“MAY ready na po kaming design. Gusto nyo pong makita?”
Mabilis na umiling si Ate Chloe.
“I’m not interested. Magpapagawa ako ng bago.”
Bumaling sa akin ang babaeng nag-aasikaso sa amin.
“Ikaw po, Ma’am?”
Bago pa man ako makasagot ay naunahan na ako ni Ate Chloe.
“Papagawan ko rin siya ng bago. Kaya sukatan mo na kami.”
Nahihiya na lang akong ngumiti sa babaeng empleyado na nag-asikaso sa amin. Nang umalis na ito sa harapan namin ay bumaling ako kay Ate Chloe.
“Ayos lang naman sa akin kung hindi na ako magpapagawa ng bagong dress, Ate Chloe. May nakita akong maganda rito, pwede na ‘yon.”
Sunod-sunod siyang umiling. “That’s cheap, Belle. Kailangan ay espesyal ang susuotin natin. Kasal ‘yon ng kapatid ko.”
Ngumiti na lang ako at hindi na umalma pa sa kanya. Hindi na bago sa akin ang ganito niyang pag-uugali.
Si Ate Chloe, pagdating sa mga damit ay masyado siyang maarte. Gusto niya, mamahalin at elegante. Lumaki kasi siya sa ganoong pamumuhay kaya nakasanayan na.
Marami ang naiinis sa kanya dahil sa ganitong pag-uugali niya, lalo na ang mga taong hindi naman talaga siya kilala nang lubusan. Ang iba pa nga ay takot at iniilagan siya. Pero ako, hinahangaan ko siya.
Isa si Ate Chloe sa mga taong kilala kong sobrang tatag sa buhay. Mas pinatunayan niya ito sa akin nang malagpasan niya ang pinagdaanan nilang problema ni Kuya Yohann nitong nakaraan lang. Kaya naman ay sobra ko siyang hinahangaan. Gusto kong maging katulad niya na matatag sa buhay at hindi nagpapatalo.
Gaya ng gusto ni Ate Chloe, kaagad kaming sinukatan para sa ipapasadya niyang dress. Ipina-rush niya pa ito para siguradong aabot sa kasal nina Kuya Silent at Ate Hestia. Katulad ko kasi ay naging abala siya nitong nakaraan kaya ngayon lang naaasikaso ito. Wala namang nagawa ang boutique. Bukod sa isang Montealegre ang nag-request nito, kilala rin ni Ate Chloe ang designer na mismong owner kaya tinanggap pa rin ang gusto niyang mangyari.
Nang matapos na kami sa boutique ay napagpasyahan namin ang kumain sa labas.
“Nga pala, sino ang naiwan ngayon sa coffee shop mo?” tanong ni Ate Chloe nang patapos na kami sa pagkain.
“’Yong mga empleyado ko lang.”
“Kumusta naman ang takbo niyan? Hindi sa pinipilit kita, pero kung sakaling magbago ang isip mo ay may posisyon na akong ibibigay sa ‘yo sa kompanya. Kung gusto mo, ako pa mismo ang magtuturo sa ‘yo kung paano ang pagpapalakad nito.”
Nahihiya akong ngumiti at umiling. “Ayos lang ang coffee shop, Ate Chloe. Wala talaga akong interes sa ganyang bagay kaya sa coffee shop na lang ako magtutuon ng pansin.”
Nagkibit-balikat siya. “If that’s what you want, then I’ll respect your decision.”
Isa ito sa gusto ko sa mga pinsan ko. Hinahayaan nila akong gawin ang gusto ko at hindi ako pinipilit na tulungan sila sa negosyo ng pamilya namin. Kung tutuusin ay suportado pa nga nila ako sa daang tinatahak ko.
Nagpatuloy kami sa pagkain. At syempre, hindi mawawala ang mga pag-uusap lalo na tungkol sa kasalang magaganap sa pamilya namin. Kaya nang maghiwalay kami ni Ate Chloe ay nasa ala-una na rin ng tanghali.
Nang makapasok ng coffee shop ay kaagad kong namataan ang iilang costumer. Pero ang mga mata ko, bigla na lang dumapo sa isang table na madalas inuukupa ni Drake. Para bang awtomatikong hinahanap siya ng paningin ko.
Bahagya akong nabigla nang makita siya roon. May kape sa lamesa niya habang abala siya sa harapan ng laptop niya. Napapansin ko, nagiging madalas na ang pagpunta niya rito. Naging loyal costumer na.
Sa halip na sa opisina ko ang deretso ko, bigla na lang lumihis ng daan ang mga paa ko. Natanto ko na lang na nasa harapan na ako ng table na inuukupa ni Drake.
“Are you busy?” tanong ko dahilan para makuha ko ang atensiyon niya. Nang makita niya ako ay mabilis na nagkaroon ng ngiti ang labi niya.
“Belle,” usal niya sa pangalan ko.
“Can I sit with you?”
“Sure, sure.”
Ngumiti pa ako bago naupo sa bangkong nasa harapan niya.
“Umalis ka?”
Nagkaroon ng linya ang noo ko sa naging tanong niya. Nang mapansin niya ang pagkagulo sa akin ay muli siyang nagsalita.
“Kanina pa kasi ako nandito. Napansin ko na parang wala ka.”
Tumango ako. “May kinita kasi ako.”
“Your boyfriend?”
“No, pinsan ko lang.” Nahihiya akong umiwas ng tingin. “I… I don’t have a boyfriend.”
Nakagat ko ang ibabang labi ko, tila biglang nahiya. Baka iba ang isipin niya sa sinabi ko.
“That’s good to hear.”
Bumalik ang tingin ko kay Drake nang marinig iyon. Bahagya akong nagtaka sa naging tugon niya pero nawalan na ng pagkakataon na magtanong nang iharap niya sa akin ang laptop niya.
“Puwede mo bang tingnan?”
Bumagsak ang tingin ko sa laptop niya. Nakita ko ang ginagawa niya. Inaayos na niya ang mga picture na gagamitin niya, tila pinagpipilian na ang mga kuha niya.
“Ano sa tingin mo ang maganda riyan? May dapat ba akong tanggalin o baguhin?”
“Wala. Lahat sila ay maganda,” mabilis kong sagot, ni hindi man lang nagdalawang-isip.
“Marunong ka pala magbiro,” aniya nang natatawa.
Tumitig ako sa kanya nang seryoso. “I’m not kidding.”
Nang marinig ang sinabi ko ay unti-unting natigil ang pagtawa niya hanggang sa tuluyan nang naging seryoso.
“Wala akong alam sa ganito, pero base sa nakikita ko, lahat sila ay magaganda,” sabi ko pa.
Napatitig ako sa kanya nang sumandal siya sa kinauupuan niya. Bahagya akong nailang nang makita ang pagiging seryoso niya habang pinagmamasdan ako.
“Maganda rin kasi ang coffee shop mo kaya kahit saang kuha ay maganda.”
Ngumiti ako. Sa dami ng mga taong pumuri sa disenyo ng coffee shop ko, tila ang papuri niya lang ang gusto kong marinig. Tila ba mas espesyal ito kaysa sa iba.
“Maganda ka rin, Belle.”
Natigilan ako sa kinauupuan. Dahan-dahan na naglaho ang ngiti sa labi ko at hindi makapaniwalang tiningnan siya. Tila bigla kong nalunok ang sariling dila. Hindi ko alam kung paano tutugunin ang papuri niyang ‘yon sa akin.
Nang walang masabi, nahihiya akong umiwas ng tingin sa kanya. Pero ang puso ko ay hindi pa rin mapakali dahil sa patuloy niyang pagtitig sa akin. Kulang na lang ay matunaw ako sa harapan niya.
Hindi ko maintindihan ang sarili. Bakit kapag kaharap siya, nag-iiba ako? Kaunting ngiti niya lang o papuri sa akin ay kumakabog na agad ang dibdib ko.
Akala ko noong una ay nag-o-overthink lang ako, pero parang… parang may crush na talaga ako sa kanya!