Santo, santo, san – to, D’yos makapang – ya – rihan,
Puspos ng l’walhati ang langit at lupa.
Patuloy sa pagkanta ang choir na pinamumunuan ni Angelo. Nangingiti ito habang pinagmamasdan ang mga batang naturuan niyang umawit ng mga kantang pang-simbahan. Napakagaganda kasi ng boses ng mga ito at maganda rin ang blending kaya masarap sa tenga pakinggan. Natutuwa siya dahil naturuan niya ng buong husay ang grupo.
May misa ngayon sa loob ng malaki at antigong simbahan na matatagpuan sa isang probinsya. Maraming tao ang nasa loob ngunit sa kasamaang palad, hindi ang Diyos o ang salita nito ang ipinunta ng iba sa mga taong naroon na karamihan ay babae kundi si Angelo na kanina pa nila kilig na kilig na pinagmamasdan.
Hindi naman kasi sila masisisi. Sa panahon kasi ngayon, aminin man o sa hindi, may taglay na kalandian na ang mga babae at kahit yata magpapari na ang tao… pagpapantasyahan pa rin nila.
Gwapo at malakas ang karisma ni Angelo. Sabi nga ng iba, hindi pagpapari ang bagay rito kundi ang maging isang commercial model. Kahit kasi nakasuot ito ng damit pang-seminarista, kakikitaan mo pa rin ito ng angking kakisigan.
Natapos ang kanta at nagpatuloy ang misa. Nakatingin si Angelo sa altar kung saan naroon ang imahe ng Diyos at iba pa. Alam niyang maraming nakatingin sa kanya karamihan ang babae. Napapangiti na lamang siya na may kasamang pag-iling. Alam naman kasi niya ang dahilan kung bakit siya tinitingnan.
Ilang araw na lang ang nalalabi ay vows na niya. Malapit na siyang maging pari at masaya siya na matutupad na ang matagal niyang hiling. Ang paglingkuran ang Diyos ng habambuhay at magkalat ng salita nito sa lahat.
Hindi rin biro ang mga pinagdaanan niya bago niya marating ang lahat ng ito. Halos labing dalawang taon rin ang ginugol niya sa pag-aaral sa simbahan. Bata pa lamang rin siya ay aktibo na siya sa mga aktibidad ng simbahan kaya hindi rin kataka-taka na maging isa siyang pari.
Wala ng magulang si Angelo. Ulilang lubos na siya simula nung pitong-taong gulang siya. Mabuti na lamang at nandyan ang kuya niya na siyang nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Noong una, hindi suportado ng nakakatandang kapatid ang bokasyong napili niya. Pinilit at pinaliwanagan lamang niya ito na pumayag sa kayang kagustuhan kaya naman kalaunan ay natanggap na rin nito at sinuportahan na rin siya. Wala rin naman itong magagawa kasi sadya ring may pagkamakulit siya.
‘Kumusta na kaya si Kuya?’ sa isip-isip na tanong ni Angelo sa isipan. Bigla kasing sumagi ito sa isipan niya. ‘Dalawin ko nga. Baka mamaya masyado nitong pinapagod ang sarili sa pagtatrabaho,’ aniya pa. Matagal na rin kasi silang hindi nakakapag-usap, mga isang buwan na yata.
Natapos ang misa. Matapos ang misa ay maraming lumapit kay Angelo. Ang iba ay para batiin siya sa nalalapit niyang pagiging isang ganap na pari at ang iba naman, karamihan ay babae ay nagpapicture sa kanya.
Nangingiti na lamang si Angelo dahil hindi naman niya pwedeng tanggihan ang mga ito. Isa pa, mabuti nga at napapakinabangan niya ang kanyang itsura para makapagpapunta ng maraming mga tao lalo na ang mga babae. At least, hindi man ang salita o ang pagdarasal ang pinuntahan ng mga ito sa simbahan, maririnig pa rin nila ang salita ng Diyos at alam niya na nagdarasal rin ang mga ito.
Minsan na ngang naging sikat sa internet si Angelo dahil sa may isang taong nagpakalat ng pictures niya at may caption pa na ‘The Most Handsome Priest Alive’. Natawa nga siya nang makita iyon at hindi din makapaniwala.
“Congratulations Angelo at malapit ka ng maging isang ganap na pari,” pagbati ng isang matandang minsang natulungan ni Angelo.
Napangiti si Angelo. “Salamat ho,” magalang na sabi nito at bahagyang yumuko.
“Napakabait mo kasing bata kaya hindi rin malayong isa ka sa maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng salita niya,” saad ng matanda na ikinangiti ni Angelo.
Totoo naman ang sinabi ng matanda, halos na yata lahat ng tao sa lugar nila ay natulungan na ni Angelo. Mabait at sadyang maawain kasi si Angelo at hangga’t may kaya siyang gawin para makatulong ay gagawin niya.
---
“Um… Father Ryan,” pagtawag ni Angelo sa pinuno ng simbahan nila na si Father Ryan na nakaupo sa upuan nito at nagsusulat. May katandaan na ang itsura nito pero masasabi mong gwapo ito nung kabataan dahil bakas pa rin naman ang kagwapuhan nito ngayong matanda na ito.
Napatingin naman sa kanya si Father Ryan na tumigil sa ginagawang pagsusulat. Inayos nito ang suot na salamin sa mata.
“Bakit, Iho? May kailangan ka ba?” tanong nito. Close rin ang dalawa dahil si Father Ryan ang itinuturing ni Angelo na guro at ama na rin sa loob ng seminaryo.
“Um… Kasi Father… magpapaalam lang po sana ako na lalabas po ako bukas ng umaga para puntahan po ang Kuya ko. Ang tagal na rin po kasi naming hindi nakakapagkita,” magalang na pagpapaalam ni Angelo.
“Ngunit Iho, mahigpit ng ipinagbabawal lalo na sayo na malapit na ang vows ang paglabas-labas sa seminary,” aniya ni Father Ryan.
“Pero Father, miss na miss ko na kasi si Kuya saka ho, gusto ko lang ho na malaman ang kalagayan niya ngayon,” pangungumbinsi ni Angelo. Alam naman niyang mahigpit na ipinagbabawal nga ang paglabas pero dahil nga sadyang may pagkamakulit siya, gagawin niya ang lahat para mapapayag si Father Ryan.
“Iho, hindi pwede ang gusto mo.”
“Sige na ho Father. Promise, last na po itong paglabas ko,” pamimilit pa ni Angelo.
“Ngunit Iho, hindi nga pwede. Magiging unfair ako sa iba mo pang kasamahan kung ikaw ay papayagan ko samantalang sila, hindi. Alam mo naman na halos lahat kayo, gustong lumabas para puntahan ang pamilya pero mahigpit kasi iyong pinagbabawal,” mahinahong paliwanag ni Father Ryan.
“Pero Father Ryan-”
“Hindi pwede Angelo,” huling salita nito bago muling nagpatuloy sa pagsusulat.
Napabuntong-hininga si Angelo habang napapakamot ng ulo. Hindi nadaan sa kakulitan niya si Father kaya naman laglag ang balikat na lumabas na lamang siya ng opisina nito.
---
Palingon-lingon sa paligid si Angelo. Tinitingnan kung may tao pa sa paligid. Nang makitang wala ay kaagad siyang mabilis na naglakad.
Madilim na ang paligid dahil sa patay na ang mga ilaw pero hindi naging hadlang iyon para gawin niya ang balak niya. May liwanag naman na nanggaling sa buwan sa labas kaya naman sapat na iyon para maging tanglaw niya sa madilim na paligid.
Balak niyang lumabas ngayong gabi para puntahan ang kuya niya. Sadyang makulit talaga siya at hangga’t hindi nangyayari ang gusto niya, gagawa pa rin siya ng paraan para mangyari iyon.
Sa wakas ay na sa gate na siya. Huminto muna siya sa paglalakad at tumayo nang tuwid. Nag-sign of the cross siya at tumingala sa madilim na langit.
“Patawad ho kung susuway na naman po ako ngayon. Miss na miss ko na ho kasi ang kuya ko. Sana gabayan niyo pa rin ako sa pagpunta ko sa kanya,” dasal nito saka muling nag-sign of the cross ng matapos siya manalangin.
Dahan-dahan, walang ingay na binuksan ni Angelo ang gate at nang mabuksan niya iyon, dali-dali siyang lumabas at muling isinara iyon.
Hindi lang ito ang unang beses na ginawa niya ito, maraming beses na para lang puntahan ang kuya niya.
“Yes!!!” masayang wika nito at mabilis na naglakad palayo. Patalon-talon pa siya dahil sa tuwa.