❀⊱Lyka's POV⊰❀
Akala ko, iyon na ang huli naming pagkikita ni Harvey pero nasundan pa ito ng muli kaming magtungo ng England. Mas masakit ang muli naming pagkikita dahil may minamahal na siyang iba. Hindi naging madali para sa akin lalo pa at iniwanan kami nila Marcus sa England habang sila naman ay nagtungo ng Milan dahil sa mahalagang misyon na ipinapagawa sa kanila ng kanilang Lolo.
Naiwanan kaming tatlo ni Lucio, Hugo at ako sa England upang mabawi ni Hugo ang pagmamahal ni Joyce.
Nagtungo kami sa tinutuluyan ni Harvey. Hindi ko magawang tignan siya dahil nasasaktan pa rin ako lalo pa at alam kong wala na talagang pag-asa na magkabalikan pa kami. Wow ha! Umasa naman talaga ako, pero wala na eh! Si Joyce na ang babaeng itinitibok ng kanyang puso at ang dalawang taon naming pagmamahalan ay parang bulang naglaho sa kanyang puso. Ang mga pangako niya sa akin na hindi niya tinupad ay mananatili na lamang na isang pangako ng aming nakaraan.
Sinakyan ko ang ginagawa ni Hugo kahit alam ko naman na hindi maaapektuhan si Harvey. Ginawa ko 'yon para kahit papaano ay mawala ang pagkailang ko.
Hindi naman lingid na kay Hugo at kay Marcus ang damdamin ko para kay Harvey dahil sila ang literal na Marites ng aming grupo.
Nasa sofa kami ng may tumawag kay Harvey, hindi rin nagtagal ay ilang katok naman ang nagpalingon sa amin sa pintuan.
Nagulat ako ng iluwa ng malaking pintuan si Joyce at ang kanyang kapatid na si Celestina. Parang bigla na lamang sumikdo ang puso ko dahil sa sobrang sakit na dulot nito sa akin. Sobrang sakit na pilit kong itinatago pero hindi ko alam kung nagagawa ko nga ba itong itago.
Natawa ako ng palihim dahil pakiramdam ko ay talagang sinusubukan ako ng tadhana kung gaano ako katatag. Kung hanggang saan ko ba kakayanin ang kirot sa puso na idinudulot sa akin ni Harvey.
Magkatabi silang naupo sa sofa, ang sakit sa puso, lalo na ng isinandig ni Harvey ang ulo ni Joyce sa kanyang balikat. Gustong-gusto ko ng mag walkout pero hindi ko ginawa dahil ayokong isipin niya na talunan ako kahit alam ko naman sa sarili ko na talaga namang talunan ako.
Sana ay hindi na lamang ako pumayag na maiwan ss lugar na ito kung ganito lang din naman pala ang mararamdaman ko.
Hindi ko alam kung bakit sa dami ng tauhan ay ako pa ang napili ni Marcus na manatili dito kasama ang nag-iisang lalakeng tanging dahilan ng pagdurusa ng puso ko.
……✎
Ilang araw lang ang inilagi namin sa England at bumalik din agad kami ng Pilipinas. Natuklasan kasi ni Hugo mula sa bibig ni Joyce na tanging pera lang ang habol niya dito. Isang bagay na hindi ko naman talaga pinaniwalaan, pero hindi ako kumontra at wala akong ginawang hakbang upang paliwanagan si Hugo. Sa mga oras na 'yon kasi, ang tanging hangad ko lamang ay ang makaalis sa lugar na 'yon upang malayo na ako ng tuluyan kay Harvey.
Pagkabalik namin ng Pilipinas ay ilang araw akong nanahimik. Ilang araw akong tumangis ng ako lang mag-isa at hindi muna ako nagpakita sa kanila. Mahirap ang pinagdadaanan ko, at kahit naging kaibigan ko na si Janine ay hindi ko magawang sabihin sa kanya ang totoong kaugnayan ko kay Harvey. Ang totoong nakaraan namin ni Harvey.
Nagpapakita ako sa kanila ng katatagan pero sa likod ng masaya kong mukha ay isang masakit na nakaraan na hindi kayang kalimutan ng aking puso.
Mag-asawa na ngayon sila Joyce at Hugo at dito na rin naninirahan sa Pilipinas si Harvey, pero ni minsan ay hindi siya gumawa ng kahit na anong hakbang upang magkausap kami at magpaliwanag kung bakit niya ako iniwanan.
Hindi siya gumawa ng kahit na anong hakbang upang ipaliwanag sa akin kung ano ba ang dahilan at naglaho na lamang siya na parang bula. Gayunpaman, unti-unti ko na namang natatanggap sa puso ko na hindi si Harvey ang nakalaan para sa akin.
Mula ng ikinasal si Hugo at Joyce ay isinaksak ko na sa isipan ko na, 'Tama na. Huwag na akong umasa pa na magkakabalikan kami ni Harvey.'
Mula naman nuon ay naging maayos na ako at hindi na ako naaapektuhan sa tuwing makikita ko ngayon si Harvey. Ikinasal na nga rin si Sammy kay Maricris at si Julian kay Nimfa pero wala ni isa mang paliwanag akong natanggap mula sa kanya.
Matagal na rin naman ang lumipas tungkol sa aming dalawa ni Harvey, kaya ngayon ay masasabi kong tuluyan na akong naka move on sa kanya. Hindi ko man siya ganap na nakakalimutan pa, pero kaya ko ng mabuhay ng wala siya dahil may iba namang nagpapasaya sa buhay ko.
Mahal ko pa ba si Harvey? Oo naman, pero wala na akong balak maging parte pa siya ng buhay ko dahil tapos na ang nakaraan namin. Okay na sa akin na may Charles sa buhay ko na nagpapasaya sa akin, ang isang tao na nagbibigay ng inspirasyon sa akin.
Anim na taon na rin naman mula ng iniwanan niya ako. 27 years old na ako ngayon, at masaya na naman ako sa buhay ko sa piling ni Charles.
"Kai, anong ginagawa mo dito?" Napatingin ako kay Jan. Well, Jan ang tawag ko kay Janine at Kai naman ang tawag niya sa akin.
"May kausap lang ako sa phone pero tapos na naman," wika ko. Isang malaking ngiti ang sumilay sa kanyang labi at tinabihan ako sa pagkakaupo. Nandito kasi kami ngayon sa mansyon nila Marcus pero nasa loob sila habang ako ay nandito sa labas dahil kausap ko sa phone si Charles kanina. Wala siyang alam kung anong klaseng buhay mayroon ako at wala din akong balak na ipaalam ito sa kanya.
"Boyfriend mo? Nakita ko kaya nuong isang araw ang message niya sa iyo, sabi I love you. Hindi ko naman sinasadya, napadaan lang ako sa likuran mo at ng mapatingin ako sa iyo ay saka ko nakita 'yung mensahe niya sa iyo." Tinaasan ko siya ng kilay ko na ikinatawa naman niya. Ang babae talagang ito, mahilig makialam ng buhay ng may buhay.
"Ayan ka na naman sa pagiging chismosa mo," sabi ko sa kanya kaya natawa siya at inakbayan ako.
"Yan ba 'yung Charles? Kasi, minsan naiwanan mo 'yang phone mo sa table ng magbanyo ka sa condo ko, nakita ko may tumatawag sa iyo tapos ang nakalagay na name, Charles my love. Ang baduy mo ha. 'Yan na ba ang ipinalit mo kay Harvey diyan sa puso mo? Kawawang Harvey, hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataon na maging kayo. Minsan nakita kita sa mall, may kasama kang lalake. Siya ba 'yung Charles? Ang sweet kasi ninyo, nakakapit ka pa sa braso niya. Hindi ako chismosa ha, nagkataon lang na ng mga oras na 'yon ay kasama ko si Mommy dahil nag shopping kaming dalawa. Gusto sana kitang tawagin kaya lang ayokong maistorbo kayong dalawa dahil sobrang sweet ninyo sa isa't-isa," ani niya. Napapailing na lang talaga ako sa kaibigan kong ito. Masyadong maraming alam eh!
"Gwapo, hindi ba?" sabi ko sa kanya.
"My gosh! Oo naman noh! Sobrang gwapo at ang macho-macho pa niya noh! Walang sinabi si Harvey," sagot niya kaya natawa na din ako.
"Tawag ko sa kanya Carl, ang gwapo niya noh? Mabait din siya. Sana sa atin-atin na lang muna ang nalalaman mo tungkol kay Charles," sabi ko naman sa kanya.
"No problema sa akin 'yan. Ang sweet ng tawag mo sa kanya, Carl," pang-aasar niya kaya napapailing na lamang ako sa kanya at hindi ko na dinugtungan pa ang tungkol kay Charles.
"Anyway, ikaw ang hahawak ng shares ni Harvey. Okay lang ba 'yon sa iyo?" tanong niya kaya napabuntong hininga ako.
"Sa ngayon okay lang pero kapag natapos na siya sa sinasabi niyang bagong proyekto nila ay ipapakuha ko na 'yon sa kanya. Ayoko ng obligasyon lalo pa at tungkol ito kay Harvey. Tapos na ang katangahan ko kaya ayoko ng madidikit pa ang pangalan ko sa kanya." wika ko.
Hindi naman siya sumagot na lalo pa at nakikita na namin si Marcus at Hugo na papalapit sa amin. Natawa ako dahil sa tuwing nakikita ko si Hugo, pinapaalala lamang nito sa akin si Harvey. Magkaiba man ang pagkatao nila, iisa pa rin ang mukha nila.
"Please, sana sa atin na lang dalawa ang tungkol kay Charles. Mas gusto ko na tahimik lang ang buhay ko at walang nakikialam," ani ko.
"Don't worry, wala akong pagsasabihan," sagot naman niya kaya ngumiti na ako.
Mas okay ng pribado ang buhay ko. Ayoko kasi na maraming umuungkat sa buhay ko lalo na kung ang dahilan ay si Harvey. Ayoko na, pagod na ako.
"Anong ginagawa ninyo dito? Kanina pa kita hinahanap Lyka, kailangan mo ng pumirma sa kontrata para matapos na tayo at makapag celebrate tayo sa Oasis Bar." Napatingin naman ako sa orasang pambisig ko at mag-aalas sais na pala ng gabi kaya tumango agad ako kay Marcus.
Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na ano ba ang dapat ko ipag celebrate? Ang paghawak ko sa shares ni Harvey? Wala naman akong pakialam duon at isa pa, hindi naman akin 'yon.
"Pasensya na, may sinagot lang kasi akong tawag sa phone," sabi ko. Tumayo na kami ni Jan at naglakad na kami pabalik sa loob ng mansyon nila Marcus.
Kuntento na ako. Siguro naman ay sapat na ang mahabang panahon na hinintay ko si Harvey. Masaya na ako ngayon at hindi ko na siya kailangan pa. Hindi na rin ako naaapektuhan pa sa tuwing naririnig ko na may mga babaeng nasasangkot sa kanya. Nasanay na nga ako, wala ng epekto sa akin at hindi na ako nakakaramdam ng matinding selos.
"Mamaya sa bar, sumayaw nga kayong dalawa sa stage para naman maaliw kami," ani ni Marcus kaya hinabol namin siya ng mabilis siyang tumakbo. Si Hugo naman ay malakas lamang tumatawa dahil sa kalokohan ng leader namin.