Chapter XV–1

1149 Words
"Marunong ka naman magbilyar, 'di ba?" pabulong na tanong ni Rain kay Koen. Nakasunod lang siya rito habang humahakbang palapit sa billiard table. Hindi man lang bumuka ang bibig ni Koen para sagutin ang kanyang tanong. Singbilis na ng naghahabulang kabayo ang pintig ng puso niya. Humugot siya ng malalim na hininga, at marahang ibinuga kasabay ng hangin ang pangamba sa loob-loob niya. Kailangan niyang magtiwala na hindi siya ipapahamak ni Koen. "Dito, Ran." Pinagpag ni Jhenvick ang bakanteng upuan malapit dito. Napansin niyang ang mga upuan lang sa grupo nina Casimir ang may foam. At mukhang pinasadya lang iyon. Sumulyap siya kay Koen, nagtatanong ang mga mata. Hinintay niya munang tumango ito saka siya umupo sa tabi ni Jhenvick. Sumunod naman sa kanya si Jace, kaya napapagitnaan na siya ng dalawa. Gumugulo sa kanya ang impormasyong magkakaibigan pala ang anim sa tinatawag na Seven Renowned Cold Blooded Princes ng UDS. Lihim siyang nagpalipat-lipat ng tingin sa dalawang lalaki, maging sa mga nakapalibot doon. Naglalaro sa kanyang isipan ang posibilidad na isa o dalawa sa mga narito ang kasama ni Casimir sa naganap na pagpaslang. "Mauna ka na. Pakitaan mo kami ng opening break shot mo." Boses ni Koen ang pumutol sa lagalag niyang diwa. Nakasandal na ito sa kalapit na billiard table na wala nang naglalaro.  Pumwesto agad si Casimir para basagin ang nagkukumpulang bola. Wala pang isang minuto, tumira na ito at umalingawngaw sa buong silid ang pagbabanggaan ng mga bolang may numero. Walang kainte-interes na pinanood ni Rain ang laro nina Koen at Casimir. Hindi niya alam kung sino ang lamang at kung sino ang dehado dahil wala roon ang buong atensiyon niya. Tinatantiya niya lang kung sino ang may magandang tira base sa mukha ng mga nanonood sa kanila. At mukhang patas lang ang dalawa. "Teka, bili lang ako ng maiinom," paalam ng katabi niyang si Jhenvick. Tumayo ito at dinukot ang pitaka mula sa bulsa. Pero hindi iyon ang nakakuha sa atensiyon ni Rain, kundi ang cellphone nito na nakasuksok sa back pocket. Nagpalinga-linga siya sa paligid, tahimik na inoobserbahan kung may makakapansin sa kanya kapag ginawa niya ang kanyang balak. "It's a tie." Rinig niyang sabi ni Jace malapit sa tainga niya. Nakahinga siya nang maluwag sa isiping hindi natalo si Koen. Nginitian niya nang pilit ang katabi. Bumalik si Jhenvick na may dalang isang case ng soft drinks. Nagbukas ito ng isa at nilagyan ng straw saka ibinigay sa kanya. "Salamat," tipid niyang tugon. "Wala man lang kapares?" reklamo ni Jace na kumuha rin ng isa para sa sarili at binuksan iyon gamit ang ngipin. "Nakikilibre ka lang, uy!" Inambaan ni Jhenvick ng suntok si Jace pero hindi naman nito itinuloy. "Dapat itinodo mo na," pang-aasar pa ng kanyang katabi. "Asa." Binalewala ito ni Jhenvick at muling umupo sa kabilang side niya. Napansin niyang kalahati na ang nakasilip na parte sa cellphone nito dahil sa pagkakaipit niyon sa bulsa. Sakto pa na sa gawi niya iyon nakalagay. Hinubad niya ang suot na black cap at ipinatong iyon sa kandungan niya. Nagkunwari siya na nanonood ng laro habang sumusipsip sa straw. Pasimple niyang ipinagkrus ang mga braso at gamit ang kanan niyang kamay, unti-unti niya iyong hinihila palabas. Itinataon niya iyon kapag may tumitira na para wala gaanong makapansin. Patapik-tapik lang sa braso ang ginagawa ni Rain sa tuwing matatapos na ang isang tira. Nakaapat na tira na nang tuluyan niyang mahugot mula sa bulsa ang cellphone ni Jace. Pasimple niya iyong ipinasok sa loob na parte ng sombrero saka niya inubos ang iniinom niyang soft drink. "CR lang ako," paalam niya sa dalawang katabi. Tumayo siya at ibinalik sa case ang bote na wala nang laman. Pagkatapos niyon, dire-deritso na si Rain sa CR. Isang beses pa siyang sumulyap sa gawi ni Jhenvick para alamin kung napansin nito na wala na sa bulsa nito ang cellphone. Pero agad ding nakahinga nang makitang nasa laro lang ang buong atensiyon nito. Isa-isa niyang binuksan ang mga pintuan sa loob ng CR na pambabae. Inaalam kung may iba pang naroon o wala na. Nang makasigurong siya lang ang nandoon, pumasok na siya sa pinakahuling cubicle. Lihim siyang nagdasal na sana walang lock ang hawak niyang cellphone habang pinipindot ang power butoon. Umilaw agad iyon pagkabukas niya. Abot-abot hanggang tainga ang ngiti ni Rainsleth. Mabilis niyang hinanap doon ang numero ni Casimir at kinopya iyon sa sariling cellphone. Medyo natagalan pa siya sa paghahanap dahil hindi naka-save ang number na hinahanap niya. Sa messaging app niya lang iyon nakita. "Ran? Are you still there?" Tinig iyon ni Jace mula sa labas ng ladies room. Nagsimula na namang magkarerahan ang pintig ng puso ni Rain. Iniisip niya kung paano ibabalik kay Jhenvick ang gadget nito nang hindi nito napapansing may kumuha niyon. Ipinahid niya muna iyon sa suot saka isinilid muli sa cap. Pinindot niya ang pang-flush ng kubeta para malaman ng nasa labas na katatapos niya lang. Paglabas ng cubicle, naghilamos na muna siya para maalis ang namumuong pawis sa noo. Mukha agad ni Jace ang bumungad sa kanya pagbukas ng pinto ng CR. "Tapos na ang laro," anunsiyo nito. Natulos siya sa kinatatayuan at nakagat ang sariling labi sa isiping natalo si Koen. May deal ang mga ito na maiiwan siya roon kapag natalo ang kakampi niya. "Don't worry... he won the game," sabi nito matapos siyang tuktukan sa noo. "Talaga!?" Nagtatatalon siya sa sobrang tuwa at yumakap kay Jace. "Thank you. Thank you. Thank you!" paulit-ulit niyang sambit habang nakatingala at nakalimutan nang bumitiw sa lalaki. "Tapos ka na?" agaw ni Koen sa atensiyon niya. Singbilis ng kidlat nang kumalas siya kay Jace. Nakamot niya ang gilid ng kilay kasabay ng pag-iinit ng pisngi. "U-uwi na tayo?" nag-aalinlangan niyang tanong. "Kung ayaw mo pang umuwi, eh, 'di sana sinabi mo kanina pa. Nang hindi ako napalaban." Tumalikod agad ito at naglakad. 'Bakit mo kasi pinanalo agad? Dapat tie na lang ulit,' reklamo niya sa isip. Hindi pa niya naibabalik ang gamit ni Jhenvick kaya kailangan niyang mag-isip ng ibang paraan. Mabibigat ang mga paang sumunod siya kay Koen. Nakasalubong niya pa si Jhenvick nang malapit na sila sa pwesto ng mga ito. "May nakita ka bang cellphone?" tanong agad nito sa kanya. "Ah... Wala, eh." Humigpit ang kapit ni Rain sa cap. Nababahala siyang baka mabitiwan iyon sa panginginig ng kamay niya. "Ikaw, Jace?" baling nito sa lalaking nakasunod pala sa kanya. "Nope. Burara ka kasi," sabi nito. Nauna na itong maglakad at bumalik agad sa inuupuan nito. Hindi na siya nakapagpaalam pa dahil hinila na siya ni Koen palabas. Nasundan niya na lang ng tingin si Jhenvick na papunta sa CR ng mga lalaki. Paglabas ng billiard hall, saktong may nakita siyang trash bin. Mabilis niyang binawi ang kamay mula kay Koen at patakbong tinungo ang basurahan at doon itinapin ang cellphone ni Jhenvick. Sorry, Jhenvick. Sana maisipan mong maghanap sa basurahan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD