"Gabriella, are you listening?"
Napakurap ako at mula sa table calendar ay dumako ang mga mata ko sa makisig at simpatikong lalaking hindi ko namalayang nasa harapan ko na pala.
Nagtaka pa ako na nakapasok s'ya rito sa ospisina nang hindi ko nararamdaman. Ni hindi ko nga narinig kahit iyong pagkatok n'ya.
Kaagad akong tumayo. Inilahad ko ang receiving area. "Have a seat, Sir."
He chuckled. Sa halip na tunguhin ang couch na nasa receiving area ay naupo s'ya sa matigas na upuang kahoy na nasa gilid ng lamesa ko.
"Ilang beses ko bang ipaaalala sa 'yo na hindi mo na ako kailangang i-Sir? Masyado kang pormal, Gabriella."
Kumamot ako sa ulo at umupo na rin. Sana lang talaga ay wala s'yang importanteng sinasabi kanina dahil wala talaga akong naintindihan. Kahit nga narinig ay wala rin.
"Apat na taon na tayong magkatrabaho and tatlong taon na tayong magkasama rito sa Canada pero hindi pa rin nagbabago ang turing mo sa akin," he added.
Ngumuso ako. "You're the CEO of the company, Mr. Zaragosa, natural lang na pormal ang pakikitungo ko sa 'yo."
"And you are my brother’s best friend. Isa ka sa matalik na kaibigan ni Alfonso plus the fact that you’re a good employee. No need to use formalities with me."
Nagkibit na lang ako ng balikat. "Alright. Wala naman akong magagawa at baka bawasan mo pa ang suweldo ko."
Humalakhak s'ya. Buhay na buhay iyon at nag-echo talaga sa apat na sulok ng silid.
He pointed the table calendar. "Okay ka lang ba? May lakad ka ba ngayon? Kanina pa ako kumakatok pero hindi ka sumasagot kaya pumasok na ako then nakita kitang nakatulala na riyan sa kalendaryo."
Umiling ako. "Wala naman. Hindi ko namalayang napatulala na ako sa kalendaryo," sabi ko na lang.
Muli kong sinulyapan ang petsa sa kalendaryo. It's been years... And today was supposed to be our seventh anniversary.
Bago pa bumalik sa nakaraan ang isip ko ay ipinilig ko na ang ulo.
Pinasadahan ko ang nakatatanda at tanging kapatid ni Alfonso.
Roderick Zaragosa is tall and has a well-built body. Kahit na matangkad na ako ay kinakailangan ko pa ring magsuot ng sapatos na may mataas na heels para hindi ako magmukhang duwende sa tabi n’ya. Ako kasi ang laging isinasama ng lalaki sa lahat ng functional events na may kinalaman sa kompanya.
At the age of thirty-six, he's still a bachelor. A hot and successful bachelor. Women flocks around him. Hindi ko nga lang alam kung plano ng lalaking higitan ang yaman ni Jeff Bezos dahil hindi man lang n’ya tinitingnan ang mga babaeng kulang na lang ay maghubad sa harapan n’ya.
Sigurado naman akong lalaki talaga s’ya. Hindi nga lang talaga s’ya interesado sa kahit sinong babae. Ang mga project deals ang tanging nagpapakilig sa kanya.
"Nakapasa na ba ako?" He eyed me. Tumaas ang makapal n'yang kilay.
Napailing ako. "Iniisip ko lang kung bakit wala ka pa ring girlfriend ngayon. Kahit ka-fling man lang."
Ngumisi si Roderick. "So, should I start courting you?"
"Nako, Road, hindi tayo talo!" I blurted. "Nanggaling dito si Lora kanina, nagwawala dahil gusto kang makita."
Hinawakan n’ya ang sentido. "Kinulit ka na naman ba? Hindi ko na alam ang gagawin sa babaeng iyon. Ayaw akong tantanan."
Umismid ako. Isang sikat na modelo si Lora na nakabase rito sa Canada. Naging endorser s’ya ng isa sa mga product ng kompanya kaya nagkaroon sila ng interaction ni Roderick. Um-attend noon ng press conference si Roderick at mula noon ay hindi na s’ya tinantanan ng modelo.
Mukhang na-love at first sight yata si Lora sa lalaki. Hindi nga lang talaga interesado si Roderick sa kahit sino kaya hindi n’ya hinaharap ang babae. Ongoing pa nga lang ang kontrata sa amin ni Lora at malaki ang sales ng product na in-endorse n’ya kaya hindi s’ya magawang itaboy ni Roderick nang harap-harapan.
"You can date her for a while," sabi ko. "Malay mo ay match pala kayo. Bigyan mo ng chance. Baka kapag nakita n’yang hindi kayo mag-work ay s’ya na ang kusang lumayo sa 'yo."
"Hindi ko na kailangang subukan dahil alam ko nang hindi kami magwo-work," mabilis na sagot n’ya.
"Then, goodluck." Humalukipkip ako. "Napakakulit pa naman ng babaeng iyon."
He chuckled. Inayos n'ya ang necktie. "What if sabihin ko sa kanyang girlfriend kita?"
Matalim ang tinging ibinigay ko sa kanya. "Ayoko ng gulo. Mamaya ay maisyu pa ako. Saka, maumay ka naman sa kagandahan ko, ako na lang ang lagi mong nakikita. Ayaw mo bang makakita ng ibang mukha?"
"Ayoko," kaagad na sabi n'ya. "Saka, hindi naman ako mauumay sa 'yo. Gusto ko nga ‘yong araw-araw kitang nakikita."
Napailing na lang ako sa kapilyuhan ng lalaki. "Ano nga palang sadya mo sa akin at lumabas ka ng opisina mo?"
Roderick is a workaholic. Siya iyong literal na tumitira sa opisina n’ya dahil sa dami ng trabaho n’ya. Minsan nga ay kailangan ko pang ipaalala sa kanya na oras na ng pagkain. Nakakalimutan n’ya iyon at kung hindi malakas ang resistensya n’ya ay baka matagal na s’yang na-ospital.
"This." Iniabot n’ya sa akin ang isang envelope. "Naayos ko na ang transfer papers mo sa Pilipinas."
"Ano?" nabiglang tanong ko. Tumayo ako at kinuha ang envelop na iniaabot n’ya. Binuksan ko iyon at binasa ang laman.
And tama nga s’ya. Transfer papers ko ang laman niyon at base sa nakasulat ay ilang araw na lang ang hihintayin ko bago bumalik sa Pilipinas.
Hindi ko alam kung matutuwa ako sa nabasa. May malaking parte ng puso ko ang tila tumalon at na-excite. Ngunit may kaunting parte na natakot at kinabahan.
Sa loob ng kontrata ko rito sa branch ng Zaragoza Internationals ay hindi man lang ako umuwi. Tatlong taon na nanatili ako rito sa Canada at si Tita Malou lang ang laging dumadalaw sa akin.
Hindi ako umuwi hindi dahil sa tambak na trabaho. Pinili ko lang talagang huwag umuwi. Hindi ko kasi alam kung kaya ko na ba.
"Road..." Pakiramdam ko ay nanginig ang mga tuhod ko kaya muli akong umupo. "Hindi ba puwedeng dito na lang ako?"
Nangunot ang noo ng lalaki. "Gabriella... Tatlong taon lang ang kontrata mo rito sa Canada. Nasa kontratang pinirmahan mo na after three years ay uuwi ka sa Pilipinas para pamunuan ang main branch doon."
Hinilot ko ang sentido. Hindi ko rin maintindihan ang sarili kung bakit natatakot akong umuwi na tila ba ay may malaki akong kasalanang nagawa sa isa sa mga taong nasa Pilipinas.
Wala nga ba? Naikiling ko ang ulo nang marinig ang maliit na boses na iyon sa isip.
"How about you?" Tiningala ko ang lalaki. "Ikaw ang CEO pero tumatambay ka rito sa Canada."
Tumawa lang ang lalaki. "Susunod ako sa 'yo roon after two weeks. May mga aasikasuhin lang ako rito."
Tumaas ang kilay ko. "How about Lora?"
"Ano namang tungkol sa kanya? Wala naman kaming relasyon," aniya at tumayo na. "By the way, nasa ibaba sina Alfonso and ‘yong isa mong kaibigan."
Mabilis na kinuha ko ang bag at inilagay roon ang envelope. "Sinong kaibigan?"
He frowned. Tila ba ay inaalala n’ya ang mga kaibigan ko. "Nakalimutan ko na ang name. Basta iyong modelo."
"That's Sab," sabi ko at isinukbit na ang bag.