose sa pagpapakasal. Basta, mahal kita. Hindi pa ba sapat iyon sayo?” tanong ni Rex.
Napanguso si Danica. “Sapat na… pero-”
“Iyon naman pala. Basta ang mahalaga pakakasalan kita kahit sa lahat ng simbahan pa,” nangingiting sabi ni Rex.
Napangiti na lamang si Danica at hindi na itinuloy ang sasabihin.
“Sige na nga. Siguro kaya ayaw mong magpropose sa akin ay dahil sa nahihiya ka,” aniya ni Danica saka ngumuso. Natawa naman si Rex at mas hinigpitan ang yakap kay Danica. Mahal na mahal niya talaga ang babaeng ito.
---
Nakatayo ng tuwid si Angelo. Nakatingin sa may lapida ng kuya niya. Hindi na ito lumuluha pero bakas sa mukha nito ang lungkot at paghihinagpis.
Nakalipas na ang ilang araw. Natapos na ang burol at libing at ngayon nga ay tuluyan nang naibaon sa lupa ang katawan ng pinakamamahal niyang kuya.
“Patawarin mo ako Kuya kung hindi man lamang kita naipagtanggol at nailigtas,” malungkot na wika nito. Kasing-lamig ng yelo ang boses niya. “Pero pangako, aalamin ko ang buong katotohanan tungkol sa pagkamatay mo dahil hindi ako naniniwala na aksidente lamang ang lahat. Malakas ang kutob ko na may kinalaman siya sa nangyari sayo,” mariing sambit ni Angelo. Naisip niya si Danica, may namumuong matinding galit sa kanyang dibdib.
Napatingala si Angelo. Tiningnan ang kalangitan.
“Patawad ho pero… masisira ko na ang pangako kong habambuhay kitang paglilingkuran,” nalulungkot na sabi nito.