Kung kanina lang ay ubod nang saya ang mood ni Chelsy, ngayon naman ay halos nasipsip na niya ang lahat ng negatibong enerhiya sa mundo. Nakatingin siya ngayon kay Gia at Onyx na magkadikit at magkahawak pa ang kamay. Ayaw na sana niyang panoorin o pakinggan man lang ang pinag-uusapan ng dalawa, subalit isinilang siyang chismosa kaya ay mabilis ang kanyang mga kilos na nagtago sa malagong puno ng buxus. Hindi man siya gaanong nakalapit, sapat naman ang layo niya para marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. “Naniniwala ka ba talagang ninakaw ko ang painting na ’yun kay Chelsy? Mas maniniwala ka pa sa babaeng ’yun kaysa sa ’kin?” tanong nito kay Onyx, dahilan kung bakit tumaas ang kanyang kilay. “Please, Onyx . . . Answer me.” Naririnig na niya ang paghikbi nito na para bang labis na inapi.