"THIS is for table #6."
"Copy, Ma'am."
"Ready na rin ang order para kina Ash, Layla and Carol."
Sa sinabi ko ay mabilis na kinuha iyon ni Jennie at nagpunta ng counter. Sunod-sunod niyang pinatunog ang bell at tinawag ang mga pangalan ng mga costumer na nasa cup.
Inalis ko na ang atensiyon sa kanya at nag-focus na lang sa mga ginagawang iba't ibang klase ng kape. Marami ang costumer ngayong umaga kaya halos lahat kami ng empleyado ko ay abala sa pagse-serve ng mga order. Mapa-take out man o hindi. At sa tuwing may umaalis na costumer ay may bago na namang dumadating.
Nagpatuloy pa ang pagiging abala naming lahat hanggang sa sumapit na ang alas diyes ng umaga. Doon pa lang naging kalmado ang kaganapan sa loob ng shop.
"'Yong kalahati sa inyo ay puwede nang magpahinga muna. Ang maiiwang kalahati ang siyang magpapahinga naman kapag natapos na ang iba," usal ko sa mga empleyado ko.
Halos lahat sila ay sumang-ayon at nag-usap-usap kung sino-sino ang mga mauunang mag-break sa kanila. Gusto ko man na pagsabay-sabayin silang lahat, hindi maaari. Walang mag-aasikaso sa mga natirang costumer at sa mga dadating pa mamaya.
Bahagya na akong lumayo sa kanila habang hawak-hawak ang batok. Pakiramdam ko ay biglang nanakit ang katawan ko. Pansin ko, sa mga nagdaang araw ay halos dumoble ang dami ng costumer ang natatanggap namin sa araw-araw. Talagang nagkaroon ng magandang epekto ang pag-feature ni Drake ng coffee shop ko sa blog niya. Marami ang taong naging interesado. May mga dumadayo pa talaga para subukan ang shop namin.
"Tumatanggap pa ba kayo ng order?"
Natulos ako sa kinatatayuan nang marinig ang pamilyar na boses na 'yon. Mabilis akong tumingin sa aking harapan at nabigla nang makita ang tao sa harapan ng counter.
Tumuon ang tingin niya sa akin at ngumiti. Nagmamadali kong ibinaba ang kamay mula sa batok at tumayo nang tuwid sa harapan niya.
"D...drake!" bulalas ko sa pangalan niya.
"Mukhang pagod kayo ngayong araw, ah," puna niya at tumingin sa paligid. Nakipagpalitan pa siya ng batian sa mga empleyado ko bago nagbalik ng atensiyon sa akin.
Ngumiti ako at tumango. "Oo. Ngayon pa nga lang naging kalmado ang kaganapan dito sa shop."
Tumango sya. Mukhang natuwa sa nalaman.
"It's good to hear that. Mukhang marami ang naging interesado sa coffee shop mo."
"Thanks to you."
Marahan siyang tumawa at umiling. "No, you don't have to thank me."
Hindi na lang ako umimik at tanging ngiti na lang ang itinugon sa sinabi niya. Masyado siyang humble kaya ayaw tanggapin ang katotohanang isa siya sa dahilan kung bakit dumami ang costumer ng coffee shop.
"By the way, anong order mo?" pag-iiba ko ng usapan nang maalala 'yon. "The usual?"
Nangingiti siyang napatitig sa akin. "Bakit? Tanda mo na ba ang palagi kong ino-order?"
Mabilis akong tumango. "Yeah."
Mahina siyang natawa. Natigilan naman ako nang matanto ang nasabi. Bigla na lang akong kinain ng hiya kahit parang normal lang naman na matandaan ko ang madalas niyang ino-order sa tuwing pupunta rito.
"I'll just wait at my table. Thank you, Belle."
Napatitig na lang ako kay Drake sa ginawa niyang pagpapaalam at nagtungo na nga sa isang table.
Humugot ako ng hininga at bumaling sa mga empleyado ko. Sinabi ko na sa kanila ang tungkol sa order ni Drake at napagpasyahang manatili pa nang ilang saglit sa counter. Naisipan kong ako na lang mismo ang magdadala nito sa table ni Drake.
Nang handa na ang order niya ay binitbit ko na ang tray at naglakad patungo sa inuukupa niyang lamesa. Nang malapit na roon ay natigilan ako nang mapansing may babaeng lumapit sa kanya. Kita ko ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa tila nahihiyang umiling si Drake. Ilang saglit pa ay tuluyan nang umalis ang babae.
Saka pa lang ako tuluyang lumapit sa table ni Drake nang makitang bumalik na ang babae sa mga kasamahan niya. Agad niya akong sinalubong ng ngiti nang mapansin niya. Akmang tutulungan niya pa sana ako sa bitbit kong tray nang umiling ako. Ako na ang naglapag nito sa table niya.
"Here's your order," usal ko nang alisin na sa tray ang order niya. Isa pang matipid na ngiti ang iginawad ko sa kanya bago siya tinalikuran. Ngunit hindi pa man nakakapaglakad palayo ay may naramdaman akong humawak sa palapulsuhan ko.
Nabibigla akong pumihit paharap muli kay Drake. Bumagsak ang tingin ko sa kamay niyang nakahawak sa akin.
"Aalis ka na agad?"
Puno ako ng pagkagulo nang mag-angat ng tingin sa kanya.
"Huh?"
Nabakasan ng hiya ang mukha niya.
"I mean... hindi ka na ba makikipagkuwentuhan sa akin?"
Napatango ako nang maintindihan na siya. Binitiwan na rin niya ako kaya naupo na ako sa kaharap niyang bangko.
"Naiistorbo ba kita?" pagsisimula niya ng usapan sa pagitan namin. "Puwede mo na akong iiwan kung talagang pagod ka na. Marami pa naman kayong costumer kanina."
Hindi agad ako nakaimik at napatitig sa kanya. Bahagya akong napapaisip sa mga ikinikilos niya.
"Hindi na... ayos lang ako," tanging sabi ko mayamaya.
Mukhang naging panatag na siya. Bahagya siyang ngumiti sa akin bago kinuha ang tasa ng kape niya at sumimsim doon.
Nang matantong baka mailangan siya sa ginagawa kong pagtitig sa kanya habang umiinom, naging malikot ang mga mata ko. Aksidente itong dumapo sa lamesang inuukupa ng babaeng lumapit sa kanya kanina at naabutang pinagmamasdan kami nito ni Drake.
"Do you know her?" biglang tanong ni Drake nang mapansin kung saan ako nakatingin.
Hinarap ko siya at umiling. "No... pero baka ikaw, kilala mo." Bumakas sa akin ang pag-aalinlangan sa susunod na sasabihin. "I saw her... she approached you."
Tumango-tango siya sa sinabi ko. "Oh, yes. Siya nga 'yon. She approached me earlier to ask for my number."
Namilog ang mga mata ko sa narinig. "She did?"
"Yeah."
Bumakas ang hindi makapaniwalang reaksiyon sa mukha ko. Bahagya akong namamangha sa ginawa ng babae. She's brave for doing that. Dahil kung ako lang, siguradong hindi ko 'yon magagawa. I'm too shy.
Napalabi ako nang may maisip tungkol sa sinabi niya.
"Did you... did you give it to her?" dahan-dahan kong sabi. Ayaw kong isipin niyang masyado akong nanghihimasok sa personal niyang buhay. I'm just curious.
Mabilis siyang umiling. "No, I didn't."
Hindi ko alam kung bakit, pero may lihim na nagsaya sa loob ko nang marinig 'yon.
"Why? She's beautiful. You're lucky that she's interested in you."
"But I'm not interested in her."
Marahan akong tumango, balak nang pabayaan na lang ang tungkol sa usaping 'yon. Tutal ay nalaman ko na ang gusto kong malaman kanina.
"Sa 'yo ako interesado, Belle."
Napaseryoso ako sa narinig. Puno ng gulat at pagkagulo ang mukha ko nang pukulin ko ng tingin si Drake.
"W...what?" nauutal kong tanong.
Pinasadahan niya ng tingin ang mukha ko. At iyon na naman ang mga mata niya, bahagyang kumikinang na tila namamangha sa nakikita sa harapan niya.
"Ang sabi ko, sa 'yo ako interesado."
Pakiramdam ko ay malalaglag ang puso ko nang ulitin niya ang sinabi kanina. At sa pagkakataong ito, sinabi niya 'yon habang nakatitig mismo sa mga mata ko.
"I mean, interesado ako na malaman kung ano pa ba ang mga hilig mo. You seem an interesting person," agap niya sa sinabi.
Dahan-dahang kumalma ang puso ko. Namula ang pisngi ko dala ng hiya nang iba agad ang isipin ko sa sinabi niya.
"Bakit ka naman magiging interesado sa iba ko pang mga hilig?"
Nagkibit-balikat siya. "Ang napapansin ko lang kasi sa 'yo ay mahilig ka sa coffee at books. Pero minsan, napapaisip ako; talagang iyon lang ba ang mga gusto mo?"
"Uh... yeah."
Pinagkunootan niya ako ng noo. Tila hindi makapaniwala sa sinabi ko.
"'Yon lang?"
Bumaba ang ulo ko at dahan-dahan na tumango. "Siguro nagkagano'n ako kasi noon pa man, mas gusto ko na ang mag-isa. Wala rin ako masyadong kaibigan. Tanging ang mga libro lang ang nakasama ko sa pagtanda."
"We should enjoy our lives. Makipagkaibigan ka... magpakasaya at kung ano-ano pa."
Umangat ang tingin ko sa kanya at pilit na ngumiti.
"I never had a friend... o 'yong taong talagang matatawag kong kaibigan. Ayaw kong manghusga, pero... noon, 'yong mga taong lumalapit sa akin ay may lihim na intensiyon. They wanted me to be their friend just because I'm a Montealegre. At minsan, hindi maiwasan na mag-take advantage sila sa akin dahil lang alam nilang parte ako ng pamilyang 'yon.
"Ito rin ang dahilan kung bakit ako palaging pinagbibilinan ng pinsan kong si Ate Chloe. Ang sabi niya ay huwag akong maging masyadong mabait sa iba. Or else, people will take advantage of me. At ayaw ko man aminin, alam kong tama siya. But sometimes, I can't help it. I'm too soft. Madali akong maawa...madali akong mapapayag."
Tuluyan na siyang naging seryoso sa mga sinabi ko. At kahit nahihiya, nanatili ang mga mata ko sa kanya. I want to see his reaction after what I told him.
Sa ilang saglit niyang pananahimik, mayamaya ay pumilantik ang dila niya at umiling pa.
"Hindi ko alam na may ganoong tao pa pala, na kakaibiganin ka lang dahil may kailangan sila sa 'yo." Tumitig siya sa akin nang may kaunting inis ang mga mata. "Tama lang ang pinsan mo. Dapat talaga ay hindi ka masyadong nagiging mabait o nakikipagkaibigan sa mga ganoong tao."
Maliit na lang akong ngumiti sa sinabi niya. Napuno naman ako ng pagkagulo nang bigla na lang niya inilahad ang kamay sa harapan ko.
"What... what are you doing?" gulong-gulo kong tanong.
Sa halip na sagutin, isinenyas niya ang kamay. Tila ba sinasabing tanggapin ko ito.
"I'n Drake Crescento... can we be friends?"
Umawang ang bibig ko sa narinig sa kanya.
"Hey, ano bang ginagawa mo?"
Nagkibit-balikat siya bago ngumiti nang matamis sa harapan ko.
"Ang sabi mo, wala kang kaibigan. Then let me be your friend. Pangako, hindi kita kinakaibigan dahil isa kang Montealegre. I want to be your friend because I want to."
Hindi ko alam ang magiging reaksiyon sa sinabi niya. Nabibigla ako sa mga naririnig sa kanya. Hindi ko inaasahang gagawin niya ito matapos marinig ang mga ikinuwento ko sa kanya.
Muli niyang isinenyas ang kamay niyang nakalahad sa harapan ko nang ilang segundo na ang lumilipas ay hindi ko pa rin ito tinatanggap. Nagmamadali ko tuloy inabot ang kamay sa kanya nang matantong baka nangangawit na siya.
Mas naging matamis ang ngiti niya sa labi sa ginawa ko. Nagtagal ang pagkakahawak ng kamay namin sa isa't isa. At hindi ko mapigilan na mapatitig sa maamo niyang mukha.
Mariin akong napalunok nang may matanto.
Alam kong parang ang bilis lang para sabihin ko agad ang mga salitang ito, pero alam ko sa sariling sigurado na ako sa nararamdaman para sa kanya.
I... I like him.