Napahinto sa paglalakad si Angelo. Kumunot ang kanyang noo at nagsalubong ang makapal na kilay.
Nagtataka kasi siya kung bakit sa gitna ng malalim na gabi, nakakita pa siya ngayon ng isang babaeng nag-iisa sa gilid ng kalsada habang may kinakalikot sa harapan ng dala nitong kotse.
“Ay Kainis naman! Mabuo ka naman!” narinig ni Angelo na reklamo nang naiinis na babae.
Hindi pa lumapit si Angelo. Sa tulong ng liwanag ng buwan at ilang ilaw na rin sa paligid na nagbibigay liwanag, pinagmasdan nito ang babae kahit bawal iyon.
Maganda ang babae. Mahaba ng buhok na magulong nakapusod. Hindi ito nakaharap sa kanya kaya hindi pa rin niya makita ang itsura ng mukha nito pero masasabi naman niyang maganda ito. Makinis ang balat na kulay porselana. Maganda at sexy ang hubog ng katawan na hubog na hubog sa suot nitong t-shirt at skinny jeans. Mukha ring sa tingin niya ay mayaman ito dahil maganda at mukhang mamahalin ang kotse at sa itsura na din ng babae.
“Um… Miss,” pagtawag ni Angelo sa babae.
Mukhang narinig naman siya nito kaya napatingin ito sa kanya. Doon niya napagmasdan ang mukha nito. Maganda nga kahit na may kaunting dungis ng grasa at humaharang pa ang bangs nito sa mukha. May pagkabilugan ang mga mata pero bumagay sa ganda ng hugis ng mukha nitong maliit at maamo. Matangos ang ilong at may kanipisan ang labing natural na mapula. Medyo namumula rin ang mga pisngi nito. Sa tingin niya rin, mukhang kasing edad niya ang babaeng ito.
“Naku! Salamat naman at mukhang may tutulong na sa akin,” narinig niyang sabi ng babae na tumingala pa sa kalangitan at pinagsalikop pa ang magkabilang palad. Pagkatapos ay lumapit na ito kay Angelo.
“Salamat naman ho at dumating kayo,” aniya ng babae na napatingin kay Angelo mula ulo hanggang paa. “Father,” dugtong na sabi nito saka bahagyang yumuko.
Tipid na napangiti si Angelo. “Ahhh… papunta pa lang,” wika nito na ang tinutukoy ay ang pagiging pari niya. “Oo nga pala, ano pa bang ginagawa mo rito? Gabing-gabi na,” tanong at sabi pa ni Angelo.
“‘Yun na nga ho Father. Gabing-gabi na at gusto ko nang pumunta sa pupuntahan ko pero itong kotse ko, nagkatopak. Ayaw umandar,” paglalahad ng babae sa kanyang problema. “Natatakot na nga ho ako rito kasi ang dilim na at nag-iisa pa ako pero mabuti na lang ho at dumating kayo… Father,” aniya pa ng babae.
Parang naiilang ito na tawaging Father si Angelo kasi sa totoo lang, nagwapuhan siya rito at ito iyong tipo ng lalaki na pang-boyfriend material kasi mukhang mabait pero nung nakita niya ang suot nito, aminado siyang nanghinayang.
“Ganun ba?” ang nasabi na lamang ni Angelo.
“Marunong ho ba kayong umayos ng kotse?” tanong ng babae.
Tipid na napangiti si Angelo na ikinatulala ng babae. Paano naman kasi, ang ganda ng ngiti nito. Pantay-pantay pa ang mga ngipin puting-puti na kulang na lang ay gawing commercial model ng isang toothpaste commercial. Dagdagan pa na may dimples ito sa magkabilang pisngi.
Hindi namalayan ng babae na nakalapit na si Angelo sa kanyang kotse kaya naman ng bumalik ito sa katinuan ay nakita niyang wala na sa harapan niya si Angelo. Nakita niyang nasa harapan na ito ng kotse niya at kinakalikot na ang kung ano roon kaya kaagad siyang lumapit.
“Naku Father! Ingat ho kayo at baka madumihan iyong damit ninyo. Puting-puti pa naman,” wika ng babae.
“Okay lang,” sabi nito nang hindi tumitingin sa babae kasi patuloy lamang ito sa pag-aayos ng sira sa kotse.
Nakatingin lang rin naman ang babae kay Angelo. Lalo na sa mukha at talagang napatunayan niyang gwapo ito at hindi bagay maging pari.
‘Paano kaya kung gahasain ko siya para hindi na matuloy sa pagpapari?’ mahina siyang natawa sa kanyang biro. ‘Hay! Kung ano-anong naiisip mo. Ako pa talaga ang manggagahasa? Sa ganda kong ito?’
“Maluwag lang pala ito,” aniya ni Angelo sabay turo sa isang pyesa na nasa makina. “Um… Miss, may tool box ka ba diyan? Pahiram naman ako.”
“Wait meron,” sabi nito saka kinuha ang tool box at inabot kay Angelo.
Nangiti lamang si Angelo saka pinagpatuloy na ang paggawa sa kotse.
Ilang minuto ang nakalipas…
“Ayan at tapos na,” saad ni Angelo. Napatingin ito sa babae. “Subukan mong paandarin,” utos pa nito saka bahagyang tumabi.
Kaagad namang sumunod ang babae sa sinabi ni Angelo. Sumakay ito sa driver’s seat ng kotse at pinaandar ang makina nito. Labis ang tuwa nito nang mapaandar na niya ang sasakyan.
Kaagad na bumaba ng kotse ang babae pagkapatay niya muli ng makina.
“Naku Father! Salamat ho!” labis ang tuwa na wika ng babae. Malaki ang pasasalamat niya rito dahil sa wakas ay nabuo na ang kotse niya at sa wakas makakapunta na siya sa pupuntahan niya.
Ngumiti si Angelo. “Wala iyon. Sa susunod lang ay huwag ka ng babiyahe pa ng gabi lalo na kung nag-iisa ka dahil iba na ngayon ang panahon. Masyado ng delikado,” paalala pa niya.
“Mabuti na lang at marunong kayong gumawa ng sasakyan. Oo nga po pala, bakit kayo marunong? Saan kayo natuto? Alam niyo na.”
“Hindi naman ibig sabihin na nasa loob ako ng seminaryo ng mahabang panahon ay wala na akong alam gawin,” wika ni Angelo at napangiti ito. Marunong rin naman siya gumawa ng mga sasakyan at may mga alam rin naman siyang gawin na alam ring gawin ng mga taong nasa labas ng seminaryo.
Napatango ang babae. “Anyway, oho at susundin ko ang mga sinabi ninyo,” sabi nito. “Ay teka lang ho… Magkano ho ba?” tanong ng babae na ikinakunot ng noo at ikinasalubong ng kilay ni Angelo.
“Ha?” nagtatakang tanong nito.
“Magkano ho ang bayad? Ginawa niyo ang kotse ko kaya dapat lang na may kabayaran.”
Napangiti si Angelo. “Sapat ng kabayaran ang magsimba at magdasal ka araw-araw para magpasalamat at magabayan ka ng Diyos,” sabi nito sabay hawak sa tuktok ng ulo ng babae. “Gabayan ka ng Panginoon,” dagdag pa nito na ikinangiti ng babae.
“Oo nga ho pala, ako po si Dennise… Dennise Madrigal,” pagpapakilala ng babae.
Napatango at napangiti si Angelo. “Ako si Angelo… Angelo Rivas,” pagpapakilala rin nito.
Napangiti si Dennise.
“Sige ar pumunta ka na sa kung saan ka man pupunta at baka masyado ka pang gabihin. Mukhang taga- Maynila ka pa naman,” sabi ni Angelo.
“Ahhh… opo. Pero actually, may pupuntahan po talaga ako kaya po ako nandito at hindi pa ako uuwi ng Manila,” saad ni Dennise na ikinatango ni Angelo. “Kayo ho? May pupuntahan rin ho ba kayo? Gusto niyo sumabay na kayo sa akin?” tanong pa ni Dennise.
Napailing-iling si Angelo. “Huwag na. Malapit lang naman rito ang pupuntahan ko. Sige na mauna ka na at kung sasabihin mo pa sa akin na bilang kabayaran sa ginawa ko ang pagpapasakay mo sa akin para pilitin ako. Huwag mo nang sabihin kasi hindi rin ako sasakay,” natatawang pagtanggi ni Angelo. Natawa rin si Dennise.
“Sige na nga ho. Sige po at mauna na ho ako,” pagpapaalam ni Dennise. Napatango naman si Angelo.
Tinulungan muna ni Angelo si Dennise na ligpitin ang mga gamit at isara ang harapang bahagi ng kotse bago tuluyan ng sumakay si Dennise sa kotse.
Nakatingin lamang si Angelo sa papalayong kotse ni Dennise. Napangiti ito bago naglakad muli papunta sa bahay nila ng Kuya niya.
Napapangiti naman si Dennise habang nagmamaneho. Naglalaro sa isipan niya ang gwapong mukha ni Angelo.
“Sayang lang at magpapari na siya,” malaki ang panghihinayang na sabi nito. Napabuntong-hininga na lamang siya. Mukha kasing tinamaan siya at sa lalaking magiging pari pa.
---
Kaagad na nagtago sa isa sa mga punong kahoy na nakakalat sa paligid si Angelo. Kitang-kita niya mula sa kinatataguan niya ang pag-aaway ng Kuya niya at ng long-time girlfriend nito. Rinig na rinig rin niya ang pagsisigaw ng babae at pagmamakaawa ng kuya niya.
“Please Danica! Babe! Huwag mo naman akong iwanan! Ilang taon na rin naman tayo!”
“Hindi sa tagal ng panahon nasusukat ang lahat Edward! Hindi mo ba maintindihan? Hindi na kita mahal kaya nga ako nakikipaghiwalay sayo!”
“Pero ako… mahal na mahal kita at hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko! Ikaw ang buhay ko at kapag nawala ka… mamamatay ako!”
“Ano ba Edward! Pwede ba! Huwag mo akong dramahan! Kapag sinabi kong hindi na kita mahal… hindi na kita mahal at kapag sinabi kong tapos na tayo… tapos na tayo!!!” sigaw ng babaeng nagngangalang Danica.
“Please!!!”
“Tigilan mo na ako!!!” sigaw ni Danica na umalingawngaw sa gabing malalim.
Kaagad na naglakad palayo si Danica kahit na pinipigilan pa rin siya ni Edward na umalis.
Awang-awa naman si Angelo sa kuya niya. Tunay ngang mahal na mahal niya ang girlfriend niya.
Sa totoo lang, hindi naman niya masyadong nakilala si Danica dahil na rin sa naging girlfriend ito ng kuya niya nung panahong nasa seminaryo na siya. Pero base sa mga kwento sa kanya ng kuya niya, mabait na babae si Danica, mapagmahal at maalaga kaya nga mahal na mahal ito ng kuya niya. Sa tuwing magkikita nga sila, laging may kwento ang kuya niya tungkol sa kasintahan nito.
Sa pagkakaalam rin niya, halos magpipitong-taon na rin ang relasyon ng kuya niya at ni Danica. Hindi maikakaila na maganda si Danica dahil gwapo rin naman ang Kuya Edward niya na hindi halata ang edad na trenta dahil mukhang bata pa rin ito. Mukha ngang kasing edad lamang ito ni Angelo. Mas matured nga lang ito ng kaunti. Hindi sila magkamukha pero pareho silang gwapo. Matipuno ang pangangatawan at higit sa lahat, may mga katangian ito na bihira lamang na makita ngayon sa mga lalaki, mapagmahal, maalaga, masipag, mabait.
Nakita niyang nanlulumong napaupo sa lupa ang Kuya Edward niya. Punong-puno ng luha ang mga mata nito. Awang-awa siya kaya naman kaagad na siyang umalis sa tinataguan niya at lumapit sa kuya niya na halatang nagulat nang makita siya.
“A-Angelo,” naiiyak na pagtawag ng Kuya Edward niya.
“Kuya,” pagtawag ni Angelo dito at niyakap ang kaawa-awa niyang Kuya. Ang kuya niyang laging pumoprotekta sa kanya simula nung mga bata pa sila. Ang kuya niyang maalaga. Ang kuya niyang sobrang bait. Ang The best kuya para sa kanya. Kaya siya naging mabuting tao ay dahil na din sa gabay ng kanyang kuya.
Gumanti rin ng yakap ang kuya niya sa kanya. Kahit man lang sa ganitong paraan, mapagaan niya ang nararamdaman ng kuya niya.
---
Magkatapat na nakaupo si Angelo at Edward sa hapag-kainan. Nasa loob na sila ngayon ng bahay.
Nakatingin si Angelo sa tulalang kuya niya. Hindi na ito umiiyak pero halatang umiyak ito nang umiyak dahil sa mugto ang mga mata nito.
“Kuya,” pagtawag ni Angelo sa kuya niya.
Bumalik naman sa sarili si Edward. Napatingin sa kapatid.
“Okay ka na ba?” tanong ni Angelo.
Tipid na napangiti si Edward. “Magsisinungaling ako kung sasabihin kong Oo. Ayaw mo nang nagsisinungaling, ‘di ba? Father Angelo.”
Nag-aalangang napangiti na lamang si Angelo sa sinabi ng kuya niya. Hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng awa para sa kapatid.
“Tumakas ka na naman ba sa seminaryo?” tanong ni Edward sa kapatid.
Tumingin sa kanan si Angelo. Kahit kailan ay hindi siya nagsinungaling. Oo, makulit siya pero hindi siya nagsisinungaling at kapag may tinanong sa kanya na kailangang sagutin ng totoo pero ayaw niyang sagutin, sa halip na magsinungaling ay titingin na lamang siya sa kanan.
“Sinabi ko naman sayo na huwag kang tatakas dun, ‘di ba? Paano kung ng dahil sa pagtakas-takas mo ay maudlot pa ang pangarap mong maging pari?” magkasunod na tanong ni Edward.
“Gusto lang kasi kitang kamustahin. Halos isang buwan rin tayong hindi nagkita. Isa pa, namimiss na kita, Kuya,” aniya ni Angelo na ngayon ay nakatingin na sa kuya niya.
Tipid na napangiti si Edward. “Miss rin naman kita. Miss na miss pero ayoko naman na ng dahil sa akin ay maudlot ang pangarap mo. Saka isa pa, okay lang naman ako lagi.”
“Talaga ba kuya? Okay ka lang talaga?” pagtatanong muli ni Angelo.
Tumingin sa kaliwa si Edward. Napabuntong-hininga naman si Angelo.
“Gaano na katagal? Gaano na katagal kayong ganyan ni Ate Danica?” magkasunod na tanong ni Angelo na muling ikinatingin ni Edward sa kanya.
“Ha?” nagtatakang tanong nito.
“Gaano na katagal ang pag-aaway niyo ni Ate Danica?” tanong muli ni Angelo.
Umiwas muli nang tingin si Edward. “Angelo-”
“Please Kuya, sabihin mo sa akin. Gaano na katagal? Gaano na katagal kayong nagkakalabuan?” pagpupumilit pa na tanong ni Angelo.
Napatingin muli si Edward kay Angelo. Napabuntong-hininga. “Matagal na. Noong una, napapanatili ko pa siya sa tabi ko sa tuwing magmamakaawa akong huwag niya akong iwan. Pero ngayon… itong huli… wala na. Tunay ngang hindi na niya ako mahal pero hindi ko matanggap iyon,” naiiyak na naman na sabi ng kuya niya.
“Bakit daw Kuya? Bakit naman hindi ka na niya mahal? May iba na ba siya? O baka naman nagkulang ka kaya nawala na rin ang pagmamahal niya?”
“Kilala mo ako Angelo. Kilala mo ako kung paano ko mahalin ang Ate Danica mo. Hindi ako nagkulang, sobra-sobra pa nga. Pero sabi nga nila, masama ang kulang at mas lalong masama ang sobra,” tumawa nang pagak si Edward. “Kaya siguro siya nawalan ng pagmamahal sa akin at nagmahal siya ng iba,” wika pa niya. “Sayang lang, ikaw sana ang gusto kong magkasal sa aming dalawa.”
“Ibig sabihin-”
“Oo Angelo, may mahal na siyang iba. Ang totoo, kami pa pero may relasyon na rin sila ng bagong mahal niya. Masakit man pero tinanggap ko iyon para hindi lamang niya ako iwan. Ngunit ngayon, wala na. Tuluyan na niya akong iniwan at ipinagpalit sa isang lalaking mas gwapo at mayaman,” nanlulumong sambit ni Edward.
Awang-awa si Angelo sa kuya niya. Sa totoo lang, gwapo naman talaga ang kuya niya pero ngayon, nakikita niya rito na parang napapabayaan na nito ang sarili. Medyo namayat ang pangangatawan at hindi na nakakapag-ahit ng bogote at balbas at ang buhok, gulo-gulo na parang hindi sinuklay.
“Hayaan mo Kuya, hindi rin naman magtatagal at makakalimutan mo rin siya-”
“Pero hindi ‘yun ganun kadali. Sana nga, kung gaano kadaling sabihin na kalimutan siya ay ganun rin sana kadaling gawin. Pero alam ko… alam kong mahirap… sobrang hirap dahil sobrang mahal ko siya,” malungkot na sambit ni Edward na tumulo na ang luha.
Tumayo si Angelo sa inuupuan niya at lumapit sa kuya niya para yakapin ito ng mahigpit.
“Kuya, hayaan mo at makakaya mo rin ito. Pagsubok lamang ito sayo na dapat mong lagpasan at siyempre, nandito lang ako para tulungan ka. Mananalangin ako araw-araw para sa agarang pagkawala ng sakit diyan sa puso mo. Kung hindi mo naitatanong… malakas ako kay Bro.”
Tipid na napangiti si Edward habang lumuluha. Mapalad siya na nagkaroon siya ng kapatid na gaya ni Angelo.
“Sa-Salamat,” garalgal na sambit ni Edward.
Habang yakap ni Angelo ang kuya niya. May naisip siya.
‘Kailangan kong kausapin si Ate Danica.’
Pamaya-maya ay bumitaw sa yakap si Angelo sa kuya niya. Tumayo ito ng tuwid at nilibot ang paningin sa buong bahay na may kaliitan lang naman na minana pa nila mula sa mga namayapa nilang magulang. Isang maliit na bahay na gawa sa kahoy na may mga iilang gamit at maliit na lupain ang tanging namana nilang magkapatid.
“Mukhang hindi mo na nalilinis ang bahay, Kuya,” sabi ni Angelo nang tumingin ito sa kapatid. Napansin kasi nito na maraming kalat lalo na ang mga damit ng kuya niya na kung saan-saan na lamang nakasabit.
Napakamot naman sa ulo si Edward. “Pasensya ka na bunso. Naging busy rin kasi ako sa trabaho sa construction saka sa pagsuyo kay Danica kaya napabayaan ko ang bahay,” paliwanag pa niya.
Tipid na napangiti si Angelo.
“Hayaan mo Kuya, bago ako umalis ay lilinisin ko itong bahay.”
“Huwag na at ako ng bahala maglinis rito. Kailangan mo na ring bumalik sa seminaryo ngayon para hindi ka nila mahuli. Mamaya malaman nila na tumakas ka na naman roon,” aniya ni Edward. Nag-aalala siya para sa kapatid.
“Hindi, Kuya. Bukas ako ng tanghali babalik roon. Huwag kang mag-alala, akong bahala kay Father Ryan,” sabi ni Angelo sabay kindat.
Natawa naman si Edward sa ginawa ng kapatid. Kilala rin nito si Father Ryan at tatay na rin ang turing niya rito dahil marami rin itong naitulong hindi lamang kay Angelo kundi pati na rin sa kanya.
“Okay at ikaw ang bahala,” wika na lamang ni Edward. Pero kakausapin niya rin si Father Ryan baka kasi sa ginawang pagtakas na naman na ito ni Angelo sa seminaryo, matuluyan na ito at hindi na matuloy ang pagiging pari ng kapatid.