“ANG gwapo niya.”
“Sobra.”
“Kung kasing edad ko lang siya, malamang ay nilapitan ko na siya para magpakilala.”
Mahina akong natawa sa mga naririnig na bulungan ng mga babaeng empleyado ng coffee shop. Halos hindi na nila maalis ang tingin kay Mr. Crescento. Mula pa kanina nila ito pinupuri.
“Tigilan nyo na ang katitingin sa kanya, tulungan nyo na akong maglinis dito,” saway ko sa kanila.
Nang marinig ang sinabi ko ay mabilis silang tumalima at bumalik na sa ginagawa. Bahagya na lang akong napailing nang may matanto. Kahit sa mga teenager ay mabenta ang mukha niya. Ganoon siya kagwapo!
Tinigilan ko ang ginagawang pagpupunas sa counter at bumaling ng tingin kay Mr. Crescento. Abala siya sa pagkuha ng larawan sa paligid ng coffee shop. Gaya kasi ng hiningi niyang permiso ay pinayagan ko siyang i-feature ang coffee shop ko sa blog niya. Magandang exposure ito para sa nagsisimula ko pa lang na business.
Hindi lingid sa kaalamanan ko na kahit may costumer na ang dumadayo sa amin ay kakaunti pa rin ito. Kaya ang mai-feature sa isang blog ay malaking tulong sa akin.
Naging seryoso ang mukha ko habang tinatanaw pa rin si Mr. Crescento. Masyado siyang seryoso sa ginagawa dahilan para makita ko ang pagmamahal niya sa ginagawa.
Tumayo nang tuwid si Mr. Crescento at tiningnan ang nakuhanan niyang litrato. Ilang saglit niya ‘yon pinagmasdan bago ngumiti na tila nasiyahan siya sa nakuhanan niya. Kitang-kita ko ‘yon dahil hindi naman siya nalalayo sa akin.
Lumunok ako at umiwas na ng tingin sa kanya, natantong masyado ko na pala siyang pinagmamasdan. Nagtungo na ako sa sink para maghugas ng kamay. At bago tuluyang umalis sa counter ay nagtimpla muna ako ng kape.
May dala-dala akong tray nang tahakin ko ang daan patungo sa gawi kung nasaan ang inuukupang table ni Mr. Crescento. Nakaupo na siya ngayon doon. Nang mapansin ng binata ang presensiya ko ay mabilis niya akong tinulungan sa bitbit ko. Ngumiti ako at bigla na lang nakaramdam ng hiya.
“Thank you…” mahinang sambit ko. Tanging ngiti lang ang itinugon niya.
Nang mailapag na niya sa lamesa ang tray na kinuha niya sa akin ay bumalik na rin siya sa pagkakaupo. Naupo ako sa kaharap niyang bangko.
“Magkape ka muna,” anyaya ko at kinuha ang isang tasa sa tray para ibigay ‘yon sa kanya. “Free na ‘yan para sa ‘yo.”
Mabilis na nagkaroon ng ngiti ang labi niya dahilan para makita ko na naman ang hiwa sa magkabilaan niyang pisngi. Tila nagugustuhan ko na ang pagtingin ko sa mga ‘yon.
“Wow, salamat,” aniya.
Tanging marahan na tango lang ang itinugon ko at pinagmasdan siya sa aking harapan habang marahan siyang sumisimsim sa kapeng dinala ko para sa kanya.
“Malapit ka na ba matapos?” pagbubukas ko ng usapan sa pagitan namin. Siguro ay dalawang oras na rin ang lumilipas simula nang kumuha siya ng mga litrato sa paligid.
Inilapag niya muna ang tasa sa lamesa bago ako tinugon.
“Iche-check ko na lang ulit kung may kailangan akong ulitin na kuhanan. Teka, gusto mo bang makita ‘yong mga nakuhanan ko?”
“Puwede ba?”
“Of course.” Sunod-sunod pa siyang tumango.
May kinalikot muna siyang kung ano sa camera niya bago ito inabot sa akin na mabilis kong tinanggap. Seryoso ang mukha ko habang isa-isang tinitingnan ang mga kuha niya. Halos lahat ng ‘yon ay maganda na at tila hindi na kailangang i-edit pa.
“You’re good, huh,” puri ko sa kanya at ibinalik na ang camera niya.
Tila bigla siyang nahiya sa sinabi ko. Nahaluan ng hiya ang ngiti niya.
“Thank you.”
Matapos noon ay namagitan na sa amin ang katahimikan. Pareho lang kaming nakatingin sa isa’t isa, ngunit nang makaramdam ng hiya ay bigla na lang akong nag-iwas ng tingin.
Nagsisimula na akong magtaka. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Sa tuwing kaharap ko siya ay palagi na lang akong nahihiya, lalo na kung pagmamasdan ko ang mukha niya o sasalubungin ang mga mata niya. Hindi ko naman ugali ang maging ganito.
“By the way…”
Muli niyang nakuha ang atensiyon ko nang muli siyang magsalita.
“Puwede ba kitang i-interview-hin?”
Bumakas sa mukha ko ang pagkagulo. “Ako?”
He nodded his head. “Balak ko sana, maglalagay ako ng kaunting interview mula sa owner ng coffee shop para magkaroon ng ideya ang mga mambabasa tungkol sa history nito o kung ano ang inspirasyon mo nang itayo ito. Is that okay to you?”
“Sure, Mr. Crescento.”
Mahina siyang natawa na ikinakunot ng noo ko.
“May nasabi ba akong nakakatawa?”
“Hindi, wala naman… napansin ko lang na masyado kang pormal.”
Bahagyang kumorteng bilog ang bibig ko. “Oh…”
“Kahit huwag mo na akong tawaging Mr. Crescento, ayos na ang Drake lang.”
Mabilis akong tumango. “Okay, Drake.”
Para masimulan na ang interview niya sa akin, mula sa bag niya ay kinuha na niya ang laptop niya at inilapag sa lamesa. Ilang saglit pa siyang may kinalikot doon bago sinabing magsisimula na kami.
“Please introduce yourself,” panimula niya.
“I’m Beatrice Ellies Montealegre, but you can call me Belle. I’m twenty six years old and uhm…” Nakagat ko ang ibabang labi nang wala nang maisip na idadagdag sa sinabi ko. I’m not good at this.
Mukhang napansin ni Drake ‘yon. Ngumiti siya at tumango.
“Okay na ‘yan,” aniya at may tinipa sa laptop niya. Nang tumigil siya ay tumuon ang tingin niya sa akin nang nakakunot na ang noo. “Wait, ngayon ko lang natanto. You’re a Montealegre.”
Nahihiya akong tumango. Base sa sinabi at reaksiyon niya ay mukhang may alam siya sa pamilya ko. Hindi na kataka-taka. Matunog ang pangalan ng pamilya ko dahil sa mga negosyo nito. Ang isa namang parte ng pamilya namin ay isang sikat na modelo, si Curse Montealegre. Siya ang bunso sa aming dalawa dahil mas matanda ako sa kanya nang ilang buwan.
“Kung isa kang Montealegre, bakit nagtayo ka ng isang coffee shop? I mean, bakit nagtayo ka pa? Sa pagkakaalam ko, marami na kayong negosyo.”
“Oo, marami nga… pero ito ang gusto ko. Dito ako masaya.”
Napatitig siya sa akin dahil sa sinabi ko. Mahina akong tumawa para pagtakpan ang hiya ko.
Iyon ang kadalasan na naririnig kong tanong sa mga tao sa tuwing sasabihin kong nagtayo ako ng coffee shop. Para bang napakaliit ng tingin nila rito.
“Para kasi sa akin, masyadong magulo ang mga negosyo ng mga Montealegre. Masyadong nakaka-pressure. Hindi ako mahilig sa gano’n. Ang gusto ko ay simple lang. At higit sa lahat, masaya ako,” paliwanag ko.
Ilang segundo niya pa akong pinagmasdan bago tumango.
“Wala namang problema kung gusto mo ang tahimik at simpleng buhay. Kahit ako, mas gusto ko ‘yon.” Nahihiya siyang ngumiti. “Ang mga magulang ko, may real estate company sila. Pero imbes na tumulong sa kanila sa pagpapatakbo nito ay mas gusto ko ang magpunta kung saan-saan para kumuha lang ng mga magagandang larawan.”
Parang bigla akong natuwa nang malamang hindi lang pala ako ang gano’n.
“Buti pumayag sila,” nasabi ko na lang.
Tumawa siya nang tila may naalalang nakakatawa.
“Mabuti na lang kamo ay sinalo lahat ng nakakatanda kong kapatid ang lahat ng gawain, kaya malaya ako ngayon.”
Napunta na sa iba ang usapan namin nang muli siyang magtanong tungkol sa coffee shop. At sa ilang minutong magkausap kami ay ramdam kong napanatag kaagad ang loob ko sa kanya. Para bang… nakuha niya kaagad ang loob ko.