Maagang nagising si Claudia para maghanda ng kanilang almusal. May pasok na rin siya sa araw na iyon. Kahit sabihing ang kasal nila ni Rico ay alam sa buong hacienda ay naging lihim naman iyon sa unibersidad na kanyang pinapasukan. Utos mismo iyon ng don na huwag palabasin sa hacienda ang balita ng kasalang naganap. Ang naganap sa hacienda ay sa hacienda lang.
Patapos na si Claudia na magluto ng pumasok sa may kusina si Rico.
"Bakit ang aga mo?"
"So?"
"Anong so? Tinatanong kita kung bakit ang aga mong gumising," ani Rico at naupo sa isang silya doon.
"May pasok ako ngayong araw. Kaya kung may gagawin ka ay magagawa mo. Ngunit wala kang madaratnang pagkain kung aalis ka. Mamayang hapon pa ang labas ko."
"Di ba sinabi ko sayong pag-ikinasal ka sa akin ay ako ang masusunod. Kaya hindi mo na kailangang pumasok. Mabubuhay naman kita di ba? Napakaswerte mo na kasi naging asawa mo ako. Kaya naman pwede ka ng magbuhay prinsesa."
Napatigil si Claudia sa ginagawa. Mabuti na lang at tapos na siyang magluto. Sinasandok na lang niya ang kanin sa rice cooker.
"Anong sabi mo?"
"Hindi ka naman siguro bingi. Sinabi kong hindi ka na papasok kasi hindi mo na iyon kailangan."
"Hindi ko rin kailangang sumunod sa utos mo. Bayad na ako sa tuition ko at hindi ko kailangang sumunod sayo. Asawa mo lang ako. Dahil sumunod ako sa don, wala akong ibang pagkakautang sayo. Sa katunayan, mag-asawa nga tayo at kasal ako sayo. Dahil sa tradisyon dito sa probinsya. Nagkaroon ng galahan kasi may kasalan. Pwede nating paghatian ang pera na iyon. Pero ibinigay ko ng lahat sayo. Ni wala akong kukunin kahit isang kusing. Quits na tayo sa utang ko sayo sa laptop ko na nabasag ko. Ngayon kumain ka na kung gusto mo. Nagluto ako, wife duty ika nga. Pero hindi mo ako katulong," may diing saad ni Claudia na itinuloy na ang ginagawa.
Matapos mailapag sa lamesa ang kanin ay binigyan niya ng pinggan si Rico, kutsara at tinidor. Nakahayin na rin naman ang ulam. Bacon, hotdog, tocino at itlog. Ipinaglagay na rin niya ng tubig sa baso si Rico at naipagtimpla na rin naman niya ng kape.
"Kung may reklamo ka pa sa agahan natin, magreklamo ka sa sarili mo. Asawa mo lang ako at iyan lang ang pagkaing mayroon sa ref. Nagluto na nga ako para may agahan ako at idinamay na kita. Kaya kung may nais kang ireklamo magtungo ka sa presinto. May pulis doon na naghihintay ng trabaho. Isa na ang reklamo mo," paismid na saad ni Claudia.
Gusto mang magsalita ni Rico ay hindi na niya nagawa pa. Parang nawalan na rin lang siya ng sasabihin. Bigla na lang siyang natameme sa mga sinasabi ni Claudia sa kanya.
Sa katunayan ay gusto lang niyang inisin si Sisima. Pero kung papatulan niya ang inis nito ngayon. Baka kung saan pa ngang presinto umabot ang iringan nilang dalawa. Ay iyon ang unang araw nila bilang mag-asawa. Kaya napailing na lang si Rico.
Tahimik na lang siyang kumain. Minsan ay nasusulyapan niya si Sisima na kumakain, ngunit mukhang hindi na nito pinapansin ang presensya niya.
Matapos nilang kumain ay si Claudia na rin ang nagdayag ng kanyang pinaglutuan at pinagkainan.
Alas syete na ng umaga ng makatapos gumayak si Claudia. Palabas na siya ng kwarto niya ng mapansin niya si Rico na nasa may salas. Nakaupo at nakatitig sa kanya.
"What?" inis niyang tanong. Hindi pa rin naman siya makapaniwala sa sinabi nitong huwag na siyang pumasok. Kaya naman nagpupuyos ang damdamin niya.
"Ihahatid na kita."
"Thanks but no thanks," aniya at nilampasan na ang asawa. Wala siyang planong magpahatid dito. Sino ang lalaking ito para paglaanan siya ng oras para ihatid? Napailing na lang si Claudia.
"But I insist," sagot ni Rico sa likuran niya.
Napapitlag na lang si Claudia ng hawakan ni Rico ang kamay niya. Ito na rin ang nagsarado ng pintuan ng bahay nila. Nagulat pa si Claudia ng mapansin niya may kotse sa harap ng kubo. Hindi lang basta iyon kotse kundi isang sports car.
Binuksan nito ang passenger seat. "Get in."
"Kanino yan?"
"Malamang sa akin. Gamit ko yan sa ibang bansa okay. Kaya wag ka ng matanong. Dapat nga ay mas mauuna pa ito sa akin. Kaya lang ganoon talaga dito, hindi maiiwasan ang ma ma-delay. Kadarating lang nito kagabi sabi ni lolo. Kaya naman matapos kumain kanina, kinuha ko na ng tawagan ako ni lolo."
"Ah, pero salamat na lang baka madumihan ko ang mamahalin mong sasakyan. Hindi naman ako ignorante para hindi malaman na milyon ang halaga niyan. Kaya salamat na lang."
Sa halip na sumakay ay mas pinili ni Claudia na maglakad na lang. Narinig pa niya ang pagtawag ni Rico sa pangalan niya ngunit hindi na lang niya pinansin.
Doon siya dumaan sa makitid na daan na tao lang ang kasya. Sa malawak na daan naman sa daan ng sasakyan doon naman dumaab si Rico.
Mas binilisan pa ni Claudia ang paglalakad ng nasa harap na siya ng bahay-hacienda.
"Sisima!" malakas na sigaw ni Rico na sa tingin ni Claudia ay narinig ng kayang inay na nasa kusina at ng kanyang itay na nagdidilig ng halaman. Hindi siya sigurado kung baka nagising ang don sa sigaw ng apo nito.
"Huwag mong hayaang maputol ang pising pinagkakaingatan ko Sisima. Hop in, ihahatid na kita."
Napasulyap naman si Claudia sa kanyang inay na nasa may kusina. Napailing ito. Sa tingin niya ay narinig ng kanyang inay ang sigaw ni Rico.
"Papasok na po ako inay," magalang niyang paalam at kumaway sa ina. Hindi na lang siya nagsalita at sumakay na rin sa bukas na passenger seat.
Tahimik lang sila habang binabagtas nila ang isa sa pinakamalaking unibersidad sa probinsya. Ang Quezon University. Nang basagin ni Rico ang kanilang katahimikan.
"Bakit ba ayaw po pang sumakay kanina?"
Napaismid naman si Claudia. "Malamang hindi naman ako sanay na may naghahatid sa akin. Isa pa ganitong kagarang sasakyan. Kaya ko namang maghintay ng tricycle doon sa may labasan. Kasi madami namang dumaraan doon. Higit sa lahat ayaw kong sumagot sa tanong kung sino ka at kaninong sasakyan itong naghatid sa akin."
"Bakit? Ikinakahiya mo ako?"
"Medyo," nakangiwing saad ni Claudia ng mabilis na nagpreno si Rico. "Ano ba? May balak ka bang patayin ako? Paano kung hindi ako nakatuon kaagad at tumama ang ulo ko sa dashboard ha!?" singhal ni Claudia habang naghahabol sa paghinga.
"Bakit ba kasi hindi ka nagsusuot ng seat belt?"
"So kasalanan ko? Bakit may seat belt ba pag sumasakay sa tricycle? Malamang sanay akong ganoon lang ang sinasakyan kaya hindi ko naisip na maglagay ng seat belt. Kung sinabi mo di baka nagawa ko!"
"I'm sorry," sinsero niyang saad. "Pero ikinakahiya mo talaga ako?"
"Alam ko namang..." naputol ang sasabihin ni Claudia at humugot siya ng paghinga. "...anong isasagot ko pag may nagtanong kung sino ka? Okay ganito na lang kasi iyon naman ang totoo. Apo ka ng Don Ponce at may pupuntahan ka na doon din naman ang daan kaya isinabay mo na ako. Magiging mabuting tao ka pa sa paningin ng iba. Kasi nagmagandang loob ka pa anak ng trabahador sa hacienda."
"Asawa mo ako Sisima?"
"Sino bang may sabing hindi Agapito? Pero ang don na rin ang nagsabi na hindi ilalabas ang ano mang kaganapan sa hacienda kahapon. Mas pabor iyon sa akin. Kay sa maging tampulan pa ako ng tukso. Mas tahimik ang buhay ko kung walang nakakaalam na may asawa na ako, at ikaw pa! Salamat na lang sa lahat."
Gusto man niyang sagutin ang sinabi ni Sisima sa kanya ay mas pinili na lang ni Rico ang manahimik. Sa pakiramdam niya ay wala rin namang mangyayari sa pakikipagtalo niya kay Sisima. Dahil sa bawat isang salita na lalabas sa kanya ay may sagot itong sampung salita sa bawat isang salita.
Ipinagpatuloy na lang ni Rico ang pagmamaneho. Natatanaw na nila ang unibersidad kung saan nag-aaral si Claudia ng ipahinto nito ang sasakyan.
"Bakit?"
"Malapit na naman, dito na lang ako. Kaya ko ng maglakad."
"Pero pwede naman kitang ihatid hanggang sa may gate."
"Kaya ko na, wag ka ng mag-abala pa." Akmang bubuksan ni Claudia ang pintuan ng pigilan siya ni Rico, at iabot sa kanya ang ilang libong pera.
"Ano yan?"
"Pera."
"Alam ko hindi ako tanga. Para saan?"
"Allowance mo."
"Salamat na lang. Kaya pa akong pag-aralin ng mga magulang ko at may baon pa ako."
"Asawa na kita Sisima kaya pananagutan na kita. Ayaw kong sabihan ako ng mga magulang mo na walang kwenta dahil lang diyan sa mga pagtanggi mo."
"Okay tatanggpin ko ang isang libo. Bilang kabayaran sa pagluluto ko kanina ng umagahan natin. Lahat ng perang tatanggapin ko sayo, tutumbasan ko ng serbisyo," mariing saad ni Claudia at mabilis na bumaba ng sasakyan.
Wala namang nakapansin sa kanya dahil lahat ng estudyante na dumaan ay nasa unahan na. Nakailang hakbang na si Claudia ng may pumara na isang tricycle sa kanyang tabi at bumaba ang sakay nito matapos makapagbayad.
"Sir Chris nasaan ang kotse mo?" masayang bati ni Claudia ng makita ang lalaki. Unang taon pa lang niya sa kolehiyo ay nakuha na ng propesor ang atensyon niya. Ngunit alam naman niya ang tama at mali. Kaya naman naging kontento na lang siya sa pakikipag-usap sa propesor pag may pagkakataon at mga nakaw tingin kung makikita niya ito ng hindi inaasahan. Tuluyan na niyang nakalimutan ang presensya ni Rico na ngayon ay nakatitig sa likuran niya at sa lalaking kausap niya.
"Nasa talyer, itinirik na naman ako. Mabuti na lang maagap akong pumasok ngayon kaya nadala ko pa sa talyer at hindi pa ako na late," nakangiting sagot pa ng lalaki.
"Ay bakit dito pa kayo bumaba, malapit na rin naman ang gate."
"Nakita kasi kita, sabay na tayo. Ilang buwan na rin naman at aalis ka na dito para mabuo ang pangarap mo. Kaya naman susulitin ko na rin ang mga araw na nakikita kita dito," nakangiting saad ni Christopher. Na ikinapula ng pisngi ni Claudia.
Christopher de Luna is an engineering professor. Halos kasabay siya ni Claudia na pumasok sa unibersidad na iyon. Siya bilang propesor. Habang si Claudia ay education students. Major in Primary Education. Gwapo, matalino, mabait at magalang. Ilan lang iyan sa katangian ni Chris kaya hinahangaan ito ni Claudia ng palihim.
Una silang nagkita ng dalaga sa may gate ng unibersidad ng muntik ng masabitan ng kotse ni Chris si Claudia. Wala namang masamang nangyari sa dalaga maliban lang sa gasgas na natamo nito ng dahil sa gulat ay bumagsak ito sa semento. Buhat sa araw na iyon ay naging malapit ang dalawa sa isa't isa. Pero nandoon ang limitasyon sa pagitan nila. Ang pagiging students, teacher lang at wala ng iba.
"Ay sus, nambola ka pa sir. Tara na nga at baka ma-late na ako sa first subject ko," nakangiting saad pa ni Claudia.
"Hindi iyon bola. Syempre pag umalis ka na dito mamimiss kita," nailing na lang si Claudia. Pero sa puso niya ay mamimiss din niya ang gwapo at mabait na propesor. Sa katunayan ay isa siya sa maraming tagahangga nito sa loob at labas ng unibersidad.
Sabay na silang naglakad ni Chris papasok sa loob ng unibersidad habang nagkukwentuhan. Nakasabay pa nila ang ilan pa ring estudyante na papasok na rin.
Samantala, hindi mapigilan ni Rico ang pagkuyom ng kanyang kamao dahil sa nakitang maaliwalas na mukha ni Claudia ng makita ang lalaking ngayon ay kasabay nito papasok sa unibersidad. Alam niyang hindi nalalayo sa kanya ang edad ng lalaki. Ngunit ang hindi niya malaman ay kung ano ang dahilan at naiinis siya sa ngiting ibinibigay ni Sisima sa ibang lalaki. Habang ang natatanggap niyang palagi sa asawa ay puros singhal.
"Anong kulam ang ginagawa mo sa akin Sisima?" inis niyang singhal bago mabilis na nag-u-turn ng wala namang makakasalubong na sasakyan at pinaharurot ang kotse niya, palayo sa lugar.