"Sino ba 'yang palagi na lang sumusulat sa iyo, Nancy? Lagi ko na lang napapansin si Ed na kartero na laging nagdadala sa 'yo ng sulat. Hindi ba p'wedeng i-text na lang? Wala ba siyang cellphone?" tanong ni mama habang nag-a-ayos ng mga paninda sa loob ng tindahan.
"Eh, hindi ko rin po alam, Ma. Tinatakot ko na nga siya, eh. Babasagin ko talaga 'yang mukha niya kapag nakita ko siya!" sigaw ko habang kumakain ng almusal.
May dumating na naman kasing liham si Prinsipeng Kuwago.
"Ano namang magagawa ng braso mong payat?" tanong ni Papa na bigla na lamang pumasok ng pinto mula sa labas ng bahay.
"Masakit kaya, Papa, kapag nahampas ka ng patpat. Parang braso ko lang 'yon, patpatin." Ipinakita ko sa kanya ang braso ko at sinubukang palakihin. Pero wala rin namang inilaki.
"Sus, puro ka kalokohan. Sabihin mo d'yan, hinihintay ko kamo siya at mag-i-inom kami ng Gin," sagot niya bago siya dumiretso sa tindahan. "Pahingi nga ako ng marlboro light d'yan."
Kaagad siyang sinamaan ng tingin ni Mama.
Napangiwi na lang ako at napailing. Papa talaga. Tambay na nga, ang lakas pa bumisyo.
Minsan lang magka-trabaho si Papa, kapag sinipag lang. Mabuti na lang at hindi kami nagre-rent ng bahay at mayroon din kaming anim na apartment na pinarerentahan sa iba.
Si mama ang malakas dumiskarte. Marami siyang raket kaya naman sarap-buhay si Papa. Parang hari lang.
Pero gano'n talaga. Kahit naman tamad siya magtrabaho, mabait na ama naman siya at maasikaso sa aming lahat. Siya ang nagluluto at naglalaba dito sa bahay. Siya ang naghuhugas ng mga plato at mga kalderong pinaglutuan.
Hinahatid at sinusundo niya rin ang kambal namin sa school. Siya rin ang uma-attend sa mga activities ng aming mga kambal. Malambing lagi siya sa amin, lalo na kay mama. Kaya naman mahal na mahal namin siya. Tamad lang talaga magtrabaho. Ini-spoiled din kasi ni mama, eh.
Pero okay na rin 'yon. Mahal eh. Naks!
Every payday ko, half ng salary ko ay ibinibigay ko kay mama and then, binibigyan ko din si papa, pang-bisyo niya at tuwang-tuwa naman siya. Masaya na rin akong nakikita siyang palaging nakangiti.
"Kapag sinabi ko 'yon, Papa, lalong hindi 'yon magpapakita. Matatakot na 'yon sa 'yo," sabi ko habang inuumpisahan ko nang buksan ang walang kamatayang liham ng isang Prisipeng Kuwago.
Katatapos ko lang ding kumain.
"Aba, eh kung gano'n, hindi siya papasa sa akin kapag hindi siya manginginom," sagot naman ni Papa na hanggang ngayon ay nasa tindahan pa rin at kinukulit si Mama.
Lumingon ako sa kanila at nakita kong sinusundot-sundot niya ang tagiliran ni Mama. Landede?
"Ano ba naman 'yan, Enrico! Tatamaan ka sa 'kin! Puro alak 'yang nasa utak mo!" sigaw na ni mama sa kanya kaya bigla akong natawa.
Ngunit si Papa naman ay ngingisi-ngisi lang habang patuloy sa panunundot sa tagiliran niya.
Naiiling na lang ako bago muling bumaling sa liham na hawak ko. Dinaig pa nila ang mga teenager.
April 8, 2016
Mahal kong Prinsesa,
Alam mo bang nanghihinayang ako sa mga nagdaang panahon? Panahong hindi kita magawang lapitan. Panahong wala akong lakas ng loob para sabihin sa 'yo ang nararamdaman ko. Kung pwede ko lang sanang ibalik 'yong mga panahong 'yon, mapapansin mo kaya ako? Makakausap kaya kita nang ganito?
'Yong mga panahong 'yon, gustong-gusto kitang lapitan, hawakan, makausap, matitigan sa malapitan. Gusto kitang alagaan, ingatan. Ngayon kasi malabo nang mangyari. At hindi ko alam kung magagawa ko pa ang lahat ng 'yan.
Kaya nga kahit sa ganitong paraan lang, kahit hindi kita nakikita, hindi kita nahahawakan, ako pa rin ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Dahil ang pinapangarap kong babae sa buhay ko ay nakakausap ko na. At kayang-kaya ko nang sabihin ang lahat ng nilalaman ng puso ko.
Sana hayaan mo lang ako sa ganitong paraan. Sana hayaan mo akong maiparamdam sa 'yo kung gaano kita ka-MAHAL. Dahil ito na lang ang makakaya kong gawin sa buhay ko. Ikaw na lang ang nagbibigay pag-asa para ituloy pa ang buhay ko.
Ikaw na lang ang meron ako.
Prince J
"Ate, bakit ka umiiyak?"
Bigla akong napapunas sa pisngi ko nang bigla na lamang sumulpot sa harapan ko ang bunso naming kambal.
"Nuke, sinong umiiyak? Ako, umiiyak? Hindi, no!" pagtanggi ko kahit nadama ko naman na basa na nga ng luha ang pisngi ko. Nakakainis!
"Sinong umiiyak?" tanong ni Papa na ngayon ay nakatingin na sa amin. Nasa loob pa rin siya ng tindahan.
"Si at--zhzhzhzhggkkkf!!!"
Kaagad kong tinakpan ang bibig ni Nuke. Daldal talaga ng batang 'to!
"Huwag ka ngang maingay! Hindi kita bibigyan ng allowance!" gigil kong bulong sa kanya.
"Dagdagan mo, ha," bulong niya rin naman sa mukha ko. Aba, eh napakagaling na bata.
Gusto ko siyang kurutin ng pinong-pino sa singit!
"Oo na," sagot ko na lang bago itinupi ang hawak kong liham.
"Ako din, Ate!" sigaw din ng isa pang kambal habang bumababa ng hagdan.
Naman, oh! Mamumulubi ako sa mga ito, eh.