"WHAT brings you here?"
Matamis akong ngumiti kay Ate Chloe at inangat ang hawak kong envelope.
"May ibabalita lang ako sa 'yo."
Marahan siyang tumango kaya tuluyan na akong pumasok sa opisina niya. Dumeretso ako sa visitor's chair at naupo.
"Ano 'yan?" pang-uusisa niya nang magkaharap na kami. Saglit niyang tinigilan ang ginagawa sa mga papeles na nagkalat sa lamesa niya para ituon ang buong atensiyon sa akin.
"An update," matipid kong sabi at binuksan ang envelope. Isa-isa kong inilabas ang laman nito at ipinatong sa ibabaw ng lamesa niya. "On-going pa rin ang housing project natin sa Antipolo para sa mga nasunugan. Estimated na first quarter ng susunod na taon ang tapos ng proyektong ito."
Tumango-tango siya sa sinabi ko at isa-isang tiningnan ang mga inilapag ko sa lamesa niya.
"Hindi na ba kayang mas madaliin pa ito? Matagal na rin walang maayos na bahay na natutuluyan ang mga pamilyang apektado ng sunog."
"Hindi na kaya, Ate Chloe. Baka magkaroon lang ng problema sa paggawa kapag masyadong minadali. Mas malaking problema 'yon kapag nagkataon."
Napabuntong hininga siya sa nalaman.
"Fine. I guess we have no choice but to wait until next year."
"Gano'n na nga."
Iniligpit na niya ang mga ikinalat kong dokumento at larawan sa lamesa niya para ibalik 'yon sa loob ng envelope. Nang matapos ay saka niya pa lang ako binigyan ng pansin.
"Thank you for helping me in this project, Belle."
"No worries, Ate Chloe. Kapag pagdating sa negosyo ay wala akong maitutulong sa inyo ng mga pinsan ko. But when it comes to helping other people, you can count on me."
Isa ito sa dahilan kung bakit ako pumayag na tulungan siya sa proyektong ito. Tandang-tanda ko pa nang minsan niya akong tinawagan matapos niyang mawala nang ilang buwan. Laking gulat ko nang mapag-alamanang nasa Antipolo siya at doon namamalagi.
Magmula noon ay nanghingi siya ng tulong sa akin. Gusto niyang magpaabot ng tulong sa mga pamilyang apektado ng sunog nang hindi nadadawit ang pangalan niya. Kaya ako ang ipinag-asikaso niya nito. Buong puso naman akong pumayag nang malaman ang pakay niya.
Nang magpunta kasi ako ng Antipolo ay nasaksihan mismo ng mga mata ko ang pinsalang naiwan ng sunog. Awang-awa ako sa kinahitnan ng mga tahanan ng bawat pamilyang nakatira sa lugar na 'yon. Kaya kahit sa ganitong paraan man lang ay gusto kong makatulong ako.
"Don't be so kind. People will take advantage of you," paalala niya.
Mahina na lang akong tumawa. "Yes, Ate."
Napangisi na lang siya at tumango. "So, are you going to leave now? Hindi ka na magtatagal?"
I nodded my head. "Yeah."
"You know what, parang ang boring ng buhay mo. Puro coffee shop mo na lang yata ang inaasikaso mo."
Hindi ako nakaimik sa sinabi niya. Hindi ko rin nagawang tumanggi dahil totoo naman.
Ang mga magulang ko ay sa Spain na nananatili. Si Kuya Chaos naman, abala rin sa sarili niyang buhay kaya hindi ko na inaabala pa. Gano'n din si Kuya Castiel. Kaya mag-isa na lang akong nananatili sa condo unit ko sa M Tower. At para hindi mabagot, iginugugol ko ang atensiyon sa coffee shop.
"Why don't you come with me? May appointment ako sa CitiLand."
"CitiLand?" gagad ko sa binanggit niyang kompanya.
Nangunot ang noo niya at dahan-dahan na tumango. "Yeah. Yohann and I are planning to buy a property."
Hindi agad ako nakaimik at napaisip sa sinabi niya.
Aaminin ko, nitong nagdaang mga araw ay masyado akong nagkaroon ng interes kay Drake Crescento. Kaya inalam ko ang ibang impormasyon na maaaring makalap tungkol sa kanya. At isa sa mga nalaman ko na ang pamilya niya ang nagmamay-ari ng kompanyang CitiLand na minsan na rin niyang nabanggit sa akin.
"So..." she trailed off. "Are coming with me or not?"
Ilang saglit pa akong nanahimik bago dahan-dahan na tumango.
"Sasama ako..."
Pakiramdam ko ay pamumulahan ako ng pisngi. Malinaw sa akin na kaya lang naman ako sasama kay Ate Chloe ay dala ng kuryusidad sa kompanya ng mga magulang ni Drake, hindi dahil sa inaya niya ako.
May nagtutulak kasi sa akin na huwag palampasin ang pagkakataon na ito. Para bang gustong-gusto kong magkaroon ng nalalaman tungkol sa buhay ng photographer na 'yon.
I'm just curious... right?
Saglit pa kaming nanatili ni Ate Chloe sa opisina niya bago napagpasyahang umalis na. May mga inasikaso pa kasi siya at nagbilin pa sa sekretarya niya.
Dahil may dala naman akong kotse, dito ko na lang pinasakay si Ate Chloe para hindi na magpamaneho pa. Ayon pa naman sa kanya ay tinatamad siyang mag-drive dala ng pagod magmula kaninang dumating siya sa kompanya. At dahil kaya ko naman, hindi ko na siya hinayaang magpatawag ng driver.
"Good morning, Miss Montealegre. Welcome to CitiLand."
Iyon ang bungad sa amin ni Ate Chloe nang makarating na mismo sa kompanyang CitiLand. Nang mabaling naman sa akin ang atensiyon ng babaeng empleyadong sumalubong sa amin ay agad niya rin akong binati.
"Good morning, Ma'am."
Ginantihan ko ang ngiti niya sa akin. "Good morning din po."
Matapos ng batian na 'yon ay bumalik na ang atensiyon niya kay Ate Chloe na tanging tango lang ang itinugon sa ginawa niyang pagbati kanina.
"I have an appointment with Mr. Crescento."
"Yes, Ma'am. Naibilin na po 'yon sa amin ni Sir. His secretary will bring you to him."
Sa sinabi niya ay saka pa lang namin napansin ang babaeng nasa tabi niya. Gaya niya ay binati rin kami nito.
Nang iginiya na kami ng secretary ni Mr. Crescento ay nagkaroon kami ng kaunting pag-uusap ni Ate Chloe. Ibinabahagi niya sa akin ang plano nila ni Kuya Yohann, gaya na nga lang ng pagbili ng property na siyang dahilan kung bakit nandito kami ngayong araw.
"We're here, Ma'am," anunsyo ng secretary nang tumigil na kami sa tapat ng isang glass door. Gawa man sa salamin ay hindi kita ang loob ng silid.
Kinatok niya ang pinto nang marahan bago binuksan. Pinauna niya kami sa pagpasok.
"Mr. Crescento, Miss Montealegre has arrived."
Dahil sa ginawang anunsyo ng sekretarya ay nawala ang atensiyon ng lalaking nasa harapan namin mula sa laptop niya. Bumaling ang atensiyon nito sa gawi namin ni Ate Chloe.
Saglit akong natulala nang matantong ibang Mr. Crescento ang nandito at ang nasa isipan ko. Ang buong akala ko ay ang ama ni Drake dahil na rin sa itinatawag sa kanya, pero nagkamali ako. Base sa itsura ng lalaking nasa harapan ko, bata-bata pa siya at malayo sa matandang inaasahan ko.
Bahagya siyang ngumiti nang makita kami. Tumayo na siya mula sa kinauupuan at taas-noong tinungo ang direksiyon namin ni Ate Chloe.
"Good morning, Miss Montealegre. I'm Enrique Crescento. It's my pleasure to meet you," pormal niyang pagpapakilala at naglahad ng kamay. Tinanggap ito ni Ate Chloe.
"I'm Chloe Montealegre." Nang bitiwan ni Ate Chloe ang kamay ng lalaki ay bumaling siya sa akin. "And this is my cousin, Belle Montealegre."
Dahil sa ginawa niyang pagpapakilala sa akin ay napunta na sa akin ang atensiyon ng lalaki na nagpakilalang si Enrique Crescento. Matamis akong ngumiti nang magtama ang mga mata namin.
"Hi, Mr. Crescento. I'm Belle Montealegre," pagpapakilala ko at naglahad ng kamay.
May pormal siyang ngiti sa labi nang tinanggap ito.
"I'm Enrique Crescento. It's my pleasure to meet you."
Muli na lang akong ngumiti sa sinabi niya. Nang matapos na ang pagpapakilala sa isa't isa ay nagsimula na rin ang totoong pakay namin dito ni Ate Chloe. At habang nag-uusap ang dalawa ay hindi ko mapigilan na pagkumparahin ang itsura ni Drake Crescento sa lalaking nasa harapan ko na sa tingin ko ay ang nakakatanda niyang kapatid.
Magkapatid man, halatang malaki pa rin ang ipinagkaiba nilang dalawa.
Matangkad din ang lalaking nasa harapan ko, pero ang itsura niya ay malayo sa maamong mukha ni Drake. He's intimidating. O siguro ay dahil lang sa seryoso niyang mukha na tila hindi nagbabago ang ekspresiyon. Kung ngumiti man, halatang kakaiba ito. Parang pang pormal lang 'yon para sa taong kausap niya sa harapan.
Ang ipinagkapareho lang nila yata ay ang pagiging pormal na tao. Kitang-kita 'yon sa pananalita at bawat galaw nila.