Chapter II:
September 23, 2030
Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakita niya ang kanyang sarili na nakaupo sa couch ng kanyang bahay. Napahawak siya sa kanyang sentido dahil sa bahagyang pagkahilo dahil sa pag-time travel niya. Isa ito sa mga side effects ng pag-time travel. Huminga siya ng malalim at tumayo na mula sa pagkakaupo. Napatingin siya ng makita ang calendar na nasa taas ng isang book shelf.
“2030? Wow! I traveled 12 years in the future!” sabi niya. Lumabas na siya ng bahay at napansin niya kaagad ang paligid. Maraming mga tao ngayon ang nakasakay sa isang board na hindi man lang lumalapat sa lupa. Ang iba naman ay nakasakay sa motor na lumulutang din. Namamangha siyang tinitigan ito.
“Wow! Iba na talaga ang technology sa panahon na ito!” he said at naglakad-lakad.
Marami siyang nakitang kakaiba sa paligid. Ilang taon na siyang time traveler pero hindi pa rin nawawala ang pagkamangha niya sa mga bagay-bagay na bago sa kanyang paningin. Nakita niya ang isang establishment na hindi na kailangan ng security guard. Papasok ka lang sa isang tunnel at ito na mismo ang mag-iinspect kung may dala bang ipinagbabawal sa loob. Hindi niya mapigilang matawa ng pumasok ang isang lalaki at bigla na lamang tumunog ito. Agad na nagsara ang pinto at biglang may sumulpot na pulis at dinampot na saka pinasakay sa police mobile.
Napasipol pa siya ng makita kung anong model ng police mobile ang ginamit. Nagpatuloy siya sa kanyang paglalakad at nakita niya ang isang robot sa gilid ng isang bakery na sumasayaw. Ilang segundo lang ay tumigil sa pagsayaw ang robot. May isang bata na naghulog ng coins at muling sumayaw ang robot.
“Mukhang malaki pa ang kita ng robot na iyon kaysa sa bakery,” sabi niya at naiiling na lang. Ipinagpatuloy niya ang kanyang paglalakad hanggang sa makarating siya sa intersection. Habang naghihintay siya ng green light para makatawid ay bigla na lamang nagkaroon ng bangaan. Napatago siya sa isang pader ng may lumipad na gulong sa direksyon niya. Mabuti na lamang at mabilis ang kanyang pagkilos dahil maaari siyang mamatay. Nanatili siyang nakayuko at nagtago sa likod ng pader na iyon ng mahigit sampong minuto. Nang lumabas siya ay nakita niya kung gaano kalala ang nangyaring banggaan sa mga kotse. Sa bilang niya ay nasa walong sasakyan ang nagkarambola at may nakita pa siyang mga katawan na marahil ay tumalsik mula sa mga sasakyan.
Nanatili lang niyang pinagmasdan ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Pinagmasdan lang niya ng dumating ang mga ambulansya. Sa totoo lang ay hindi wala naman siyang pakialam sa mga ganitong bagay. Ang katwiran niya ay nakatadhana ang mga bagay na ito. Pero may pumukaw ng kanyang pansin.
Napaatras siya ng makita ang sarili na nasa stretcher at buhat-buhat ng mga paramedics. Kita niya ang duguan niyang katawan. Hindi niya mapigilang mapahawak sa kanyang bibig dahil sa gulat.
“Kasama ako sa aksidenteng ito?”
Sinundan niya ang kanyang sarili at ng makita niya mismo ang sarili niya ay nakaramdam siya ng kakaiba. Napansin niya ang kanyang mga braso ay tila nagiging transparent na. Dito niya napagtanto ang isang bagay: hindi sila dapat magkita ng future self niya. Sa nine years na pagiging time traveler niya ay ito ang unang beses na nakita niya ang kanyang future self.
Gayunpaman ay hindi siya umalis. Sumama siya sa kanyang future self hanggang sa makarating sila ng ospital. Mukhang hindi na din siya nakikita ng mga tao doon dahil dinadaan-daanan na lang siya. Para ba siyang multo at tumatagos na lang ang mga tao sa kanya.
Kinabitan ng mga aparato ang future self niya. Hindi niya mapigilang mapangiwi habang pinanunuod ang sarili niya sa ganoong sitwasyon.
“L-lorie…” sabi ng kanyang future self. Napakunot ang kanyang noo dahil sa sinabi nito.
Sino si Lorie?
“Tabi!!!” sigaw ng isang nurse at tumabi sa kama ang isa pang duguang babae. Nanlaki ang mga mata niya ng makilala ang babaeng iyon.
“L-lorie…” Tumingin ang kanyang future self sa babae at pilit na inaabot ang kamay nito ngunit hindi nito magawa.
“Sir, look at me,” sabi ng isang doktor sa kanyang future self.
“L-lorie…” halos bumulong na lamang ito. Humugot ito ng malalim na hininga at ang kasunod nito ay ang matining na tunog mula sa isang makina. Sabay na tumunog ang machine ng future self niya at ng babae. Pilit din na nirerevive ang dalawa ngunit hindi na ito nagreresponse.
“Time of death,” sabay na sabi ng dalawang doktor na humahawak sa kanyang future self at sa babae.
“12:00 P.M.”
Nakaramdam na siya ng mainit na sensasyon at ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata. Sa muling pagdilat ng kanyang mga mata ay natagpuan niyang nakabalik na siya sa kanyang basement kung saan nakatago ang time machine. Mabilis ang kabog ng puso niya na para bang tunmakbo siya ng ilang kilometro.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nasaksihan. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit nandoon din ang babaeng waitress na nakita niya noong nakaraang araw lamang.
Sangkot sa parehong aksidente ang future self niya at ang babae. Parehong ospital ang pinagdalhan sa kanila at parehong nalagutan ng hininga. Nakaramdam siya ng kilabot ng mag-sink in sa isipan niya ang kanyang kamatayan.
“12 years from now, I’m dead!” sigaw niya. Lumabas na siya ng kanyang basement at agad na nagtungo sa study room. Binuksan niya ang kanyang laptop at hinanap ang website ng café na pinuntahan niya noong nakaraang araw lamang.
Nang makita niya ito ay agad niyang pinuntahan ang listahan ng branch nito. Hindi naman siya nahirapan dahil iilan palang ang branch ng café na iyon. He clicked the button at dinala siya sa website ng branch na iyon. Agad niyang tiningnan ang listahan ng mga empleyado nito at nakita niya ang babaeng pakay niya.
“Lorie Zamora?” basa niya sa pangalan nito.
“L-lorie…”
Napasandal siya sa kanyang swivel chair at pinagmasdan ang larawan ng babae. Iniisip niya kung ano ang ugnayan ng babaeng ito at ng kanyang future self. Kung bakit sabay na namatay silang dalawa.
“Sana nandito si Prof para sa mga katanungan ko,” sabi niya at napahilamos na lang siya ng kanyang mukha.