Chapter 5

1023 Words
Natatawang pinapanood ko ang mga kaibigan kong masayang nagsasayawan at nagkakantahan. Nandito na kami sa bahay namin at hindi ko inakalang maghahanda talaga si Tita Malou. Nagkaroon tuloy ako ng welcome party na hindi ko man lang alam. "Why don't you join them?" tanong ni Tita na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa akin. Nakangiting umiling lang ako. Hindi ko inalis ang mga mata sa mga kaibigan kong mukhang si Macky naman ang pinagtitripan. "Totoo pala ang sabi nila, Tita..." ani ko habang nangingiting pinapanood ang kaguluhan ng mga baliw kong kaibigan. "Mas maa-appreciate mo ang isang bagay kapag nakikita mo ito sa malayo. Malalaman mo lang ang kahalagahan nila sa oras na nakikita mo ang kompletong larawan na hindi ka kasama." Yumakap sa baywang ko ang kamay ni Tita at humilig s'ya sa akin. "Hindi mo man sabihin ay alam kong miss na miss mo na ang mga kaibigan mo. At dahil sa kanila, kahit paano ay nabawasan ang pangungulila ko sa 'yo. Ni kahit minsan ay hindi sila nakalimot na bumisita sa akin. Minsan ay kompleto sila, minsan ay isa o dalawa. Pakiramdam ko nga ay kinakausap mo sila para maging representative mo." Natawa pa si Tita Malou. Natawa rin ako. "Hindi ko hiniling iyon sa kanila. Alam ko kasing pare-pareho na kaming humaharap sa reyalidad ng buhay. Hindi na kami mga college student na nagagawang humanap ng oras para gumawa ng kung ano-ano. They did that because of you, Tita. Dahil naging mahalaga kang parte ng buhay ng mga baliw na iyan." Humagikhik si Tita Malou. "Kaya mas lalo kong minahal ang mga batang iyan Dahil kahit iniwan ako ng paborito kong pamangkin, hindi sila nakalimot sa akin." Nakaramdam ako ng sundot sa konsensya ko. Kaagad akong humarap sa taong naging sandalan ko mula pa noon. "I'm sorry for that, Tita. Ni hindi ko man lang naisip ang maaari mong maramdaman. Masyado akong naka-focus sa pag-abot sa mga pangarap ko." "Gabby..." Hinawakan ni Tita Malou ang mga kamay ko. "Wala akong hinanakit sa 'yo pero sa mga oras na nangungulila ako sa 'yo ay hindi ko maiwasang hindi mag-isip ng kung ano-ano. At ngayong nandito ka na ulit ay hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sa 'yo. Gusto kong tanungin ka sa mga bagay-bagay pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ako ng agam-agam sa puso ko." Napangiti ako. Kaagad kong naintindihan ang gusto n'yang sabihin. "Gusto mo po bang tanungin kung kumusta na ako? At gusto mo po bang magtanong about Ric, Tita?" Malungkot na ngumiti si Tita bago tumango. Binitawan n'ya ang mga kamay ko at pinanood ang mga kaibigan ko. "Saksi ako kung gaano kadakila ang pag-ibig n'yo sa isa't-isa. Nakita ko kung gaano kabuti ang batang iyon. Kaya isa rin ako sa nasaktan noong nalaman kong nagkahiwalay kayo." Kinagat ko ang labi. "Puwede mo po akong sisihin, Tita." Iyon ang sinabi ko dahil sa mga nagdaang taon ay iyon ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay ako ang may kasalanan at baka nga, dahil hindi ko nagawang paninidigan ang pangako ko sa kanya noon. "No, hija," ani Tita Malou. "Wala akong gustong sisihin. Nalulungkot lang ako dahil naging biktima kayo ng tinatawag na dakilang pag-ibig na walang wakas." Huminga ako nang malalim. Madami akong iniisip pero hindi ko alam kung paano isaboses ang kahit isa sa mga iyon. "Alam mo bang hindi lang naman ang mga kaibigan mo ang bumibisita sa akin dito?" Muling hunarap sa akin si Tita Malou. "Mula nang umalis ka, isa si Ric sa madalas na pumupunta rito para dalhan ako ng mga paborito kong pagkain at bulaklak." Mabilis akong napabaling kay Tita. Gusto kong magtanong pero hindi ko alam kung paano o ano ang itatanong. Nakangiting tumango si Tita. "Nagkahiwalay kayo pero hindi n'ya tuluyang pinutol ang koneksyon mo sa kanya. Noong una ay napansin kong pumupunta s'ya rito sa tuwing walang bumibisita mula sa mga kaibigan mo pero nang minsan ay nahuli s'ya nina Alfonso..." Sandaling nanahimik si Tita bago nagpatuloy. "Iniwasan n'ya rin noong una ang mga kaibigan mo. Ako lang talaga ang hindi n'ya iniwasan dahil alam n'yang wala naman akong nakakasama rito. Nang malaman nina Alfonso ang ginagawa n'yang pagbisita sa akin ay saka lang sila nagkasama-sama ulit..." Tita Malou paused a bit. "Kaagad kang umalis noong naghiwalay kayo kaya hindi ko nakita kung ano ang pinagdaanan mo. Ngunit nakita ko ang epekto sa kanya ng paghihiwalay n'yo." "K-Kumusta s'ya noong mga panahong iyon, Tita?" hindi nakatiis na tanong ko. Hindi naman naputol ang komunikasyon namin ng mga kaibigan ko ngunit walang nagsabi sa akin sa mga nangyari kay Ric o kung ano ang naging epekto sa kanya ng naging paghihiwalay namin. "Hindi n'ya ipinapakita iyon, lagi s'yang nakatawa at nakangiti sa tuwing bumibisita s'ya rito sa akin." Naiiling na napatawa si Tita. "Ngunit hindi kailan man makakapagsinungaling ang mga mata. Wasak na wasak s'ya at hindi iyon kayang itago ng mga mata n'ya." Napabuntong-hininga ako. Naramdaman ko na naman ang pamilyar na pagkurot sa puso ko. Hinawakan ni Tita Malou ang kamay ko kaya muling napunta sa kanya ang atensyon ko. "Hija, sinasabi ko ito hindi para makaramdam ka ng guilt. Katulad ng sinabi ko, walang may kasalanan sa inyong dalawa. Hindi n'yo naging kasalanan na hindi kayo ang itinakda para sa isa't-isa." Marahan n'yang pinisil ang kamay ko. "Sinasabi ko ito sa 'yo para sa oras na muli kayong magharap ay hindi ka mabigla sa malaking pagbabago sa batang iyon." "B-Bumisita po ba s'ya rito recently?" mahina ang boses na tanong ko. Kung ganito ang mga salita ni Tita ay siguradong nakita n'ya si Ric nitong mga nakaraan. Tumango si Tita. "Nagpunta s'ya rito last week. Dinalhan n'ya ako ng dragon fruit na mula sa hardin n'ya." "And?" "I told him na baka malapit ka nang umuwi..." Mabilis na tumahip ang puso ko. Napuno ng pananabik ang puso ko sa maaaring marinig. Kaagad nga lang iyong naglaho nang malungkot na umiling si Tita. "He's like a wandering and lost soul, hija. Wala s'yang sinabi na para bang hindi n'ya narinig ang kung anumang sinabi ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD