Dinig ko ang marahas na paghingang binitiwan ni Pablo, kaya hindi ko napigilan ang sariling lingunin ito. Magkatabi na kami ngayon dito sa kinauupuan ko kanina pa, at kaming dalawa lang ang laman ng simbahan ngayon. Malamang na wala nang pupunta dito ngayon para magsimba. Halos alam naman ng mga taga-Sta. Clemente na huling misa na kanina. Nakatingin lang si Pablo sa unahang bahagi ng simbahan. Hindi ko alam kung pinag-iisipan ba niya kung ano ang pag-uusapan namin ngayon, o kung ano ba ang sasabihin niya sa akin. Katulad ko, hindi ko rin alam kung ano ba ang unang mga salitang kailangan kong bitawan kay Pablo. Gusto kong sabihing pinapatawad ko na siya. Pero alam ko namang wala siyang kasalanan sa akin. Gusto ko siyang bigyang konsuwelo, pero pakiramdam ko, ni hawakan ang kamay niya ay