Nancy
April 15, 2018
Mahal kong Prinsesa,
Una sa lahat, ikaw na ang huli. Samakatuwid, hindi na ako liliko. Mamahalin kita kahit ikaw pa ang pinakamura. At kailanma'y hindi magbabago kahit sa pinakaluma kong pamamaraan lang idinadaan ang pag-ibig ko para sa iyo.
Sumulat akong muli upang malaman mong may natitira pa akong papel at tinta ng ballpen. At kung maubos man ang mga ito, sisimulan ko nang mag-uling kahit ako'y mangitim. Maipahatid ko lang ang aking damdamin.
Napanganga ako sa klase nang sinasabi niya. Hindi talaga nawawalan nang sasabihin itong lalaking ito. Palagi pa rin akong pinakikilig sa mga linya niya kahit may kalumaan na siya bumanat.
Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa.
Mahal ko, nami-miss kita sobra. Nakauwi ka na ba? Nasa Manila ka na ba sa mga oras na ito? Ayokong magtagal ka sa ibang lugar at makakilala ng mga bagong p'wedeng umagaw sa iyo mula sa akin. Hindi ko kakayanin 'yon, mahal ko. Mas mabuti pa sigurong mawala na lang ako kaysa malaman kong hindi ka na pala sa akin.
Mag-iingat ka lagi at umiwas sa gulo. Kung sasama ka sa mga kaibigan mo sa gabi, pilitin mo pa ring makauwi ng maaga. Ayoko kasing mapahamak ka lalo na't wala ako sa tabi mo. Hindi kita mapoprotektahan.
Iwasan mo rin ang uminom. Ayokong malasing ka at mabastos ng kung sino man. Mapapatay ko sila, I swear. Pero mahal ko, kung nasasakal ka naman sa akin. Okay lang naman kung hindi mo 'ko susundin. Ayoko rin na magsawa ka sa akin.
Pangako ko sa iyo, malapit na tayong magkita, mahal ko. At hindi na ako makapaghintay na yakapin ka ng mahigpit at mahagkan.
Ang pogi mong Prinsipe,
Prince J.
Napahinga ako ng malalim na may ngiti sa labi. Malapit na kaming magkita. Ano kayang hitsura niya? Haayst! Pogi nga daw sabi niya! Tsk.
Pero wala naman akong pakialam kung anuman ang hitsura niya. Ang importante mahal ko siya.
"Hoy! Tulala ka na naman!"
"Ay!" napasigaw ako sa gulat nang bigla na lamang sumungaw sa bintana ng tindahan namin si Chris, ang barumbado naming kapitbahay.
Sinamaan ko nga ng tingin. Letseng ito, nandito na naman!
"Bakit nandito ka naman?"
"Oh, masama ba? Eh, ayan lang ang bahay ko sa tapat ah." Itinuro niya ang bahay nila sa tapat.
Tsk. Oo nga naman at tambayan niya dito sa labas ng tindahan namin.
"Eh, 'di doon ka tumambay sa labas ng bahay niyo!" inis ko namang sigaw sa kanya.
Narito kasi ako ngayon sa loob ng tindahan namin. Friday ngayon at off ko sa trabaho bilang waitress sa isa sa mga restaurant ng mga Delavega. Ito namang si Chris ay panggabi ang shift. At oo, kasama ko rin siya sa trabaho.
"Ayoko, walang maganda don."
Napangiwi naman ako sa isinagot niya.
"Eh, ba't hindi ka na lang matulog! Tingnan mo nga 'yang eyebag mo. Nangangalumata ka na."
"Anong nangangalumata?" tanong niya habang kumakain ng pandesal at nagkakape.
Dito talaga lagi 'yan sa tindahan namin araw-araw. May mahabang upuan na yari sa kahoy ang naririyan sa labas ng tindahan namin kaya naman hindi talaga maiiwasan na may tumambay d'yan.
Tambayan din kasi 'yan ni Papa.
"Aba, ewan ko. Naririnig ko lang naman 'yon eh." Itinupi ko na ang sulat ng Prinsipe ko at isisilid na sana sa bulsa ko nang agawin itong bigla ni Chris na mabilis nakapasok ang kamay sa maliit na butas ng tindahan namin!
"Ano 'to?" Kaagad niya itong binuksan. Ako naman ay napamulagat sa kabiglaan at hindi kaagad nakagalaw.
"Chris!" Napatayo akong bigla at napalabas ng tindahan!
Ngunit huli na bago ko pa siya naabutan. Nabuksan na niya ito at siguradong nababasa na niya ang umpisa.
"Akina nga 'yan! Pakialamero!" sigaw ko sa kanya kasabay nang mabilis kong pag-agaw sa liham ko. Kainis!
Hindi naman siya umimik.
Tinalikuran ko na siya at bumalik sa loob ng tindahan. Itinupi ko ulit ang liham at ipinasok na sa bulsa ng short ko. Mamaya ko na lang ito itatabi sa cabinet ko pag-akyat ko sa kwarto ko, na nasa 2nd floor pa ng bahay namin.
Pagtunghay ko sa tindahan namin ay natanaw kong nasa gate na ng bahay nila si Chris at pumapasok na sa loob.
***
"Nan's, table 10," abi ni Kenneth kasabay nang pagpatong niya sa counter ng isang tray na puno ng pagkaing in-order ng customer na nasa table number 10.
"Pa-add na rin daw ng two glasses of cold water?" nakangiti ko namang sagot sa kanya.
"Kaya mo? Mabigat na 'yan," anya pero nire-ready na rin niya ang dalawang baso at nilagyan ng ice and water.
"Yakang-yaka. Mamasel 'to, no?" sagot ko naman sabay taas ng payat kong braso.
"Oo nga, no. Takot na takot ako d'yan sa braso mo. Oh, sige na. Careful." Inilagay na rin niya ang dalawang baso ng tubig sa tray na may laman na ding two rice, two buffalo wings, two mushroom soup, two vegetable salad, and two glasses of lemon tea.
Oh, mabigat din 'yon. Malapad naman ang tray kaya nagkasya silang lahat.
Maingat ko na itong binuhat pero sa mabilis na kilos. Sanay na rin naman tayo d'yan eh. Kahit medyo lanta na ako ngayong oras na ito. Okay lang dahil malapit naman na tayong mag-out.
"Ako na. Kawawa naman itong Prinsesa na ito." Biglang sumulpot sa aking tabi si Bryan at mabilis na inagaw mula sa akin ang tray na hawak ko.
"Thank you, Bry. Bait mo talaga." Napangiti ako sa ginawa niya. Mabilis niya namang dinala ang tray sa table number 10 bago siya lumingon sa akin at nag-thumbs up.
Natanaw ko naman ang isang table na may kakaalis lang na customer. Nilapitan ko ito kaagad at isa-isang niligpit ang kanilang mga pinagkainan.
Pinagsama-sama ko ang mga natirang pagkain sa isang lalagyan. Inihiwalay ko naman ang mga plato, mangkok, baso, kutsara at tinidor at inilagay ko sa isang empty tray.
Pinunasan ko muna ang table at sinigurong malinis na malinis para sa next customer na darating. Matapos ay dinala ko na sa mga tambakan ng mga huhugasan ang mga maruruming kinainan.
Bahala na silang maghugas d'yan. Iba naman ang naka-assign para d'yan.
"Kuya Rey, 'yong mga tira-tirang pagkain, ha. Huwag mo kalilimutang itabi. Matutuwa na naman ang dogie ko d'yan," magiliw kong sabi kay kuya Rey na dishwasher.
Hindi pa naman siya matanda. 24 pa lang siya. Ahead lang siya ng three years sa akin.
"Oo, ikaw pa. Gusto mo pati ikaw itabi ko na rin eh," nakangiti niya namang sagot kasabay nang pagkindat niya sa akin.
"Tse!" Natawa na lang ako sa kapilyuhan niya. Sanay naman na ako sa estilo niyang 'yan.
"Beb, mall tayo mamaya, ha. May bibilhin lang ako," sabi ni Zyra habang kinukuha sa counter ang isang tray na order.
"Sige, beb," sagot ko naman habang kinukuha ko rin ang tray na order ng customer number 6.
7 pm naman ay out na kami.
"Helow, Chrisostomo!" bati ko kay Chris na bagong dating dahil panggabi ang schedule niya.
Pero nidedma niya ako. Hmnn... problema no'n?
Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa makapasok siya sa loob ng aming locker room.
"May regla ka na naman ba, boy?" pang-aasar sa kanya ni Bryan nang makasalubong niya. May dala itong isang pitcher na puno ng tubig at dalawang baso ngunit hindi rin siya nito pinansin.
Mahihina lang naman kaming mag-usap upang hindi kami makaagaw ng atensyon ng mga customer. Lalo na't paminsan-minsan ay may mga bad words itong mga kasama namin na hindi mapigilan ang mga pag-aasaran nila. At hindi magandang marinig ng mga customer iyon lalo na't kumakain sila.
Sumilip ako sa pambisig kong relo at pasado alas siete na ng gabi. Tapos na ang day shift namin at oras naman ng mga night shift.
"Hi!" magiliw kong bati kay Chris nang makasalubong ko siya sa pinto ng locker room. Lumabas na siya at ako naman ay papasok pa lamang sa loob.
Ngunit napahabol na lamang ako sa kanya ng tingin nang hindi niya pa rin ako pinansin. Para lamang akong hangin na hindi niya nakita sa kanyang harapan.
"Luh siya. Problema mo?" habol kong tanong sa kanya ngunit nagpatuloy lamang siya sa paglalakad niya at hindi man lang ako nilingon.
Napa-ismid na lamang ako sa hangin. "May regla nga."
Nagpatuloy na lamang ako sa pagpasok sa loob ng locker room ngunit namilog naman ang mga mata ko nang maabutan ko ang dalawang love birds na sina Andrei at Charisma na naglalaplapan sa isang sulok!
"Get a room!" sigaw ko sa kanila saka lamang sila huminto.
My God! My virgin eyes!
"Sama ka?" nakangising tanong sa akin ng manyakis na si Andrei. Si Charisma naman ay hindi maitago ang pamumula ng pisngi.
"Sira-ulo!" sigaw ko sa kanya.
"Sorry..." sabi naman ni Charisma na may alanganing ngiti.
Hindi ko na lamang sila pinansin at mabilis na akong lumapit sa locker ko upang kunin ang mga gamit ko at nang makapagpalit na rin ako ng damit.
Iisa lang ang locker room namin ngunit magkaiba naman ang banyo ng mga girls sa banyo ng mga boys. Kaya naman ang mga haliparot naming mga kasama ay nagagawa ang mga gusto nila. Walang respeto sa mga single na naririto!
Pero hindi ako kasali sa single, no! May Prinsipe ako at malapit na daw kaming magkita. Hihi.
Muling bumukas ang pinto ng locker room at pumasok si Zyra, ang bff ko at kasunod niya sa kanyang likuran si Bryan.
Noong umuwi kami ng Mindoro ay humugot sila ng reliever sa ibang branch upang ipalit sa amin dito para magkasama-sama kami sa vacation trip.
Si Andrei ang hindi nakasama dahil kinulang na sa tao. Mabuti nga at hindi siya sumama, eh 'di sana nagkaroon na naman sila ng sariling mundo nitong si Charisma.
"Tara na, beb," pagyaya na sa akin ni bff Zyra.
Three years na kaming magkasama nito dito sa branch. Nagkakahiwalay lang 'pag minsan nagre-reliev kami sa ibang branch kapag kinukulang din sila ng tao.
"Bihis lang ako, beb." Dumiretso na ako sa restroom upang mapalitan ang suot kong uniform.
"Saan ang gala niyo? Sama ako," dinig kong tanong ni Bryan mula sa labas.
"Naba-bading ka na ba, Bryan? Girls night out 'yon," dinig ko namang sagot ni Charisma.
"Gusto mong malaman kung anong totoo?" tanong naman ni Bryan. May nahihimigan akong evil plan sa utak niya.
"Eto, gusto mong malaman kung gaano ito kalakas?" bigla ko namang narinig ang maangas na boses ni Andrei.
Pustahan, 'yong kamao niya ang tinutukoy niya. Sa itinagal-tagal na rin naming magkakasama dito ay kabisado ko na rin ang mga likaw ng bituka ng mga kasama ko.
"Sige, subukan mo d'yan sa pader," sagot naman ni Bryan.
Nagmadali na ako sa pagbibihis at baka magpang-abot na naman sila. Sila lang naman ni Andrei at Bryan ang hindi nagkakasundo dito.
"Mas maganda siguro kung sa 'yo natin subukan para ramdam na ramdam mo," dinig ko namang sagot ni Andrie.
"Eh, kung pag-untugin ko kayong dalawa?!" bigla namang umalingawngaw ang malakas na boses ni Tiffany na siyang ikinatahimik ng buong locker room.
Mabuti naman at dumating na siya. Siya lang naman ang nakakapagpatahimik sa mga kasama namin sa tuwing nagkakaroon ng initan. Sila nila Chris ang magkakasama sa night shift. Si Floyd naman ay mukhang wala pa. Palagi na lang siyang late.
Nang matapos ako sa pagpapalit ay kaagad ko na ring binuksan ang pinto ng banyo at naabutan ko naman ang pagpasok ni Floyd sa pinto ng locker room.
"Lagot kayo. 'Wag niyo ngang ginagalit ang tigre. Mamaya pagkakagatin kayo niyan," sabi niya sa mga kasama naming ang mga mukha ay hindi na maipinta.
Si Tiffany naman ay nakatayo sa gitna nilang lahat habang naka-cross arm at matalim silang tinititigan.
"Helow, mylabs!" bati sa akin ni Floyd nang mapansin na niya ako bago nagpatuloy sa locker niya na nasa kaliwang bahagi ng silid.
"Hello! Hello, Tiff! Tara na, beb," saglit ko lang silang binati at kaagad ko na ring niyaya si Zyra na abala sa pagdotdot sa phone niya.
Tinanguan lang ako ni Tiffany bago nag-ayos na rin ng sarili niya.
"Let's go." Nauna nang tumayo si Andrei at hinila na palabas ng locker room si Charisma. Bakas sa mukha niya ang pagtitimpi.
"Init ng ulo ng gago," paghihimutok ni Bryan habang naghuhubad ng uniform niya.
"Paano naman hindi i-init ang ulo, eh pinagtitripan mo na naman si Kisma sa harap niya," pagdidipensa ko dahil iyon ang nakikita kong mali sa kanya.
Kahit naman siguro sinong lalaki ay i-init ang ulo kapag may ibang lalaking nang-trip sa girlfriend nila.
"Tss," angil niya lang sa sinabi ko.
Siguro talaga, may gusto ito kay Charisma, eh. Dinadaan niya lang sa pang-aasar.
Minabuti na naming umalis ni Zyra bago pa kami pagsaraduhan ng mall.